***
Chapter 28
From the Start
Isang malungkot na gabi ang lumipas at ngayon ay isa na namang bagong umaga, bagong pakikipagsapalaran. Binabaybay ni Iris ang mahabang daanang papasok sa Unibersidad. Iniiwasan niya nang isipin kung ano man ang nangyari kagabi pero kahit anong iwas niya ay hindi pa rin ito mawala-wala sa kanyang alaala. Ngayon lang siya nakatanggap ng insultong gaya ng sinabi ni Millie na parang bawat salitang lumalabas sa bibig nito ay nag-iiwan ng sugat sa puso niya. Tama siya sa sinabi niya noon, maganda nga si Millie pero masama naman ang ugali. Mas matalim pa ang dila nito kaysa sa kutsilyo at dahil sa pag-aalipustang ginawa nito ay pinili na lang niyang lumayo. Lalayuan niya na ang magkapatid na Hans at Kyle. Isa nga siguro itong pagpapaalam sa pag-ibig at pagkakaibigan.
Natigil ang kanyang pag-iisip at paglalakad nang may humawak sa balikat niya at nang linungin niya ito, si Kyle pala.
“Hi sis! Good morning!” bati pa nitong may masayang mukha.
Hindi sumagot si Iris. Sumimangot lang siya tapos ay nagpatuloy na sa paglalakad. Hanggang sa makarating na sila sa silid-aralan at makaupo sa kani-kaniyang upuan ay ‘di pa rin kinibo ni Iris si Kyle. ‘Di nakatiis si Kyle kaya nilapitan niya ang kaibigan.
“Sis, may problema ba? Kung meron, sabihin mo naman sa’kin o!” pakiusap ni Kyle.
“Layuan mo na ako. Ayaw na kitang makausap. Pakisabi na rin sa kapatid mo ‘yan. Layuan nyo na ako!” sabi ni Iris kay Kyle kahit labag ito sa loob niya.
Ikinagulat ni Kyle ang biglang pagbabago ni Iris. “Bakit? May nagawa ba kaming ikinagalit mo?” tanong niya.
“Itanong mo na lang sa mommy mo,” mapait na sagot ni Iris. Nag-iwan iyon ng palaisipan kay Kyle.
Naglabas ng hinanakit si Iris kay Ellie nang magkita sila sa Unibersidad. Nakuha ni Ellie ang buong detalye at hindi na talaga siya natutuwa sa mga nangyayari. Noon ding araw na iyon ay kinausap niya ang tropa —sina Reed, Ivan, Chad, Duncan at si Neri. ‘Di rin nawala sa eksena ang litrato ni Benjo. Kinausap niya ang lahat nang wala si Iris maging si Hans. Nag-usap sila sa bakanteng lote sa lugar ni Reed. Alam nilang pag si Ellie ang nagpapatawag ng ganitong pulong ay seryosong usapan ang magaganap kaya tahimik ang lahat at iniwasan ang biruan. Nagsimula na si Ellie.
“Aware naman tayong nagkakagustuhan sina Iris at Hans, ‘di ba?”
“Oo,” sunod-sunod na sagot ng iba pa.
“Siguro hindi ninyo alam, puwes sasabihin ko sa inyo, pinaglalayo ng mommy ni Hans sina Iris at Hans. Noong una, inalok ni Mrs. Mildred Evans ng ten million pesos si Iris para layuan si Hans.”
“Whoa! Ten million?!”gulat na sabi ni Reed. Nagbulungan ang iba pa.
“Tseke ang inalok sabi ni Iris pero hindi niya ito tinanggap at nitong nakaraan, mas masakit para kay Iris ang nangyari.”
“Sa kanya ba galing yung mga kahon ng expired na chocolate at bulaklak ng patay?” seryoso ang mukha ni Ivan nang magtanong siya. Nagkaroon ng kani-kaniyang reaksyon ang iba pa.
“Oo, yun na nga ang tinutukoy ko. Sa kanya nga galing yun,” sagot ni Ellie.
“Ano bang problema niya? Bakit niya ginagawa yun sa kapatid ko?” nakakunot-noong tanong ni Ivan.
“‘Di ba pre, parang overprotective nga yung mommy ni Hans sa kanya. Nakuwento niya na sa atin yun e!” sabi ni Chad kay Ivan.
Nagsalita si Neri, “Baka naman kaya overprotective yung mommy ni Hans kasi may itinatago siya kay Hans at ayaw niyang ma-expose si Hans sa… real world.”
“Ano naman ang itinatago niya?” tanong ni Duncan.
“Na hindi niya talaga anak si Hans? Na kapatid ni Hans si Benjo?” tila walang kasiguraduhang sagot ni Neri na mukhang may nalalaman din.
“Imposible nga yun kasi walang kapatid si Benjo,” paninindigan ni Reed.
“Bakit kaya hindi natin tanungin si Ellie?” nakangising sabi ni Neri. Sinabihan niya si Ellie, “Sige na, little sister, sabihin mo na kung anong alam mo.”
Naguluhan si Ellie, “Ate Neri?!”
“Ate Neri ka riyan! Hay naku! Hindi ako stupid. Kung anong alam mo, alam ko rin. Narinig ko kayong nag-uusap dati ni papa, hindi lang ako nag-react,” sabi ni Neri.
Hindi naman maintindihan ng iba kung ano ba ang ibig sabihin ni Neri. Napagbuntong-hininga na lang si Reed.
“Hay! Silang dalawa lang ang nagkakaintindihan,” sabi niya.
Pinilit ni Neri na magsalita ang kanyang kapatid, “Sige na Ellie, sabihin mo na. They have the right to know, especially Reed.”
Nag-ipon ng lakas ng loob si Ellie at nagsalita, “Sana maniwala kayo sa sasabihin ko dahil ang lalabas sa bibig ko ay totoo. Wala itong halong biro at pagsisinungaling. Hindi ito gawa-gawang kuwento kundi ang katotohanan.” At sinabi niya na ang dapat marinig ng lahat, “Magkapatid talaga sina Hans at Benjo.”
Kani-kaniyang reaksyon na naman ang lahat. Isinalaysay ni Ellie ang buong detalye mula sa simula. Ibinahagi niya ang pag-iibigan nina Rico at Millie hanggang sa pagkuha ni Millie sa bata. Bumigat ang nararamdaman ni Reed nang malaman ang kuwento, na ayon kay Ellie ay nanggaling sa kanyang amang si Arthur. Pero kahit papaano ay nawala ang katanungan nila kung bakit kamukha ni Hans si Benjo. Dahil pala ito sa katotohanang kambal sila. Walang kaide-ideya si Reed. Wala siyang alam sa nakaraan. Naiinis siya kasi itinago sa kanilang magpinsan ang katotohanan. Samakatuwid, hindi kapatid ni Kyle si Hans at si Kyle pala ay second cousin nila.
Sinabi ni Reed na dapat malaman ni Hans ang katotohanang sila pala ni Benjo ay magkapatid. Ang tanong e paano? Maniniwala naman kaya si Hans kung may isang tulad ni Millie na maaaring magpabulaan sa sasabihin nila? Kailangan nila ng ebidensya. Nagtanong ang lahat kung paano sila makakakuha nun at isa lang ang naisip ni Reed. Magsasaliksik sila sa dating bahay nina Benjo, ang bahay na naging tahanan nito bago pa maganap ang aksidente.
Samantala, sa mansyon ng mga Evans. Nagmumukmok si Hans sa loob ng kanyang kuwarto nang katukin ni Kyle ang pinto. Hindi pinansin ni Hans ang pagkatok at nagpatuloy sa kanyang pananahimik.
“Hans, buksan mo naman,” pakiusap ni Kyle. “May sasabihin akong importante,” sabi niya pa pero hindi pa rin binuksan ni Hans ang pinto. “Tungkol kay Iris!” dagdag niya at bumukas na rin ang pinto.
Hinablot ni Hans ang damit ni Kyle at hinila niya ito papasok sabay bagsak ng pinto. “What is it?” Malungkot ang mukha ni Kyle. “Speak!” sigaw ni Hans.
“Sabi niya sa akin layuan ko na raw siya at sabihin ko rin daw yun sa’yo. Layuan na raw natin siya!” sabi ni Kyle.
“For what reason?” tanong ni Hans. Iniisip niyang baka dahil sa nangyari kagabi nang maputol ang pag-uusap nila. Nag-empty batt na kasi ang cell phone niya. Baka tinawagan uli siya ni Iris at sa kasamaang palad ay hindi na siya ma-contact nito. Pero naisip din niyang napakababaw naman ng ganitong dahilan.
“Hindi ko nga rin alam. Nang tanungin ko kung bakit, ang sabi niya tanungin na lang daw natin si mommy,” sagot ni Kyle.
“Well, come on! Let’s ask mom!” pag-anyaya ni Hans. Lumabas na ang dalawa sa kuwarto at tinungo ang silid ni Millie.
Si Kyle ang kumatok sa pinto ng kuwarto ni Millie samantalang si Hans ay nasa likuran niya at nakatahimik lang, nag-aabang na pagbuksan sila ng pinto. “Mommy! Mommy!” tawag ni Kyle.
Binuksan ni Millie ang pinto. “What do you want?” tanong niya sa anak. Hawak niya ang isang baso ng red wine. Napansin din niyang naroon si Hans.
“It’s about Iris,” sabi ni Kyle. “Sabi niya kasi layuan na raw namin siya. I asked her kung bakit. Ang sabi niya itanong daw namin sa iyo.”
“Hindi niya masabi sa inyo kung bakit? She’s a real coward,” sabi ni Millie.
“What did you tell her?” tinig sa likuran ni Kyle.
“Nothing,” sagot ni Millie kay Hans. “Money talks.” Pumasok muli siya sa loob. Inilapag niya ang baso ng red wine, kinuha sa drawer ang isang laminated short bond paper at ipinakita sa mga anak.
“Ano ito?” tanong ni Kyle.
“Read it!” utos ni Millie. “Pinalaminate ko kasi baka punitin ng kapatid mo, mahirap na.”
Binasa ng magkapatid ang nakasulat. Nasasaad sa ipinakitang papel ni Millie ang katibayang tinanggap ni Iris Alvarez ang perang nagkakahalaga ng sampung milyong pisong nanggaling kay Mildred Evans at may kaakibat na kondisyong lalayuan niya si Hans kasama na rin si Kyle. Sobra ang galit na naramdaman ni Hans nang mabasa iyon. Ayaw niya ngang paniwalaan kung ano ang nakasulat sa papel pero nilagdaan ito ni Iris, katibayang tinanggap nga nito ang pera. Sa totoo lang, ang papel na ito ay yung pinapirmahan ng lalaking nagdeliver ng mga kahon ng expired na tsokolate at bulaklak ng patay.
Pumasok sa isip ni Kyle ang mga sinabi ni Iris.
“Layuan mo na ako. Ayaw na kitang makausap. Pakisabi na rin sa kapatid mo ‘yan. Layuan nyo na ako!”
“Bakit? May nagawa ba kaming ikinagalit mo?”
“Itanong mo na lang sa mommy mo.”
Dahil dito kaya siguro hindi masabi ni Iris kung bakit niya kailangang layuan sina Hans at Kyle. Nahihiya siguro siya sa mga ito dahil tinanggap niya ang pera. Ipinagpalit sila ni Iris sa pera.
Nasusuklam si Millie, “Huh! Palibhasa kasi mahirap sila kaya nasilaw sa pera.” Tinanong niya si Kyle, “Ano, nice pa rin ba siya gaya ng sinasabi mo? Oo, smart siya at wise na rin kasi pinili niya ang pera over friendship. She’s not a real friend, Kyle.” Tiningnan niya si Hans. “I did the same thing to Hannah. I offered her money to leave you because she doesn’t deserve you and Iris did the same thing that Hannah did. She accepted the money. She’s a fake, Hans! She doesn’t really love you.”
Hindi na nakayanan ni Hans ang mga pinagsasabi ni Millie kaya umalis na siya sa harapan nito at nagkulong sa kuwarto. Matapos ay ibinigay ni Millie kay Kyle ang mga kinuha niyang gamit ni Hans, ang wallet pati ang charger ng cell phone.
“Ibalik mo ito sa kuya mo,” bilin niya kay Kyle.
Bumalik na si Kyle sa kuwarto niya matapos ang usapan nilang mag-iina. Hindi niya akalaing gagawin ni Iris yun. Nanghihinayang talaga siya sa pagkakabigan nila.
Habang nagaganap ang usapan ng mag-iina kanina ay nagkakaroon din ng usapan ang grupo nila Ellie. Nagpunta sila sa dating bahay nina Benjo na pitong taon nang hindi natitirhan. Mula nang umalis si Benjo sa bahay na ito ay hindi niya na ginustong bumalik dahil nagpapaalala lang ito ng mga masasayang sandaling nagpapaiyak sa kanya. Ngayon ay wala na si Benjo sa mundong ito at tanging ang litrato niyang nasa picture frame na hawak ni Ellie ang muling magbabalik sa bahay.
Hinawakan ni Reed ang door knob at inikot ito. “Sarado, naka-lock,” sabi niya. Alam din niyang nasa kamay ng kanyang ina si Rita ang nag-iisang susi ng bahay.
“Wala bang ibang daan?” tanong ni Neri.
Natatandaan ni Reed na mayroong sirang bintana sa likuran ng bahay. Nagpunta sila sa likod sa pangunguna niya. Nakita nila ang bintana. Bahagya itong nakabukas. Nagtulong-tulong sila upang mabuksan nang tuluyan iyon. Matigas na kasi dahil sa kalawang. Doon sila pumasok.
Madilim sa loob ng bahay dahil gabi na rin at kahit pa nakakita sila ng switch ng ilaw ay hindi rin iyon nakatulong dahil hindi naman bumukas ang bumbilya. Putol na kasi ang linya ng kuryente. Kahit na ilang taon pang hindi natirhan ang bahay ay naaaninag ni Reed na nanatili sa dating puwesto ang mga gamit.
“Bukas na lang kaya tayo maghanap,” mungkahi ni Chad.
“Sayang naman pre, nandito na tayo e!” sabi ni Ivan.
“Ang dilim e!” reklamo ni Chad.
“Hu! Ang sabihin mo, natatakot ka lang,” kantyaw ni Reed.
“E madilim nga anong makikita natin?”
Nagpaliwanag nang kaunti sa paligid ang ilaw na galing sa cell phone ni Reed. Naglabas na rin ng cell phone ang iba. Naghiwa-hiwalay na sila. Magkasamang naghanap sina Reed at Neri, sina Ivan at Ellie at sina Chad at Duncan.
Nag-antanda pa ng krus si Chad bago lumakad, “Patawarin sana tayo ng kaluluwa ng mga namayapa dahil sa pagpasok natin sa bahay nila.”
Hinalughog na nila ang bahay. Ilang minuto na silang naghahanap pero wala silang makitang ebidensyang makapagpapatunay na magkapatid nga talaga sina Hans at Benjo.
“Halika na, Ellie. Labas na tayo,” yakag ni Ivan sa kasintahan nang pumasok sila sa isang silid na hindi nila alam ay silid pala ng mag-asawang Rico at Bernadette.
“Sige,” sabi ni Ellie nang wala rin siyang nakitang ebidensya sa drawer na malapit sa kama. Pagkasabi niya nun ay bigla niyang nabitawan ang litrato ni Benjo.
“Ano yun?” tanong ni Ivan nang marinig niya ang ingay ng bumagsak na picture frame.
“Picture ni Benjo, nabitawan ko,” sagot ni Ellie. Inilawan niya ang sahig para makita kung nasaan ang picture frame at nakita niyang nahulog ito malapit sa kama. Nang pulutin niya iyon, nakakita siya ng kahon sa ilalim ng kama. “Ivan,” tawag niya sa kasintahan.
“Bakit?” tanong ni Ivan.
“May kahon,” sagot ni Ellie na nakatingin sa ilalim ng kama.
“Kahon?” tanong muli ni Ivan at nang sumilip siya ay nakita niya rin ang kahon. Hinila niya ang kahon, ‘di naman ito kabigatan. Lumabas na sila sa kuwarto at ipinakita nila ang kahon sa iba pa.
Nagtipon ang lahat sa sala ng bahay.
“Do not open,” sabi ni Reed nang basahin niya ang nakasulat sa maalikabok na kahong nababalutan ng packing tape.
“Alam ko yung mga ganyang eksena sa pelikula at teleserye. Pag do not open ang nakalagay e ino-open ng bida,” sabi ni Neri.
“Ano? Ioopen na ba ng bida?” tanong ni Reed. Ang bidang tinutukoy niya ay ang sarili niya. Sumang-ayon ang lahat.
“O bida, ito pang open mo,” inabot ni Chad ang isang kutsilyong kinuha pa nila ni Duncan sa kusina.
Kinuha ni Reed mula kay Chad ang kutsilyo. Sunod ay hiniwa niya na ang gitna ng itaas na parte ng kahon. Nabuksan na rin ang kahon. Nakaabang ang lahat sa kung anumang laman ng kahon. Malalaman na nila sa wakas kung ano ang nasa loob nun.
***
No comments:
Post a Comment