No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Monday, April 16, 2012

Rhythm of Heartbeat (Ang Pagwawakas)



***
Chapter 36
Rhythm of Heartbeat

     Tunog ng kinalabit na gatilyo ng baril. Tunog ng rumaragasang kotse. Tunog ng bumagsak na katawan. Pagdilim ng paligid. Mabagal na paghinga. Mabagal na pagtibok ng puso. Tunog ng sirena ng ambulansya. Kasunod nito ay liwanag at ingay ng tao. Ang huli ay katahimikan.

     Ilang araw pa ang lumipas. Ngayon ay ang ika-apat na araw. Pagkatapos nito ay pagluha. Isang napakagandang panaginip. Isang hanging malamig. At isang pagbalik sa kasalukuyan, sa katotohanan.

     Iminulat niya na ang kanyang mga mata at nakita sa kaliwang tabi ang mukha ni Kyle. Ngumiti si Kyle, isang pilit na pagngiti. Sa loob ng ilang araw na pagkakahimlay, sa wakas ay nagising na rin si Millie.

     Pumikit uli siya. “Where am I?” tanong niyang tila tinatamad pa at wala pa sa kondisyong gumising.

     “You’re in the hospital, mom. You’ve been unconscious for three days,” isinagot ni Kyle.

     Dumilat uli si Millie at nilibot ng tingin ang paligid. Puti ang kulay ng pader, malinis, maaliwalas at walang ibang tao kundi silang dalawa lang ni Kyle. Bigla siyang bumangon. “Where’s Hans?” taranta niyang naitanong. Hindi niya na maalala kung ano ba ang mga sumunod na nangyari matapos niyang kalabitin ang gatilyo ng baril.

     Nalungkot si Kyle. “Itinutok mo ang baril sa kanya, ‘di ba?”

     “You mean… he’s dead? I-I-I killed him? I killed Hans?!” may panginginig sa tinig ni Millie. Hindi sumagot si Kyle. Nilagay ni Millie ang mga kamay niya sa mukha niya at nagsimulang umiyak. Inisip niyang napatay niya si Hans. Napatay niya! Hindi niya matanggap.

     Umikot ang mga mata ni Kyle. “Hay naku! Ang drama ha! Wala naman akong sinabing napatay niya si Hans. Sinabi ko lang namang itinutok niya ang baril kay Hans.”

     Ibinaba ni Kyle ang mga kamay na nakatakip sa mukha ni Millie at sinabing, “Mommy, don’t cry.” Tinitigan siya ni Millie. Ngumiti si Kyle, “Sa kasamaang palad, yeah, buhay pa nga si Hans.” At pagkasabi niya nun ay pumasok si Hans sa silid.

     “Oh! So she’s already awake!” ang nasabi ni Hans. Umupo siya sa kanang tabi ni Millie at nagtanong, “How are you feeling? Are you ok now?”

     Pagkatanong ni Hans nun ay niyakap siya bigla ni Millie. Tama nga si Kyle sa sinabi niya, buhay pa talaga si Hans. Nayakap niya pa ito. Naramdaman niya pa ang init ng katawan nito kahit na malamig ang silid gawa ng air-con. Pumikit si Millie at dinama ang katawan ni Hans. Hindi yumakap si Hans sa kanya pero wala siyang pakialam at sinabi niya ang gusto niyang sabihin. Isang salita lang ang lumabas sa bibig niya at yun ang salitang, “Sorry.” Ilang beses niyang sinabi yun nang paulit-ulit at ‘di siya tumigil hangga’t di niya nakukuha ang sagot ni Hans.

     Sa huli, tumugon din si Hans ng, “It’s all right.” at hinimas niya ang likod ni Millie. Kahit na gaano pa kasakit ang ginawa ni Millie sa kanya, nakuha niya pa rin itong patawarin. May panahon para sa pagpapatawad at ‘di niya na iyon patatagalin pa. Sana nga lang ay ‘di na siya saktan ni Millie.

     Bumitiw si Millie sa pagkakayakap kay Hans at tinawag niya naman si Kyle. “Anak, halika rito,” sabi niya. Nang lumapit si Kyle sa kanya, niyakap niya rin ito at humingi rin siya ng tawad.

     Halos mapaiyak na si Kyle. Ito ang unang beses na niyakap siya nang ganoon kahigpit ni Millie at ito rin ang unang beses na tinawag siyang “anak”. Masarap sa pakiramdam at sa pandinig. Kahit na gaano pa kasakit ang ginawa ni Millie sa kanya, kahit na mas minahal nito si Hans ay napatawad niya na ang kanyang ina sa mga sandaling iyon.

     Pagkatapos, iniwan din nina Hans at Kyle si Millie sa silid para makapagpahinga pa lalo. Sinabihan sila ni Millie na mabuti na ang lagay niya at gusto niya nang lumabas bukas. Sumang-ayon naman sila sa gustong mangyari ni Millie.

     Nagpunta ang dalawa sa kainan sa loob ng ospital. Naroon sina Iris, Ellie, Ivan, Neri at Reed. Umupo sina Hans at Kyle sa bakanteng upuan.

     “O ano nang balita?” tanong ni Reed sa dalawa.
     “Gising na siya,” sagot ni Kyle. “Ok na raw siya. Sabi niya rin gusto niya nang lumabas bukas.”
     “Edi mabuti kung ganoon,” sabi naman ni Neri.

     Napatingin si Hans kay Neri nang magsalita ito at may naisip siya. Kung tutuusin, ilang araw na silang magkakasama at tatlong araw na silang salit-salit na nagbabantay kay Millie pero hanggang ngayon ay ‘di pa rin siya nakapagpapasalamat sa ginawang pagtulong ng mga ito. Kundi dahil kina Neri, Reed, Ellie at ang tiyahing si Rita, hindi nila alam kung ano nga bang kahahantungan nila.

     “Hey guys!” pagtawag niya kina Neri, Ellie at Reed. Sa kanya napunta ang lahat ng mata ng mga kasama. “I just wanna say thank you for saving us.” At naalala din nina Iris at Kyle ang ginawang pagliligtas nina Neri at ng iba pa. Tulad ni Hans, hindi pa rin pala sila nakapagpapasalamat.

     Kung maaari’y ayaw na nilang balikan ang sandaling iyon. Takot na takot talaga sila nang itutok sa kanila ni Millie ang baril. Siguro’y matagal pa bago nila makalimutan iyon. Naaalala pa nila ang mga huling salita ni Millie,

     “This is the end, Hans!”

     At nang iputok ni Millie ay wala namang lumabas na bala. Kitang-kita ang pagkainis kay Millie. Nakakunot-noo siya nang tiningnan niya ang ‘di pumutok na baril. Masuwerte sila dahil natunton sila nina Neri sakay ng kotse.

     “Sagasaan mo!” utos ni Reed sa kasintahan nang mga sandaling iyon.

     Sinagasaan ng kotse si Millie. Nakita pa niya ang liwanag ng headlight bago siya tuluyang mawalan ng malay. Pagkatapos ay bumaba ang lahat ng tao sa loob ng kotse. Niyakap ni Rita si Hans pagkakita niya rito. Si Ellie naman ay kay Iris yumakap. Hindi nila isinama noon si Ivan dahil ayaw nilang mag-alala ito sa kapatid niya at nagmamadali rin sila. Ibinalita na lang nila ang mga pangyayari pagkatapos.

     Nangamba nga si Neri dahil akala niya’y napatay niya si Millie. Nang pinakiramdaman naman nina Iris at Kyle ay may pulso pa ito.

     Agad namang hinanap at kinuha ni Reed ang baril. Hindi niya alam kung paano tanggalin ang magazine nito at nanghula na lang siya. Natanggal din naman niya. Pagkatingin niya’y wala namang bala. Ang totoo niya’y tatlo lang ang bala ng baril at nagamit na ni Millie iyon. Una’y sa may hagdanan, pangalawa’y nang patamaan niya sina Hans nang tumakas sila sakay ng kotse at pangatlo’y sa pinto ng bodega.

     Hindi na sila tumawag ng pulis para hindi na maging magulo lalo ang sitwasyon at isinugod nila si Millie sa ospital.

     Yun na nga, hiniling ni Millie na makalabas na siya ng ospital. Inihatid pa nga siya ni Hans sa mansyon. Pinakiusapan ni Millie si Hans na bumalik na sa mansyon pero hindi na mababago ang desisyon ni Hans. Hindi na siya babalik pero dadalaw naman siya paminsan-minsan. Napangiti si Millie dahil dito. Napagdesisyunan naman ni Kyle na huwag nang lumayas ng bahay. Mananatili na lang siya para bantayan at alagaan ang kanyang ina. Sa palagay niya ay kailangan siya ng kanyang ina ngayon. Masaya si Millie dahil sa kabila ng mga nagawa niya ay naging mabuti pa rin si Kyle sa kanya. Hindi niya mapatawad ang sarili dahil hindi siya naging mabuting ina rito.

     Hindi roon nagtapos ang lahat. Humingi na rin si Millie ng dispensa kay Iris at sa pamilya nito. Nakuha niya ang pagpapatawad nila. Sinabihan din niya si Iris na alagaan at mahalin si Hans. Hindi naman siya bibiguin ng dalaga.

     Kung mayroon sigurong hindi handang magpatawad ay si Rita iyon. Kahit na nagpakababa na si Millie at lumuhod sa harap ni Rita, hindi pa rin siya nito nakuhang patawarin. Masakit para kay Rita ang patuloy na pagsasabi ni Millie na wala siyang kasalanan. Habang buhay na siguro siyang magkikimkim ng sama ng loob dito. Nirespeto na lang ni Millie kung ano ang desisyon ni Rita.

     Ilang araw pa ang dumaan. Nakakainip pala talaga kapag mag-isa ka lang sa mansyon at walang ginagawa. Walang makausap si Millie dahil pumapasok si Kyle. Si Hans naman ay ‘di pa dumadalaw. Balita niya’y may inaasikaso itong mahalagang bagay. Naisipan na lang niyang lumabas at magpunta kahit saan para magpahangin, mamasyal o ‘di kaya’y magnilay-nilay.

     Bago ang lahat, dumaan muna si Millie sa flower shop at bumili ng bulaklak. Pagkatapos, nagpunta siya sa sementeryo at dinalaw ang puntod ng Pamilya Salas. Inalay niya ang bulaklak at naghanda ng panalangin. ‘Di rin naman siya nagtagal doon.

     Pumunta rin siya sa Unibersidad. Naglakad siya sa mahabang daanang papasok dito at sunod ay sa maraming puno. Alam na natin kung saan ang punta niya, saan pa kundi sa wishing well. Pitong taon na rin ang nakalilipas nang huli siyang magpunta rito. Binuksan niya ang kanyang pitaka, naghulog ng barya at humiling. Nais niya nang magkaroon ng kapayapaan sa kanyang puso.

     Nang paalis na siya sa lugar, biglang dumating si Ellie. Kapwa hindi nila inaasahang magtatagpo sila sa lugar na ito.

     Nagulat si Ellie. “Kayo po pala,” sabi niya.

     Ngumiti si Millie at binati ang dalaga, “Ikaw pala, hija, kumusta ka?”

     “Mabuti po,” tugon ni Ellie.
     “Hihiling ka ba sa wishing well?” tanong ni Millie.
     “Sana,” sagot ni Ellie.
     “Sige na, humiling ka na. ‘Wag ka nang mahiya sa akin,” sabi ni Millie.

     Humiling na nga si Ellie at pagkatapos ay pinakiusapan siya ni Millie. “Puwede mo ba akong samahan? Gusto ko lang ng kausap.” Hindi naman tumanggi si Ellie.

     Nagtungo sila sa pinakamalapit na restaurant sa labas ng Unibersidad. Si Millie ang magbabayad ng mga kakainin nila. Siya rin ang nagsimula ng usapan.

     “Gusto ko lang sanang itanong kung may galit pa rin ba ang daddy mo sa akin. Alam mo, gusto ko siyang lapitan at hingiin ang kapatawaran niya pero natatakot ako dahil baka tanggihan niya ako tulad ng ginawa ni Margarita.”
     “Ang sabi ni papa ay kinalimutan niya na ang sama ng loob niya sa inyo. Ayaw niya nang magalit sa iba,” sagot ni Ellie. “E kayo po? Galit pa rin ba kayo sa mama ni Benjo?” tanong niya.
     “Kay Bernadette?” Umiling si Millie. “Hindi ko alam. Siguro galit pa rin ako sa kanya.” Iniba niya ang usapan, “Maiba ako, ano nga pala ang hiniling mo sa wishing well?”
     “Na sana magkaroon po kayo ng kapayapaan sa puso ninyo,” sagot ni Ellie.

     Nagulat si Millie. Iyon kasi mismo ang gusto niyang makamtan. “Talaga? Alam mo bang pag sinabi mo sa ibang tao ang hiling mo ay hindi iyon matutupad? Sinabi ko iyan sa anak ko. Sabagay wala naman tayo sa tapat ng wishing well.”

     “Isang kasinungalingan,” sabi ni Ellie. “Kahit ano ay tinutupad ng wishing well, kahit pa sabihin mo yun sa ibang tao sa tapat nito o kahit saan pa.”

     Ngumiti bahagya si Millie, “Tama ka. Sinabi ko lang yun kay Kyle para matuto siyang magtago ng sikreto o para ibunyag ito sa tamang pagkakataon.”

     “Alam ninyo po ba kung paano magkakaroon ng kapayapaan sa puso ninyo?” biglang tanong ni Ellie.

     Nag-isip si Millie. “Hmm. Paano nga ba?” balik na tanong niya.

     Sumagot si Ellie, “Magmahal ka at magpatawad. Kalimutan ninyo na po ang galit ninyo sa mundo at sa ibang tao. Sa pamamagitan nito’y mahahanap ninyo ang liwanag at magkakaroon kayo ng kapayapaan sa inyong puso.”

     Matapos ang usapang iyon, napaisip si Millie, “Magpatawad? Kalimutan ang galit? Mahirap… Mahirap mangyari iyon. Mahirap patawarin ang taong nanakit sa iyo. Siguro’y ganoon ang nararamdaman ni Margarita sa’kin. Nasaktan ko siya kaya hindi niya ako mapatawad. Nasaktan ako ni Bernadette nang siya ang pinili ni Rico. Hindi ko magagawang magpatawad. Kamatayan lang siguro ang magpapa-payapa sa aking puso.”

     Nang mga sumunod na araw, naging madalas na ang pagbisita at paghiling ni Millie sa wishing well, at isang gabi, nasurpresa si Kyle dahil sa sinabi sa kanya ng kanyang ina,

     “Nakabili na ako ng ticket. Dadalhin kita sa States. Doon tayo titira. Makakasama mo na ang daddy mo. ‘Di na tayo babalik dito.”
     “Pero mommy, paano yung studies ko?” pangamba ni Kyle.
     “Wala namang problema roon e! Maraming magagandang school doon.”

     Sa totoo lang, ayaw sumama ni Kyle papunta roon. Mas gusto niya rito sa Pilipinas kasama ang kanyang mga kaibigan at mga taong nagmamahal sa kanya. Dito sa Pilipinas ang tirahan niya kaya mananatili siya rito. Sinabi niya kay Millie na hindi siya sasama. Binigyan pa siya ng panahon ni Millie pero hindi niya kailangan ng panahon. Matibay ang kanyang desisyon. Walang ibang nagawa si Millie kundi pagbigyan ang kagustuhan ni Kyle.

     Nakarating na rin sa iba ang planong pag-alis ni Millie ng bansa at ang sinabi niyang hindi na siya babalik. Dalawang araw bago ang nakatakda niyang pag-alis, sinadya siya ni Rita sa mansyon at inayos nila ang lahat.

     “Ayoko namang umalis ka nang hindi tayo nagkakabati,” sabi ni Rita. “Hindi ka na pala babalik at pag nangyari yun, wala nang pagkakataong magkaayos pa tayo.”
     “Ayoko ring umalis ng may kaaway,” isinagot ni Millie. “Salamat dahil tinanggap mo na ang paghingi ko ng tawad.”
     “Ginawa ko ito dahil kay Rico,” sabi ni Rita. “At dahil na rin sa akin, syempre.”
     “Kay Rico?” pagtataka ni Millie.
     “Oo,” sagot ni Rita. “Mildred, alam kong nagkaroon kayo ng relasyon ni Rico noon. Tumutol ang asawa ko at walang nagawa si Rico kundi ang maghanap ng iba. Ipinakita niyang masaya siya sa iba. Siguro nga inisip mong masaya na siya kay Bernadette pero ang totoo niyan, nasasaktan siya.
     “Oo, minahal niya si Bernadette pero mas minahal ka niya. Noong una ay nahirapan siya. Sa University, pag nakikita ka niya, gustong-gusto ka niyang lapitan pero nahihiya siya at natatakot na baka pag lumapit siya sa iyo ay makita siya ni Rich. Baka ipagsabi pa ni Rich ang naging relasyon ninyo sa iba ninyong kamag-anak.
     “Hindi ka niya naipaglaban kaya nga nagagalit siya sa sarili niya. Iniisip niya ring ayaw ka niyang mapahiya sa iba dahil mahal ka niya. Walang ibang lumapit sa iyo noon dahil kay Rico. Dahil hindi niya pinayagan, dahil tinakot niya sila, dahil ayaw niyang saktan ka pa ng ibang lalaki.”

     Nalungkot si Millie sa mga sinabi ni Rita. “Paano mo nalaman ang mga bagay na iyan?” tanong niya.

     “Dahil sa isang sulat na nakita namin ni Hans sa dati nilang bahay. Sinabi niyang ako na lang ang magbigay sa iyo,” sagot ni Rita. Ibinigay niya ang sulat kay Milie.

     Nagtaka si Millie nang matanggap ang sulat na nakalagay sa bukas na sobre, “Huh? Bakit bukas?”

     Nakakahiya man ay umamin si Rita, “Hehe! Binasa namin e! ‘Wag mo nang basahin. Lahat naman ng nakalagay riyan, sinabi ko na e!”

     Napalitan ng ngiti ang kalungkutan sa mukha ni Millie. “Kaya naman pala alam mo!” sabi niya. Tumawa sila pagkatapos.

     Noong umaga nang sumunod na araw, isang araw bago ang nakatakda niyang pag-alis, bumisita muli siya sa puntod ng Pamilya Salas. Sa pagkakataong ito, humingi siya ng tawad kina Rico at Bernadette at inalis niya na rin ang galit sa puso niya. Matapos nito, lumuwag ang pakiramdam niya at wala na siyang ibang inaalala. Sa araw ring ito, pagsapit ng hapon, nagpahanda siya ng isang despedida party. Dumating sina Arthur, Leda at Rita, pati na rin ang mga bata at ‘di rin nawala si Hans. Pinabalik niya na rin si Martha. Siya na muli ang magbabantay kay Kyle. Nagpakasaya si Millie sa huling araw ng pananatili niya sa Pilipinas.

     Mga bandang hapon kinabukasan, nilisan na ni Millie ang mansyon. Gabi ang nakatakdang flight niya. Hinatid siya ng lahat ng malalapit sa kanya. Huling beses niya nang mayayakap sina Hans at Kyle kaya sinamantala niya na ang pagkatataon. Pagkatapos nito’y humiwalay na siya at naghintay pa ng ilang oras sa paglipad ng eroplanong sinasakyan niya.

     Masaya siya sa kabila ng mga nangyari at paulit-ulit niyang binasa ang sulat sa kanya ni Rico. Mukhang isinulat ito noong nasa kolehiyo pa lamang sila. May kalumaan na rin ang papel. Itinago niya na rin ang sulat matapos niyang pagsawaang basahin. Nag-isip siya nang malalim at kinausap ang sarili.

     “Ako si Mildred sa nakaraan at si Millie sa kasalukuyan. Kahit siguro baguhin ko pa ang pangalan ko, isa lang ang magiging kapalaran ko. Ako pa rin ang dating Mildred na naging mahina dahil sa pagmamahal. Napagtanto ko na ang mga bagay-bagay. Kung sino ang makakatanggap ng wagas na pagmamahal ay siyang magwawagi at sinumang iiwan ay magiging luhaan. Ganyan ang pag-ibig. Ganyan ang buhay. Wala akong paki kung nakuha pa ni Bernadette si Rico dahil alam kong ako pa rin ang dahilan kung bakit tumitibok ang puso niya. Ako pa rin ang panalo dahil ako ang unang nakarinig ng pintig ng puso niya.”

     Ipinikit niya na ang kanyang mga mata. Nakararamdam na kasi siya ng pagod. “Ako… Oo, ako si Mildred Roces. Mildred ang pangalan ko.” Bumulong siya, “Sa pagkakataong ito, makatutulog na ako nang mahimbing…”

      ‘Di nagtagal, lumipad na rin ang eroplanong sinasakyan niya at bigla niyang naalala ang huling hiling niya sa wishing well.

“Hinihiling ko ang kamatayan ko...”

     Naniniwala siyang ito lang ang tanging paraan para magkaroon ng kapayapaan sa puso niya. Alam nating ‘di nagmimintis sa pagtupad ng kahilingan ang wishing well. Sadyang napakahiwaga ng balon at mahiwaga rin ang mga nangyari. Isa na namang misteryo dahil sa ‘di malamang kadahilanan, bumagsak ang eroplanong sinasakyan ni Mildred.

…WAKAS...



No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly