No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (23)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



Kabanata 1

***
Kabanata 23

     'Di ko akalaing malaking gulo pala ang ihahatid ng pag-iyak ko noong gabi ng JS Prom. Nakita kong galit na galit si Carl at si Marvin naman, alam kong ang intensyon niya ay ang ipagtanggol ako laban kay Carl na nanakit sa akin —sa damdamin ko. Hindi ko lang kasi matanggap na ganoon. Yun bang hinanap ko si Carl para sa last dance, para magsayaw kami, tapos ay makikita kong kasama siya ni Arlene... at... ayoko nang maalala kung ano ang ginawa nila. Kaya pala nawala siya, kaya pala ang tagal niya, abala pala siya sa ibang bagay.

     Pasukan na naman. Parang ayaw ko muna pumasok pero kailangan. Naglalakad ako nang harangin ako ni Arlene. Matalim ang tingin niya sa akin.

      “Masaya ka na ba?” tanong niya sa akin. Hindi ko naintindihan noong una kung ano ang ibig niyang sabihin ngunit nang sabihin niya nang buo ang, “Masaya ka na bang nagulo mo ang JS Prom natin?” nakuha ko na kung ano ang nais niyang iparating. Hindi ako sumagot. Nagpatuloy siya, “Masaya ka bang napag-away mo sina Carl at Marvin? Masaya ka bang nasaktan mo sila pareho?”

     Wala ako sa kondisyon makipag-usap. Wala rin namang mangyayari kung patuloy ko siyang pakikinggan kaya tumuloy na lang ako sa paglalakad ko.

      “Ano, tatalikuran mo na lang ako?” tumataas na ang boses niya. Napahinto ako at pinakinggan siyang muli. “Hindi kaya ikaw ang makasarili sa ating dalawa ha, Denise? Nandiyan na nga si Marvin, gusto mo sa iyo pa si Carl! At ano? Sino sa kanila ang pinapaasa mo?”

     Sinagot ko siya, “Hindi ko alam. Naguguluhan na ako. Pareho silang mahalaga sa akin. Pareho ko silang mahal.”

     Nilapitan ako ni Arlene. “Hindi dapat ganoon, Denise. Sa mundong ito binigyan tayo ng talino para makapag desisyon, para pumili. Sige, sabihin na nating mahal mo nga sila pareho pero itanong mo sa sarili mo, sino ba ang mas matimbang? Kailangan mong pumili, Denise. May mga bagay rito sa mundo na kailangan nating isakripisyo. Kahit na masakit, kailangan tanggapin. Sa ginagawa mo kasi, kung hindi mo alam, sasabihin ko sa iyo na pareho mo silang sinasaktan! Alam ko matalino kang tao kaya mamili ka nang tama. Sino ba sa kanilang dalawa? Kung si Carl ba talaga o si Marvin!”

     “Gusto mo ba si Carl?” bigla kong naitanong kay Arlene.
     “A-ano?” balik na tanong niya, mukhang nagulat.
     “Gusto mo ba siya?” ulit ko.
     “Oo,” diretsong sagot niya.
     “Anong mayroon sa inyo ni Carl dati?” tanong kong muli.
     “Ano ba iyang tinatanong mo?”
     “Gusto kong malaman kung ano ang mayroon sa inyo,” sabi ko.

     Nagtapat na rin naman si Arlene. “Ang totoo niyan maayos pa ang lahat sa amin noon bago pa niya makilala nang lubos si Dara at nagalit siya nang sobra sa akin nang mamatay si Dara,” sagot niya.

      “Puwede bang ikuwento mo sa akin ang lahat? Naguguluhan kasi ako e,” pakiusap ko.
      “O sige,” tugon niya. “Mahabang kuwento. Sana pagtiyagaan mo.”

     Humanap kami ng puwesto para makapag-usap. Nagsimula na siyang magsalita.

      “Napakatagal na noon, ilang taon na rin ang nagdaan. Naalala ko, noong kinder pa ako, mayroon akong naging kaibigan. Kauna-unahang kaibigan ko rito. Alam mo na kung sino.”
      “Si Dara,” sabi ko.
      “Siya nga,” sagot ni Arlene. “Nagpakilala siya sa akin. Ang sabi niya,

      “Ako nga pala si Dara Garcia, e ikaw?”

      Mga bata pa kami noon. Maganda siyang bata at napakakulit. 'Arlene Cruz,' ang isinagot ko.

      “'Pwede ba tayong maging friends?' tanong ni Dara sa akin.

      Pumayag ako. Si Dara ang naging matalik kong kaibigan. Magkasama kami sa lahat ng oras at walang ni isa mang nakapaghiwalay sa amin. Hanggang sa dumating ang araw na napalayo ako sa kanya. Pasukan noon, grade one kami. Napunta kami sa pinaka mataas na section.

      “'Dara, gusto ko tabi tayo ha!' sabi ko pa sa kanya noon.
      “ Oo ba!' sagot naman niya.

      “Siya ang nangunguna sa klase namin noong kinder. Pangalawa lang ako. Inakala ko noong grade one na magiging magkatabi nga kami ni Dara, hindi pala. Itinabi siya kay Carl. Bata pa lang, nakitaan na si Carl ng pagiging makulit, mayabang, walang modo. Lahat ng makikita mong pangit na katangian nasa kanya na. Hindi sila naging magkasundo. Tuwing uwian, laging umiiyak si Dara at nagsusumbong sa akin. Inaaway raw siya ni Carl. Kinakausap ko naman si Carl pero, hindi naman niya ako pinapansin. Hindi siya nakikinig. Hindi niya ako kinakausap. Umaalis lang siya, para bang walang pakialam sa iba.
      “Sa loob ng tatlong taon, ganoon palagi. Palagi ring magkatabi sina Dara at Carl, malayung-malayo sa akin. Pero ang kalooban namin ni Dara ay magkalapit pa rin. Nagbago ang lahat nang tumungtong kami ng grade four. Naging tatluhan ang upuan na dati ay dalawahan. Gaya ng inaasahan, magkatabi na naman sina Dara at Carl. Inaasar na nga sila ng iba naming kaklase.

      “'Soulmate! Uyyy! Soulmate!' sabi nila.

      “Kulang sila ng isang katabi. Tinawag ako. Si Carl ang nasa gitna namin. Masyado siyang maingay. Sobrang daldal talaga. Lagi siyang nagpapapansin kay Dara kahit hindi naman siya pinapansin. Si Carl na siguro ang pinaka kinaiinisang tao ni Dara.
      “Isang araw, nagulat na lang ako nang bigla siyang tumabi sa akin noong nasa library ako at nagbabasa ng libro.

      “'Hi Arlene! Puwede ba ako rito?' tanong ni Carl.
      “Ha?”

      “Hindi ka naman siguro bingi, ano? Ang sabi ko, puwede ba ako rito?”

      “'A, sige, wala namang ibang nakaupo riyan,' pagpayag ko.
      “'Salamat!' pagpapasalamat niya. Nakuha niya pang ngumiti.

      Unang beses niya akong kinausap. Unang beses niyang nagpasalamat. Mula noong araw na iyon, naging madalas kaming magkasama. Lagi niya na akong kinukuwentuhan, mga bagay na paborito niya, ang lahat ng tungkol sa kanya! Nagbago ang pakikitungo niya sa akin. Kung dati-rati ay hindi niya ako pinapansin, naging kabaligtaran na iyon. Nagtatanong din siya ng mga bagay tungkol kay Dara. Pati na rin ang kakambal niya, naikuwento niya.
      “Noong panahong iyon, may barkada siyang binubuo ni Angelica Olivares, Angelo delos Santos at niya. Ang sabi niya, kasama rin daw sa barkada niya ang kakambal niya at sina Angel at Gelo pa lang ang nakakakita sa kakambal niyang iyon. Sa mga nagdaang araw at buwan, mas naging malapit kami. Ang damdamin ko para sa kanya ay hindi na lang basta isang kaibigan. Kung itinuring niya nga akong kaibigan noon. Kaarawan ko at binati niya ako. Naalala ko, binigyan niya pa nga ako ng regalo. Nang buksan ko, picture niya ang laman. Nainis nga ako.

      “ Ano ang gagawin ko rito?' tanong ko.
      “'Edi, itago mo!' sabi niya. Mukha namang walang halaga ang binigay niyang iyon. Tapos naisip ko, mayroon din pala
      “'Itatago ko? Hindi! Puwede pala itong panakot sa mga ipis at daga,' pagbibiro ko.
      “'Ang sama mo naman! Minsan ka lang makakakuha ng picture ko. Once in a lifetime lang! First time ko ngang nagpakuha ng solo picture at ikaw ang una kong binigyan. Ano, gwapo ba ako riyan? Ano sa tingin mo?' Napangiti na lang ako. 'Siguro pangit ako,' sabi ni Carl. 'Sabi kasi ni Dara, ang pangit daw ang ugali ko at alam mo, tinawag niya akong ‘Mr. Walang Galang’ dahil sobra raw ang kabastusan ko.'

      “E bakit kasi lagi mo siyang inaasar?”
      “Gusto ko lang. Saka gusto ko kasing sumama siya barkada namin kaso ayaw niya.”
      “Alam mo kung gusto mong maging kaibigan si Dara edi maging mabait ka sa kanya.”

      
“Parang ang hirap naman yata nun. Pero sige! Kung iyon ang magiging dahilan ng pagpayag ni Dara na sumama sa barkada namin, edi magbabago ako!”

      “Tuwang-tuwa ako sa narinig ko mula kay Carl. Isang araw, nakita kong nakikipag-usap siya kay Dara. Maayos ang pakikitungo niya. Mukhang nagiging mabait na siya sa kanya. Tuwing umaga, nakikita kong lagi siyang nakaabang sa gate, naghihintay sa pagdating ni Dara. Kapag dumadating na si Dara, kinukuha niya ang bag nito. Hinahabol naman siya nung isa.

      “Bwisit ka! Akin na iyan, Carl!”

      “Ako na ang magbibitbit nito!”

      “Naging madalas iyon. Sa lahat ng mga bagay na ginagawa ni Dara, lagi siyang nakaalalay. Kung saan magpunta si Dara, naroon din siya. Hanggang sa naging malapit na nga sila. Napapayag na rin ni Carl si Dara na sumama sa barkada nila.
      “Hindi nagbago ang ranggo ni Dara sa klase. Siya pa rin ang nangunguna at ako lagi ang pangalawa. Araw-araw, lagi nang magkakasama sina Carl at Dara pati ang iba sa barkada. Araw-araw, kay Carl lang sumasama si Dara. Araw-araw, nababawasan na ang oras niya sa akin. Akala ko nga, limot na ako ni Dara pero hindi pa pala. Sabi niya sa akin,

      “Ikaw lang ang matalik kong kaibigan, hindi kita maaaring iwan at kahit na sumasama ako sa iba, ikaw pa rin ang nasa isip ko.”

      Pero masaya na rin ako sa tuwing nakikita ko siyang masaya na kasama sila. Minsan nga ay nasabi ni Dara sa akin na nakita niya na ang kakambal ni Carl. Sabi  niya, isang araw raw ay isasama niya ako para makilala ko rin ang kakambal ni Carl.
      “Madalas akong mag-isa tuwing recess. Si Gelo, pansin nilang nawawala tuwing recess. Sumasama siya sa akin at madalas kaming nag-uusap. Sa loob ng isang taon, ganoon siya lagi. Nasabi niya rin sa akin na may isa siyang babaeng crush na crush. Hindi ko naman alam kung sino kasi ayaw niyang sabihin.

      “'Ikaw Arlene, may crush ka ba rito sa school?' tanong ni Gelo sa akin.
      “Meron, bakit?”


      
“Sino? Puwede malaman? Hehe!”
      “Bakit ko naman sasabihin sa iyo? Kung yung iyo nga, hindi mo sinabi, yung akin pa kaya.”
      “Sasabihin ko yung akin, sabihin mo muna yung iyo.”

      “Ok. Pero mag promise ka na hinding-hindi mo sasabihin sa iba.”

      "At sinabi ko ngang si Carl ang crush ko.

      “'Si Carl?' mukhang nagulat pa nga siya."

      “Grade five na kami. Isang araw, niyaya ako ni Gelo na puntahan ang barkada nila. Sumama ako. Nandoon silang lahat. Hanggang sa sabihin ni Gelo at Dara sa akin na kasama na ako sa barkada. Minsan, nagkakaroon kami ng away ni Carl. Pag humihingi siya ng tawad, nagbabati naman kami. Pag nagkakagalit naman sila ni Angel, si Carl din ang unang humihingi ng tawad. Noong una ay maayos pa ang pakikitungo ni Carl sa akin. Pero, sa mga araw na lumipas, nag-iba na siya. Pansin kong naging malamig na ang pakikitungo niya sa akin kaya naisipan kong kausapin siya.

      “'Carl, puwede ba kitang makausap? Bakit parang naging malamig ka na yata sa akin?' tanong ko.

      "Napakunot-noo siya. 'Itanong mo sa sarili mo!' At umalis siya. Hindi na kami nag-usap.

      “'Hindi ko alam kung bakit siya nagalit. Bakit ba?' tanong ko kay Gelo.
      “Uhmm. Huwag kang magagalit ha! Nagtanong kasi siya sa akin kung may kilala ba akong nagkakacrush sa kanya. Tapos…”
      
“Tapos sinabi mong ako ang nagkakagusto sa kanya, ganoon?”
      “Oo.”
      “Bakit? Nakakainis ka naman!”

      “Arlene, sorry. Hindi ko naman kasi alam na magagalit siya. Nailang daw kasi siya e.”

      “Lumipas pa ang isang taon, grade six na kami. Sa loob ko, talagang inis na inis ako kay Gelo. Pero, hindi ko nagawang magalit sa kanya. Sa loob ko rin, nagsimula na ang galit ko kay Dara. Lagi kong tinatanong ang sarili ko,

      “Bakit ganoon? Bakit lahat na lang parang napunta na sa kanya? Ang pagiging top one ng klase, si Carl. Ang mga tao dito gusto siya. Samantalang ako…”

      "Pero kahit na parang nawala sa akin si Dara, may naging kaibigan din ako, si Rhea na naging bestfriend ni Angel noon. Kahit kaunti ay naging malapit kami sa isa’t isa. Nang mag sembreak noong grade six kami, tinanong ni mommy kung gusto kong magbakasyon, kung gusto kong mag-overnight sa resort. Pumayag naman ako at sabi ko ay isasama ko si Rhea at si Dara. Pero nang tawagan ko si Dara…

      “O sige! Kailan ba? Huwag lang twenty-two, ha! Birthday kasi iyon ni Carl e! Sabi niya, pumunta raw ako sa bahay nila.”

      “'O sige, huwag na,' malungkot kong sinabi.
      “Ha? Bakit?”

      
“E sa twenty-one kasi hanggang twenty-two kami nasa resort.”
      “Ay ganoon ba? Sorry ha. 'Di yata ako makakasama.”

      "Matagal akong hindi nakasagot sa telepono noon.

      “ Arlene, galit ka ba?' tanong ni Dara.
      “'Ako? Hindi. Kailan ba ako nagalit sa iyo? Sige ok lang. Niyaya ko rin naman si Rhea e. Pumayag na naman siya.' Binaba ko na ang telepono.

      “Araw na ng pagpunta sa resort. Gumising ako nang maaga pero mas maaga pa palang nagising si mommy sa akin. Nag-impake na kami ng gamit. Hindi kami nagmadali at ang dala naming gamit, sapat lang para sa dalawang araw. Tatlo lang kaming pupunta sa resort. Sa bahay na natulog si Rhea noong araw na tinawagan ko siya. Paglabas ko, nakita kong naghihintay si Dara sa labas. Nagulat ako.

      “'Bakit nandito ka?' laking gulat ko.
      “Kasi, sasama ako sa iyo.”

      
“E paano si Carl?”

      “Nagpaalam ako sa kanya. Sabi niya kahit hindi raw ako maka-attend sa birthday niya, ok lang daw kasi ikaw naman ang kasama ko.”

      “Nang marating namin ang resort, agad kaming lumabas nina Rhea at Dara para magtampisaw sa tubig. Si mommy ang nag-ayos at naglagay ng mga gamit namin sa cottage. Masarap sa balat ang tubig ng dagat. Dagdagan mo pa ng magandang tanawin. Lahat ng problema mo ay makakalimutan mo. Nakaka-relax. Masaya, talagang masaya at kahit papaano, nagkaroon din kami ng oras ni Dara sa isa’t isa.
      “Sinubukan naming sumuong sa tubig dala ang salbabida namin at may mga bagay talagang sadyang hindi inaasahan. Masaya pa kaming naglalaro sa tubig. Hindi namin namalayang malalim na pala ang lugar na napuntahan namin. Si Rhea ang nagdala sa amin sa malalim na lugar. Dahil sadyang may kapilyahan si Rhea, hinila niya ang salbabida ni Dara. Mga bata pa kami noon. Hindi ko alam na hindi pala marunong lumangoy si Dara. Akala ko ay nagbibiro lang siya nang sabihin niyang nalulunod na siya. Humihingi siya ng tulong pero hindi ko siya tinulungan. Nakamasid lang ako. Nakahawak lang ako sa salbabida ko dahil takot din ako sa tubig. Tawa pa nang tawa si Rhea dahil sabi nga ni Dara na nalulunod na siya. Hindi siya naniniwala. Kampante lang si Rhea sa tubig dahil marunong siyang lumangoy. Hanggang sa… lumubog na nga si Dara sa ilalim. Doon na ako kinabahan. Nataranta na rin si Rhea at humingi ng tulong. Nagkagulo na lahat at nang makuha ang katawan ni Dara… wala na siyang buhay.
      “Pagpasok ko sa eskwelahan, talagang umiyak ako. Pero hindi dahil namatay si Dara kundi dahil kay Carl. Sinisi niya ako sa nangyari. Ako raw ang may kasalanan ng lahat. Sa totoo lang, wala nang sinisi sa nangyari dahil wala na rin naman ding mangyayari. Nang mailibing si Dara, iyak nang iyak si Carl. Sobra talaga! Para bang daig niya pa ang namatayan ng magulang. Si Dara lang naman ang namatay, bakit ganoon na lang siya? At bakit hindi man lang ako nalulungkot sa pagkawala ni Dara? At kaya naman pala ganoon ang pag-iyak ni Carl, dahil sobrang minahal niya si Dara. Higit pa sa isang kaibigan kahit na mga bata pa kami noon.
      “Nang graduation na namin, ako ang tinanghal na Valedictorian. Si Dara sana kaso hindi niya natapos ang taon. Siya ang top one mula grade one ngunit pagdating ng grade six, ako na. Pag dating namin ng high school, mas naging malala ang sitwasyon. Tuluyan na akong hindi kinausap ni Carl. Hindi na talaga, at kung sakali mang mag-uusap kami, puro bastusan na lang sa isa’t isa. Wala na talaga kaming pag-asa.”

      Habang pinakikinggan ko ang kuwento ni Arlene, narealize ko ang mga bagay-bagay. Kaya naman pala ganoon kasidhi ang pagnanais nina Angel na mapagbati sina Arlene at Carl, mayroon pala silang mas malalim na pinagsamahan. Siguro, ako lang talaga ang nakakagulo sa ayos ng mga bagay.

      “May pag-asa pa Arlene,” sabi ko.
      “Nagpapatawa ka, Denise,” sabi sa akin ni Arlene.
      “Hindi. Basta, ako ang bahala. Kakausapin ko si Carl,” siniguro ko.

      Panahon na siguro para bitawan ko na talaga si Carl dahil nasasaktan na ako sa mga pangyayari.

      “Nagpapatawa ka talaga, Denise,” natatawang sabi ni Arlene.

      Hinawakan ko ang mga kamay ni Arlene. “Magtiwala ka. Magiging maayos din ang lahat sa inyo ni Carl.” Iniba ko na ang usapan. “Maiba ako, naitago mo pa ba yung picture na bigay ni Carl? Alam mo, binigyan niya rin kasi ako ng picture niya.”

      “A, talaga? Hmm. Yun ba? Syempre, nakatago. Kasi, gaya nga ng sabi ni Carl...”

      Nagkasabay pa kami ni Arlene sa pagsabi ng, “...once in a lifetime ka lang makakakuha nun!” Nagkatinginan kami at nagtawanan.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly