Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...
***
Kabanata 16
Kararating ko lamang sa paaralan nang ibigay sa akin ni Carl ang isang puting sobre. Ako na lang pala ang hinihintay nila. Naroon na kasi sina Angel, Gelo at Marvin. Nang tanungin ko kung ano ang sobreng iyon at para saan iyon, ang sinabi ni Carl ay,
“'Di ba’t sinabi ko sa iyong ibibigay ko yung reward mo? Dahil natalo mo si Arlene, hayan, nandiyan sa loob ng sobre yung reward ko sa iyo.”
Napangiti ako. Talagang tinotoo niya yung sinabi niyang bibigyan niya ako ng reward.
“Salamat,” sabi ko sa kanya. “Ano nga palang laman nito?” tanong ko.
“Huwag ka ngang tanga! Edi buksan mo para malaman mo,” sagot niya. Oo nga naman. Hay naku, Denise! Alam mo ikaw, minsan hindi ka nag-iisip.
“Parang alam ko na kung ano ang laman niyan,” sabi sa akin ni Gelo nang punitin ko ang gilid ng sobre. Ano nga kaya ang laman nito?
Naghihintay naman sina Angel at Marvin na mabuksan ko ang sobre nang sa gayon ay malaman na rin nila kung ano ba ang nasa loob nun. Nabuksan ko na ang sobre at sinilip ko kung ano ang nasa loob. Hindi naman pera ang laman nito pero isang manipis na papel. Kinuha ko ang laman ng sobre at napasimangot talaga ako nang inilabas ko iyon. Ipinakita ko sa kanila kung ano ang laman.
Napapalakpak ng isang beses si Gelo gawa ng kanyang pagkagalak tapos ay tumawa, “Hahaha! Sabi ko na ba!” Maski si Angel nga ay natawa nang makita yung pinagmamayabang na reward ni Carl.
“Ito ba yung sinasabi mo sa aking once in a lifetime ko lang na makukuha?” sarkastikong tanong ko kay Carl.
“Oo. Bakit, may angal?” sabi ni Carl.
“Ang pangit,” sabi ko.
“Anong pangit? Hoy Denise! Isipin mo nga, saan ka ba nakakita ng kumakalat na picture ng gwapong si Carl Martin Aragon dito sa campus? Maraming naghahangad na bigyan ko sila ng ganyan pero lahat sila ay bigo! Kung tutuusin napakaswerte mo dahil yung ibang babae rito e nagmamakaawa pa sa akin para bigyan ko lang ng picture ko,” isang mahanging pagpapahayag ni Carl.
Nakakatawa namang isiping ang pinagpaguran kong reward ay ito lang pala. Ang once in a lifetime ko lang daw na makukuha ay ang litrato pala ng napakahanging seatmate kong si Carl Martin Aragon a.k.a. Mr. Walang Galang.
“Ok edi salamat,” sabi ko sa kanya. “Salamat dito sa gwapong gwapong gwapong picture mo!” pang-aasar ko.
Mukhang 'di niya nagustuhan yung sinabi ko. “Kung ayaw mo ng picture na iyan edi isipin mo na lang na si Marvin iyan,” sabi niyang tila nagtatampo. Napakamot ng ulo si Marvin. Nananahimik yung tao e dinamay pa ni Carl.
“Sorry na po. Salamat na nga, 'di ba?” sabi ko.
Naglakad na kami papunta sa classroom. 'Di naman sinasadyang napalingon ako at nakita kong nasa likuran namin sina Arlene at Rhea. May sinasabi si Rhea kay Arlene pero nang mapatingin ako sa kanya ay tumahimik siya.
Umupo na kami sa kani-kaniyang upuan nang nandoon na kami sa classroom. Nag-iingay na naman yung mga kaklase namin at kani-kaniyang kuwentuhan. Palibhasa kasi wala pa yung adviser namin.
“A Denise, sa Sabado na pala yung kuhaan ng card, ano?” sabi sa akin ni Carl.
“Oo,” tugon ko. Malapit na rin pala yung kuhaan ng card. Hindi ko nga alam kung sino ba ang kukuha ng card ko. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin umuuwi si papa. Hindi ko naman maaasahan sina Kuya Richie at Ate Diana. Nakakahiya kasing magsabi sa kanila. “Sino ang kukuha ng card mo?” tanong ko kay Carl.
“Si papa,” sabi ni Carl.
“Tapos kukunin na rin niya yung kay Marvin? Buti pa kayo may guardian na kukuha ng card ninyo,” sabi ko naman.
“Hindi naman si papa ang kukuha ng card ni Marvin, si mama ang kukuha nun,” sabi ni Carl.
“Mama mo? Sabay ba silang pupunta rito?” tanong ko.
Umiling si Carl. “Pag nagkasabay sila siguradong malaking gulo iyon,” sabi niya.
“Bakit naman?” pagtataka ako.
“Denise, kung hindi mo alam, magkaaway sina mama at papa, at matagal na silang hiwalay.”
Ha? Magkahiwalay ang parents nina Carl at Marvin?
Nagpatuloy si Carl, “Kung binasa mo yung autograph mo, malalaman mong magkaiba yung address ng bahay na isinulat namin kasi magkaiba kami ng bahay.”
Hay! Ano ba naman iyan. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa nababasa yung autograph book. Babasahin ko na nga iyon pag-uwi ko.
“Sorry ha Carl, hindi ko pa kasi nababasa yun kaya hindi ko alam,” paumanhin ko kay Carl.
“Ok lang. Busy ka rin siguro sa maraming bagay. Edi basahin mo na lang pag may oras ka,” tugon naman niya.
Nang dumating na si G. San Jose sa silid-aralan, sinabihan niya kaming pumila sa labas dala ang mga gamit namin. Bakit kaya kami pinapila? Sumunod na lang ang lahat sa sinabi ni Sir. Pumila kami ayon sa height namin dahil iyon ang inutos sa amin ni Carl, ang Seargeant-at-Arms ng klase namin. Noong pumila na kami, napansin kong malungkot si Carl. 'Di ko naiwasang tanungin siya,
“Uy Carl, bakit ganyan ang mukha mo?”
“Second quarter na e. Lipatan ng upuan,” sagot niya.
Lipatan ng upuan? Kaya ba kami pinapila rito sa labas? Teka, ibig bang sabihin nito e hindi ko na siya makakatabi? Kaya naman pala ganoon na lang siya kalungkot.
Kahit na pinapila kami by height e sa random order kami inilagay ni Sir. Nagtawag na siya ng mga estudyante. Pinaupo ako si Sir sa gitna at si Carl ay sa bandang likuran. Talagang nagkahiwalay na nga kami ng upuan. Nilingon ko siya sa puwesto niya.
“Ok ka lang?” tanong ko. Nginitian niya naman ako. Alam kong pinilit lang niyang ngumiti. Mabigat din ang kalooban ko. Ilang buwan din kaming magkatabi at nasanay na akong kakulitan siya pero ngayong doon na siya nakaupo sa likuran at dito ako sa gitna, malabo nang magawa pa namin yung dati naming asaran.
Sinenyasan ako ni Carl na humarap na at huwag ko na siyang tingnan. Pag harap ko naman, papalapit sa puwesto ko si Marvin at 'di ko inaasahang tatabihan niya ako.
“Hi Denise,” pagbati niya sa akin.
“Hi,” sabi ko naman.
Nawala man si Carl ay pinalitan naman siya ni Marvin. Tinukso nga kami ng mga kaklase namin. Alam kasi nilang may gusto sa akin si Marvin at may balak manligaw. Iniisip ko ngang sinadya ni Sir San Jose na pagtabihin kaming dalawa.
Sa kalagitnaan ng tuksuhan at ingay ng mga kaklase namin, hinanap ko kung saan pinaupo sina Angel at Gelo. Nakita kong magkatabi pala sila. Kinawayan ko silang dalawa. Inasar pa nga ako ni Gelo kay Marvin. Dinilaan ko nga siya.
Tumahimik bigla ang paligid nang pumasok na si Arlene sa classroom at pansin ng lahat ang 'di maipinta niyang mukha. Inaabangan nila kung saan siya uupo. Nagtuloy-tuloy siya papunta sa likuran at tinabihan ang nag-iisang taong walang katabi sa hilerang iyon, si Carl. Nang umupo si Arlene, tumayo naman si Carl at inusog palayo ang upuan niya. Kapansin-pansin ang malaking espasyo sa gitna nilang dalawa.
“Ang pangit naman ng katabi ko,” narinig kong sinabi ni Carl.
“Sorry ha, ang gwapo mo kasi e,” ganti naman ni Arlene.
Bakit kasi pinagtabi pa sila ni Sir e alam namang magkagalit sila? Ano kayang mangyayari sa kanila? Baka naman lagi silang mag-away niyan.
Nang oras na ng uwian, dumire-diretso si Carl palabas at hindi na kami hinintay. Siguro ay naasar yun kasi nga ayaw niya roon sa katabi niya. Nang magpunta na kami sa meeting place namin, sa aming tambayan, hindi namin nakita si Carl doon. Saan kaya nagpunta yung lalaking yun? Sinabihan ko silang ako na lang ang maghahanap kay Carl at huwag umalis sa tambayan hangga’t wala ako. Gusto akong samahan ni Marvin pero pinilit ko siyang manatili na lang siya roon.
Hinanap ko si Carl sa lahat ng sulok ng campus. Napagod na nga ako kaiikot. Umakyat ako sa lugar na hindi ko pa napupuntahan, sa rooftop at nakita kong nandoon siya. Nakaupo siya at sinasandalan ang pader.
“Hay salamat nakita na kita!” sabi ko sa kanya. Tinabihan ko siya. “Kanina pa ako paikot-ikot dito, napagod ako kahahanap sa iyo.”
“Pasensya na, nagpalipas lang ako ng sama ng loob. Nakakaasar naman kasi! Si Arlene pa yung katabi ko!” naiinis niyang sinabi.
“Hayaan mo na, Carl. Pagdating naman ng Third Quarter iba na uli ang katabi mo e.”
“Hay naku! Baka naman si Rhea pa ang maging katabi ko pag Third Quarter na.”
Tumayo na ako. “Halika na, Carl, uwi na tayo. Kanina pa nila tayo hinihintay roon,” pagyayaya ko. Mabuti nga at sumunod si Carl sa sinabi ko.
“Denise, nakaka-miss ka pala talaga ano?” sabi niya sa akin. “Swerte naman ng kapatid ko, ikaw yung katabi niya.”
“Hehe! Inggit ba yan o selos?” pagbibiro ko.
“Pareho,” sagot naman niya.
Iniba ko na ang usapan. “Tara na, uwi na tayo,” pagyaya ko sa kanya. Akmang aalis na ako nang hinawakan niya ako sa kamay.
“Mamaya na. Dito muna tayo,” pigil niya.
“Carl, madilim na kasi. Tayo na nga lang yata tao rito,” katwiran ko.
“E ano naman?” tanong niya.
Hindi talaga siya natinag at tinitigan lang niya ako. Kakaiba ang mga titig niya. Naging mabilis ang mga pangyayari. Hindi ko alam kung bakit at paano pero noong sandaling iyon, hinalikan niya ang mga labi ko. Akala ko nga ay nananaginip lang ako pero hindi pala.
“Carl…” sambit ko. Hindi ako makapaniwala sa ginawa niya sa akin.
“Tara na, uwi na tayo,” nakangiti pa niyang sinabi. Parang baliwala lang sa kanya ang nangyari.
Bago niya pa mahawakan uli ang kamay ko, sinampal ko siya dahil sa ginawa niyang paghalik sa akin.
“Bakit mo ako sinampal?” gulat niyang itinanong niya sa akin.
“Bakit mo ako hinalikan?” siyang tanong ko.
“May masama ba sa ginawa ko?”
“Oo! Meron! Nakakainis ka!” sigaw ko sa kanya at tumakbo ako palayo.
“Denise!” pagtawag niya sa akin pero hindi ko na siya nilingon.
Naramdaman ko na lang na tumulo ang mga luha ko. Nasalubong ko pa si Marvin nang bumaba ako. Umalis pala siya sa tambayan. Siguro ay hinanap niya kami.
“Denise, bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong niya sa akin. Hindi ako sumagot. Nilagpasan ko siya at tumakbo papunta sa tambayan.
***
No comments:
Post a Comment