No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Monday, April 16, 2012

Rhythm of Heartbeat (35)



***
Chapter 35
This is the End

     Sampung araw na ang inilalagi ni Hans sa bago niyang bahay. Aaminin niyang mas gusto niya rito kahit na ‘di ito kasing laki ng dati niyang tinitirhan. Sa mga nakalipas na araw, natuto na siyang magsalita ng Tagalog dahil sa patnubay ni Rita kahit na medyo hirap pa nga siya. Naging madalas rin ang pagtugtog nila sa bar. Nakilala niya na rin ang kaaway na grupo ng Rascals, ang Backstabbers. Hindi naman sila ganun kasama. Kilala na rin siya ng karamihan. May iba nga lang na natakot sa kanya, lalo na yung mga nakakilala kay Benjo pero nagawa namang ipaliwanag ni Reed ang lahat. Naging mabuti na ang lahat sa kanila ni Iris. Madalas na nga silang lumabas. Maayos na rin ang lahat kina Kyle at Iris matapos sabihin ni Hans na inosente si Iris at ‘di nito tinanggap ang pera.

     Napakaganda ng sikat ng araw nang maglakad sina Iris at Kyle sa mahabang daanang papasok sa Unibersidad. Masayang nag-uusap ang dalawa nang mahampas ni Iris ang braso ni Kyle. Napa-aray tuloy si Kyle.

     “Ang arte ha! Mahina lang naman yun,” sabi ni Iris.
     “Masakit e!” sagot ni Kyle. Hinawakan niya ang braso niya.

     Huminto sila at may napansin si Iris sa kabilang braso ni Kyle. Bigla niyang itinaas ang kabilang manggas nito.

     “Aray!” sambit ni Kyle.

     Naawa si Iris sa kaibigan. Bakas sa maputi nitong balat ang mga nangingitim na pasa.

     “Anong nangyari riyan?” nag-aalalang tanong ni Iris.

     Hinimas ni Kyle ang braso niya, “Wala naman ito. Hindi kasi ako nag-iingat kaya—”

     “Kaya ano? Nahulog ka sa hagdan?” sarkastikong tanong ni Iris. Itinaas niya rin ang kabila pang manggas ni Kyle at nakitang may pasa rin pala ang brasong nahampas niya kanina. “Kyle, ano ba ‘to?”
     “Wala nga, ok?” sagot ni Kyle. “Tara na!” yakag niya. Hinila niya si Iris pero bumitiw ang dalaga.
     “Sinasaktan ka ba ng mommy mo?” tanong ng dalaga. Hindi nagsalita si Kyle. “Ano?!” naiiyak na tanong ni Iris.
     “Nagkaganun lang naman siya mula noong umalis si Hans sa bahay e! Palagi siyang lasing. Ako ang napagbubuntungan niya ng galit niya,” sagot ni Kyle. “Pero ‘wag kang mag-alala, hindi naman ako nagagalit kay Hans. Alam ko namang hindi na babalik si Hans sa bahay e! Ok lang naman kahit ginaganito ako ni mommy e!”

     Hindi makapaniwala si Iris, “Ha? Ok ka lang? Ok lang kahit ginaganyan ka ng mommy mo? Kami nga hindi namin naranasang masaktan nina nanay at tatay!”

     “Ok lang ako,” ang patuloy na isinasagot ni Kyle.
     “Hindi ka ok, ok? Sumama ka mamaya sa akin. Ipakikita natin kay Hans ‘yan.”

     Pagdating ng uwian, dinala ni Iris si Kyle sa bahay nina Reed at iniharap niya ang kaibigan kay Hans. Naroon din si Rita.

     “Tingnan mo kung ano ang ginawa niya kay Kyle,” si Millie ang tinutukoy ni Iris. Pinahubad niya ang uniporme ng kaibigan. Hinubad na rin ni Kyle ang suot niyang sando.

     Tumambad kina Hans, Reed, Rita at Iris ang mga pasa. May mga pasa at sugat rin si Kyle sa likuran niya.

     “Oh my God!” bulalas ni Hans. “Kyle, you have so many bruises!” Hinawakan niya ang mga pasa sa likod ni Kyle dahilan upang mapa-aray na naman ito.
     “Ipa-pulis mo ‘yang mommy mo!” ang unang pumasok sa isip ni Rita.
     “Hindi ko magagawa yun,” sagot ni Kyle.
     “Edi umalis ka na lang sa bahay ninyo!” mungkahi ni Reed.
     “Saan naman ako titira?” tanong ni Kyle.
     “E mayaman naman kayo, ‘di ba? For sure marami ka namang pera. Puwede kang umupa sa condo o mag-boarding house,” sagot ni Reed.
     “Kinuha ni mommy ang ATM card ko. Simula rin noong umalis si Hans, ‘di niya na ako binibigyan ng allowance. Last money ko na rin yung pinang-lunch ko kanina.”

     Walang kaalam-alam si Iris na ganito pala ang nangyayari sa kaibigan niya. Lagi pa naman silang magkasama sa Unibersidad pero ngayon lang niya napansin ang mga pasa ni Kyle. Kung puwede lang sana niyang patirahin si Kyle sa bahay nila ay gagawin niya kaso nga lang, masyado na silang marami. Walo na sila sa loob ng bahay.

     Sinuot na muli ni Kyle ang damit niya. Gumawa na lang si Hans ng paraan. Nakiusap siya kay Rita,

     “Tita Rita, ok lang ba. Kuwng ditow. Ti-tira si Kyle. Sah bahay?” ang paputol-putol na pagta-Tagalog ni Hans.

     Nag-isip si Rita.

     “Please! For me,” pagmamakaawa ni Hans.
     “O sige na nga,” pagpayag ni Rita. “Pero panandalian lang. Alam mo namang masama ang loob ko sa mommy niya.”

     Nagpasalamat si Kyle sa kanila.

     Hinatid na nina Reed at Hans sina Kyle at Iris palabas. Madilim na sa labas at bago pa umuwi, kinausap ni Reed si Kyle.

     “Anong plano mo bata, ngayong gabi ka na aalis?” tanong niya rito. “Kasi kung ako sa iyo, hindi na ako magpapaabot ng isang araw pa sa bahay na yun.”

     Nag-isip si Kyle, “Hmm. Alam ko na! Tatawag na lang ako kay mommy pero sasabihin kong ‘di na muna ako uuwi tonight kasi gagawa kami ng project.”

     “Ayos ha! Maniwala naman kaya yun? O pagkatapos nun, ano ba? Hindi ka na talaga uuwi?” tanong muli ni Reed.
     “Uuwi rin ako ngayon pero hihintayin ko munang patayin niya lahat ng ilaw sa mansyon. Nagpapatay naman siya tuwing gabi e! Then ayun, sisimple ako at kukuha ng gamit. Hindi rin naman niya nila-lock yung gate kasi… ” Napakagat si Kyle sa labi niya, “...baka umuwi pa nga si Hans sa bahay.”

     Umiwas ng tingin si Hans. Wala na siyang balak na bumalik pa sa mansyon. Napansin iyon ni Iris kaya iniba niya na lang ang usapan.

     “Puwede ba akong sumama, sis?” tanong ni Iris. “Tutulungan na kita para naman mapabilis yung pagkuha mo ng mga gamit.”

     Nang marinig na sasama pala si Iris, nagbago ng desisyon si Hans. “I’ll go, too!” sabi niya. “Remember, I still have the car’s key,” pagpapalusot niya.

     “Ok,” pagpayag ni Kyle. “Basta pag dating natin dun, we must be really really quiet.”

     Tinawagan na muna ni Kyle si Millie gamit ang isang pay phone at sinabing hindi na muna siya uuwi. Matapos ang usapan ng mag-ina, nanatili muna sina Kyle at Iris sa bahay nina Reed. Doon na rin sila naghapunan.

     Gamit ang kanyang cell phone, tinawagan din ni Reed si Neri upang sabihin kung ano ang nangyayari ngayon sa bahay nila. Bandang alas diyes y medya ng gabi, umalis na sina Hans, Iris at Kyle sa bahay nina Reed at nagpunta na nga sila sa mansyon. Gaya ng inaasahan, nakapatay na ang lahat ng ilaw. Bukas din ang gate. Humiwalay na si Hans kina Kyle at Iris upang ihanda ang kotse. Nakita nga rin niyang dalawa na ang nakaparadang kotse. Ang isa panigurado’y bagong bili ni Millie.

     Nagtuloy-tuloy sina Kyle at Iris papasok sa mansyon. Madilim ang buong paligid. Medyo nahihirapan nga rin silang makakita. Naglakad sila nang marahan at maingat na maingat ang kilos nila. Umakyat sila sa hagdan at ilang sandali pa’y narating na nila ang silid ni Kyle. Ang pagbukas nila ng pinto ang gumawa ng ingay.

     Nagawa pang sawayin ni Iris si Kyle, “Ssshhh!”

     “Sorry,” pabulong na sabi ni Kyle.

     Nagpatuloy na sila, pumasok sa loob at dahan-dahang isinara ang pinto pero naging maingay pa rin. Hindi na nila inintindi iyon dahil sa pag-aakalang tulog na si Millie. Ang ilaw lang na binuksan ni Kyle ay ang sa lampshade. Nagmadaling kumuha si Kyle ng extrang bag at binuksan niya ang aparador para kumuha ng damit. Tinulungan siya ni Iris.

      ‘Di nila alam na ang ingay na ginawa ng pinto ang naging dahilan upang ma-alerto si Millie. Biruin mong malakas pala ang pandinig niya. Nasa silid siya at hindi pa natutulog. Dahil sa ingay na narinig, may kinuha siya sa ilalim ng unan at lumabas ng silid. May hinala siyang magnanakaw ang siyang gumawa ng ingay. Bumaba siya at pumuwesto sa switch ng ilaw na malapit sa hagdanan.

     Sa wakas ay nakapag impake na sina Kyle at Iris. Pinatay na ni Kyle ang ilaw sa lampshade. Lumabas sila at nagdahan-dahan sa pagsara ng pinto. Dala-dala ang isang bag, tahimik silang bumaba sa hagdanan hanggang sa, “Click,” tunog ng switch ng ilaw. Lumiwanag ang buong bahay.

     Nagulat sina Kyle at Iris sa biglaang pagbukas ng ilaw at ‘di na sila nakakilos sa kinatatayuan nang magpakita si Millie sa kanila.

     “Well, well, well. Look who’s here! Si Kyle pala at ang basurang si Iris. Akala ko pa naman mga magnanakaw,” nakangising sabi ni Millie. Naniwala pa man din siya sa sinabi ng anak na hindi ito uuwing ngayong gabi.

     Sa labas, hindi mapakali si Hans. Nagpalakad-lakad siya. Handa na ang kotse pero hindi pa lumalabas sina Kyle at Iris. Nadagdagan pa ang kaba niya dahil sa biglang pagbukas ng ilaw. Naisip niyang naipit na siguro ang dalawa sa loob. Dinukot niya ang cell phone niya sa kanyang bulsa at tinawagan si Reed.

     “Na-miss mo ako ‘insan? O ano na?” tanong ni Reed.
     “They’re not yet coming out,” sagot ni Hans. “I think they got caught!” hinala niya.
     “Nakawww! Patay tayo riyan!”
     “I’ll check them, ok? Bye bye!” ibinaba na ni Hans ang tawag.

     Sa loob, hindi malaman-laman nina Kyle at Iris kung ano ang gagawin. Natatakot sila pareho kay Millie at mas natatakot sila sa baril na hawak nito.

     “Akala ko ba hindi ka uuwi? Ano Kyle, aalis ka na rin ba? Sasama ka ba sa basurang iyan? Gagaya ka rin ba kay Hans na iniwan ako?” tanong ni Millie sa anak na sa bawat pagtatanong niya ay lumalakas ang boses niya. Hindi naman siya lasing sa pagkakataong ito, talaga lang na medyo may sayad na nga siya.

     Kitang-kita ni Millie ang takot na takot na mukha ng dalawang bata. Maya-maya’y tumawa siya, “Hahahahaha! Mamamatay ang sinumang aalis sa bahay na ito!” Sunod, inasinta niya ang paanan nina Kyle at Iris at “Bang!” putok ng baril.

     Saktong pagkabukas ni Hans ng pinto ng main door ay narinig niya ang putok ng baril. Pagpasok niya’y nakita niya ang eksena. Nakatayo si Millie at nakaharap sa hagdan. Hawak nito ang isang baril na nakatutok kina Kyle at Iris. Nagawang umakyat nina Kyle at Iris ng ilang hakbang kaya nakailag sila sa ginawa ni Millie. Sa sobrang takot na baka lumala pa ang sitwasyon, kumuha si Hans ng maaaring ipampukpok kay Millie. Nakita siya nina Kyle at Iris na hawak ang isang tambol na bumubuo sa binili niyang drum set. Napansin ni Millie na parang may tinitingnan sina Kyle at Iris sa likuran niya at nang lumingon siya, “Blag!” Inihampas ni Hans ang tambol sa mukha ni Millie. Sa lakas ng pagkakahampas, nahilo at tumumba si Millie.

     “Come on!” tarantang pagyakag ni Hans kina Kyle at Iris na nakatayo sa may hagdanan.

     Nagmadaling bumaba sina Kyle at Iris at hinakbangan nila ang nahilong si Millie. Humawak si Hans sa kamay ni Iris at sama-sama silang lumabas.

     Nakabangon din kaagad si Millie. Naramdaman niyang may masakit sa maganda niyang mukha pero ‘di niya ito inintindi. Lumabas siya ng bahay at nakitang papasakay na ang tatlo sa kotse. Tumatakas na! Nagawa niya pang magpaputok pero umandar na ang kotse at naiwan siya. ‘Di siya nagpatalo, sumakay siya sa isa pang kotse at hinabol ang kotseng lulan ng tatlo.

     Sa loob ng kotseng sinasakyan nina Hans, may namumuong tensyon. Naging mabilis naman ang pagkilos nila pero heto, malapit na silang maabutan ni Millie. Grabe ang babaeng iyon.

     “Get the cell phone in my pocket,” nagmamadaling utos ni Hans kay Kyle na nakaupo sa harapan.
     “What?” gulat na tanong ni Kyle.
     “Get it now!” sigaw ni Hans.

     Dinukot ni Kyle ang cell phone na nasa kanang bulsa ni Hans.

     “Give it to Iris,” utos muli ni Hans.

     Ibinigay ni Kyle ang cell phone kay Iris na sa likuran naman nakaupo.

     “Call my cousin and tell him what’s happening. Tell him our every move!” huling utos ni Hans. Sinunod naman ni Iris kung ano ang sinabi niya.

     Tinawagan na nga ni Iris si Reed at gaya ng ibinilin ni Hans, sinasabi niya ang bawat galaw nila. Nagpasikot-sikot si Hans upang lituhin si Millie pero hindi tumalab, nasundan pa rin sila nito. Nagpatuloy ang kotse sa pag-andar na tila ba walang direksyon hanggang sa nakarating na sila sa highway. Sa ganitong oras ng gabi, kakaunti na lang ang bumibyahe. Maluwag ang kalsada at makagagalaw sila nang malaya. Nagpaandar ng matulin si Hans para tapatan ang ibang mabibilis na sasakyan. Hindi gumanti si Millie. Binagalan niya nang kaunti ang andar niya.

     Ganito rin ang nangyari noon, pitong taon na ang nakalilipas. Ang kaibahan nga lang ngayon, si Millie na ang nanghahabol at kung dati ay umalis sila sa mall, ngayon ay mukhang doon na sila patungo. Alam ni Millie na doon ang punta ni Hans.

     Matapos ang ilang kilometrong pag-andar, tumirik ang sinasakyan ng tatlo sa tapat mismo ng mall. Wala na palang gas ang kotse. Dali-dali silang bumaba sa sasakyan. Sarado na ang mall at ‘di naman sila puwedeng magtago roon kung ayaw nilang makulong. Naghanap sila ng ibang mapagtataguan. Si Hans ang namuno sa paghahanap. Noong mga panahong iyon, bumibyahe na sina Reed, Neri, Ellie at Rita sakay ng kotseng minamaneho ni Neri. Kasalukuyan nang tumatakbo sina Hans, Iris at Kyle papunta sa katapat na abandonadong restaurant. Doon sila magtatago. Nang makulong ang may-ari ng restaurant na ito ay ipinasara na ito.

     “Nasaan na kayo?” nag-aalalang tanong ni Reed sa kausap sa kabilang linya.

     Hinihingal na si Iris. Binasa niya ang pangalan ng restaurant na nakita niya, “Yin Yang Chi—” naputol na ang tawag. Wala na palang load.

     “Shit!” napasigaw si Reed.
     “Bakit?” nagtatakang tanong ni Neri. Ano nga kaya ang nangyari?
     “Naputol na! Nasa Yin Yang Chinese Restaurant daw sila!” sagot ni Reed.

     Kinabahan ang lahat ng nasa kotse. Binilisan lalo ni Neri ang pagpapatakbo.

     Nang marating na ni Millie ang mall ay huminto na siya nang mamataan ang nakahintong kotseng sinakyan ng tatlo. Ipinarada niya ang sinasakyan sa tabi ng nakahintong kotse. Bumaba siya at sinilip ang loob ng nakahintong kotse. Walang tao sa loob. Nasaan na kaya ang tatlo? Tahimik ang paligid at nakapagtatakang walang katau-tao hanggang sa mapatingin siya sa katapat na abandonadong restaurant. Hindi niya alam kung bakit pero malakas ang kutob niyang dito nagpunta ang tatlo. Naglakad siya papunta roon dala ang kanyang baril.

     Samantala, napadpad na pala sina Hans, Iris at Kyle sa lumang bodega sa likod ng Yin Yang Chinese Restaurant. Sarado pero may siwang sa gitna ng magkabilang bakal na pinto. Kung mabubuksan nila iyon, maaari silang makapasok at doon pansamantalang magtago hanggang sa mag-umaga na. Pinilit nilang iurong ang kanang pinto. Mabigat pero bumukas ito nang paunti-unti at natigil sila nang biglang, “Bang!” putok ng baril. Tumama ito sa bandang ulunan ni Hans. Nagulat ang tatlo at napasandal pare-pareho sa bakal na pinto.

     Narinig nila ang tunog ng takong ng sapatos ni Millie at naaninag nila ang papalapit na pigura nito. Madilim sa lugar at malamig din ang simoy ng hangin. Naglalakad si Millie papunta sa kanila habang ikinakasa ang baril. Magpapaputok na naman siya kahit hindi naman nakakatama. Nang maikasa niya na ang baril ay huminto siya.

     “You cannot get away from me,” malamig ang boses nito.

     Itinaas ni Millie ang dalawa niyang kamay, hawak-hawak ang baril at itinutok niya ito kay Hans. “I’ll kill you first,” sabi niya rito. Itinutok niya naman kay Iris. “Then I’ll kill your girl,” si Hans ang kausap niya. At panghuli ay kay Kyle, “And the last would be Kyle. I’ll kill you all!” Ibinalik niya na ang pagtutok kay Hans. “Your father died, your mother died and your brother died. This will hurt but don’t worry because after this, for sure you’ll be very happy.”  Nakuha niya pang ngumiti. Hinawakan niyang mabuti ang baril at handa na itong iputok. “This is the end, Hans!” ang huling salitang binitiwan niya.

     Kinalabit na ni Millie ang gatilyo. Gusto mang kumilos ng tatlo, pakiramdam nila’y napako na ang mga likod nila sa pintong bakal na ito. Magtatapos na ba ang buhay ni Hans at susunod na rin siya sa tunay niyang pamilya? Dito rin ba sa parehong lugar kung saan binawian ng buhay si Benjo siya mamamatay? Magagaya ba siya sa kapatid niyang nasawi rin dahil sa tama ng baril? Mawawala na rin ba sina Iris at Kyle sa mundo pagkatapos ni Hans? Maaari pang puwedeng mangyari at nasisiguro ng lahat na ito na nga ang magiging katapusan.

***



No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly