No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (25)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



Kabanata 1


***
Kabanata 25


      Nang hapong iyon ay kinausap ako ni Arlene tungkol sa pagpapalipat ni Carl ng section.

      “Sinabi niya sa akin na ikaw ang tanungin ko,” pagsisimula ni Arlene.

      Nagtaka ako. “Bakit ako?” tanong ko.

      “Sabi niya alam mo raw kung bakit,” ani Arlene.
      “Dahil siguro sa pabor na hiningi ko,” sagot ko. Iyon lang naman kasi ang naiisip kong dahilan.
      “Pabor?” nagtatakang tanong ni Arlene.
      “Hmm-mmm,” tumango ako.

      At naalala ko ang mga sandaling kinausap ko si Carl tungkol sa tatlong pabor.

      “Gusto ko sana magkabati na kayo ni Arlene. Pangalawa, gusto ko kung may mamahalin ka man, si Arlene na lang, huwag na ako. Pangatlo, gusto kong layuan mo na ako.”
      “Ano?” si Carl.
      “Gusto kong layuan mo na ako. Huwag ka nang makipag-usap sa akin. Huwag mo na akong pansinin. Huwag mo na akong tingnan, hawakan, huwag na lahat!”
      “Bakit mo ba ginagawa ito sa akin?”
      “Sabi mo sa’kin, 'di ba? Kahit ano ay gagawin mo. Nangako kang gagawin mo lahat makabawi ka lang sa akin. Sana tuparin mo.”
      “Sana tandaan mong bukod kay Dara, ikaw lang ang babaeng minahal ko nang ganito, ikaw lang, at wala akong ibang mamahalin kundi ikaw lang.”

      Sinabi ko kay Arlene ang tungkol doon pero hindi lahat ng detalye.

      “Bakit mo ginawa yun?” tanong ni Arlene sa akin.
      “Para naman magkabati na kayo ni Carl,” sagot ko.
      “Denise, oo, hinangad ko rin namang maging maayos ang lahat sa amin ni Carl pero hindi sa ganoong paraan. Nagkabati nga kami e paano naman kayo?” bakas kay Arlene ang pag-aalala. Mukhang hindi niya nagustuhan ang ginawa ko.

      Umiling ako, “Wala naman yun e. Basta ang mahalaga, magkabati na kayo ngayon. Yun naman ang gusto mong mangyari, 'di ba?”

      “Oo nga. Pero Denise—”
      “Masaya ka naman, 'di ba?”  tanong ko kay Arlene.
      “A, o-oo,” sagot niya.
      “Iyon naman ang mahalaga doon. Masaya ka na, Arlene. Hindi ba’t sabi mo sa akin noon na may mga bagay rito sa mundo na kailangan nating isakripisyo? Na kahit na masakit ay kailangang tanggapin? Natuto ako sa mga sinabi mo sa akin. Dahil sa iyo ay natuto akong huwag maging makasarili. Na hindi lahat ng hawak ko ay sa akin. Na kung may gusto man akong makuha, hindi pupuwedeng lahat ay angkinin ko. Na sa mundong ito, binigyan tayo ng talino para makapag desisyon, para pumili, at pumili ako nang tama.”

      Niyakap ako ni Arlene at siya’y nagpasalamat. “Salamat sa pagiging isang mabuting kaibigan,” aniya. “Huwag kang mag-alala, iingatan kong mabuti ang mga bagay na hawak ko ngayon. Hindi ko hahayaang mawala ang bagay na isinakripisyo mo para sa akin.”

      Naging mabuting magkaibigan kami lalo ni Arlene. Nagtutulungan kami sa lahat ng bagay —sa pag-aaral, sa paggawa ng assignment, sa mga gawaing pampaaralan. Hindi na mahalaga sa amin kung sino man ang manguna o pumangalawa sa klase dahil alam naming pareho kaming magaling. Pareho kaming deserving sa kahit na anong posisyon. Masaya na akong nakikitang masaya siya kahit na ang naging dahilan ng kasiyahan niya ay ang dahilan ng kalungkutan ko.

      May ilang pagbabagong naganap sa aming barkada. Madalas ay hindi na ako sumasama sa kanila kapag nariyan si Carl. Pilit naming iniiwasan ang isa’t isa. Nang malaman nina Angel at Gelo ang sitwasyon, sa una’y nalungkot talaga sila pero kalaunan ay natanggap na rin nilang ganoon nga ang lagay ng mga pangyayari. Sa palagay ko nga ay naging kabaligtaran ang lahat. Sadya sigurong bilog ang mundo at ang buhay ay tulad ng isang gulong. Noong una’y si Arlene ang iniiwasan ni Carl, siya ang hindi pinapansin. Ngayon, ako naman. Noong una’y si Arlene ang lumalayo, ngayon ay ako naman. Nararamdaman ko na ngayon ang naramdaman ni Arlene dati. Akala ko ay ito ang magiging solusyon pero napagtanto kong masakit pala ang ganito. Ganito pala kasakit ang naramdaman ni Arlene noon.

      Mag-isa akong lumabas ng campus nang mag-uwian na. Pumunta muna ako sa likod ng aming paaralan kung saan maraming maliliit na tindahan ang makikita. Gaya ng inaasahan ay nakita ko si Rhea doon. Naroon siya sa bilihan ng fish ball at tumutusok ng ilang piraso sa isang stick. Kumuha rin ako at tumusok.

      “Nandito ka pala,” sabi niya nang makita ako.
      “Oo,” sabi ko naman.
      “Bakit mag-isa ka lang?” tanong niya.
      “Gusto kong mapag-isa,” sagot ko.
      “Huh?” pagtataka niya. “Weird.”
      “May lights ka ba riyan?” tanong ko sa kanya. Sigarilyo ang gusto kong tukuyin.
      “Wala. Itinigil ko na yun,” sabi niya sa akin.
      “Alam ko,” tugon ko naman. “Hindi na kasi kita nakikita sa garden e!”

      Nginitian niya ako, “Sabi kasi ni Neo ayaw raw niya sa mga babaeng may bisyo.”

      Natawa ako. “Dahil kay Neo kaya ka tumigil?”

      “Hmm-mmm,” sagot niya. “Ayaw rin daw niya ng mga babaeng maaarte kaya nga inaayos ko na ang sarili ko para sa kanya. Para magustuhan niya ako.”
      “Para magustuhan ka niya...” sabi ko habang tumatango.
      “Sacrifice lang talaga, Denise,” sabi ni Rhea habang ngumunguya at may naalala siya, “Ay! Sabi pala ni Neo 'di raw maganda tingnan pag nagsasalita ka habang ngumunguya.”

      Natawa muli ako. Napansin ko ngang may ipinagbago rin si Rhea ngayon. Hindi na siya yung dating Rhea na mataray kung magsalita at inis na inis sa ugali ni Carl. Siguro sa paglipas ng panahon ay nag-iiba rin talaga ang ugali ng tao.

      Sabay kaming umuwi ni Rhea matapos naming kumain ng fish ball. Sabay kaming naglakad papunta sa sakayan ng jeep. Nag-aabang kami ng masasakyan nang may sabihin siya sa akin.

      “Mukhang hindi maganda ang nangyayari sa inyo ni Carl ha,” sabi niya.
      “Huh?” tanong ko. Parang wala ako sa sarili.
      “Dati kasi napapansin kong kayo palagi ang magkasama pero simula nang magkabati sila ni Arlene, nahalata kong nilalayuan ninyo na ang isa’t isa.”
      “Nagkataon lang siguro iyon kasi, 'di ba, last school year medyo naging busy rin ako kasi ang daming school activities,” sagot ko naman.
      “Ganoon ba? Ang ipinagtataka ko lang, sabi kasi ng ibang kaklase natin, classmate raw natin dapat si Carl kaso nagpalipat siya ng section. May alam ka ba roon?”
      “Ako? Wala. Hindi ko alam,” pagmamaang-maangan ko.
      “Singungaling ka, Denise,” sabi sa akin ni Rhea. Hindi ako nagsalita. “Sinabi sa akin ni Arlene ang lahat, kung paano sila nagkabati, kung bakit nagpalipat si Carl ng section. Alam mo noong una, hindi kita gusto pero dahil napasaya mo si Arlene, unti-unti ay natututunan na rin kitang tanggapin. Hindi ko akalaing makagagawa ka ng ganoong bagay para sa kanya. Na kaya mong isakripisyo ang kaligayahan mo para kay Arlene.”
      “Maliit na bagay lang naman iyon,” tangi kong nasabi.

      Umiling si Rhea, “Mali ka riyan, Denise. Para kay Arlene malaking bagay na iyon. Siguro noong una ay hindi rin komportable si Arlene kapag nakikita ka niya kasi ikinukumpara ka niya kay Dara. Na pareho lang kayo, parehong mang-aagaw, na gumagawa ng pangakong hindi kayang tuparin. Na basta sikat siya, na basta napapansin siya ng ibang tao, na basta nasa kanya ang atensyon ng lahat ay nakalimot na sa iba. Ganoon si Dara, nakalimot siya sa ibang tao.
      “Sabi sa akin ni Arlene, may pagkakamali rin siya dahil hindi ka niya binigyan ng pagkakataon para magkalapit kayo. Dahil pinangunahan siya ng inggit at galit. Pero ngayon, tingnan mo, maayos na ang lahat. Ngayong taon, inaasahan kong marami ang magbabago. Salamat sa nagawa mo para kay Arlene. Sana ay maging magkaibigan din tayo.”

      Inalok ni Rhea sa akin ang kamay niya na sadya kong ikinagulat.

      “Friends?” tanong niya sa akin. Napangiti ako sa alok ni Rhea.
      “Friends!” at nakipagkamay ako sa kanya.

      Kahit pa nawala si Carl sa akin, napalitan naman ng dalawa. Naging kaibigan ko sina Arlene at Rhea. 'Di nagtagal, naging maayos din ang lahat para kina Rhea at Angel. Napagbati ko rin silang dalawa. Masaya ako dahil unti-unti ay naaayos ko ang lahat ng gusot. Sabihin na nating naplantsa ko ang mga gusot na iniwan ni Dara.

      Lumipas ang ilang buwan. Nagpatuloy pa rin ang hindi namin pagpapansinan ni Carl. Minsanan na lang kung magkita kami sa campus. Hindi kasi ako sumasabay sa barkada pag lunch time. Alam ko kasing kasabay nilang kumain si Carl. May mga pagkakataon ding nakakasabay ko si Carl sa corridor o 'di kaya’y sa jeep. Magiging malaking himala siguro kung ngingitian niya ako. Madalas kasi pag nakikita niya ako, umiiwas lang siya ng tingin tapos ay lalayo. Madalas din pag nakikita niya ako, malungkot ang mukha niya. Para bang walang pakialam sa nakita niya. Parang hindi ako nag-e-exist. Ganoon ang pakiramdam ko pag tinatamaan ako ng mga tingin niya.

      Isang araw ay kinausap ako ni Bb. Aragon. Nagulat ako sapagkat ang paksa ay hindi tungkol sa aralin namin kundi tungkol kay Carl.

      “May magagawa ka ba para bumuti ang lagay niya?” tanong niya sa akin.
      “Po?” nabigla ako.
      “Pansin ko kasing nitong mga nagdaang buwan ay naging malungkutin si Carl. Napansin ko ang pagbabago sa kanya mula noong nagpalipat siya ng section. Dati-rati ay nag-aaral pa siya ng lessons niya pero ngayon,” umiling si Bb. Aragon at ipinakita sa akin ang report card ni Carl, “tingnan mo ito. Hindi si Carl ito. Hindi siya ganito dati.”

      Nakita ko ang labis na pag-aalala ni Bb. Aragon.

      “Totoo, may pagka arogante nga si Carl. Sabihin mo na lahat ng pangit na ugali niya, ok lang sa kanya! Alam ko minsan ay nakakalimutan niyang gumalang sa mga matatanda pero pag dating sa pag-aaral, nakikita kong pursigido siya. Pero tingnan mo ngayon, tingnan mo itong report card niya,” nagbuntong-hininga si Bb. Aragon, “Hay...”

      Hindi ko alam kung ano ang magagawa ko sa kalagayan ni Carl. Naging malungkutin na raw siya. Hindi naman ganoon ang nakikita ko kapag kasama niya sina Arlene. Ibang Carl ang nakikita ko.

      Nagpatuloy si Bb. Aragon, “Kinausap ako ni Mrs. Ferrer. Kataka-taka raw dahil hindi aktibo si Carl. Ang sabi nga niya, ‘Parang may nagbago kay Carl. Alam kong hindi siya ganyan dati.’ Nag-aalala ako, Denise. Sobra.”

      “Ms. Aragon, wala naman po akong magagawa,” sabi ko kay Bb. Aragon.
      “Meron,” sagot niya. “Denise, alam kong may hindi nangyaring maganda sa inyo ni Carl kaya siya nagkaganyan,” hinawakan ni Bb. Aragon ang kamay ko, “Please lang, ayusin ninyo.”
      “Ms. Aragon...”

      May ibinigay na papel sa akin si Bb. Aragon, “Heto, narito ang address ng bahay namin. Sa Sabado puwede bang puntahan mo siya?”

      “Pero po—”
      “Malapit na naman ang exams. Hindi niya pinagbubutihan ang mga ginagawa niya. Pag patuloy siyang nagkaganito, baka hindi siya maka-graduate niyan! Mag-tutor ka sa kanya, puwede ba yun? Babayaran kita kahit magkano.”

      Wala na akong nagawa. Hindi ko matanggihan si Bb. Aragon. Kinagabihan ay hindi ako agad nakatulog kaiisip sa pinakiusap sa akin ni Bb. Aragon.

      “Mag-tutor ka sa kanya, puwede ba yun? Babayaran kita kahit magkano.”

      Makikinig kaya si Carl sa akin? Sundin niya kaya ako?

      “Hay! Bahala na sa Sabado,” sabi ko na lang at ipinikit ko na ang mga mata ko.

      Nang dumating ang araw ng Sabado, nagpunta ako sa address na ibinigay ni Bb. Aragon. Nagdadalawang-isip ako kung pipindutin ko ba ang door bell o hindi.

      “Bahala na!” sabi ko sa sarili ko.

      Ding dong. Ding dong.

      Pagkabukas ni Carl ng pinto, halatang hindi niya nagustuhan ang nakita niya.

      “Anong ginagawa mo rito?” tanong niya.
      “Pinapunta ako ni Ms. Aragon,” sagot ko.
      “So, ikaw pala yung tutor na sinasabi niya.”
      “A, oo,” sagot kong muli.
      “Hindi kita kailangan!” padabog niyang isinara ang pinto.

      Hindi ko nagustuhan ang ginawa niyang iyon. Magkagayunman ay pinindot ko muli ang door bell.

      “Umalis ka na! Sinabi nang hindi kita kailangan e!” narinig kong sinabi niya mula sa loob.
      “Ayaw mo na ba sa akin?” tanong ko sa kanya.

      Paulit-ulit lang niyang sinabi ang, “Ayaw ko. Hindi kita kailangan!”

      Pinanghinaan na ako ng loob. “Ayaw niya na nga sa akin,” sabi ko sa sarili ko. Matapos kong sabihin sa kanya na layuan niya ako, tatanungin ko siya ngayon kung ayaw niya na ba sa akin? Ang tanga ko! Pero napag isip-isip kong ayos lang, tanggap ko na naman iyon. Hindi ko na pinilit ang sarili ko. Magpapaliwanag na lang ako kay Bb. Aragon ukol sa nangyari. Wala na si Carl. Wala na siya sa mga kamay ko. Carl, patawad. Patawarin mo ako kung hindi kita naipaglaban. Patawad kung basta-basta na lang kitang ipinamigay sa iba. Pero salamat. Salamat sa lahat. Salamat sa lahat ng mga alaala. Mula sa araw na ito, iisipin ko na lang na hindi na kita kilala. Na kailanman ay hindi kita nakilala... 


***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly