No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (22)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...





Kabanata 1

***
Kabanata 22

     Naging mainit ang usapin tungkol sa pagkakapareha nina Carl at Arlene sa kutilyon. Lalo tuloy nabigyang tibay ang bulung-bulungang nagkabati na nga ang dalawa. Sumagi rin sa isip kong 'di kaya’t kaya ayaw sabihin ni Carl kung sino ang kapareha niya sa Prom ay dahil si Arlene iyon? Habang pinagmamasdan ko silang nagsasayaw roon sa gitna ng malawak na bulwagan ng hotel kung saan ginanap ang JS Prom namin, parang mas gusto ko pang ako na lang ang nasa lugar ni Arlene na nagsasayaw na hawak ang kamay ni Carl. Sandali, bakit ba may gwantes siyang suot? Napaisip ako hanggang sa natawa na lang ako.

      “Bakit, Denise?” tanong sa akin ni Marvin nang mapansin niya ang pagtawa ko.
      “Nagtataka lang kasi ako kung bakit naka-gwantes si Carl,” sagot ko. “Mukhang ayaw na ayaw niya talagang hawakan yung kamay ni Arlene,” naiiling kong sinabi.

     Nang matapos ang tugtog ay agad na nagtungo si Carl sa lamesa namin, hinila ang bakanteng upuan sa tabi ko at sumalampak dito.

      “Asar!” sabi niya tapos ay tinanggal ang mga suot na gwantes.
      “Bati na ba kayo ni Arlene?” tanong ni Angel sa kanya.
      “Asa ka pa! Hindi no!” pagtanggi ni Carl.
      “Cool ka lang, Carl,” sabi ni Gelo sa kanya. “‘Wag mong sirain ang gabing ito. Ang ganda pa naman ng katabi mo.”

     Napatingin si Carl sa akin nang sabihin iyon ni Gelo. Bigla naman akong nailang nang tingnan niya ako. Nakita ko ring nabaling ang mga mata niya kay Marvin na katabi ko sa kanan sa bilog na hapag-kainan.

     Nagsimula ang palatuntunan para sa gabing iyon. Nag-imbita rin ng ilang banda para tumugtog, matapos ay kainan. Aliw na aliw ang mga estudyanteng unang beses makaranas ng JS Prom (kami iyon) samantalang sa pananaw ng mga nasa ika-apat na taon na, parang isang normal na pagtitipon na lamang ito.

     Nang matapos ang palatuntunan, ang pinaka kinaabangang parte na ang sumunod, ang sayawan. Nagtilian ang ilang estudyante nang patayin ang ilaw na nagbibigay liwanag sa buong paligid. Kasabay niyon ay ang pagtayo ng mga kalalakihan para hanapin ang kapareha nila sa sayaw. Tumayo si Carl at umalis. Sino kaya ang kasayaw ng loko?

      “Denise,” pagtawag sa akin ni Marvin. Naalala kong siya pala ang first dance ko, at niyaya akong sumayaw. Nagpunta kami sa gitna kasama ang ilang estudyanteng nagsasayawan. Kinakabahan ako. Ito kasi ang unang beses na makakasayaw ko siya. Hinawakan niya ang baywang ko na siyang ikinagulat ko. Natawa siya sa inasal ko.

      “Huwag kang kabahan. Sasayaw lang naman tayo,” sabi niya. “Humawak ka sa balikat ko,” utos niya. Sinunod ko iyon.

     Dahan-dahan kong inilapat ang mga kamay ko sa balikat niya at nang maging komportable ako, nagtuloy-tuloy na ang pagsayaw namin. Mabagal ang bawat pagkilos namin. Sa sobrang hiya ay hindi ko nagawang tumingin sa mga mata niya.

      “Ang ganda mo, Denise,” sabi niya sa akin.
      “Alam ko,” natatawa kong sinabi.
      “Ay parang humahangin yata ha, binabawi ko na!” pagbibiro niya.
      “Ang yabang mo naman!” sabi ko at nagpatuloy ang aming tawanan.

     Nagulat kami nang may nag-flash na ilaw galing sa isang camera. Sina Angel at Gelo pala iyon, kinuhanan kaming dalawa.

      “Ang cute ninyong tingnan!” nagagalak na sinabi ni Angel.

     Natapos ang tugtog at iba naman ang isinalang na kanta. Si Gelo naman ang nakasayaw ko. Si Marvin naman ay si Angel. Nagpalit lang kami ng kapareha. Nagkuhanan muli ng litrato. Nang matapos ay isinalang uli ang ibang kanta. Iba na naman ang aking kapareha. Pati yung sinasabing heartthrob na hindi ko gaanong kilala, si Neo Villar, ay isinayaw ako. Noong sandali lang na iyon ko siya nakausap at nakilala ko na rin siya kahit sa maiksing panahon lamang.

      “Picture!” narinig ko sa kaibigan kong si Angel. Kinuhanan niya na naman ako ng litrato. Sa pagkakataong ito ay kasama naman ako ni Neo. Nang matapos ang kanta ay nagpasalamat si Neo sa akin at sinabing napakaganda ko ngayong gabi. Naks! Hinalikan niya pa ang kamay ko. Kilig na kilig naman itong si Angel. “Ang ganda talaga ng kaibigan ko!” sabi niya nang makalayo na si Neo.
      “Angel, tumigil ka nga,” saway ko.
      “Ano ka ba, si Neo Villar yun!” bulong niya sa akin. “Hindi ka ba natutuwa at nakasayaw mo siya? Kiniss niya pa yung kamay mo! Nakakakilig!” dagdag niya pa.
               
     Niyaya ko munang umupo si Angel. Paano kasi ay napagod na rin ako sa kasasayaw, sa kapapalit ng kapareha. Tanda ko ring nakalagay sa invitation na wala na akong  magiging kasayaw sa susunod na tatlong kanta. Pagkakataon na iyon para makapagpahinga kami at magkuwentuhan.

     Napakaganda ng tagpong iyon para sa lahat. Pinagmasdan ko ang mga estudyanteng nagsasayaw sa gitna ng bulwagan. Masaya silang lahat habang kasayaw ang kanilang mga kapareha. Nakita ko ang mga reaksyon nila sapagkat may kakaunting liwanag na sa paligid at nasanay na rin ang mga mata ko sa dilim. Dalawa lang kami ni Angel dito sa lamesa; nagmamasid kami sa kanila. Tatlong kanta pa ang hihintayin ko bago ko makasayaw si Carl. Siya ang last dance ko. Ano kaya ang pakiramdam ng makasayaw siya? Sana ‘wag akong kabahan para hindi masira ang masayang gabi na ito. Hay! Ano ba itong naiisip ko? Nakalimutan kong nandiyan nga pala si Marvin, umaaligid lang sa paligid.

     Naabala ako sa pagtitig ko sa mga estudyante nang kalabitin ako ni Angel. “Bakit?” ang naitanong ko sa kanya.
               
      “Nasaan ba si Carl?” tanong niya.
      “Hindi ko alam e!” sagot ko naman. Kahit saan kasi ako tumingin hindi ko siya makita.
      “Sa tingin mo ba isasayaw niya si Arlene?” tanong muli ni Angel sa akin.
      “Hindi ko alam,” na naman ang naging sagot ko.
      “Pero magkasayaw sila kanina sa kutilyon, 'di ba?” patuloy ni Angel. “Alam mo, Denise, mas maganda sana kung magkakabati silang dalawa. Matagal na rin kasi yung alitan nila. Sana magkabati na sila ngayong gabi.”

     Hindi ko rin masabi kung magkakabati nga ba sina Carl at Arlene. Hindi ko rin alam kung sang-ayon ba akong magkabati sila. Pero iyon naman ang nais ng lahat e, ang magkabati silang dalawa. Marahil ay may mas malalim na dahilan kung bakit gusto ni Angel na maging maayos ang lahat sa pagitan nina Carl at Arlene.

      “Malay natin, 'di ba?” sabi ko kay Angel. “'Di natin alam, baka nga sa huli silang dalawa pa ang magkatuluyan,” pabiro kong sinabi sabay tawa.

     Napataas ng kaliwang kilay si Angel nang sabihin ko iyon. “Alam mo, Denise, huwag kang magbibiro ng ganyan kasi baka pag nagkatotoo ‘yan, sa bandang huli ay hindi mo matanggap.”

     Tumawa ako. “Haha! Oo na! Sorry.”

      “E maiba nga ako, sino ba kina Carl at Marvin ang gusto mo talaga?” pag-iintriga niya pa.

     Bago ko pa masagot ang tanong niya ay dumating si Marvin. “Narinig ko yata yung pangalan ko,” sabi niya.

     Naghanap ng lusot si Angel, “A wala iyon! Tinatanong ko kasi kay Denise kung nasaan ka na kaya.”

      “Ayan na siya sa harap mo,” sabi ko naman para magmukhang totoo yung pagpapalusot niya. Kinindatan ako ni Angel.

     Umupo si Marvin sa tabi ko at dumaing, “Grabe yung isang babaeng nakasayaw ko. Kung makadikit sa akin parang tuko. Ayaw na humiwalay e!”

     Natawa si Angel sa sinabi ni Marvin samantalang ako ay nagbigay lamang ng ngiti.

      “Haha! Sino naman iyon?” tanong ni Angel.
      “Si Rhea,” napapailing na sabi ni Marvin.
      “Hay naku!” reaksyon ni Angel sabay irap. “Sabi sa iyo, 'di ba, huwag kang magdididikit doon sa babaeng iyon?”
      “Hindi naman puwedeng tanggihan pag niyaya kang sumayaw, 'di ba?” balik na tanong nung isa.
      “At talagang siya pa ang nagyaya sa iyo?” 'Di makapaniwala si Angel. “Malandi talaga!”
      “O Angel, tama na iyan,” saway ko. “Huwag mong hayaang masira ang gabi mo.” Tumigil na si Angel sa pagmamaktol niya.

     Isinalang na ang pangalawa sa sumunod na kanta. Bumalik na si Gelo sa lamesa namin. Si Carl wala pa rin. Mukhang mabenta si loko. Nagkuwentuhan lang kami habang hinihintay na matapos ang mga kanta, tapos ay senti moments. Isinalang na ang pangalawa sa huling kanta. Niyaya ako ni Marvin sumayaw tutal e wala naman akong kapareha at siya ay gayundin.

      “Sige na! Sumayaw na kayo roon!” pamimilit pa ni Gelo. “Ayieee ayieee!” gumanun pa siya. Hiyang-hiya tuloy ako.
      “Kukuhanan ko kayo ng picture!” naman ang linya ni Angel.

     Wala na akong nagawa. Tumayo na lang ako sa kinauupuan at naglakad papunta sa bulwagan kasama ni Marvin. Bumuntot naman yung dalawa sa amin. Sumayaw kami, isang click ng camera lang, tapos ay umalis na sina Angel at Gelo para raw hindi nila kami maistorbo.

     Napakatahimik ng gabi. Karamihan ay sumasayaw sa saliw ng musikang pinatutugtog. Para akong na-hi-hypnotized sa malambing na kantang aking naririnig. Mabagal ang aming pagkilos at pagsayaw. Nakapanghihina hanggang sa napapikit ako.

      “Carl, nasaan ka na kaya?” tanong ng isip ko. Bakit ba siya pa rin ang naiisip ko kahit na si Marvin ang kasama ko? Sana huling kanta na ang patugtugin. Sana...

     Nang makabalik ako sa reyalidad ay nakita ko na lamang ang sarili ko na nasa mga bisig ni Marvin. Hindi na ako nakahawak sa balikat niya, nakababa lang ang mga kamay ko samantalang siya ay nakayakap sa akin. Bumitiw ako sa pagkakayakap niya, dahan-dahan.

      “Tapos na ba?” tanong ko. Natapos na pala ang kanta nang hindi ko namamalayan.
      “Katatapos lang,” tugon niya. Ngumiti siya. “Si Kuya Carl ang last dance mo?” tanong niya sa akin.
      “A... oo e,” sagot ko naman.
      “Sige, babalik na ako sa puwesto natin,” sabi niya at umalis na siya.

     Para naman akong ewan na nakatayo roon, parang nawawalang bata na naghahanap ng isang taong 'di makita-kita. Naglakad-lakad ako, patingin-tingin sa mga estudyante, nagbabakasakaling ang makikita ko ay si Carl. Pinagtugtog na yung huling kanta. Wala pa rin si Carl, 'di ko pa siya kasama.

     Sa 'di kalayuan ay may narinig akong nagtilian. Pumunta ako roon, mabilis. Ewan ko kung bakit dahil hindi ko naman talaga ugali ang makiusyoso. Nang makarating na sa nasabing lugar ay nasaksihan ko ang isang pangyayaring hindi ko inaasahang makikita ko. Naroon si Carl kasama si Arlene!

     Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib dahil nakita ng dalawang mata ko na magkalapat ang kanilang mga labi. Nanatili akong nakatayo sa puwesto ko, parang tuod. Hindi ako makagalaw.

      “Takbo, Denise! Alis!” sabi ng isip ko pero hindi ko magawang kumilos hanggang sa makita ako ni Carl doon sa puwestong iyon.
      “Denise!” sambit niya.

     Nakaramdam ako ng hanging dumampi sa aking balat at nahanap ko ang lakas ko. Nakaalis na rin ako sa puwesto ko. Tumakbo ako pabalik sa lamesa namin.

      “Denise!” pagtawag sa akin ni Carl. Hinabol niya ako.

     Hinawi ko ang bawat estudyanteng nadaanan ko hanggang sa nakita ko ang lamesa namin. Sa tulong ng kakaunting liwanag sa paligid ay nagawa kong makabalik. Nakatayo si Marvin at napatingin siya sa akin nang makitang papalapit ako sa kanila. Nang marating ko na ang puwesto namin ay parang narating ko na rin ang finish line. Napayakap ako kay Marvin samantalang si Carl naman ay tawag pa rin nang tawag sa pangalan ko.

      “O bakit?” gulat na naitanong ni Marvin. Humihikbi na ako. Narating na rin ni Carl ang puwesto namin. Mukhang alam na ni Marvin kung ba’t ako umiiyak.
      “Denise, magpapaliwanag ako,” sabi ni Carl pero naging bingi na ako.
      “Siya na naman ba?” tanong ni Marvin. Itinabi niya ako papunta kay Angel. “Pinaiyak mo na naman si Denise?” tanong niya sa kapatid niya. Hindi siya pinansin ni Carl.
      “Denise, magpapaliwanag ako,” sabing muli ni Carl sa akin. Gusto niyang lumapit pero humarang si Marvin.

     Nakapagtaas ng boses si Carl, “Huwag na huwag kang makikialam dito, hindi ka kasali!”

     Hindi hinayaan ni Marvin na makalapit si Carl sa akin. Uminit na ang ulo ni Carl. Nainis na rin si Marvin. Parehong naging mainit ang dugo ng magkapatid. Nagkaroon ng gulo sapagkat nagsuntukan ang kambal. Inawat sila ng mga kalalakihang nakapaligid sa amin pero ang mga iyon ay pinagsusuntok din ni Carl. Noong gabing iyon ay marami talagang nasaktan.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly