***
Chapter 12
A Tale to Tell
Isang bagong umaga, araw ng Lunes, sa Unibersidad.
Tuwang-tuwa si Iris nang ipakita ni Kyle sa kanya ang mga kuha nilang litrato. Binigyan siya ni Kyle ng kopya at may kopya rin para kay Ellie.
“Magkano ang babayaran ko?” tanong ni Iris.
“Marami kang pera ngayon, sis? Kumupit ka siguro sa tindahan ninyo,” hinala ni Kyle.
“Sira! Hindi sa ganun. Ang mahal kaya magpa-print ng pictures.”
“Duh! ‘Wag ka ngang KJ! Libre yan no!”
Tumunog na ang bell. Nagsitayuan na ang mga estudyanteng nakatambay, kabilang na sina Iris at Kyle. Naglakad na sila papunta sa silid-aralan. Nang makarating, nakita nilang kaunti pa lang ang tao sa loob. Marahil yung iba gusto lang magpa-late at yung iba naman, naisipang ‘wag munang pumasok dahil Lunes na naman. Nakakatamad talaga pag ganoon. Yun bang galing ka sa gimik kagabi at inabot ka na ng madaling araw tapos kinaumagahan papasok ka. Hindi naman sa pinariringgan si Iris dito pero iyon na rin siguro ang naiisip niya ngayon. At sino nga kaya si soulm8?
Matapos ang pangalawang klase, pinakiusapan ni Iris si Kyle na samahan siya papunta sa wishing well. Vacant period naman nila kaya hindi siguro masama kung sasaglit sila roon. Minungkahi ni Kyle na isama rin nila si Ellie para maibigay niya nang maaga ang mga litrato. Baka kasi hindi na sila magkita mamaya. Gusto niyang siya mismo ang mag-abot kay Ellie. Pumayag si Iris pero ang tanong: Nasaan kaya si Ellie ngayon?
“Nasa Music Hall ako,” sagot ni Ellie nang tawagan siya ni Iris. ‘Di kasi siya nagrereply.
“A, nasa Music Hall ka? Hmm. Pupunta sana kami ni Kyle sa wishing well e! At naisipan naming isama ka. Pero nasa Music Hall ka pala ngayon. Ok lang naman kung hindi ka makakapunta pero mas maganda kung makakasama ka.”
Nag-isip si Ellie, “Hmm. O sige, hintayin ninyo ako. Magpapaalam muna ako kay Instructor Perez.”
“Wow! Thanks, Ellie! Hintayin ka na lang namin ni Kyle sa gate ha!” ibinaba na ni Iris ang tawag.
Ikinatuwa ni Kyle ang balitang sasama si Ellie. Hihintayin na lang nila ang pagdating nito. Dumating na rin naman si Ellie matapos ang ilang minuto. Ipinakita ni Kyle ang mga kuhang litrato at ibinigay kay Ellie ang kopyang para sa kanya. Pinasalamatan siya ni Ellie.
Naglakad na sila palabas at tinahak ang mahabang daanan. Makikita na naman ang mga poste at ang mga punong pagkarami-rami. Nang matunton na nila ang tamang pasukan, hindi sila nagdalawang-isip na sumuong sa maraming puno. Marahil ay hindi napansin nina Iris at Kyle, at tanging si Ellie lang ang nakakaalam na nalagpasan na nila ang punong may nakaukit na “Mildred and Rico.” Pinangungunahan ni Kyle ang paglalakad na sinusundan naman ni Iris at panghuli si Ellie. Naisip ni Ellie na mukhang matagal nang nagpupunta si Kyle rito dahil kabisadong-kabisado nito ang daan. Pangatlong taon niya na ito sa Unibersidad pero hindi man lang sumagi sa isip niya na may ganitong lugar pala rito.
Natagpuan na nila ang wishing well. Malilim ang lugar para sa isang mainit na araw at maliwanag naman ito para sa isang madilim na gabi. Lumapit sila sa balon; si Ellie sa kaliwa, si Kyle sa kanan at si Iris sa gitna. Dumukot si Iris ng piso sa kanyang bulsa.
“Anong hihilingin mo, sis?” tanong ni Kyle sa kanya.
Pinatahimik niya ito, “Sshhh!” Pumikit na siya. Nakatingin pareho sina Kyle at Ellie sa kanya. Nang buksan niya ang kanyang mga mata, inihulog niya ang piso sa balon.
“Anong hiniling mo, sis?” tanong muli ni Kyle.
Dinilaan siya ni Iris, “Beh! Mamaya ko na sasabihin.”
Tumawa si Kyle. Sayang dahil hindi niya nauto si Iris na sabihin kung ano ba ang hiniling niya.
“Kala mo mauuto mo ako?” tanong ni Iris. “Ikaw na rin mismo ang nagsabing pag binunyag mo ang hiling mo sa ibang tao sa tapat ng balon o sa lugar na ito, may posibilidad na hindi magkatotoo.”
“Talaga bang naniniwala kayo sa wishing well na ito?” mukhang may pagdududa si Ellie. Natahimik sina Kyle at Iris. “Kung hindi mo alam, Kyle, nagpunta rin kami rito ni Iris matagal na pero sa tingin ko, ‘di naman natupad yung hiling ko.”
Ngumiti si Kyle. “Just have faith in it, Ellie. Maniwala ka gaya ng paniniwala namin ni Iris,” paninindigan niya. At may ibinahagi siyang kuwento. Ibinahagi niya ang nalalaman niya tungkol sa wishing well.
“Alam mo, may kilala akong babaeng nagpupunta rito years ago. Dito kasi siya nag-aral dati. Siya ang nagsabi sa akin last year kung saan makikita ang wishing well. Nalaman niya kasing dito sa University ako mag-aaral.
“Sinabi niyang kung sasabihin ko sa iba ang tungkol sa wishing well, siguraduhin kong sa mga taong mapagkakatiwalaan. Kaunti lang kasi ang nakakaalam na may wishing well dito at sinasabing sagrado ang wishing well na ito. Sinabi ko kay Iris ang tungkol sa wishing well at sinabi naman pala ni Iris sa iyo.
“Tested and proven na ito. Tinupad ng wishing well ang kahilingan ng taong sinasabi ko pero binawi rin ayon sa kanya.”
“Binawi?” pagtataka ni Ellie.
Tumango si Kyle, “Oo. Yun ang sinabi niya.” At nagpatuloy pa siya, “Minsan niyang hiniling sa wishing well na mahalin siya ng lalaking matagal niya nang iniibig. Natupad iyon pero binawi rin. Iniwan siya ng lalaking mahal niya at ipinagpalit sa iba.
“Nagalit siya sa sarili niya. Pero ‘di siya nagalit sa lalaking nang-iwan sa kanya dahil mahal na mahal niya ito. Nagalit siya sa wishing well at tinanong niya kung bakit pa nito tinupad ang hiling niya kung babawiin din pala. At naisip niya… Naisip niya kung bakit binawi ng wishing well ang hiling niya.”
“Bakit?” tanong ni Ellie.
Sinagot ni Iris ang tanong, “Gaya ng sinabi ko kanina, pag binunyag mo ang hiling mo sa ibang tao sa tapat ng balon o sa lugar na ito, may posibilidad na hindi magkatotoo.”
“At kung magkakatotoo man, babawiin din yun ng wishing well,” dagdag ni Kyle. “At yun ang pagkakamaling nagawa niya.”
Bakit naniwala kaagad si Kyle sa sinabi ng babaeng tinutukoy niya? Puwedeng sabihin ng kahit sino na tumutupad nga ng mga kahilingan ang wishing well. Puwedeng mag-imbento lang ng kuwento at maaaring gawa-gawa lang ang kuwento para masabing totoo ang kapangyarihan nito. Maaaring wala talaga itong kakayahang tuparin o bawiin ang mga kahilingan. Mabilis kasing maniwala ang mga Pilipino sa makalumang paniniwala o sabi-sabi.
Pero naisip ni Ellie na hindi sina Kyle at Iris yung tipong maniniwala sa sabi-sabi. Sa kabilang banda, maaari ring totoo ang kuwento. Kahit na gustong maniwala ni Ellie, nag-aalinlangan siya. Hindi siguro basta lamang sa kakilala ni Kyle nagmula ang kuwento dahil pinaniwalaan niya ito agad. Marahil ay nanggaling ito sa taong mas malalim ang pagkakilala ni Kyle. Kung malalaman niya lang sana kung kanino nanggaling ang kuwento.
Umalis na sila sa lugar na iyon. Nilingon ni Ellie ang punong may ukit na “Mildred and Rico” nang madaanan nila ito.
“Sino… sino sina Mildred at Rico?” tanong niya sa sarili.
Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang pagnanais niyang malaman kung sino ba ang mga taong iyon at alam niyang pamilyar ang pangalang Rico. Kahit na maraming may ganoong pangalan, nararamdaman niyang natatangi ang taong nagmamay-ari ng pangalang iyon. Alam niyang narinig niya na ang pangalang iyon o nabasa kung saan. Pakiramdam niya’y may misteryo sa mga pangalang nakaukit sa punong iyon at aalamin niya kung ano ba ang misteryong iyon.
Kinagabihan, sa mansyon ng mga Evans. Naghahapunan na sina Kyle, Hans at ang ina nilang si Millie. Masasarap ang mga pagkaing nakahanda at mas masasarapan sana kumain si Millie kung ititigil nina Kyle at Hans ang ginagawa nilang pagte-text habang sumusubo ng pagkain.
“Will you put your cell phones down? We are having our dinner,” saway niya sa dalawang anak pero hindi nakinig ang mga ito.
Pinag-uusapan nina Kyle at Iris kung ano ba ang hiniling ng ikalawa. Magdamag na kinulit ni Kyle ang kaibigan na sabihin iyon pero ang sabi ni Iris, itetext na lang daw niya. Kasalukuyan namang katext din ni Hans si Iris, nag-uusap sila tungkol sa kung anu-anong bagay.
Ibinaba ni Kyle ang kutsara at binasa nang malakas ang natanggap na text message galing kay Iris, “Hiniling ko na sana ay malaman ko kung sino ba yung nagte-text sa akin kahapon, si soulm8.”
Nasamid si Hans at natigil sa pagkain. Ikinuha siya ng kasambahay ng tubig at nang matapos uminom, napatingin siya kay Kyle. Sakto namang tumingin si Kyle sa kanya at nagtama ang kanilang mga tingin.
“So, ikaw pala yun,” pagtatanto ni Kyle.
“What are you saying?”
“Ikaw yung nagte-text kay Iris. Ikaw si soulm8. Bumili ka ng bagong phone at SIM noong Satuday. Kinuha mo ang number niya kahapon at tinext mo siya. Nagte-text ka pa rin sa kanya hanggang ngayon at hula ko, siya yung katext mo ngayon.”
“Huh? I don’t know what you’re talking about,” pag mamaang-maangan ni Hans.
“Ito pa, pinakialaman mo ang cell phone ko nung natulog ka sa kuwarto ko at nakipag-text ka kay Iris. Akala mo hindi ko alam? Hindi mo nabura sa sent messages ang mga text mo. F.Y.I, ibinigay ni Iris yung number ni soulm8 at nag-match yun sa ibinigay ni mommy na new number mo.”
Wala nang lusot si Hans. Ibinigay pala ni Millie ang number niya sa kapatid niya. “Stop it!” sigaw niya. Umamin na rin siyang siya si soulm8. Pero hindi siya puwedeng mabisto ni Iris kaya nakiusap siya kay Kyle, “Brother-slash-sister, please don’t tell Iris that I’m soulm8.” may halo pang lambing.
“Ok, ‘di ko sasabihin sa kanya pero sa isang kondisyon.”
“Then tell me now! Just don’t tell her that I’m soulm8."
Buo na ang desisyon ni Kyle at handa nang ibigay ang kondisyon. “Magsasalita ka ng Tagalog sa loob at labas ng bahay na ito. Pag sumira ka sa usapan, tsugi ka,” pananakot ni Kyle. Tumayo na siya dahil tapos na siyang maghapunan at umalis na tumatawa.
Nanghina si Hans sa kondisyon ng kapatid. Sa buong buhay niya, hindi siya pinayagang magsalita ni Millie ng Tagalog. Pinagbawalan siya nito. Pero nakakaintindi naman siya ng wika natin.
“He’s unfair…” bulong niya. Tinanong niya si Millie, “Is that okay with you, mom?”
“Starting tomorrow, you can speak Tagalog if you want,” sagot ni Millie.
Isa itong malaking hamon para kay Hans pero gagawin niya ang lahat huwag lang sabihin ni Kyle kay Iris ang sikreto niya. Kakayanin niya ito at simula bukas, magsasalita na siya ng Tagalog. Sana lang hindi pumilipit ang dila niya.
***
No comments:
Post a Comment