***
Chapter 2
Hopeless Wish
Sumikat na muli ang haring araw. Isang bagong simula. Ang hamog ng mga dahon ay dahan-dahang pumapatak sa lupa. Nagsisipasukan na naman ang mga estudyante. Tinatahak na naman nila ang mahabang daanang iyon na ang dulo ay ang tarangkahan ng Unibersidad. Ang mga punong matatayog ay makikitang nakatirik sa lupa. At ang mga poste sa paligid… Sandali, bakit ganito ang mga poste? Iba ang hitsura nito kumpara sa mga posteng nadadaanan kahapon. Aha! Kaya naman pala! Ito kasi ang Unibersidad mahigit dalawampung taon na ang nakalilipas.
“Mildred!” sigaw ng isang binata. Siya ay sadyang kay kisig at ‘di maikakaila na sa gwapo niyang mukha ay marami ang patay na patay sa kanya. Tinitilian siya ng mga kababaihan at halos malaglag naman ang salawal ng mga nasa ikatlong kasarian kapag siya ay nakikita, isang Adonis ng kagwapuhan. Dahil dito ay binansagan siyang “kilabot ng mga kolehiyala”.
Huminto ang binibining may-ari ng pangalang Mildred at lumingon. Kay ganda ng kanyang mukha. Ang kanyang mga mata ay nakabibighani at ang hubog ng kanyang katawan ay parang bote ng Coca-Cola. Kung iyong pagmamasdan ang suot niyang uniporme, makikita mong isa siya sa daan-daang mag-aaral sa Unibersidad na kumukuha ng kursong Nursing.
“Bakit?” ang tanong nito sa binatang tumawag sa kanyang pangalan.
“Puwede ba kitang yayaing mag dinner mamaya?”
“Dinner? Pasensya ka na ha? Marami akong gagawin e! Sa ibang araw na lang.”
Mukhang nadismaya ang binata sa narinig. “Ibang araw? E lagi mo namang sinasabi iyan pero lumipas na ang isang taon, ayaw mo pa ring paunlakan ang paanyaya ko.”
“Pasensya ka na talaga, Arthur,” paumanhin ni Mildred at inilakad niya na ang kanyang mga paa.
Sa kantina. Nag-uusap ang tatlong kalalakihang ito. Hanggang ngayon ay ipinagluluksa pa rin ni Arthur ang pagtanggi ni Mildred sa alok niya.
“Ano ba naman iyan, mga bro! Tinanggihan na naman ako ng pinsan ninyo!”
Tumawa ang isa sa kanila, si Ricardo na mas kilala bilang ‘Rich’, “Haha! Akala ko ba, Arthur, ‘kilabot’ ka ng mga kolehiyala e bakit si Mildred lang ‘di mo pa maaya riyan sa dinner date mo?”
“Hoy Rich, ‘wag mong nila-lang si Mildred. Ang tagal ko na kayang sinusuyo iyon! Alam ninyo, kung ‘di nga lang maganda iyang pinsan ninyo, ‘di ko papansinin iyan e! Sa gwapo kong ito? Huh!”
Ang isa naman nilang kasama ay panay lang ang kain at hindi iniintindi ang pagmamaktol ni Arthur.
“Oy Rico, baka gusto mong magtira? Hindi lang pera mo ang ginamit sa pagbili ng french fries na iyan.”
Huminto si Rico sa pagkain at humingi ng paumanhin, “Hehe! Sorry Arthur, sarap e!”
“Tawa tawa ka pa riyan!” Kumuha rin si Arthur ng french fries.
Noong uwian, nagkandarapa na naman si Arthur sa pagsunod-sunod kay Mildred.
“Mildred, please naman, pumayag ka na kasi sa dinner date o!”
“May pupuntahan pa ako, marami pa akong gagawin e,” ang laging dahilan ni Mildred. Iniwanan niya na naman si Arthur, gaya ng palagian niyang ginagawa at naglakad mag-isa palabas.
Madilim na at tanging ang ilaw na nagmumula sa mga poste ang nagpapaningning sa buong paligid. Patuloy na naglakad si Mildred dala ang ilang libro at nang marating niya na ang lugar na iyon, ang lugar kung saan pakiramdam niya siya lang ang nakaaalam, ay huminto siya. Tiningnan niya kung may tao sa paligid. Walang ibang tao. Hindi siya sinundan ni Arthur, kaya’t nagtuloy-tuloy siya papasok sa maraming puno.
Mahaba-haba rin ang daan na kanyang tinatahak ngayon na animo’y walang katapusan. Hindi niya inintindi ang pagtapilok niya tuwing makatatapak ng bato at gawa na rin ng mataas na takong ng kanyang sapatos. Ilang sandali pa ay huminto na siya. Narating niya na ang lugar na madalas niyang puntahan tuwing uwian. Ito rin ang nagiging dahilan upang tanggihan niya ang alok na dinner date ni Arthur.
Dumukot siya ng barya sa kanyang bulsa at naglakad palapit sa isang balon. Hindi ito isang pangkaraniwang balon sapagkat ang nasa harap ni Mildred ay isang wishing well. Malakas ang paniniwala niyang tutuparin ng balon ang kanyang kahilingan at kahit na isang taon na siyang humihiling sa balong ito, wari’y ‘di naman natutupad ang hiling niya, ay hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa.
Hinalikan ni Mildred ang baryang hawak niya at humiling, saka niya ito inihulog sa balon. Nagbuntong-hininga siya. Kailan kaya magkakaroon ng katuparan ang kahilingan niya?
Iiwan niya na sana ang balon ngunit nang siya ay paalis na, may isang lalaking nanggaling sa kanyang likuran ang tumakip sa kanyang bibig.
“Huwag kang kikilos ng masama!” bulong nito sa kanyang tainga.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Pinangunahan si Mildred ng takot. Ano ang gagawin ng lalaking iyon sa kanya? Pagnanakawan kaya siya nito? Kung gayon ay ibibigay niya na ang lahat ng pera niya at mga alahas!
“‘Wag kang sisigaw kung gusto mo pang mabuhay! Sabagay, kahit magsisigaw ka rito ay walang makaririnig sa iyo,” muli nitong sinabi.
Pumalag si Mildred. Hindi siya maaaring masawi sa mga oras na ito!
“Huwag kang gagalaw kung ayaw mong masaktan!” sigaw ng lalaki.
Pumasok bigla sa isip ni Mildred si Rico. Ito ang pinsang pinakamalapit sa kanya at tinuruan siya nito ng self defense noong high school pa lamang sila. Sabi nito ay magagamit niya iyon bilang proteksyon laban sa mga taong gustong manakit sa kanya. Mukhang makatutulong nga ito sa oras ng panganib, lalong-lalo na ngayon.
Kumuha ng buwelo si Mildred at sinikmuraan ang lalaki gamit ang kanyang siko. Dahil sa ginawa niya ay napabitiw ang lalaki sa kanya. Babalibagin niya pa sana ito ngunit sa narinig niyang pag-aray ng lalaki, mukhang namimilipit na ito sa sakit ng tiyan.
“Aray ko po…” sambit ng lalaki at nang lingunin ni Mildred ang kaawa-awang lalaking iyon ay nakita niya ang mukha ng lalaking kanyang pinapangarap.
Napakagat ng labi si Mildred. Ang lalaking nasaktan niya ay ang taong nagiging dahilan ng paghulog-hulog niya ng barya at paghiling sa balon. Ang lalaking tumakip sa kanyang bibig ay walang iba kundi ang pinsan niyang si Rico.
***
No comments:
Post a Comment