Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...
Kabanata 1
Ilang taon na rin ang nagdaan. Binibilang ko ang bawat oras, minuto at segundo ng aking paghihintay. Naiinip na ako at nakaupo sa isang tabi ng stage ng aking dating paaralan. Nakasuot ako ng isang pormal na damit at tiniyak kong makapag-ayos ng maganda at mahusay.
Ito ang araw na pinakahihintay ng karamihan, kundi man ng lahat: ang reunion o mas mainam kung tawagin, Alumni Homecoming. Makikita ko na uli ang aking mga dating kaibigan at kaklase, at kahit na dalawang taon lang ang inilagi ko sa paaralang ito noong high school, masaya pa rin ako. Transferee ako noong third year at ang aking buhay ay talaga namang naging makulay nang mga panahong iyon.
Sampung minuto pa ang lumipas. Alas diyes y medya na (ng umaga) sa aking relo. Nagsidatingan na ang ibang nagsipagtapos dati —sampung taon na ang nakalilipas at paglipas pa ng tatlumpung minuto, dumami na ang mga tao. Lahat ay nagkukuwentuhan at nagbabatian pero ako, nakatahimik lamang at parang isa uling bagong estudyante. Maya-maya’y dumaan ang isa sa aking mga matatalik na kaibigan noong high school. Nakasuot siya ng maiksing palda at naka-shades. Tumayo ako sa aking kinauupuan at tinawag ang aking kaibigan.
“Angel!”
Natigilan si Angel, lumingon at tinitigan ako. Mukhang hindi niya ako nakilala. Sandali niyang tiningnan ang aking kamay at mukhang may napansin siyang suut-suot ko. Iniangat niya ang kanyang shades, siguro ay para makita nang mas malinaw kung sino ba ang tumawag sa kanyang magandang pangalan.
“Denise?” hindi sigurado si Angel. Hanggang sa… “Denise!” masaya niyang sinabi. Lumapit si Angel sa akin at sinuri akong maigi. “Ikaw ba talaga iyan, ha, Denise?” ‘di makapaniwalang tanong ni Angel.
“Oo, ako nga. Sino pa nga ba? Bakit naman ganyan ka? Nakakainis ka, ha! Hindi mo na ako kilala!” pagtatampo ko.
“Hindi!” nakangiting sagot niya. “Ano ka ba? Kilala kita. Kaso, hindi lang kita nakilala! Paano ba naman kasi ang ganda-ganda mo na ngayon at mas sexy ka pa sa akin.”
“Hindi naman,” pagpapakumbaba ko.
“Tara, upo tayo,” yakag ni Angel.
Umupo kami sa mga upuan sa tapat ng stage, sa bandang harapan, at tumingin-tingin ako sa paligid. Maya-maya’y inabot ni Angel sa akin ang isang magazine na may picture ng isa pa naming kaibigan.
“Si Arlene ito, tama?” tanong ko.
“Oo, siya nga iyan. Isa na siyang international model,” sagot ni Angel.
“Talaga?” tugon ko naman.
“Bakit naman ganyan ang reaksyon mo? Hindi ka ba masaya para sa kaibigan natin?”
Umiling ako, “Syempre masaya ako. Nagulat lang ako. Ang akala ko ba ay gusto niyang maging isang mahusay na… na writer?”
“Ha? Ewan ko,” napataas ng balikat si Angel. “Alam mo naman iyon, ‘di ba? Marami siyang gustong mangyari sa buhay niya at napakarami niyang pangarap!”
“Siguro masayang-masaya na siya sa trabaho niya.”
“Well, sino ba naman ang hindi magiging masaya kung kumikita ka ng malaking pera at kung ang magiging fiancĂ© mo pa ay si CARL?”
“Si Carl?!” nabigla ako.
“Yup! Si Carl! Si Carl ang fiancĂ© ni Arlene,” pagbabalita ni Angel.
“Si Carl? Talaga?” hindi ako makapaniwala. Dinugtungan ko na lang ito ng, “Sabi ko sa iyo, sila rin ang magkakatuluyan sa huli.”
Nagsimula na ang palatuntunan at ang naging guro namin noong third year at fourth year high school na si Bb. Cecilia Aragon ay pumanhik na sa stage.
“Mga dating mag-aaral,” bungad nito. Nagtawanan ang mga bisita. “O, bakit kayo tumawa? Tama naman ang sinabi ko, ‘di ba? Maaari po bang humanap na kayo ng mauupuan at sisimulan na natin ang palatuntunan.”
Nagbungad ng isang pagbati si Bb. Aragon. Correction, isa na siya ngayong ginang at siya na si Gng. San Jose.
“Mga dating mag-aaral. Parang kailan lang, ano? Sampung taon na kaagad ang lumipas. Pero hanggang ngayon, alam ninyo bang natatandaan ko pa iyang mga pagmumukha ninyo? Akala ninyo makakalimutan ko kayo? Uy, hindi pa ako ulyanin!” pagbibiro ni Gng. San Jose. “Well anyway, ngayon ay ang ating Alumni Homecoming at lahat po ay magsitayo para sa pambungad na dasal.”
Natapos na ang dasal at nagulat na lamang ako nang tawagin ako para magsalita sa harapan.
“Ngayon naman po ay tawagin natin ang ating Valedictorian dati, si Ms. Denise Cruz!” pagtawag ni Gng. San Jose. Nag-aalinlangan pa nga akong tumayo.
“Tayo! Tayo na! Punta na roon!” sabi ni Angel sa akin. Lumakad na ako.
“Nandiyan na po si Ms. Cruz. Palakpakan po natin siya,” muling sabi ni Gng. San Jose.
Nagpalakpakan ang lahat. Nahihiya nga ako kasi nakatingin ang lahat sa akin. Nang makapanhik na ako sa stage, tinanong ako ni Gng. San Jose, “Ms. Cruz, a… Miss pa nga ba?”
“Miss pa nga po,” siyang tugon ko nang itapat sa akin ni Gng. San Jose ang mikropono. Nagbulungan ang mga naroroon.
Nagpatuloy si Gng. San Jose, “Bakit ganoon? Simula noong magtapos ka ng fourth year ay wala na kaming nabalitaan sa iyo?”
Walang pag-aalinlangan ko naman itong sinagot, “Kasi po, after high school, lumipat na po kami ng bahay. Pagka-graduate ko naman po ng College, after two years, pinalad akong makalabas ng bansa. Kababalik ko lang ng Pilipinas last week.”
Tila nagkaroon ng linaw ang isipan ni Gng. San Jose nang ikinuwento ko iyon, at may napansin din siyang suot kong napakapamilyar sa kanya. Ito rin ang bagay na napansin ni Angel kanina.
“Iyang bracelet bang iyan ay bigay ng boyfriend mo?”
“Ay naku, hindi po!” pagtanggi ko kaagad. “Kapatid ninyo po ang nagbigay nito. Si Marvin po…” nahihiya kong sinabi.
“A, si Marvin! Kaya pala napakapamilyar niyan sa akin.”
Nang mapag-usapan si Marvin, may mga naghiyawang kalalakihan sa bandang likuran. Napatingin ako sa direksyong iyon at nakita ko sa dinami-rami ng taong naroroon ang mukhang iyon… Ang mukhang kaytagal ko nang hindi nakikita… Sampung taon din kung bibilangin. Bumilis ang tibok ng puso ko nang tingnan ako ng lalaking iyon. Ang lahat ng hiyawang naririnig ko ay tila nawala at pakiramdam ko, may nakatutok na spotlight sa amin. Iniilawan kaming dalawa.
Bumalik ako sa reyalidad nang sabihin ni Gng. San Jose ang, “Pero alam mo ba, hija, hindi siya makakarating ngayon?”
“A... G-ganun po ba? Bakit naman po?” tanong ko, tila naguluhan. Hindi makararating si Marvin? Pero ayun siya! Nakita ko siyang nakaupo sa bandang likuran!
“E kasi may sakit siya,” isinagot ni Gng. San Jose. “Nagpaulan kasi kahapon kaya hayan, may sakit na tuloy ngayon.” Iniba na ni Gng. San Jose ang usapan, “O sige, anyway, ang iyong gagawin ay hawakan itong mikropono, tumayo ka rito sa gitna at ibahagi mo naman ang iyong mga naging KARANASAN dito sa paaralan natin. Puwede ba yun?”
“A, opo,” sagot ko. Tumayo ako sa gitna at huminga nang malalim. Lahat ay nakatingin sa akin. Kinakabahan ako. “Paano ko ba uumpisahan ito?” tanong ko sa sarili. “Alam ko na!”
Binalikan ko ang nakaraan at nagkuwento ng ilang karanasan sa aking dating paaralan. Nakatingin pa rin ang lalaking iyon sa akin. Kakaiba ang mga titig niya. At napansin ko sa kanyang tabi ang aming kaibigan noong high school, si Arlene, na kanina ay pinagkukuwentuhan lang namin ni Angel. Nagkamali pala ako. Hindi si Marvin ang nakita ko. Si Carl pala ang lalaking iyon.
***
No comments:
Post a Comment