No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (7)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



***
Kabanata 7

     Magkasamang naglakad sina Angel at Carlo para hanapin ang isang tao. Sa madaling salita, para hanapin ako.

     “Sino ba ang hinahanap natin, Angel?” tanong ni Carlo sa kaibigan.
     “Hmm. Si Denise?! Yung new student. Yung katabi ni Carl. Yung kasama nating maglinis kahapon,” ang isinagot ni Angel. 
     “Si Denise? Bakit?” pagtataka ni Carlo.
     “Pinapahanap kasi ng kapatid mo e. Urgent daw.”

     Pinapahanap? Bakit kaya ako pinapahanap?

     Ako, dahil isang bagong estudyante, ay nagdesisyon munang libutin ang paaralan nang mag-isa. Ayoko namang makasama yung makulit na Mr. Walang Galang na yun. Nang ilibot ko ang mga mata ko, masasabi kong maganda ang paaralang nilipatan ko. Tahimik at marami ring puno sa paligid. 

     Habang nagmamasid, iniisip ko kung ano ba ang kahihinatnan ng buhay ko sa loob ng kahit man lang dalawang taon sa paaralang ito. Iniisip ko rin kung sinu-sino ba ang mga taong makikilala ko, magiging kaibigan ko at kung ano ang magiging rank ko sa klase. Sa gitna ng aking pag-iisip, may biglang tumawag sa akin.

     “Denise, nandiyan ka lang pala, girl!” ang narinig kong pagtawag ni Angel. Nakita kong kasama niya si Carlo.
     “Hi!” binati ko na lamang sila ng ganoon.

     Inabot ni Angel ang kamay niya sa akin upang makipagkilala, “Angelica nga pala. Angel for short.” Sinabi ko rin ang pangalan ko. Nagbitiw na ang mga kamay namin. “Kilala mo na naman siguro itong kasama ko,” sabi niya pa.

     “A oo, si Carlo,” sagot ko. “Magkasabay kami kahapon e.”
     “Oo nga. Kasama ninyo pa nga raw si Carl,” sabi ni Angel.

     Tumango ako, “Kasabay nga namin siya.” 

     “Puwede ka bang sumama sa amin?” tanong ni Angel sa akin.
     “A, saan tayo pupunta?” balik na tanong ko.
     “Diyan lang, malapit sa gate,” sagot ni Angel. Niyaya na nila akong maglakad.

     Pagdating namin doon, nakita ko sina Carl, Angelo at Arlene. Mukhang kanina pa nga naghihintay si Carl. Nag-uusap naman sina Arlene at Angelo.

     “O, andyan na sila!” sabi ni Carl.

     Napahinto sina Arlene at Angelo sa pag-uusap. Lumakad sina Angel at Carlo papunta sa kanila. Sumunod naman ako. Tumayo si Carl sa kanyang kinauupuan at hinila ako. Aray ha! Ang bigat talaga ng kamay! Isa-isa niyang ipinakilala ang mga kaibigan niya. Kung tutuusin, kilala ko na naman sila.

     “Denise, ito nga pala si Gelo, si Angel at kapatid ko, si Carlo,” pagpapakilala niya sa mga kaibigan niya.
     “Kilala ko na sila kahapon pa kaya hindi mo na sila kailangang ipakilala,” sabi ko sa kanya. 

     Habang tinitingnan ko sila isa-isa, napansin kong parang may kakaiba sa mga titig ni Arlene. Napansin ko ring lahat ay ipinakilala ni Carl pero hindi si Arlene.

     “Hindi ba siya si Arlene?” tanong ko kay Carl.
     “Oo. So what?” harap-harapang pagsabi ni Carl. Nagulat ako dun. Nagpatuloy si Carl, “A siyanga pala, guys. Dahil new student itong si Denise at sigurado namang wala pa siyang gaanong kilala rito, hindi ba mas makabubuti kung isasali natin siya sa grupo natin?” 

     Nabigla ako sa sinabi ni Carl. “Ha? Ako?” ang naitanong ko sa kanya. Ano? Anong mas makabubuti? Isasali niya ako sa grupo nila? Ano ba yun? Ayoko nga siyang makasama, ni ayaw ko siyang makatabi tapos isasali niya ako sa barkada niya?

     Kani-kaniyang reaksyon ang lahat.

     “Maganda ‘yan! Maganda ‘yan!” sabi ni Angelo.
     “Edi masaya! Madadagdagan na ang barkada. Isama mo pa si Carlo,” masaya si Angel.

     Lahat nakangiti noong sabihin ni Carl na isasali nila ako sa barkada nila. Lahat… maliban nga lang kay Arlene.

     Siniko ni Angelo si Arlene, “Magsalita ka naman diyan, Arlene.” 

     Tipid na nagsalita si Arlene, “Oo. Masaya ako.” At nagpaalam siya, “Sige, may pupuntahan pa ako. Maiwan ko na kayo.” Umalis na si Arlene.

     Sa silid-aralan. Hindi pa dumadating yung sinasabi ni Bb. Aragon na magiging bagong adviser namin at sa loob ng klase, napakaingay ng mga estudyante. Kahit na sabihin mong kami yung pinakamataas na section, ang iingay talaga nila.

     “Masaya ka ba sa desisyon ko?” tanong ni Carl sa akin.
     “Bakit mo ginawa yun?” siya namang tanong ko habang nakapalumbaba sa desk ng upuan ko. “Hindi ko naman hiniling na mapasama sa barkada ninyo,” sabi ko sa kanya.
     “Ang arte mo naman!” nainis pa si Carl sa akin. “New student ka. Kailangan mo ng makakasama at kanino ka sasama? Kay Rhea? Naku! Sasabihin ko sa iyo, masamang impluwensya ang babaeng iyon!”

     Inaalala ko pa rin yung naging reaksyon ni Arlene kanina. “Mukha kasing ayaw ni Arlene e!” sabi ko kay Carl.

     “Kung ayaw niya, paki ko? Siya na lang ang umalis. Bakit ba? Sino ba siya?”

     Nagtataka ako sa mga sinasabi ni Carl. May hidwaan ba talaga sa pagitan nila ni Arlene?

     “Bakit ba ganyan ka makapagsalita kay Arlene? Para namang hindi kayo magkaibigan.”

     Umiling si Carl, “Hindi talaga. Kahit kailan, hindi ko naging kaibigan yung babaeng iyon. Sinama lang naman siya ni Gelo sa grupo. Paano, may gusto kasi siya doon.”

     Nasurpresa ako sa sinabi ni Carl, “Si Angelo, may gusto kay Arlene?”

     “Hindi alam ni Arlene yun. Matagal na ring itinatago ni Gelo. Ayaw niyang malaman ni Arlene. E may magagawa pa ba ako? Syempre pinagbigyan ko na si Gelo kahit labag sa kalooban ko. Alam mo kasi, noong gradeschool pa kami, apat lang talaga kami sa barkada. Ako, si Gelo, si Angel at si Dar—” Huminto bigla si Carl. 
     “Sino?” tanong ko.
     “A, wala!” sagot niya. Tumayo na lang siya sa kinauupuan at sumilip sa may pintuan.

     Ano yung huli niyang sinabi? Hindi ko nakuha yun ha! Hay… Ang gulo ni Carl.

     Pagkasilip sa pintuan ay nagsaway na siya. Mukhang paparating na yung bagong adviser namin. “Hoy classmates! May teacher na dumadating. Tumahimik kayo!” Sinunod na naman siya ng mga kaklase namin. 

     Yabag ng mga paa ang maririnig at ilang pag-uusap. Pag pasok ng classroom, bumungad sa amin si Bb. Aragon kasama ang sa tingin namin ay ang bagong gurong tinutukoy niya. Lalaki ang bago naming guro.

     “Good morning!” pagbati ni Bb. Aragon. “Gaya nga ng sabi ko, may bago na kayong adviser.” Ipinakilala niya ang bagong guro, “Siya si G. Anthony San Jose. Siya ang magiging adviser ninyo hanggang sa katapusan ng klase. Filipino at Values Education ang ituturo niya. Gusto kong sundin ninyo siya. Igalang ninyo siya at makinig palagi sa itinuturo niya.”
     “Siya pala iyon,” sabi ni Rhea na tila kinikilig pa. “Ang gwapo niya!”
     “Rhea, mahiya ka nga!” saway ng katabi niya. Inirapan siya ni Rhea.

     Umalis na si Bb. Aragon at si G. San Jose ay nagsimula nang magsulat sa pisara. Isinulat niya ang pangalan niya, ‘Anthony San Jose’.

     “Ako nga pala uli si G. Anthony San Jose. Bago lang akong guro rito. Hahawakan ko ang inyong Filipino class pati na rin ang Values Education. Inaasahan kong magkakaroon tayo ng magandang pagsasamahan.”

     Tumayo si Carl at napansin siya ng guro namin.

     “Yes, Mr.?” Kinukuha ng guro namin ang pangalan ni Carl.
     “Carl. Carl Aragon po,” sagot ni Carl.
     “A! Aragon. Oo, kilala pala kita. Anong meron?”

     Nagtaka si Carl. Siguro ay iniisip niya kung paano siya nakilala ni G. San Jose. Nagtanong na siya, “Magiging teacher pa po ba namin si Ma’am Cecilia?”

     “Oo. Magiging teacher ninyo pa rin siya at English ang hahawakan niya sa inyo,” sagot ng guro namin.
     “A, thank you po,” pagpapasalamat ni Carl. Umupo na siya pero tumayo na naman siya.
     “Kulit a,” isip ko.
     “Question, sir!” sabi ni Carl.
     “Ano uli?” tanong ni G. San Jose kay Carl.
     “Kailan po tayo mag-eelect ng officers?”
     “Aba e, ngayon na kung gusto ninyo!” masiglang sabi ni G. San Jose. “Teka, kilala ninyo na ba ang isa’t isa? Magkakaklase na ba kayo dati?”
     “Opo, sir,” sagot ni Carl. “Pero may dalawa pong new students.”
     “Ay, oo! Taas nga ng kamay ang new students,” utos ni G. San Jose.

     Nagtaas ako ng kamay gayundin si Carlo. 

     Tinitigan ni G. San Jose si Carlo at may napansin siya. “Kambal ba kayo?” tanong niya rito. Tumango si Carlo. “Mas makulit siya sa iyo ha,” sabi ni G. San Jose. Nginitian lang siya ni Carlo.

     Ayan na, simula na talaga ng election ng class officers dahil nagpahayag na si G. San Jose. Tuwang-tuwa ang klase dahil sa enerhiya niya.

     “Ang hapag ay nakabukas na para sa pagtatala ng mga pangalan. Sinong gustong mag-nominate? President muna para masaya!”

     Nagtaas ng kamay si Carl, “Ako po, sir! Ako po!”

     Tinawag siya si G. San Jose, “O sige Carl, ikaw na ang mag-umpisa.”

     “I respectfully nominate…” ang mga salitang sinabi ni Carl. Ngumiti at tumingin siya sa akin.
     “Problema mo? Smile ka pa riyan, nagpapacute ka pa,” isip ko. At napagtanto kong kaya pala siya nakatingin sa akin kasi gusto niya akong itala para maging Presidente ng klase. “Teka, uy ‘wag ako!” sabi ko.

     Pero hindi na siya napigilan. “… Denise Cruz for President!”

     Inilista ang pangalan ko at wala nang ibang nais magpatala ng pangalan. Ako tuloy ang nanalo.

     “Ang daya…” nasabi ko na lang sa sarili ko.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly