Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...
***
Kabanata 20
Sinundan ako ni Carl nang magpunta ako sa hardin ng paaralan. Doon kami nag-usap. Iyon lang kasi ang lugar na alam kong payapa at wala ni isa mang magtatangkang manggambala. Kung may mga tao mang naririto ngayon sa hardin, gaya na lamang ni Rhea na nagtago pala noong nandirito kami rati, wala na akong pakialam. Basta mag-uusap kami ni Carl, bahala na ang mga tsismoso riyan kung ano ang gusto nilang pag-usapan tungkol sa amin.
Pumuwesto ako sa isang tabi at napabuntong-hininga. Naalala ko na naman kasi yung narinig ko kanina. “Hindi ko siya mahal! Hindi ko mahal si Denise!!!” na ipinagsigawan pa talaga niya sa harap ng mga kaibigan namin. Alam kong may ibang estudyanteng nakarinig nun at isa na rin ako sa mga nakarinig. Ang sakit!
“Denise narinig mo ba yung sinabi ko kanina?” tanong ni Carl sa akin. Bakas sa mukha niya ang 'di maipaliwanag na takot, pangamba, taranta —halu-halong emosyong hindi maunawaan.
Tahimik akong tumango, malungkot ang mukha. Wala na talaga. Wala nang pag-asang mahalin pa ako ni Carl at hindi na rin ako aasa. Tama na! Tama na ang ilang buwang pagpapakatanga. Nalinlang ako ng mga ngiti niya, ng mga pang-aasar niya, at malinaw na sa aking kahit kailan ay hindi maaalis sa puso niya si Dara, ang babaeng minahal niya nang lubos.
“Denise, kung ano man ang narinig mo kanina, hindi yun iyon. Hindi iyon ang gusto kong sabihin. Kung ano ang nasa isip mo ngayon, mali iyon, Denise.” Parang gusto niya akong kumbinsihin na mali ang narinig ko.
“At ano ang tama, Cal?” siyang tanong ko.
Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko at niyugyog ako nang bahagya, “Denise, makinig ka sa akin.”
Nakatingin lang ako sa ibaba. “Ano na naman ang maririnig ko, Carl? Kasinungalingan na naman ba?”
“Basta makinig ka muna sa akin,” tila may pagmamakaawa sa tinig niya. “Denise, sorry,” ang narinig kong sinabi niya. Bumitiw siya sa pagkakahawak sa balikat ko at ibinaba niya ang hawak papunta sa kamay ko. “Sorry sa lahat ng masasamang bagay na nasabi at nagawa ko sa iyo.” Nakayuko lang ako habang pinakikinggan ang mga sinasabi niya. “Sorry kung naging duwag ako. Sorry kung nahalikan kita. Sorry kung naging tanga ako, kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin masabi sa iyo ang tunay na nararamdaman ko!” Bumitiw siya sa kamay ko at sunod na humawak sa baba ko. Iniangat niya ang mukha ko at nakita ko ang mukha niya... ang gwapo niyang mukha... na pakiwari ko ba’y kinukumbinsi niya akong maniwala sa mga sinasabi niya. Hanggang sa sabihin niya ang...
“Mahal kita, Denise. Mahal na mahal kita. Yun ang totoo. Maniwala ka sa akin...”
Nagulat ako sa narinig ko. Iba rin ang ekspresyon ng mukha niya. Napaka amo kung tingnan. Ibang-iba sa maangas na mukhang alam ko. “Totoo na ba talaga ito?” tanong ko sa sarili ko.
Ipinaliwanag niya ang lahat. Kung bakit niya nasabing hindi niya ako mahal, taliwas sa narinig ko kanina. Gusto kong magalit pero wala na akong ibang nagawa kundi ang umiyak. Binabawi ko ang mga sinabi ko. Sulit din siguro ang ilang buwang pagpapakatanga ko.
“Nakakainis ka, Carl! Nakakainis ka!” sabi ko habang pinapalo siya.
“Alam ko. Matagal na nga, 'di ba?” At niyakap niya (na naman) ako at hinayaan ko (uli) siya. Napakagaan ng pakiramdam ko at sa pagkakataong ito, alam kong ang yakap na iyon ay para sa akin. Para lang sa akin...
Matapos ang pangyayaring iyon ay nagkaayos na kami ni Carl. Ibinalita namin iyon sa barkada. Masaya sina Angel at Gelo pero si Marvin? Walang imik. Hindi ba siya masaya sa pagkakaayos namin ng kapatid niya? Nang tanungin ko naman siya kung bakit ganoon ang ikinikilos niya, sinabi niyang, “Baka kasi saktan ka na naman niya.” Nakapagtataka dahil ang alam ko’y nagkabati na silang magkapatid. Iyon kasi ang sinabi niya sa akin.
“Sina Carl at Marvin nagkabati na?” tanong ni Gelo sa akin nang maibukas ko sa kanya iyon, mukhang may pagdududa.
“Bakit, hindi ba?” siya namang tanong ko.
“Hindi! Ano ka ba?” sagot ni Gelo. “Kung maaari nga ay ayaw nang makausap ni Carl si Marvin kasi naiinis siya sa kapatid niya. E alam mo naman kami, gustuhin man naming walang kampihan e magkakaroon at magkakaroon din. Sa sitwasyon ngayon, kaibigan namin si Carl syempre, matagal na at kaibigan din namin si Marvin. Pareho naman namin silang kinakausap ni Angel. Pero... mas palagay kasi ang loob namin kay Carl,” dagdag niya.
“Dahil ba sa akin kaya sila nagkakaganyan?” tanong ko kay Gelo. Nakaka guilty kasi.
“Hindi naman talaga totally dahil sa iyo, Denise. Ever since naman may alitan na ‘yang dalawang iyan. Problema sa pamilya, sa kaibigan, sa babae. Hindi naman mawawala yun. Pero... ngayon na yata ang pinakamalalang away nila,” sabi ni Gelo. Nalungkot tuloy ako.
Isang hapon nang mag-uwian ay magkakasama kaming lumabas ng campus. Pansin kong nakabantay mabuti at laging nakadikit si Marvin sa akin. Si Carl naman ay nakatingin lang sa amin. Ngitian ko siya. Umismid naman ang loko.
Magkakasama kaming sumakay sa isang jeep. Sa loob ay hindi nagpapansinan ang magkapatid. Tama nga si Gelo, hindi pa nagkakabati ang dalawa. Ibang-iba ito sa sinabi ni Marvin sa akin nang nagkita kami at noong nagpanggap siya bilang si Carl. Nang makarating na sa lugar na binababaan ko, nagpaalam na ako sa kanila at sinabihan silang mag-ingat. Bumaba rin si Marvin at sinamahan ako. Ihahatid niya ako sa amin. 'Di pa ako nakalalayo ay narinig ko si Carl na sumigaw ng “I love you, Denise! Ingat ka riyan sa kasama mo!” Nang lingunin ko siya e nakita kong nakadungaw siya sa bintana at inaawat nina Angel at Gelo. Nagkibit-balikat lang naman si Marvin. Nawala na sa paningin namin ang jeep at nagtuloy-tuloy na kami ni Marvin sa paglalakad. Nang nakarating na kami sa bahay, bago pa ako pumasok ay sinabihan ko si Marvin.
“Marvin, hindi mo naman kailangang araw-araw akong ihatid sa amin. Kahit every Friday na lang.”
“Pinagbabawalan mo na ba akong gawin ang mga gusto kong gawin?” tanong niya. Natahimik ako.
“A... hindi naman sa ganoon,” nasabi ko nang mahanap ko ang dila ko. “Ang sa akin lang naman kasi e baka napapagod ka na.”
“Hindi ako nakararamdam ng pagod pag kasama kita,” ang isinagot niya sa akin. Ngumiti ako nang bahagya. “Puwede bang hayaan mo kong gawin ito? Ginagawa ko ito kasi mahal kita.”
Wala na akong ibang nasabi hanggang sa nagpaalam na siya, “Sige na, pumasok ka na sa loob, Denise. Baka mahamugan ka pa.”
“Mag-iingat ka,” bilin ko sa kanya. Pumasok na ako sa loob. Sinilip ko siya sa bintana at nakitang naglalakad siya palayo.
Kinabukasan nang pumasok ako sa paaralan, napansin kong nagkakagulo ang mga kaklase namin. Nagbubulungan pa sila. Nang umupo ako, nilapitan ako ng isang malapit na kaibigan at kaklaseng babae, at may itinanong sa akin.
“Alam mo na ba ang latest chika?”
“Latest chika?” balik na tanong ko.
“Bati na raw sina Arlene at Carl ha!” sabi niyang talagang ikinagulat ko.
“T-t-talaga? Kailan pa?”
“Kahapon lang daw, Denise.”
“Paano sila nagkabati?”
“Hmm. Ewan ko nga rin. Iyon kasi ang ibinabalita ni Rhea sa buong campus e!”
Natawa ako, “Hehe! Sa buong campus pa talaga ha?”
Maya-maya’y pumasok si Carl sa loob ng classroom at lalong umingay ang paligid. Daig niya pa ang isang celebrity sa dami ng gustong magtanong sa kanya kung paano sila nagkabati ni Arlene.
“Tigilan ninyo nga ako!” sigaw niya sa mga kaklase namin. Napatingin siya sa akin nang nadaanan niya ako at dumeretso na sa paglalakad papunta sa upuan niya. Matapos ibaba ang mga gamit ay lumabas muli siya ng classroom.
Tumayo naman ako sa kinauupuan at sinundan siya para makibalita kung ano ang nangyari. “Carl! Carl!” pagtawag ko sa kanya. Huminto siya.
“Mga baliw sila!” sabi ni Carl. “Ikinakalat pa ng bwisit na Rhea na iyan na nagkabati na kami ni Arlene.”
“Bakit, hindi ba?” tanong ko.
“Hindi no!” todo tanggi pa si loko. “Aksidente lang ang nangyari kahapon. Malay ko bang siya pala yung tatanga-tangang babaeng niligtas ko na muntik nang masagasaan ng kotse. Nakatalikod kasi siya. Hindi ko nakita ang mukha niya. Ako lang ang pinakamalapit na taong puwedeng tumulong sa kanya. Kung alam ko lang na siya iyon edi sana hinayaan ko na lang siyang masagasaan para mamatay na rin siya! Ni hindi ko nga alam kung ano ang ginagawa niya sa lugar na iyon.”
“Ang point dun Carl e niligtas mo si Arlene. Sa iyo niya utang ang buhay niya,” sabi ko kay Carl.
“Wala akong pakialam! Leche! Sana pala hinayaan ko na lang siyang masagasaan!” inis na inis si Carl.
May ilang araw ring hindi pumasok si Arlene. Isang linggo ring naging bakante ang upuan niya. Ang sabi ni Rhea ay nagpapagaling sa ospital. May trauma pa raw. Sa loob ng isang linggo ring iyon ay walang patid si Gelo sa pagdalaw kay Arlene. Concern daw siya sa “kaibigan” niya. Ang iba naman naming kaklase ay nagpatuloy sa pang-aasar kay Carl. Wala naman akong ibang naririnig kay Carl kundi, “Mga bwisit kayo!”
Sa ngayon, may ilang buwan na ring nanliligaw sa akin si Marvin. Hindi pa rin ako makapagdesisyon kung sasagutin ko ba siya o hindi. Hindi pa kasi sumagi sa isip ko na magkaroon ng kasintahan at nahahati rin ang pag-ibig ko sa kanilang dalawa ni Carl. Sabi naman niya’y maghihintay siya. Hindi ko lang alam kung hanggang kailan at kung gaano katagal kaya nga’t kinausap ko na rin siya.
“Gusto lang sana kitang tapatin, Marvin,” sabi ko sa kanya. “Wala pa kasi talaga sa isip kong magkaroon ng boyfriend.”
“Alam ko naman iyon kaya nga sabi ko sa iyo, 'di ba, maghihintay ako?”
“Paano pag napagod ka na sa kahihintay?”
“Hanggang kailan mo ba ako paghihintayin?” tanong niya. “Isang taon pa ba? Kaya ko yun! Limang taon? Kaya pa rin!”
“Sampung taon?” tanong ko. Napalunok siya. “Labinlimang taon,” sagot ko. Hindi pa ako sigurado sa nasabi ko.
“Bakit napakatagal naman?” malungkot niyang naitanong.
“Hindi ko rin alam.” Binabaan ko nang kaunti ang bilang. “Labing-dalawang taon. Kung kaya mo akong hintayin gawin mo, kung hindi naman ay mas mabuti nang hanggang maaga pa ay maghanap ka na lang ng iba.”
Napaisip ako nang mga sandaling iyon. Hindi kaya nagiging malupit na ako kay Marvin sa sinabi kong iyon?
“Mas nanaisin ko na nga lang na maghintay ng ganoon katagal kaysa maghanap ng iba,” ang sinabi ni Marvin sa akin. “Mas nanaisin kong tumanda nang mag-isa kaysa naman may kasama ako pero hindi naman ikaw.”
Naantig ako sa mga sinabi niya. Malaki nga talaga siguro ang pagmamahal sa akin ng lalaking ito.
“Ingatan mong mabuti iyang binigay kong bracelet,” pakiusap niya sa akin.
Tumango ako, “Oo, gagawin ko. Maaga pa siguro para sabihin ito pero sa Alumni Homecoming natin makikita mo pang suot ko ito.”
Nakita ko ang magandang ngiti sa mga labi niya, ang ngiting inibig ko.
***
No comments:
Post a Comment