***
Chapter 15
Rejection
Isang biyaya ang biglang pagbuhos ng malakas na ulan para sa mga uhaw sa tubig. Nagsasaya ang tigang na lupa, mga halaman at mga bulaklak. Pati mga magkasintahan ay nakasukob sa iisang payong tanda ng proteksyon at pagmamahal.
Kasalukuyang naglalakad nang mag-isa si Mildred sa daan. Basang-basa siya ng ulan pero ‘di niya ito inintindi. Mayroon siyang isang destinasyon: ang condo unit na tinitirhan ni Arthur.
“Ding dong! Ding dong!” tunog ng door bell sa condo unit sa ganitong oras ng gabi.
Nakailang pindot din si Mildred bago siya pagbuksan ni Arthur na pupungas-pungas pa nang buksan ang pinto. Tulog pa ang diwa niya pero nang makita niya si Mildred, nagising bigla ang natutulog niyang isip. Kinusot niya ang kanyang mga mata sa pag-aakalang namamalik-mata lang siya pero kahit na anong kusot niya, si Mildred talaga ang nasa harap niya.
“Puwede bang dito muna ako ngayong gabi?” nanginginig ang tinig ni Mildred. Pinapasok siya ni Arthur.
Nataranta si Arthur nang makitang ganoon ang ayos ni Mildred. Basang-basa ito ng ulan, may putik sa paa at punong-puno ng putik ang suot na puting uniporme.
“Pasensya na kung magulo itong bahay. Tuwing weekends lang kasi ako nakakapag linis at hindi naman ako nag e-expect ng bisita,” paliwanag ni Arthur.
Pinatapak niya si Mildred sa basahan tapos ay kumuha siya ng tuwalya at bath robe. Pinapasok niya ang dalaga sa banyo at habang nag-aayos si Mildred sa loob, nagtimpla siya ng tasa ng mainit na tsokolate.
Lumabas na si Mildred sa banyo. Inabot ni Arthur ang isang suklay. “Suklayan mo ang buhok mo,” wika nito. Kinuha ni Mildred ang suklay. “Doon ka na muna,” tinuro ni Arthur ang hapag-kainan. Nakita ni Mildred ang tasa sa lamesa. “Inumin mo yun para ma-relax ka.”
Lumapit si Mildred sa hapag-kainan, umupo at hinigop dahan-dahan ang mainit na tsokolate. Pumunta naman si Arthur sa banyo. Hinanda niya ang planggana at sabon. Nilagyan niya ng tubig ang planggana at kinanaw ang sabon sa tubig. Matapos ay ibinabad niya rito ang maputik na uniporme ni Mildred. Nang lumabas na si Arthur, nakita niyang nakatayo si Mildred mga ilang dangkal ang layo mula sa pintuan ng banyo. Magulo pa rin ang buhok nito. Natigilan si Arthur nang mapansing nakatingin ang dalaga sa kanya at mukhang mangiyak-ngiyak.
Hindi sanay si Arthur sa ganito. “Ano bang problema, Mildred?” tanong niya. Nagulat siya nang bigla siyang niyakap ni Mildred at sinabi,
“Mahalin mo ako.”
Bumilis ang tibok ng puso ni Arthur. Kasabay nito ay ang pagkulog at pagkidlat.
“Mahalin mo ako,” ulit ni Mildred. Yumakap pa siya nang mas mahigpit.
Nakita ang kalungkutan sa mga mata ni Arthur. Maya-maya’y hinawakan niya si Mildred sa braso at inalis niya ang dalaga mula sa pagkakayakap sa kanya.
“Iniwan ka ba ng boyfriend mo kaya ka nagkakaganyan?” tanong ni Arthur. Madilim ang mukha niya. “Iniwan ka ba niya ha?” Nakatahimik lang si Mildred. “Ano? Sumagot ka!” sigaw ni Arthur.
“Oo!” humihikbing sagot ni Mildred. “Iniwan niya ako. Iniwan niya ako…” Tinakpan niya ng dalawang kamay ang kanyang mukha. “Iniwan niya ako… Mahal na mahal ko siya…”
Hinimas ni Arthur ang buhok ni Mildred, “Tama na. Sige na, matulog ka na.”
Tumigil na ang ulan noong umagang nagising sina Arthur at Mildred. Kasabay nito ay ang pagtigil ng pag-iyak ni Mildred pero siguradong magpapatuloy pa ito sa mga susunod na gabi. Sa kama natulog si Mildred kagabi samantalang si Arthur ay sa sofa na lang humiga.
“Hindi ka ba papasok ngayon?” tanong ni Mildred. Anong oras na kasi ay hindi pa nakahanda sa pagpasok si Arthur.
“Ayaw sana kitang iwan kasi mukhang ‘di ka pa ok,” sagot ni Arthur.
“Pumasok ka na, ok na ako.”
“Hmm. Late na rin ako sa first class ko. Pero sige, mag-aayos na ako tapos pag maaga akong nakarating dun, tatambay na lang muna ako. E ikaw?”
“Uuwi ako sa amin. Papasok ako after lunch.”
“Uuwi ka ng naka bath robe?” sarkastikong tanong ni Arthur.
Naalala bigla ni Mildred na wala siyang dalang ibang damit at nakababad pa rin ang uniporme niya. Tumayo si Arthur at may kinuhang plastic. Ibinigay niya iyon kay Mildred. Nang tingnan ni Mildred kung ano ang nasa loob, nakita niyang mga damit pambabae pala.
“Pasensya ka na, galing lang sa ukay-ukay yan. Pagtiyagaan mo na muna. Yun na lang kasi ang bukas na establishment sa lugar na ito kagabi,” paumanhin ni Arthur.
Hindi alam ni Mildred kung ano ang sasabihin. “Salamat,” ang lumabas na lang sa bibig niya. Hinanda na ni Arthur ang sarili para sa pagpasok sa Unibersidad.
Nang maihanda na ni Arthur ang sarili at handa nang umalis, binilinan niya si Mildred,
“Kung mamaya ka pa aalis, heto ang susi ng condo, ibibigay ko muna sa iyo.” Ibinigay niya ang susi. “Pag alis mo, pag naisara mo na ang bahay, ilagay mo yung susi dun sa display na flower vase sa labas. Huwag mo na munang kunin yung uniform mo. Ako na lang ang maglalaba. Ibibigay ko yun sa’yo pag natuyo na.” Pinakinggang mabuti ni Mildred ang mga bilin niya. Nagpaalam na siya, “O paano Mildred, aalis na ako.”
Lumapit si Arthur sa pinto. Binuksan niya ito at lalabas na siya pero pinigilan siya ni Mildred.
“Sandali lang, Arthur!” tawag ni Mildred. Tumigil si Arthur at napatingin sa kanya. “Yung sinabi ko kagabi,” paalala niya.
At naalala ni Arthur ang sinabi ni Mildred,
“Mahalin mo ako.”
“Mahalin mo ako…”
“Sorry, Mildred,” paumanhin ni Arthur. “But I already love someone else.” Lumabas na siya at isinara ang pinto.
Nalungkot si Mildred. Pakiramdam niya ay nasa madilim at malamig na silid siya, nag-iisa. Iniwan na siya ni Rico, may mahal na itong iba; gayundin pala si Arthur. Hindi niya na alam kung kanino siya lalapit. Lalapitan niya na lang siguro uli si Rico. Kakausapin niya ang binata.
Nang pumasok na si Mildred sa Unibersidad matapos ang tanghalian, sinubukan niyang kausapin si Rico. Sa wishing well sila nagpunta para walang ibang makarinig sa kanila. Nagmakaawa siya sa pinsan niya.
Niyakap niya ito —pilit na niyakap, “Please Rico, huwag mo akong iwan. Mahal na mahal kita! Huwag mo naman akong ipagpalit sa iba.”
Tinaboy siya ni Rico, “Bumitiw ka! Tumigil ka na! Magpinsan tayo, mali ‘tong ginagawa natin!”
“Papayag ako kahit dalawa kaming girlfriend mo, kahit mas may time ka sa kanya! ‘Wag mo lang akong iwan. Please,” pagmamakaawa ni Mildred. Pilit niyang hinalikan si Rico pero hinawi siya nito.
“Ano ka ba, Mildred? Magpinsan tayo! Gumising ka na! Hindi ka ba makaintindi? Hindi na kita gusto! Hindi na kita mahal! Si Bernadette na ang mahal ko kaya kalimutan mo na ang lahat! Layuan mo na ako! Huwag na huwag mo na akong lalapitan kahit kailan!” Manhid na talaga si Rico. Iniwan niya si Mildred na umiiyak.
Hindi alam ng dalawa na nasundan pala sila at may nakikinig sa usapan nila.
“Narinig mo ba ang lahat?” tanong ni Rich.
“Oo,” isang malungkot na tinig. “Narinig ko. Si Rico pala yung boyfriend ni Mildred. Siya pala yung tinutukoy niya kagabi na nang-iwan sa kanya. Kaya pala siya lumapit sa akin.”
Kinagabihan. Pagod na pagod na umuwi si Arthur ng bahay. Hindi niya sukat akalain na may relasyon pala sina Rico at Mildred. Sinubukan niya na ring tanggalin sa isip niya kung ano ang narinig niya. Wala na rin naman siyang nararamdaman para kay Mildred. Tapos na rin ang papel niyang parang asong sunod nang sunod sa dalaga.
Gaya ng ibinilin niya, iniwan ni Mildred ang susi sa vase. Nang buksan niya ang pinto ng condo at nang makapasok siya, nakita niyang maayos ang mga gamit niya. Nilinis ni Mildred ang bahay. Tiningnan niya ang banyo, wala na doon ang uniporme ni Mildred. Nag-iwan din ito ng note na nakita ni Arthur sa kuwarto.
Salamat sa pag-aasikaso mo sa akin kagabi.
Kalimutan mo na yung sinabi ko, magulo lang ang isip ko.
Nakakahiya yun. Wala na akong mukhang maihaharap sa iyo.
Wag mo na lang akong pansinin pag nakita mo ako.
Hindi rin naman kita kakausapin.
At kinabukasan, nang magkita sina Arthur at Mildred sa Unibersidad, hindi sila nagpansinan. Maging sina Mildred at Rico, iniiwasan na nila ang isa’t-isa. Nang matapos ang taon, nagtapos na sina Rich at Arthur sa mga kursong kinuha nila. Isang taon pa ang ginugol nina Mildred at Rico sa Unibersidad. Kasama na rin ni Rico si Bernadette na nasa unang taon sa kolehiyo noong mga panahong yun. Nasasaktan pa rin si Mildred lalo na pag nakikita niyang masaya ang dalawa. Hinayaan niya na ang mga ito. Masaya na si Rico, ayaw niya nang manggulo.
Wala ibang lalaking minahal si Mildred kundi si Rico lang at wala ring ibang lalaking nagmahal sa kanya. May ilang humahanga pero hanggang doon lang yun. Nakukuntento na lang ang mga lalaki na tingnan ang maganda niyang mukha at hubog ng katawan. Malungkot ang naging buhay niya sa Unibersidad hanggang sa nagtapos siya ng kolehiyo at ‘di nagdalawang isip na umalis ng bansa. Wala nang nabalitaan kay Mildred simula noon.
Nakatuluyan naman ni Rich si Margarita Clemente. Ang kay Rico ay si Bernadette IƱigo at si Arthur naman, ang napangasawa ay si Leda Mateo. Nagkaroon sila ng kani-kaniyang buhay at maayos na trabaho. Tumira ang magkakaibigan sa magkakahiwalay na lugar. Nang lumipas pa ang ilang taon, naganap ang isang aksidente at si Mildred ang sinasabing naging dahilan ng kasawian nina Rich, Rico at Bernadette.
***
No comments:
Post a Comment