No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Monday, April 16, 2012

Rhythm of Heartbeat (21)



***
Chapter 21
Gemini

Buwan ng Mayo, dalawampu’t isang taon na ang nakalilipas.

     Kabuwanan na ni Bernadette. Nasa ikatlong linggo na sa buwan ng Mayo. Maaaring anumang araw sa linggong ito ay isilang niya na ang batang dinadala niya. Ayon sa ultrasound, kambal ang nasa sinapupunan niya. May posibilidad na parehong lalaki ang mga batang isisilang niya.

     Noong nakaraang taon, isinilang ni Margarita, ang asawa ni Rich, ang isang malusog na batang lalaki. Pinangalanan iyong Ricardo Salas Jr. na isinunod sa pangalan ni Rich at binigyan ng palayaw na Reed. Sa taong ito, si Bernadette naman ang nakatakdang magsilang ng sanggol. Sa gulang na dalawampu’t dalawa, pinaghahandaan na ni Bernadette ang papel ng pagiging isang ina. Kinakabahan nga siya sapagkat nakikita niya kay Margarita ang hirap ng pagiging isang ina pero sigurado namang walang kapantay na kaligayahan ang katumbas nito. Ang dalawang ito, sina Margarita at Bernadette, ay nagtulungan noon sa pag-aalaga kay Reed. Ngayon naman, si Bernadette ang madalas na inaalalayan ni Margarita dahil nga sa nagdadalang-tao ito.

     Syempre, hindi mawawala sa Rico na siyang magiging ama ng kambal. Nag-file pa nga siya ng leave sa ospital na pinagtatrabahuhan niya bilang nurse upang asikasuhin si Bernadette. Sinabi ni Bernadette na ayos naman siya dahil nariyan sina Margarita at Rich na handang tumulong sa kanya. Naidagdag niyang nangontrata na nga si Rich na maging ninong ng kambal o kahit na isa man lang sa kambal. Ipinilit ni Rico na kailangan niyang gawin iyon para sa maybahay niya at sa magiging anak niya. Sinabi niyang kailangan niya silang alagaan mabuti. Isang buwan na rin mula nang ihinto ni Rico ang pagtatrabaho niya.

     Naririto ngayon sa silid ang mag-asawa, nasa kama sila. Nakadikit ang tainga ni Rico sa tiyan ni Bernadette at pinakikinggan o ‘di kaya’y pinakikiramdaman niya ang pagkilos ng kambal.

     “Sumisipa sila!” galak na sabi ni Rico nang maramdamang gumalaw ang mga sanggol sa sinapupunan ni Bernadette. Tinabihan niya ang kanyang asawa at nagtitigan ang dalawa.

     Hinimas ni Bernadette ang buhok ni Rico. Makikita ang kasiyahan sa mukha niya. “Masaya ako kasi ikaw ang ama ng magiging anak ko,” malugod niyang sinabi sa kanyang kabiyak. Hinalikan siya ni Rico sa labi na ginantihan niya rin ng halik.

     Sobra ang pag-aalagang ginagawa ni Rico sa kanyang asawa. Hindi niya ito hinahayaang kumain ng kung anu-anong pagkain at sinisigurong masusustansyang pagkain lang ang kinakain ng kanyang maybahay. Hindi niya nga rin ito pinagagawa ng mga gawaing bahay. Madalas ring nasa kama si Bernadette at panay lang ang tulog.

     Bandang alas sais ng gabi, ginising si Bernadette ng pagkirot na kanyang naramdaman. Mahimbing pa man din siyang natutulog. Alam niyang ito na ang tamang panahon para ilabas ang mga sanggol.

     “Papa! Papa!” pagtawag niya sa kanyang kabiyak. Nang walang sumagot, nilakasan niya ang pagtawag niya, “Rico!!!” Narinig niya na ang mga yabag ni Rico.
     “Bakit ma, anong problema?” tanong nito sa kanya.
     “Manganganak na yata ako,” sabi niyang tila namimilipit sa sakit pero kinakaya pa rin.

     Nataranta si Rico. Agad niyang tinawagan sina Rich at Margarita at ‘di nagtagal ay dumating na ang mga ito sakay ng kotse. Dinala nila si Bernadette sa pinakamalapit na ospital kung saan din nagtatrabaho si Rico.

     Lumipas ang ilang oras —mga oras na tila napakabagal. Naghihintay sa labas ng emergency room ang mag-asawang Rich at Margarita kasama ang kanilang anak na si Reed na may kagat-kagat na pacifier. Si Rico naman ay nanatili sa tabi ni Bernadette hanggang sa maisilang nito ang mga sanggol. Matapos ang ilang oras na pag-labor, isinilang na ni Bernadette ang kambal. Ang panganay sa kambal ay naisilang sa ganap na 11:59 ng gabi, May 21, at ang pangalawa ay 12:01, madaling araw ng May 22. Parehong lalaki ang kambal. Ang panganay ay tulad ng kanyang ina, may biloy rin ito na makikita sa kanang pisngi. Iyon na siguro ang magiging palatandaan nila, ang pagkakaiba ng kambal. Ang panganay ay balak pangalanan ng mag-asawa na Reeve Benedict at ang pangalawa ay tatawaging Benjamin Rico.

     Hindi maipaliwanag ang sayang nararamdaman ni Rico nang mailabas na ang kambal. Kasama niya rin sa kasiyahan ang mag-asawang Rich at Margarita.

     Dinala na si Bernadette sa isang silid sa fourth floor samantalang ang kambal ay sumailalim muna sa ilang pagsusuri. Makakapiling din naman nila ang kanilang ina sa lalong madaling panahon.

     Sumikat na ang araw. Maliwanag na sa paligid nang imulat ni Bernadette ang kanyang mga mata. Nakita niya ang maaliwalas na mukha ni Rico. Binigyan siya kabiyak ng halik sa noo. Umuwi na muna sina Rich at Margarita kaya hindi na sila nasilayan ni Bernadette nang magising siya.

     “Nasaan ang mga anak natin?” tanong niya kay Rico.
     “Sabi ng mga doktor dadalhin na raw sila rito maya-maya. Wala namang problema sa kanila, malulusog ang mga anak natin,” ibinalita ni Rico.
     “Mabuti kung ganoon. Ang saya-saya ko, gusto ko na silang makita!”
     “Makakasama rin natin sila. Sa ngayon, mas mabuti kung magpapahinga ka lang hanggang sa bumuti ang pakiramdam mo para makalabas ka kaagad ng ospital.” Kinuha ni Rico ang kamay ni Bernadette at hinalikan ito.

     Ilang sandali pa ay nakaramdam na si Rico ng gutom kaya nagpaalam siya kay Bernadette, “Mama, iwan muna kita ha! Bibili lang ako ng pagkain. Gutom na mga bulate ko e!”

     “O sige, sige,” tatawa-tawang sabi ni Bernadette.

     Bago lumabas ng silid, hinalikan ni Rico si Bernadette sa labi sabay sabing, “I love you, ma.”

     “I love you, too,” tugon naman ni Bernadette.

     Nang lumabas na si Rico ng silid, binati siya ng mga katrabaho niyang nurse maging mga doktor.

     “Rico, congrats!” ang naririnig niya habang binabaybay ang bawat palapag ng ospital. Hindi nga maalis ang ngiti sa mukha niya.

     Nang nasa ikalawang palapag na siya, may tumapik sa likod niya. “Uy Andrew, ikaw pala!” sabi niya nang makita ang pinaka close niyang nurse.

     “Congrats pare, tatay ka na!” sabi nito sa kanya.
     “Oo nga e! Sarap nga ng feeling e!” tugon ni Rico.
     “May lahi pala kayong kambal?!”

     Umiling si Rico. “Hindi kami. Sina Bernadette. Masaya nga siya kasi dalawa kaagad ang anak namin ‘di gaya niyang only child. Maiba ako, anong oras ba dadalhin sa amin ang kambal?”

     “Hmm. Dadalhin na siguro yun ngayon doon. Ang magdadala nga sa kanila e yung bagong nurse.”
     “Bagong nurse?” tanong ni Rico.
     “Oo! Fresh from the US of A! Bigatin! Actually, ‘di naman siya bago. Isang buwan na rin siya rito. Nung umalis ka, two days after siguro e dumating naman siya. Syempre, tinanggap agad ng ospital. ‘Di lang maalaga at magaan ang kamay, maganda at sexy pa! Lahat nga ng pasyenteng inalagaan niya gumaling kaagad e!”
     “Talaga?”
     “You should see her, pare! Hmm. Kung sabagay, siya naman ang mag-aalaga sa kambal mo at sa misis mo hangga’t nandito pa siya.”
     “Aalis na siya? She’s not staying for good?”
     “Hindi e! Nagbakasyon lang yata rito.”
     “Ano nga palang pangalan?”
     “Millie Evans.” Nakitaan ng panghihinayang si Andrew. “Sayang nga pare e, married na. Crush ko pa naman siya.” Nagpaalam na si Andrew nang marating na nila ang ground floor, “O sige pare, dito na ako.”
     “Ok, may pupuntahan din ako e! Bibili ng pagkain.” Pinili ni Rico na lumabas ng ospital para bumili ng makakain.

     Dala ni Rico ang dalawang plastic nang bumalik siya sa ospital. Naglalaman iyon ng pagkain para sa kanya at mga prutas para kay Bernadette. Naroroon na siguro ang kambal at naghihintay ng yakap niya.

     Inikot niya na ang door knob nang marating niya na ang silid at ang una niyang nakita pagkabukas niya ng pinto ay ang higaang pinaglagyan ng kambal. Naroon din ang nurse na sinasabi ni Andrew. Karga-karga nito ang panganay sa kambal. Halata nga ang pagkagulat nito nang may pumasok sa silid pero mas matindi ang pagkagulat ni Rico nang makita ang mukha ng nurse. Muntik na nga niyang mabitawan ang hawak na plastic.

     “Si Mildred…” sabi ng isip ni Rico.
     “Nandito ka na pala,” sabi ni Bernadette nang dumating si Rico. Nasa bisig niya ang pangalawa sa kambal. “Kanina ka pa hinihintay ng kambal at… ng pinsan mo.”
     “Hi Rico,” pagbati ni Mildred na mas kilala na ngayon sa pangalang Millie.

     Hindi makapaniwala si Rico. Kay tagal niya ring hindi nakita si Mildred. Pagkalipas ng limang taon, nagbalik na pala si Mildred sa Pilipinas at nalalapit na rin ang takdang araw ng pag-alis niya. Ano kaya ang dahilan ng pagbabalik ni Mildred?

     Hindi na nagawang bumati ni Rico sa kanyang pinsan. Ibinaba niya ang hawak na plastic at nilapitan si Mildred. “Akin na ang anak ko,” sabi niya rito.

     Nang sabihin ni Rico iyon, hindi na nagmatigas si Mildred. Ibinigay niya na ang sanggol kay Rico.

***


No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly