No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 15, 2012

Rhythm of Heartbeat (7)

Chapter 7
My Fair Lady

     Liwanag ang nakita ni Bernadette nang imulat niya ang kanyang mga mata. Kaunting sandali pa ay bumangon na siya. Hindi niya alam kung saan na siya napunta; hindi niya rin matandaan kung ano ba ang nangyari kagabi. Pinagmasdan niya ang sarili sa salaming nakasabit sa dingding na nakita niya sa silid na kinaroroonan niya. Hindi niya damit ang suot niya; nawala rin ang isang pares ng hikaw niya at kanyang tinanong ang sarili,

     “Anong nangyari? Nasaan na kaya ako?”

     Maya-maya’y bumukas ang pinto ng silid. Ikinagulat niya iyon. Mula sa salamin ay nakita niya kung sino ang pumasok. Namula bigla ang kanyang mukha at napaharap siya, o sinadya niya talagang humarap para makita nang malinaw ang taong pumasok sa silid.

     “Gising ka na pala,” sabi ni Rico sa kanya.

     Marahang isinara ni Rico ang pinto at inilapag sa lamesita ang dalang pagkaing nasa tray. Hindi nakapagsalita si Bernadette dahil sa sobrang hiya.

     “A, kumain ka na muna, miss. Ito nga’t hinatiran pa kita ng pagkain,” sunod na sinabi ni Rico.

     Lumapit si Bernadette kay Rico. Sobrang lapit. Halos nakadikit na ang mukha niya sa mukha ni Rico. “Anong pangalan mo?” tanong niya, malumanay ang boses.

     Napalunok si Rico; umatras siya nang kaunti, “A. Ri-Ri-Rico. E ikaw?”

     “Bernadette.”
     “A, sige na Bernadette, kumain ka na.”

     Ganoon na nga ang ginawa ni Bernadette. Umupo si Rico sa isang tabi at pinagmasdan si Bernadette habang kumain. Kanyang naisip na kundi niya nailigtas ang babaeng ito, malamang nasa pahayagan na ito ngayon.

     “Tapos na ako,” mahinang sabi ni Bernadette nang matapos siya kumain.
     “Ha? A, akin na, ililigpit ko na,” tila nawawala sa sarili si Rico.
     “Ako na lang,” sabi ni Bernadette. Bumaba sila at nagtungo sa kusina.

     Sa kusina. Inilapag ni Bernadette ang kanyang pinagkainan. Nagprisinta pa nga siyang siya na lang ang maghuhugas ng pinggan pero tumanggi si Rico.

     “Alam mo dapat nga ay nagpapahinga ka ngayon matapos nung nangyari kagabi,” sabi ni Rico habang sinasabon ang hugasan.
     “Ano nga bang nangyari kagabi?”

     Napahinto si Rico sa pagsasabon at napatingin kay Bernadette, “Hindi mo matandaan?” Umiling si Bernadette. “Gusto mo pa bang sabihin ko sa iyo?” Tumango si Bernadette. “Tumalon ka lang naman sa tulay kagabi. Hindi yun biro ha! Ang taas kaya ng tulay!”

     Lumungkot bigla ang mukha ni Bernadette, “Ginawa ko ba iyon?”

     “Oo,” sagot ni Rico. Binanlawan niya na ang hugasan.
     “At niligtas mo ako?”
     “Oo,” sagot muli ni Rico.
     “Ang alam ko lang umiiyak ako kagabi dahil namatay yung alaga kong aso na si Fifi at naisip kong tumalon sa tulay para sundan siya pero hindi ko alam na ginawa ko pala talaga iyon.”

     Hindi makapaniwala si Rico sa sinabing iyon ni Bernadette. Naghalu-halo ang emosyon niya. Dahil sa aso kaya naisipang tumalon ni Bernadette sa tulay?! Natawa na lang tuloy siya.

     “Bakit, anong nakakatawa?” pagtataka ni Bernadette.
     “Wala! Wala! Grabe kasi yung takot ko nung makita kita kagabi pero ngayong alam ko na ang dahilan mo, itatawa ko na lang ito. Hahaha!”

     Lumabas na sila sa kusina at umupo pareho sa sofa. Tinanong ni Rico ng tatlong bagay si Bernadette,

     “Anong kumpleto mong pangalan? Ilang taon ka na? At saan nakatira?”
     “Bernadette IƱigo, 16. Kailangan ko pa bang sabihin ang kumpletong address ng bahay namin?”
     “Kailangan, para malaman ko kung saan kita ihahatid pauwi.”
     “Uuwi na ako?”
     “Bakit, ayaw mo pa bang umuwi?” Umiling si Bernadette. “Ano naman ang dahilan mo?”
     “Kasi… gusto ko pa sanang makasama nang matagal yung taong nagligtas sa akin,” sagot ni Bernadette. Nagbigay siya ng isang napakatamis na ngiti, ang ngiting ngayon lang nakita ni Rico sa buong buhay niya. Napangiti na lang din tuloy si Rico pero tumanggi siya sa nais mangyari ni Bernadette.
     “Alam mo, kahit gaano kaganda ang sagot mo sa akin, iuuwi pa rin kita."

     Kung pagmamasdan mo si Bernadette, wala kang maipipintas sa kanya. Kakaiba ang ganda niya at hindi siya nakakasawang tingnan. Malumanay siya magsalita at may kaliitan ang boses. Mayumi at maingat siya kung kumilos. Yun nga lang, may pagka isip-bata si Bernadette. Ang pinaka nagustuhan talaga ni Rico sa kanya ay ang biloy niya sa mukha na napaka cute tingnan lalo na nung ngumiti siya.

     Lumabas sila ng bahay pagkatapos at kinuha ni Rico sa sampayan ang mga damit ni Bernadette.

     “Tuyo na ito. O heto,” inabot niya ang mga damit kay Bernadette.
     “Ikaw ba ang nagbihis sa akin?” tanong ni Bernadette.

     Namula ang mukha ni Rico, “A-ano ka ba naman?! Bakit ko gagawin yun e lalaki ako?”

     “E kasi… kanino bang damit itong suot ko? Hindi ba’t sa iyo ito?”
     “Oo, mga pinagliitan ko na iyan, pero si mama ang nagbihis sa iyo. Wala kasi siyang mga pinagliitang damit kaya yung akin muna ang ginamit.”
     “Nasaan na ang mama mo?”
     “Nasa trabaho. Pati si kuya wala rito, pumasok,” sagot ni Rico.
     “May kapatid ka pala. E ikaw, nandito ka kasi binabantayan mo ako?”
     “Ano ba sa palagay mo?”
     “Ang bait mo pala talaga, Kuya Rico!”

     Tumawa si Rico, “Hahaha! Hindi naman. Ito naman, syempre kailangan kong gawin iyon. Para saan pa’t pinag-aaral ako ng Nursing kung hindi ko naman ina-apply ang mga natutunan ko?”

     Pumasok muna sila sa bahay at pinag-ayos na ni Rico ng sarili si Bernadette. Ihahatid niya na kasi ito pauwi.

     “Talaga bang ihahatid mo na ako sa amin? Hindi pa ako nakapagpapasalamat sa mama mo,” ani Bernadette.
     “Ayos lang, ” tugon ni Rico. “Sasabihin ko na lang sa kanya. Isa pa, buong gabi ka nang nawala sa inyo baka mag-alala pa ang parents mo sa iyo.”

     Nakitaan ng kalungkutan si Bernadette. Gusto niya pa kasing makasama si Rico o baka dahil na rin nang marinig niya ang salitang “parents”. Lumabas na sila at nagtungo sa garahe. Kinuha ni Rico ang motorsiklo ni Rich.

     “Sasakay tayo riyan?” tanong ni Bernadette, mukhang nasasabik.
     “Oo, ayaw mo ba?”
     “Gusto ko! Matagal na akong ‘di nakakasakay sa ganyan e!”

     Nagsuot na ng helmet si Rico. Binigyan niya rin ng helmet si Bernadette. Umangkas na ito.

     “Kumapit ka sa akin,” utos ni Rico.
     “Ha? Saan?”
     “Sa baywang ko,” sagot ni Rico.

     Namula si Bernadette, “Ha? Hala! Teka, nahihiya ako. Haha!”

     Natawa si Rico, “Talaga ‘tong batang ‘to! Sige na!” Kumapit na si Bernadette sa kanya at pinaandar na niya ang motorsiklo.

     Habang umaandar ang motorsiklo, nagkuwentuhan sina Bernadette at Rico. Nalaman ni Rico na nag-iisang anak lang si Bernadette at ang pinakamasakit sa lahat, hiwalay na ang mga magulang niya. Kaya siguro napansin ni Rico na naging malungkot si Bernadette nung binanggit niya ang “parents”. Sa kanyang mommy nakatira si Bernadette. Noon, madalas siyang isakay ng daddy niya sa motorsiklo. Madalas silang mamasyal kung saan-saan. At si Fifi na alaga niya ay ibinigay ng daddy niya noong 12th birthday niya, bago pa ito makipaghiwalay sa mommy niya dahil sa third party. Pagkatapos noon, hindi na nagpakita ang daddy niya.

     Nang makarating na sa lugar nila, pinahinto na ni Bernadette ang motorsiklo. Hindi niya na sinabi ang eksaktong kinaroroonan ng bahay nila at nagpababa na lang sa gate ng subdivision.

     “Dito na lang ako,” sabi ni Bernadette at bumaba na siya. Hinubad niya na ang suot na helmet.

     Bumaba rin si Rico. “Hindi na ba kita ihahatid sa inyo?”

     “Nakakahiya na. Saka sobra na ang ginawa mong pagtulong sa akin, Kuya Rico.”
     “O sige. A siyanga pala, Bernadette. Ano ba ang nickname mo?”
     “Nickname? Wala e, tinatawag nila ako sa Bernadette lang.”
     “Puwede bang ‘bunso’ na lang ang itawag ko sa iyo? Tutal, ‘kuya’ naman ang tawag mo sa akin. Saka ang haba ng Bernadette e!”
     “Walang problema,” tugon ni Bernadette. Ngumiti na naman siya.
     “Ang cute niya talaga pag ngumingiti siya…” isip ni Rico. “A, ito nga pala. May ibibigay ako sa iyo.” Dinukot niya mula sa kanyang bulsa ang biniling hikaw. Kinuha niya ang kamay ni Bernadette at inilagay ang hikaw.

     Matinding kasiyahan ang nakita kay Bernadette nang matanggap ang hikaw. “Mahilig ako sa butterfly!”

     “A talaga? Tamang-tama pala.”
     “Bakit mo nga pala ako binigyan ng ganito, Kuya Rico?”
     “Kasi… napansin kong…” hinawi ni Rico ang buhok ni Bernadette na tumatabon sa kaliwa niyang tainga. “…wala yung isang pares ng hikaw mo.”

     Sobrang saya talaga ni Bernadette nang sandaling iyon.

     “Ingatan mo iyan ha, bunso?” Sumakay na si Rico sa motorsiklo at si Bernadette naman ay umuwi na sa kanila.

     Dalawang sasakyan ng pulis ang nadatnan ni Bernadette nang makauwi na siya sa bahay at pagkakita sa kanya ng mommy niya, niyakap siya nito at tinanong,

     “Saan ka ba nanggaling?”
     “Hindi na mahalaga iyon, mommy, nakauwi na ako. Sorry.”

     Niyakap niya nang mahigpit ang mommy niya at ang hikaw na ibinigay ni Rico ay isinuot niya na pala.

***




No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly