***
Chapter 13
The Face Behind The Mask
Tatlong araw nang inaaral ni Hans ang English-Tagalog dictionary na pinahanap niya pa sa mga kasambahay. Kasalukuyan siyang nagpapaturo sa dalawa nilang kasambahay at kay Martha. Sinusubukang pigilan ni Kyle ang pagtawa sa tuwing nakikitang nakaupo si Hans sa sofa at seryosong-seryoso sa pag-aaral ng wikang Tagalog.
Suot ang puting uniporme, taas noong lumabas si Kyle ng bahay. Naaawa siya kapag pinagmamasdan niya ang kapatid pero pag labas niya, ibinuhos niya ang pagtawa niya. Hindi niya malilimutan ang mga sandaling kinakausap siya ng kapatid sa teribleng accent nito. Nakakatawa talaga pag nagsasalita ng Tagalog si Hans. Pinagbuksan na si Kyle ng driver at sumakay na siya sa kotse upang magtungo sa paaralan.
Sa Unibersidad. Nakaupo si Iris sa tambayan at inaantabayanan ang pagdating ng text message ni soulm8. Kahit na ilang araw pa lang silang magkatext, napalapit na siya nang husto rito. Naninibago nga rin siya dahil sa nakalipas na tatlong araw e nagsimula na itong mag-Tagalog. Inamin ni soulm8 na hindi talaga siya marunong mag-Tagalog pero nag-aaral siya ngayon para pag nagkita na sila ni Iris ay puwede siyang makasabay sa usapan. Noong simula pa lang, sinubukan niya nang tanungin kung saan nakuha ni soulm8 ang number niya. Ang sabi ni soulm8, sasabihin na lang daw niya ang lahat pag nagkita na sila. Kung saan at kailan sila magkikita, hindi pa nila alam dahil hindi pa nila iyon napag-uusapan.
“Hinihintay mo ang text ni soulm8?” tanong ni Kyle. Nakita niyang nakayuko si Iris at nakatitig sa cell phone.
Itinaas ni Iris ang ulo niya at nakita si Kyle. “Nandito ka na pala,” sabi niya. Itinago niya na ang cell phone niya.
Tinabihan ni Kyle ang kaibigan at binulungan, “Paano kung sabihin kong kilala ko si soum8?” tila nanunukso. At idinagdag, “Paano kung sabihin kong siya si Hans?”
“Hans?” Biglang naalala ni Iris na ito ang pangalan ng kuya ni Kyle. Nagulat siya, “Hindi nga?”
Inilabas ni Kyle ang cell phone niya at ipinakita ang naka-register na number ni Hans pero hindi pa rin kumbinsido si Iris.
Naglalakad na sila ngayon sa corridor. Nababagabag pa rin si Iris dahil sa mga sinabi ni Kyle kanina. Bakit hindi niya napansing si soulm8 at Hans ay parehong nag i-Ingles dahil sa isang katotohanang galing si Hans sa ibang bansa?
“Siya ba talaga yun?” nag-aalinlangan pa rin siya.
“Oo, si Hans ay si soulm8,” sagot ni Kyle. “Nahuli ko siya e ayaw niyang mabuko kaya binigyan ko siya ng kondisyong hindi ko siya ibubuko kung magta-Tagalog siya. English siya nang English sa bahay, naririndi ako!”
May posibilidad ngang si soulm8 ay hindi marunong mag-Tagalog dahil lumaki siya sa ibang bansa at nag-aaral siya ngayon ng wika natin para hindi ibuko ni Kyle.
“Nagta-Tagalog na ba siya ngayon?” tanong ni Iris. “Kasi Tagalog na siya mag-text.”
“Haha! Oo nagta-Tagalog na siya!”
“Yun naman pala. E bakit binuko mo pa rin siya?”
“E naiirita ako sa Tagalog accent niya! Hmm. Naiirita at the same time natatawa.”
“Sira ka talaga!”
Umupo na sila sa kani-kaniyang upuan nang makarating sa silid-aralan. Nagsimula na ang klase at sa mga oras na ito, kumbinsido na si Iris na si Hans nga talaga si soulm8.
Kinagabihan, magkatext na naman sina Iris at soulm8. Sa kanilang pag-uusap, sinubukang isingit ni Iris ang tungkol sa eyeball (EB) nila. Gaya ng ibinilin ni Kyle kaninang umaga, inischedule niya ang pagkikita nila sa Sabado. Walang pasok sina Iris ng ganitong araw at hindi iyon magiging problema para kay Hans dahil hindi naman siya nag-aaral. Mayroon ding plinano si Kyle. Dahil sa sinabi ni Iris na takot siyang makipagkita, naisipan niyang mas maganda kung isasama ni Iris si Ellie. Sasabihin ni Iris na mag-isa lang siyang pupunta, na siya at si soulm8 lang ang magkikita. Siguradong madidismaya si Hans pag nakita niyang may ibang kasama si Iris. Tapos, mananatili lang si Kyle sa bahay at sasamantalahin niya ang pagkakataong makasama si Millie nang walang umaaligid na asungot.
Kinabukasan, kinausap nina Kyle at Iris si Ellie. Sinabi nila ang sitwasyon, na may textmate si Iris na nagtatago sa pangalang “soulm8”. Namula nga ang mukha ni Iris nang sabihin ni Kyle na mukhang interesado si soulm8 sa kanya. Balak magkita nina Iris at soulm8 at dahil takot makipag eyeball si Iris, ‘di naman puwedeng masamahan ni Kyle si Iris sa araw na iyon dahil may gagawin siya, iminungkahi ni Kyle na samahan na lang ito ni Ellie. Hindi nagustuhan ni Ellie ang ideyang ito, ang pakikipag eyeball. Wala pa rin siyang karanasan sa ganito at tangi niyang naisip,
“Kung takot kang makipag eyeball, Iris, edi ‘wag ka nang tumuloy.”
May punto si Ellie. “Pero naka set na ang pagkikita namin sa Sabado!” panghihinayang ni Iris.
“Hindi mo kilala kung sino ang taong iyan. Mamaya kung ano pa ang gawin niyan sa iyo. Ayokong mapahamak ka,” bakas kay Ellie ang pag-aalala. “Ayokong mawalan pa uli ng mahal sa buhay,” mahina at malungkot niyang pagkakasabi.
Nakuha ni Iris kung ano ang ibig sabihin ni Ellie. Ayaw nitong siya ang sumunod kay Benjo. Hinawakan niya ang kamay ni Ellie at sinabing,
“Salamat sa pag-aalala mo, Ellie. Pasensya na, ‘di namin nabanggit na kilala na namin kung sino talaga si soulm8.”
“Talaga? Kilala ninyo?” Tumango sina Iris at Kyle. “Sino?”
“Si Hans, yung impaktong kapatid ko,” sagot ni Kyle.
Nagulat si Ellie. Kung si Hans ay si soulm8 at magkikita sila ni Iris, malalaman ni Iris na si Hans ay kamukha ni Benjo! Baka magulat pa ito at isiping nabuhay ang isang patay. Pero hindi niya rin maitatago habang buhay kung ano ang nakita niya sa mansyon ng mga Evans at sa photo album. Mas maganda na rin siguro kung malalaman ni Iris ang tungkol dito.
“O sige, sasamahan na kita,” pagpayag ni Ellie. “Pero ‘wag kang magbabanggit kay Ivan na makikipag meet tayo. Baka magalit sa’tin yun.”
Niyakap ni Iris si Ellie, “Thanks, Ellie! Thanks my future sister-in-law!”
Dumating na ang nakatakdang araw ng pagkikita nina Iris at soulm8. Magkikita ang dalawa sa parkeng madalas na puntahan nina Ellie at Benjo noong nabubuhay pa ito. Pinupuntahan din nina Ellie at Ivan ang lugar na ito.
Sa lilim ng matayog na punong manggang hitik na hitik sa bunga naisipang magtagpo ng dalawa. Nakatayo sina Iris at soulm8, kinakabahan. Marahang umiihip ang hangin na sinasabayan ng pagsayaw ng mga bulaklak.
Nasa harap na ngayon ni Iris si soulm8 —si Hans. Nakasuot ito ng maong pants at brown t-shirt na kung mapapansin kahit simple e branded clothes pala. Natatakpan ng Oakley shades ang mga mata ni Hans kaya hindi pa rin buo sa isip ni Iris ang hitsura nito. Nagkakahiyaan ang dalawa at walang gustong magsalita hanggang sa nabanas si Kyle.
“Baka gusto ninyong mag-usap,” aniya. Isinama pala siya ng kapatid niya kaya ang planong masolo si Millie at gawing dismayado si Hans ay nabulilyaso.
“May kasama ka pala,” pagsisimula ni Iris.
“Ikaw rin,” tugon ni Hans sa terible niyang accent. Nakita niya kasing may kasamang babae si Iris, si Ellie yun. Humingi siya ng paumanhin, “Sorry if I can’t speak straight Tagalog.” At sinabi niya na kay Iris ang totoo. Sinabi niyang siya ang kapatid ni Kyle na nakatext niya at siya talaga si soulm8. Hindi na nagulat si Iris doon pero nagpanggap na lang siyang walang alam.
Pormal nang nagpakilala si Iris, “I’m Iris Alvarez. Kaklase ako ni Kyle and above all, his true friend.” Ipinakilala niya rin si Ellie na nakatayo sa likuran niya, “This is Ellie, my brother’s girlfriend.”
Napansin ni Ellie na balak nang tanggalin ni Hans ang shades nito at binulungan niya si Iris, “Tingnan mong mabuti ang mukha niya.”
Nilingon ni Iris si Ellie, “Ha?”
“Tingnan mong mabuti ang mukha niya,” ulit ni Ellie.
Sa pagkakataong ito, tinanggal na ni Hans ang shades niya at nagsalita, “I’m Hans Evans.” At nang tumingin si Iris sa kanya…
“Nice meeting you, Iris,” dagdag ng binata.
Nanlaki ang mga mata ni Iris sa nakita. Tila tumahimik ang paligid. Walang ibang naririnig si Iris. Nakikita niyang patuloy na nagsasalita si Hans pero hindi niya ito naririnig. Nakatulala lang siya, nakatitig sa mukha ni Hans. At lumabas na ang bigla sa bibig niya ang,
“Benjo…”
Dumilim ang paningin ni Iris at dahan-dahan siyang bumagsak. Nagulat ang lahat sa nangyari.
***
No comments:
Post a Comment