***
Chapter 10
Why?
Kasalukuyang panahon, araw ng Sabado.
“Good morning! Tuloy kayo, tuloy,” ang pagbati ni Martha nang dumating sa mansyon ng mga Evans sina Iris at Ellie.
Matagal na ring nagpupunta si Iris dito. Minsan, inaanyayahan siya ni Kyle kapag weekends at kapag may libreng oras. Isinama niya si Ellie dahil na rin sa pakiusap ni Kyle.
Pinatuloy sila sa isang parte ng bahay na tinatawag na “visitor’s area” at doon ay naghintay sila ng ilang minuto. Umupo sila pareho. Makikita ang ilang litratong nasa visitor’s area. Kung mapapansin, kuha iyon ni Kyle kasama si Martha at iba pang kasambahay, mga bagong litrato.
“Wala man lang siyang kuha kasama yung mommy niya o yung kuya niya,” sabi ni Iris nang siya ay tumayo at tiningnan isa-isa ang mga litrato.
Sa ilalim ng isang glass table, kapansin-pansin ang isang lumang photo album. Naisip ni Iris na marahil naglalaman iyon ng mga litrato ni Kyle kasama ang mommy at kuya niya. Kukunin na sana niya iyon nang biglang dumating si Kyle.
“Hoy bruha! Nakikialam ka na naman ng mga gamit dito!” paninita ni Kyle, may halong biro.
Napatingin si Iris sa kanya. “Patingin lang e!” aniya.
“‘Wag mo nang tingnan iyan dahil wala kang makikitang fafalicious diyan. Puro baby pictures lang iyan ng kapatid ko.”
Nang marinig iyon, tumindi lalo ang pagnanasa ni Iris na makita ang mga litrato. “Talaga? Patingin na!” pamimilit niya.
“‘Wag mong gagalawin iyan! Mangangati yung kamay mo, sige!” pananakot ni Kyle.
Sinunod na lang ni Iris ang sinabi niya. Si Ellie naman ang sunod niyang napansin.
“Hi!” bati ni Kyle.
“Hello,” tugon naman ng isa.
“Ano nga pala uli ang name mo?” tanong niya.
“Eliza, Ellie na lang,” sagot ni Ellie.
“Ako nga pala si Kyle Evans. You, anong surname mo?”
“San Luis,” tugon muli ni Ellie.
“A. Ang pretty mo naman. Alam mo, kung naging lalaki lang ako, nagkacrush na siguro ako sa iyo,” seryoso si Kyle.
Natawa si Iris at nakuha pang sumabad sa usapan, “Uy sis! Hindi bagay!”
“Puwede ba, sis, ‘di ikaw ang kausap ko. Quiet ka muna riyan,” saway niya kay Iris. Tinabihan niya si Ellie. “Future sister ka pala ng sis ko. Ang swerte naman ng sis ko, ang pretty ng magiging future sister niya.”
Nagpasalamat si Ellie sa papuring iyon.
“Mamaya ha? Picture-picture tayo,” pakiusap ni Kyle. “Para naman may maidagdag akong pictures dito sa visitor’s area o kaya naman sa kuwarto ko na lang ilalagay.”
Umalis na sila sa visitor’s area at nagtungo sa living room. Ipinagtimpla sila ng kasambahay ng mango juice at binigyan rin ng cookies.
“Sorry nga pala sa abala ha?” paaumanhin ni Kyle. “Wala kasi akong magawa rito sa bahay e! Balak ko sanang mamasyal ngayon. Wala ba kayong gagawin?”
“Wala naman,” sagot ng dalawa.
“E bakit hindi na lang kaya yung mommy mo ang isama mo sa pamamasyal?” mungkahi ni Iris.
“Hindi ko mayaya e! Mula nang umuwi siya rito, oo nag-uusap kami pero lagi rin siyang may kausap sa phone, business siguro. Minsan naman, daddy ko ang kausap. Kung hindi ganun, nasa terrace at nag-iisa, umiinom ng wine. Yun lang yata ang gusto niya e!”
Kitang-kita ang kalungkutan sa mga mata ni Kyle. Naging dahilan iyon para tumahimik ang lahat. Alam ni Iris na sabik na sabik si Kyle sa mommy niya pero sa kinukuwento niya ngayon, halatang ‘di pa sila nagkakaroon ng oras sa isa’t isa.
May naisip bigla si Kyle. “A, alam ko na! Punta na lang tayo sa swimming pool. Doon na lang tayo magkuwentuhan. Kung gusto ninyo, maligo na rin tayo.”
Inaalala nina Iris at Ellie na wala silang dalang extrang damit o bathing suit man lang.
“Oh don’t you worry! Pahihiramin ko kayo ng bathing suit ni mommy, yung hindi niya ginagamit. May naitatabi pa naman siya.”
Nagbihis na sina Iris at Ellie, maging si Kyle ay naka-ready na. Hiyang-hiya talaga si Ellie sa suot niyang bathing suit. Komportable naman si Iris sa suot niya at naisip niyang napaka sexy siguro ng mommy ni Kyle. Nagsuot din sila ng robe. Natawa si Iris nang makitang nakasuot ng trunks si Kyle. Akala niya kasi, magsusuot din ito ng bathing suit. Ini-imagine nga niyang naka two piece pa ang kaibigan niya. Wala na silang inaksayang oras at nagtungo na sila sa swimming pool.
Tunog ng tubig ang narinig nila nang makalapit na sila sa sa swimming pool. Akala ni Kyle madadatnan niyang bakante ang swimming pool pero ginagamit pala iyon ng kuya niya. Inayos na muna niya ang lugar na uupuan nila.
“Siya siguro yung… kuya ni Kyle,” isip ni Iris nang makita ang lalaking nasa swimming pool. Sinundan niya ng tingin ang lalaki. Gusto niyang malaman kung ano ang hitsura nito pero maling anggulo ang lagi niyang nakikita.
Umahon na si Hans nang mapansing may ibang tao sa paligid. Kinuha niya ang tuwalya niya at pinunasan ang sarili. Ang akala ni Iris pagkakataon niya na upang makita nang malapitan ang mukha ni Hans pero dumaan itong nakatakip ang mukha. Sayang! Sa ibang direksyon na lang siya tumingin.
Sinundan rin ng tingin ni Ellie si Hans at nang tiyempong lumingon ito, labis siyang nagulat. Guniguni lang kaya niya ang nakita niya? Naabala siya nang tawagin siya nina Iris at Kyle para umupo. Sumunod na siya; naligo sila at nagkuwentuhan.
Hindi mapakali si Ellie. Sino ba talaga ang lalaking iyon at bakit kamukha niya si…?
“Kapatid mo ba yung naliligo sa pool kanina?” bigla niyang naisingit sa usapan, kay Kyle niya ibinato ang tanong.
“Yup! Kuya ko yun, Hans ang pangalan.”
“Ilang taon na siya?”
“Twenty-one na yata.”
Nagtaka si Iris kung bakit bigla na lang nagtanong ng ganoon si Ellie.
“Imposible naman sigurong interesado siya kay Hans,” isip niya. “Hay! Ano ba itong iniisip ko?”
Aaminin niyang maski siya ay ganoon din ang gustong itanong kanina pero nahihiya siya lalo na pag naiisip niyang naka-text niya si Hans noong nakaraan. Hindi niya nga alam kung papansinin pa siya nito pag nalamang siya pala si Iris na naka-text niya. Buti at nasagot na rin ang katanungan niya.
Alas singko y medya na ng hapon. Napagpasyahan ni Kyle na pauwiin na sina Iris at Ellie. Nakapagkuha na rin sila ng mga litrato. Ang problema nga lang, hindi na sila nakapamasyal. Nagmungkahi si Iris na sa ibang araw na lang sila mamasyal. Biglang naalala ni Kyle na may ibibigay pala siya kay Iris. Umakyat muna ang dalawa para magpunta sa silid ni Kyle. Nagpaiwan na rin naman kasi si Ellie. Ang sabi niya’y maghihintay na lang siya sa visitor’s area. Nang maupo na siya, bigla siyang napatingin sa ilalim ng glass table. Matagal din siyang tumitig doon bago tumayo at natuksong kunin ang photo album na hindi pinagalaw ni Kyle kay Iris.
Tama si Kyle, mga baby pictures nga ito ni Hans. Tiningnan ni Ellie isa-isa ang mga litrato. Nang buklatin niya na ang pangalawa sa huling pahina ng photo album, nakita ni Ellie ang isang napakagandang babae. Karga-karga nito si Hans. Tatlong taong gulang lang si Hans noon, iyon kasi ang nakalagay sa caption. Marahil ito ang mommy nina Hans at Kyle. Ngumiti siya. Kitang-kita kasi sa paraan ng pagkarga nito ang pagmamahal ng isang ina.
Nang buklatin na ni Ellie ang huling pahina, may nakaipit na recent photo ni Hans kasama pa rin ang mommy niya. Nanginig ang buong katawan ni Ellie. Ano ba itong nakikita niya? Kanina, akala niya guniguni lang yun ngunit ang litratong ito mismo ang nagsasabing totoo ang nakita niya. Isinara niya na ang photo album at ibinalik sa kinalalagyan. Umalis siya sa visitor’s area at tuluyan nang lumabas ng bahay.
Pagkababa nina Kyle at Iris, hindi nila nakita si Ellie sa visitor’s area. Wala rin siya sa paligid. Sinabihan sila ni Martha na lumabas na si Ellie. Nakita nila ito malapit sa gate.
“Uuwi na ba tayo?” tanong ni Ellie nang lapitan siya ni Iris. Tumango si Iris at umalis na nga sila sa mansyon ng mga Evans. Hindi nila nalimutang magpasalamat kay Kyle dahil sa pag-iimbita nito.
Naglalakad ang dalawa. Lumubog na ang araw. Nakatahimik lang si Ellie, bagay na ipinagtaka ni Iris. Inalok na lang niya ito ng Hershey’s Kisses na bigay ni Kyle.
“Gusto mo ba, Ellie?” tanong niya.
Huminto bigla si Ellie. “Iris, puwede ba kitang yakapin?”
Nagulat si Iris, “Ha? A e, rito sa gitna ng kalye?”
Niyakap bigla ni Ellie si Iris. Nagsimula na siyang umiyak. Hindi alam ni Iris kung ano nga ba ang nangyayari sa future sister niya. Hindi na siya nagtanong at dinamayan na lang si Ellie. Maya-maya, sinabi ni Ellie ang,
“Namimiss ko si Benjo. Namimiss ko siya,” at umiyak pa siya lalo.
Nalungkot si Iris. Bakit ganoon na lang ang ikinilos ni Ellie? Bakit namiss niya si Benjo? Bakit sa ganitong oras? Wala siyang ideya.
Sinubukan niyang patahanin si Ellie, “Tahan na, Ellie. Tahan na.”
“Peep peep!” binusinahan na sila ng isang kotse.
Hinila ni Iris si Ellie, “Ellie, tumabi tayo, nakaharang tayo sa daan. Baka masagasaan pa tayo.” Dinala niya ito sa isang tabi.
Imbis na umandar ang sasakyan ay huminto lang ito sa harap nila at mula rito, bumaba si Neri kasama ang kasintahang si Reed.
No comments:
Post a Comment