Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...
***
Kabanata 15
“O bakit hindi mo na binura?” tanong sa akin ni Carl.
“‘Wag na. Baka kasi mababoy pa ‘tong autograph,” sagot ko. Itinago ko na ang autograph book. Kasabay noon ay ang pagdating ng aming guro at nagsimula na naman ang mahaba-habang talakayan.
Gaya ng nakasanayan, natapos ang klase at sabay-sabay kaming umuwi. Hindi nagpapansinan sina Angel at Carl. Marahil ay galit pa rin si Carl dahil sa ginawa ni Angel, dahil nga sinubukan ni Angel na pagbatiin sila ni Arlene. Sumakay na kami sa jeep at pagdating ko sa bahay, utos na naman ng mga kapatid ko ang sumalubong sa akin. Nakakapagod gumawa ng mga gawaing bahay pero wala akong ibang magagawa kundi ang sumunod at magtiis.
Nang matapos ko nang gawin ang mga dapat kong gawin, dumiretso na ako sa kuwarto ko at inilabas ko sa aking bag ang ilang libro. Mag-aaral ako ng mga aralin dahil palapit na nang palapit ang araw ng aming First Quarterly Exam. Naalala ko ring basahin ang mga isinulat ng mga kaklase ko sa autograph book. 'Di maalis ang ngiti ko nang basahin kong muli ang isinulat ni Marvin.
Who is your crush? Denise Cruz
Kaya niya siguro tinanong sa akin kung nabasa ko na ba yung mga isinulat nila sa autograph. Yung sa kanya muna ang binasa ko at nabasa ko sa huling pangungusap ng dedication niya ang mga salitang, "Puwede ba kitang ligawan?" Nagulat tuloy ako. Kaya ba tinanong sa akin ni Carl kung nililigawan ako ng kapatid niya? Ibig sabihin, alam na ng mga kaklase namin ang tungkol dito. Hay! Nakakahiya naman. Ayoko na nga muna basahin ito. Mag-aaral na nga lang muna ako. Itinago ko na sa bag ko yung autograph.
Nang magkita kami sa tambayan ni Marvin kinabukasan, tinanong niya ako. Kami pa lang ang tao roon. Masyado pa kasing maaga.
“Denise, nabasa mo na ba yung autograph?” tanong niya sa akin.
“A, oo, pero yung sinulat mo pa lang ang binasa ko,” sagot ko.
“A talaga?” sabi niya. Namula pa nga yung mukha niya. “Edi alam mo na… na…”
“Na crush mo ako?” tanong ko.
“O-oo,” sagot niyang pangiti-ngiti pa. Nahihiya siguro. “E yung sa dedication ba nabasa mo?”
“Hmm. Hindi ko pa nababasa e,” pagsisinungaling ko. “Hindi ko na muna binasa kasi nag-aral pa ako kagabi. Malapit na kasi yung exam, 'di ba? Inuna ko muna yun.”
“A ganoon ba?” tila nalungkot siya. “Kailan mo naman balak basahin yun?”
“Bakit, ano bang mayroon doon?” tanong ko. Siguro gusto niyang malaman yung sagot ko sa tinanong niya kung puwede ba siyang manligaw.
“A wala naman,” sagot niya.
Nginitian ko siya. “Wala naman pala e! After exam ko na lang babasahin.”
“A, o sige,” tugon naman niya.
Sumapit na ang araw ng pagsusulit namin. Lahat naman kami paniguradong nag-aral. Nang makuha ko ang test paper, sinigurado kong nabasa kong mabuti ang panuto at mga tanong, at naisulat ko ang mga tamang sagot. Nakakabilib nga e kasi laging unang natatapos sa pagsagot ng papel si Arlene.
“Ang bilis namang magsagot nun,” bulong ng isa naming kaklase.
“'Di ka na nasanay riyan,” sabi naman ng isa.
Hanggang sa natapos ang araw ng pagsusulit namin, laging ganoon ang nangyayari. Si Arlene ang nauunang magpasa ng papel. Ako naman, kung hindi huli e pangalawa sa huli. Lagi nga akong inaabangan ni Marvin sa labas ng classroom. Sina Carl e lagi namang nauunang pumunta sa tambayan.
“Kahit sa huling araw ng test natin, ang bagal mong magsagot. Nag-aaral ka ba talaga?” naiinis na sabi ni Carl sa akin. Hindi ko na lang siya sinagot. Ano bang masama kung lagi akong huli magsagot ng papel?
“Kuya, ‘wag mo nang pagalitan si Denise,” pagtatanggol ni Marvin sa akin.
“Hay naku, bro. Sabihin mo kasi riyan sa crush mo na bilisan niyang magsagot. Sinasabi na naman kasi ng iba na si Arlene na lang ang palaging magaling,” sabi ni Carl. “Tara na nga, uwi na tayo,” pagyayaya niya at sabay-sabay kaming umuwi. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagpapansinan ni Angel.
Nang sumunod na araw, nag-check at nagbigayan na ng mga papel. Si Marvin ang nagbigay ng test paper ko sa English.
“Ang galing mo naman, Denise,” papuri niya sa akin. Nang tanggapin ko ang papel ko, natuwa ako sa kinalabasan ng pag-aaral ko ng mabuti.
“Ilan ka, Denise?” tanong sa akin ni Carl. Ipinakita ko ang papel ko. “Wow! Ang galing!” sigaw niya.
Nakiusyoso naman yung mga kaklase namin. “Bakit, ilan si Denise?” tanong nila.
“Fifty over fifty!” pagmamalaki ni Carl. Mas natutuwa pa nga siya e!
“Ang galing naman,” sabi ng mga kaklase namin.
“Ilan kaya si Arlene?” tanong ng isa.
“Forty-seven si Arlene. Ako nag-check ng papel niya e,” sabi naman ng isang kaklase namin.
“Dapat pala nangopya ako sa iyo para perfect ako. May mali akong isa e,” sabi ni Carl sa akin. Nginitian ko na lamang siya.
Naibigay na ang lahat ng papel namin at sa mga sumunod na subject, sobrang natuwa ako kasi ako ang may pinakamataas na nakuha. Hiyang-hiya na nga ako dahil sa mga papuring natanggap ko mula sa mga kaklase namin at mga guro. Sa kabila noon, masarap naman sa pakiramdam. Parang ganito rin naman noong grade school hanggang second year high school, bago pa ako lumipat sa paaralang ito. Sobrang dami ng papuri ang natatanggap ko mula sa ibang tao.
Natapos nga ang araw ng pagsusulit at ang bigayan ng mga papel. Ang lahat ng guro ay abalang-abala naman sa pagco-compute ng grade. May ibang nagsasabing mapapalitan na nga si Arlene sa pagiging top one ng klase at ako na raw ang papalit sa kanya. Ang iba naman ay naniniwala pa ring si Arlene ang magiging top one at ako ay top two. Kung ano ang mga mangyayari, bahala na. Hindi rin naman ako umaasang ako ang mangunguna kasi nga sa kanila na rin nanggaling na wala pang nakatatalo kay Arlene.
Dumating ang araw na nag-anunsyo ng Top Ten Students si G. San Jose. Nakuha ni Angel ang pagiging top ten. Nagpalakpakan ang mga kaklase namin. Nagawa na ring pumalakpak ni Carl. Si Carl naman ay kasali rin, siya ang pampito.
“Galing ha!” puri ko sa kanya.
“Well, ganyan talaga pag gwapo,” pagmamayabang naman niya.
Marami ang nagulat nang makuha ni Marvin ang pagiging top five.
“Ang galing naman ng Aragon Twins,” sabi ng isa naming kaklase.
“E gwapo kami. Pag gwapo talaga magaling,” sagot naman ni Carl.
At tinawag ang top four, tapos ay top three. Inaabangan nilang lahat ang pangalan ni Arlene at ang pangalan ko. Lahat ay naging tahimik nang sinabi ni G. San Jose na babanggitin niya na ang top two at panghuli ang top one kaya walang maingay.
“Top two, with an average of 95.7,” sabi ni G. San Jose at binanggit niya ang apelyido, “Cruz!”
“Wow!” sabay-sabay nilang sinabi.
“E Sir, dalawa po ang Cruz dito!” sabi ng isa naming kaklase.
“Ang top one ay may average na 96.5,” sabi ni Sir at binanggit ang apelyido, “Cruz din.”
“Sir naman binibitin ninyo kami e!” angal ng isa naming kaklase.
May ibang nanghulang ako ang top two. May ibang nagsabing si Arlene iyon. May ibang nagsabing ako ang top one. May ilang naniniwalang si Arlene pa rin.
“Ayaw ninyong mabitin? O sige sasabihin ko na,” sabi ni Sir. “Top two, with an average of 95.7,” sandali siyang tumigil at sinabi niya na rin kung sino, “Arlene Cruz!”
“Yes! Yes! Yes!” nagsisisigaw si Carl sa sobrang saya nang marinig na top two si Arlene.
“At ang top one na may average na 96.5, of course, si Denise Cruz,” pagpapatuloy ni Sir.
Pinalakpakan ako ng mga kaklase namin. Tipid na ngumiti si Arlene.
“Binabati ko kayong lahat. Sana sa susunod ay pagbutihin pa ninyo ang pag-aaral ninyo,” ang mga huling salita ni G. San Jose.
“Ano ka, Arlene! Talo ka na!” mahinang pagsabi ni Carl. Siniko ko siya. “Hay naku, Denise! Mahahalikan kita sa sobrang saya!” sabi niya sa akin.
Ipinakita ko sa kanya yung kamao ko, “Subukan mo!”
Nang mag-uwian, pumunta muna kami sa likod ng paaralan namin at bumili ng makakain. Sabi ko nga, 'di ba, may maliliit na puwesto ng tindahan dito. Celebration na raw iyon sabi nila.
“Nakakahiya naman. Ako lang ang hindi kasali sa Top Ten sa inyo,” sabi ni Gelo.
“Ok lang yun,” sabi ko kay Gelo. “Sabi naman ni Sir ikaw raw yung pang-eleven.”
Noong mga oras na iyon, naging masaya na rin kami kasi nagkabati na sina Angel at Carl. Si Carl na ang unang humingi ng sorry. Nag-sorry rin naman si Angel kay Carl. Sabi niya, hindi na raw niya gagalitin si Carl.
Binulungan din ako ni Carl, “A Denise, bukas ko na lang ibibigay yung reward mo ha.” Oo naman ang isinagot ko.
“Uy kayo, anong pinagbubulungan ninyo riyan?” pagpansin sa amin ni Gelo.
“Wala! Sa amin na lang iyon,” sagot ni Carl.
Bigla akong kinalabit ni Marvin at sinabing may ibibigay siya sa akin. Lumayo muna kami sa barkada kasi gusto niya kaming dalawa lang. Kinuha niya ang kanang kamay ko at isinuot dito ang isang bracelet.
“Para saan ‘to?” tanong ko. Hindi ko naman kasi inaasahan na bibigyan niya ako ng ganoon.
“Gusto ko lang ibigay ‘yan,” sagot niya. Nagpasalamat ako. “Denise, puwede bang magtanong,” sabi niya.
“Sige, tanong lang,” sabi ko.
“Puwede ba akong manligaw sa iyo?”
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko nang sinabi niya sa akin iyon. Wala pa rin naman kasi sa isip ko ang magpaligaw. Aaminin kong sa tuwing magkasama kami ay masaya ako at may kilig pero ewan ko, hindi ko kasi sukat akalain na aabot sa ganito ang lahat. Noong nabasa ko nga sa dedication niya sa autograph na gusto nga niya akong ligawan, hindi ko alam kung ano ang magiging sagot ko, lalo pa kaya ngayong harap-harapan niya nang sinabi sa akin.
“Hindi kaya masyado pa tayong bata para sa ganyan,” sabi ko sa kanya.
“Ayaw mo ba?” tanong niya sa akin.
“Pag-iisipan ko,” ang naging sagot ko.
“Sige, pag-isipan mo. Maghihintay ako,” sabi niya.
At nang matapos ang pag-uusap namin, nagyaya na rin siyang umuwi. Napansin nga nina Angel, Gelo at Carl yung bracelet na bigay ni Marvin.
“Ang ganda no?” sabi ko sa kanila.
“Maganda ba iyan? Mas maganda pa riyan yung ibibigay ko sa iyo bukas,” pagmamayabang ni Carl.
“Wow! Talaga, Carl? May ibibigay ka kay Denise?” tanong ni Angel.
“Yun siguro yung binubulong mo kanina no?” sabi naman ni Gelo.
Napatapik na lang si Carl sa noo niya at nag-peace sign, “Sorry, nadulas ako.” Nagtawanan ang lahat.
***
No comments:
Post a Comment