***
Chapter 30
One Sunny Day
Nakatitig si Rita sa bib. Alam niya kung kanino ito at kilala niya kung kanino galing. Siya rin ang nagburda ng pangalan na makikita rito. Matapos ibaba ni Reed ang pekeng tawag ay tinanong siya ni Rita,
“Saan mo nakuha ‘to?”
“Alin?” painosenteng tanong ni Reed.
“Itong bib! Nahulog ‘to sa bulsa mo!”
“Sa bulsa ko?” pagmamaang-maangan ni Reed.
“Saan mo nahanap ‘to? Alam ko kung kanino ito. Ako pa nga ang nagburda nito e!” Naghinala si Rita, “Pumunta ka siguro sa dating bahay nina Benjo, ano?”
Ang masayang tanghalian nila ay nabahiran na ng seryosong usapan. Tagumpay ang plano ng tropa pero mukhang uminit ang ulo ni Rita.
“Ano, pumunta ka ba, Reed?” ulit ni Rita. “Siguro kasama mo ang mga kaibigan mo. Kaya ba banggit kayo ng banggit ng tungkol kay Benjo? At ginagawa ninyo pang katatawanan ang pangalang Reeve!”
Tumayo si Reed sa kinauupuan at kinuha kay Rita ang bib. “Oo! Pumunta nga kami!” sagot niya. “Sino ba kasi ‘yang lintik na Reeve na ‘yan?” sabay bagsak ng bib sa lamesa. “Kapatid ba siya ni Benjo ha, ma?”
“Paano ninyo nalaman ang tungkol doon? Sino ang nagsabi sa inyo?” tanong ni Rita sa anak.
Si Ellie ang sumagot, “Sinabi po ni papa.”
Nilinaw ni Rita, “Ni Arthur?”
“Opo,” sagot naman ni Neri.
Nalungkot bigla si Rita. “Masakit para sa amin ang nangyari,” pahayag niya sa lahat. Sinabi niya sa anak ang, “Hindi na namin sinabi sa inyo ni Benjo ang tungkol doon dahil baka hindi ninyo maintindihan. Ayaw na naming guluhin ang mga isip ninyo at para maiwasan na rin ang maraming tanong.”
“So, ma, ibig bang sabihin nito e may kapatid talaga si Benjo?” tanong ni Reed.
Sumang-ayon si Rita, “May kakambal siya pero matagal nang nawala ang kakambal niya. Hindi ko alam kung ano ba o hanggang saan ba ang sinabi ni Arthur at wala na sigurong dahilan para itago ko ito.” Sinabi niya na rin ang nalalaman niya. May ilang detalye rin kasing hindi nasabi si Arthur. “Si Mildred Evans o Mildred Roces pa noong College days namin, siya ang salarin. Pinsan siya nina Rich at Rico sa father’s side. Dati rin siyang niligawan ni Arthur pero tinanggihan niya si Arthur kasi nagmamahalan pala sila ni Rico noon. Isang bawal na pag-ibig. Tumutol si Rich sa pagmamahalan ng dalawa. Walang ibang nagawa si Rico kundi ang sumunod hanggang sa nakilala niya si Bernadette. Iyon na ang minahal niya. Siguradong masakit para kay Mildred yun. Pagkatapos, umalis siya ng bansa at si Bernadette ang napangasawa ni Rico. Siya rin ang ina ng kambal.”
Nagpatuloy si Rita, “Si Reeve ang panganay sa kambal at si Benjo naman ang pangalawa. Dalawang araw pa lang sila sa ospital noong kunin ni Mildred ang bata. Oo, matapos ang ilang taon e nagbalik siya sa Pilipinas. Siya ang nurse na nagbantay sa mag-iina. Pinagkatiwalaan siya ng lahat at walang nakaisip na gagawin niya yun. Hindi siguro mangyayari yun kung may naiwan sa loob ng kuwarto. Umalis kasi sina Rich at Rico para makipag-inuman kay Arthur. Matagal na silang hindi nagkikita-kita at para i-celebrate ang pagiging tatay ni Rico. Umalis naman ako kasi umiyak si Reed at natakot akong baka magising ang kambal. Mag wa-one year old pa lang si Reed noon. Hindi ko siguro malalaman ang tungkol kina Mildred at Rico kung hindi nangyari yun.”
“Kaya pala,” sabi ni Neri. “Kaya pala sinasabi mo, Reed, na walang kapatid si Benjo kasi hindi mo rin alam. Dahil maliit ka pa rin nang nawala ang kakambal niya.”
“Oo nga,” tugon ni Reed.
“Tita Rita, may alam din po ba kayo sa nangyaring aksidente?” tanong ni Ellie.
Sandaling tumahimik si Rita. Mapait para sa kanya yun. Tatlong mahal niya sa buhay ang pumanaw nang sabay-sabay. Ilang segundo pa’y nagsalita na siya.
“Alam ko kung bakit. Tinawagan ako ni Rich bago pa maganap ang aksidente. Sinabi ko rin kay Arthur kaya siguradong alam niya ang nangyari. Ang pagkakakuha sa kambal, ang aksidente… konektado ang lahat! Ang puno’t dulo lang naman nito ay si Mildred.”
Ika-dalawampu’t isa ng Mayo, pitong taon na ang nakalilipas.
Maganda ang sikat ng araw. Nasilaw si Mildred sa liwanag na tumagos sa bintana ng kanyang silid. Gumising siya at kinusot ang mga mata. Lumabas siya pagkatapos. Nagluluto na ang mga kasambahay at lahat ay naghahanda. Espesyal ang araw na ito para sa panganay niyang si Hans. Labing-apat na taong gulang na ito ngayong araw.
May handa nga sila pero wala namang bisita. Walang nagbago. Sila-sila pa rin ang kakain ng spaghetti, fried chicken, hotdog na nasa stick at kung anu-ano pang masasarap na handa. Samahan mo pa ng malamig na juice o ‘di kaya’y soda.
Gising na rin pala sina Hans at Kyle, ang mga anak ni Millie. Mas nauna pa silang magising kaysa sa kanya.
“Ang boring naman ng birthday mo walang bisita!” sabi ni Kyle sa kapatid.
“The hell you care!” galit na sagot ni Hans.
Niyakap ni Millie si Hans pagkakita niya rito. Hinalikan niya rin ito sa pisngi. “Happy birthday!” pagbati niya sa anak.
“Thanks, mom,” pagpapasalamat ni Hans habang pinupunasan ang pisngi niya.
“What do you want for your birthday?” tanong ni Millie kay Hans.
Sandaling nag-isip si Hans. “Hmm. A drum set!”
“A drum set?”
“Uh-huh!” sagot ni Hans.
“Ok, be ready at five o’ clock. I’ll buy you a drum set.”
“Yes!” sigaw ni Hans, tuwang-tuwa.
Nainggit naman si Kyle at nakuhang magpapansin. “Mommy, puwede ba akong sumama?” tanong niya kay Millie.
Tumanggi si Millie, “Dito ka na lang sa bahay. Si Hans ang may birthday, hindi ikaw.” Parang tuloy napahiya si Kyle. Dinilaan pa siya ni Hans.
Hindi lang siguro si Hans ang masaya sa araw na ito kundi pati na rin ang libo-libong taong nag-ce-celebrate ng kaarawan nila ngayon. Ang mga may kaarawan bukas ay nasasabik na rin.
Nasa kuwarto ng mag-asawa si Rico kasama ang anak na si Benjo. May malaking salamin sa kuwarto at nakatingin sila pareho sa salamin.
“Sino ba ang kamukha mo, ‘nak?” tanong ni Rico kay Benjo.
Tinitigang mabuti ni Benjo ang imaheng nasa salamin at napansin niyang mas may hawig siya sa kanyang ama kaysa sa kanyang ina. “Hmm. Ikaw yata e!” sagot niya.
Pumasok si Bernadette at sumingit sa kanila. “Anong si papa mo ang kamukha mo? Ako kaya!”
“O sige na, kayong dalawa na ang kamukha ko para walang away,” sabi ni Benjo. Nagtawanan sila.
Umalis na sila sa harap ng salamin. May kinuha si Bernadette sa drawer at ibinigay kay Benjo.
“Picture namin ng papa mo,” sabi ni Bernadette.
Tumawa si Benjo, “Haha! Ang cheap ng birthday gift ninyo ha!”
“Sira ulo ka talaga!” ginulo ni Rico ang buhok ng anak.
“Joke lang e!” Kinuha ni Benjo ang wallet niya at inilagay doon ang litrato.
“Remembrance namin iyan. Para pag wala na kami sa mundo, maalala mo pa kami. Para isipin mong hindi ka nag-iisa. Pag nalulungkot ka, tingnan mo iyan ha!” sabi ni Bernadette sa anak.
Ngumiti si Benjo, “Titingnan ko ito palagi. Hindi naman ako nagsasawa sa mga mukha ninyo e!”
Natigil sila sa pag-uusap nang makarinig sila ng katok sa pinto.
“Ako na,” pagpiprisinta ni Benjo. Lumabas siya sa kuwarto para buksan ang pinto. Natuwa siya nang makita ang pinsang si Reed kasama ang tita niyang si Rita at tito na si Rich.
“Happy birthday!!!” bati ng tatlo.
“Bukas pa birthday ko!” sabi ni Benjo. “Regalo ko? Hehe!” tanong niya.
“Sabi mo, ‘di ba, bukas pa ang birthday mo edi bukas na lang din ang regalo mo,” sagot ni Reed. Binulungan niya si Benjo, “Sensya na ‘insan, ‘di pa talaga kami nakakabili.”
“Sina mama at papa mo?” tanong ni Rita.
“Nasa kuwarto po,” sagot ni Benjo.
“A, anong ginagawa?”
“Nagla loving-loving yata,” sagot muli ni Benjo.
“Loko talaga ‘tong bata na ‘to,” sabi ni Rich sa pamangking inaanak niya rin.
Lumabas na rin ang mag-asawa sa kuwarto at sinalubong ang mga dumating. Nag-usap-usap din sila at hinayaang magsama sina Reed at Benjo. Kumakanta pa nga si Reed samantalang si Benjo ay tinatambol ang lahat ng malapad na bagay na mahawakan niya.
“Birthday ni Reeve ngayon,” sabi ni Bernadette sa mga kasama.
“Fourteen years mo nang sinasabi iyan,” puna ni Rita.
“Hindi ko lang kasi makalimutan e!”
“Hindi rin naman namin makalimutan,” tugon ni Rita.
Iniba ni Rich ang usapan, “Nakabili na ba kayo ng regalo para kay Benjo?”
“Hindi pa nga e! Wala pa rin nga kaming panghanda para bukas,” sagot ni Rico.
“Edi mamili tayo,” mungkahi ni Rich. “Saka alam ninyo, ‘yang inaanak ko nagpaparinig. Gusto raw niya ng drum set. Aspiring drummer e!”
“Magkano ba yun?” tanong ni Bernadette.
“May kamahalan. Walang problema, nagtabi naman ako ng malaking pera para sa inaanak ko. Alis na lang tayo mamayang alas singko,” sabi ni Rich. Nahiya tuloy ang mag-asawa sa kanya.
“Ako na ang maiiwan sa mga bata,” pagpiprisinta ni Rita.
“Mabuti pa nga,” sagot ni Rich.
Pagsapit ng alas singko, umalis na sina Rich, Rico at Bernadette sakay ng kotse. Kasabay ng pag-alis nila ay ang pag-alis ng mag-inang Millie at Hans sa mansyon. Sa parehong mall lang ang punta nila pero may dinaanan muna si Millie bago sila magpunta ni Hans doon.
“Stay right here. I’ll be back,” sabi ni Millie nang iparada niya ang kotse at iniwan si Hans sa loob.
Narito siya sa Unibersidad. Isa lang naman ang pinupuntahan niya rito, ang wishing well. Matagal niya na ring ginagawa ito. Hinulog niya na ang lahat ng barya niya at humiling sa balon. Paulit-ulit lang naman ang hinihiling niya.
“Hinihiling ko ang kamatayan ni Bernadette!”
Nang umalis na siya sa lugar, umalingawngaw sa isip niya ang tatlong huling salitang sinabi niya.
“Kamatayan ni Bernadette!”
“Kamatayan ni Bernadette!”
Bumalik na siya sa kotse at papunta na sila ni Hans sa mall. Labinlimang minuto ang naging pagitan ng pagdating nila sa pagdating nina Rich, Rico at Bernadette. Ipinarada pa nga niya ang kotse sa tabi pa mismo ng kotse ni Rich sa may paradahan sa tapat ng mall.
Sa loob, kanina pa napagkasunduan ng tatlo na sina Rico at Bernadette ang titingin at bibili ng drum set para sa anak nila samantalang si Rich na lang ang mamimili ng sangkap para sa handa. Inabutan ni Rich ng perang nasa sobre ang mag-asawa, pandagdag sa regalong ibibili para sa inaanak at nagtungo siya sa supermarket para hindi masayang ang oras nila.
Kasalukuyang nililibot nina Rico at Bernadette ang mall samantalang sina Mildred at Hans naman ay dumeretso sa nag-iisang tindahan ng musical instruments. Pupunta rin naman sina Rico at Bernadette roon matapos bumili ng bagong damit para kay Benjo na susuutin nito bukas. Alam naman nila kung ano ang size ni Benjo at nasa parehong palapag lang naman ang mga nasabing stall.
Nang makabili na ay nagtungo na sila sa pakay na stall. Naroroon pa rin sa loob sina Millie at Hans dahil anong petsa na ay ‘di pa rin nakapili si Hans kung ano ba ang gusto niya sa mga modelo ng drum set na ibinebenta. Sa huli, sinabihan niya si Millie na kumain muna sila dahil ginutom siya dahil sa pag-iisip. Pag-iisipan pa raw niya kung ano talaga sa mga modelo ang gusto niyang bilhin. Hinabaan na lang ni Millie ang pasensya niya. Hinawakan niya na si Hans sa kamay at lumabas na sila. Pag labas nila, nagulat si Millie sa nakita! Naroon sina Rico at Bernadette na nagulat din nang makita siya lalo na ang batang hawak niya. Sadya ngang napakaliit ng mundo. Pagkatapos ng labing-apat na taon, natagpuan na rin ng mag-asawa ang anak na kukumpleto sa kanilang pamilya.
***
No comments:
Post a Comment