***
RAN: Mukhang bihira na lang silang magkasama. Sa tingin mo, lalayo na siya kay Lena?
MILLIE: Huwag mo na nga silang sirain pa! Wala ka na rin namang pag-asa! Hindi ka niya matatanggap kapag nalaman niya!
RAN: Alam kong mabait si Ryan. Si Timothy nga, natanggap niya bilang Tweety at masaya siya dahil nagpapakatotoo ang kaibigan niya.
MILLIE: Paano ka niya matatanggap? Hindi niya kailanman matatanggap na ang taong mahal ng mahal niya ay isang bakla!!!
RAN: (Magugulat) Ano?! Sino ang mahal niya? Sino?
MILLIE: Si Lena Madrid!
RAN: (Mabibigla) Si Lena ang mahal ni Ryan? At… si Lena ang nagmamahal sa akin?
MILLIE: Huwag ka nang manggulo sa buhay nila, pakiusap lang.
RAN: Hindi pwede! Kung ayaw mo akong tulungan, ako na lang ang gagawa mag-isa. Sisikapin kong malayo si Lena sa kanya. Basta, sisirain ko silang dalawa! Alam kong nalalapit na ang Championship at sabi ni Ryan, kapag hindi niya nakikitang nanonood si Lena, hindi siya maka-concentrate at sigurado na ang pagkatalo nila kapag ganoon! Kapag natalo sila, sisisihin niya si Lena, mag-aaway sila at masisira! Sa ganoong paraan, pwede ko nang panghimasukan ang mga buhay nila. Kaya sisiguraduhin kong hindi makakanood si Lena ng laban!
MILLIE: Baliw ka ba? Paano mo gagawin iyon, ha?
RAN: Paiinumin ko siya ng pampatulog! Basta! Sana magtagumpay ang plano kong ito. Patnubayan sana ako ng Diyos.
MILLIE: (Matatawa) Diyos? Nagpapatawa ka ba? Alam mo, hindi ako makapaniwala na ang isang matalinong taong gaya mo ay mag-aasal bobo at walang pinag-aralan dahil sa pag-ibig sa kapwa niya lalaki! Nakakapanghinayang ka Ran…
PAGLIPAS PA NG ILANG BUWAN… Bago mag-uwian…
LENA: (Nakaharang sa daan)
RYAN: (Mapapatingin kay Lena, dadaanan lang niya)
LENA: (Hahawakan ang kamay ni Ryan) Ryan, mag-usap tayo pakiusap.
RYAN: Hindi pwede, mag-eensayo pa ako. (Bibitiw kay Lena)
LENA: Ipinagpapalit mo na ba ako sa isang bola? Iyan na ba ang mas mahal mo?
RYAN: Ano?!
LENA: Nakalimutan mo na ba ako? Ako ang kaibigan mong si Lena —Lena Madrid!
RYAN: (Titingin sa ibaba) Sige, mag-uusap tayo pero sandali lang.
SA BENCH…
LENA: (Nakatingin sa malayo) Naaalala mo pa ba yung unang araw na nagkakilala tayo? Grade one tayo noon, tapos, magkatabi pa. Noong tinanong ni teacher kung ano ang gusto mong matanggap mula sa iyong katabi bilang tanda ng inyong pagkakaibigan, sabi mo bola kasi iyon ang hilig mo.
RYAN: (Nakayuko) Ibinigay mo iyon. Huwag kang mag-alala, nakatabi iyon. Iniingatan ko.
LENA: Yung sinabi ko, natatandaan mo pa ba?
RYAN: (Tahimik lang)
LENA: Hindi mo na natatandaan? Ang hiniling ko noon ay—
RYAN: Wala kang hiniling na materyal na bagay. Umiyak ka at ang sabi mo, gusto mo ang mama mo. Sa tingin mo ba kaya kong ibigay yun? Nalaman kong wala na pala siya.
LENA: Wala na nga ang mama ko. Pero, nandyan ka pa, di ba? (Titingin sa nakayukong si Ryan) Alam kong nitong mga nakaraang buwan ay hindi ka na sumasama sa akin. Ni ang pinangako mong pakikipagkaibigan kay Ran, hindi mo natupad. Puro practice, puro practice.
RYAN: (Tutungo) Gusto ko kasing matupad ang mga pangarap ko kaya’t pasensya na talaga. (Titingin kay Lena) Ikaw, masaya ka bang kasama mo si Ran?
LENA: Masaya ako? Paano ako magiging masaya kung nakikita kong nalulungkot ka? Paano ako magiging masaya kung iniiwasan mo ako? Ryan, isipin mong grade one pa rin tayo.
RYAN: Ayoko nang bumalik sa pagka grade one, kaya nga ako nag-aaral nang mabuti!
LENA: Basta, isipin mo na lang! Tapos, kapag tinanong ka ni teacher kung ano ang gusto mong matanggap mula sa katabi mo ngayon… ano ang sasabihin mo?
RYAN: Hindi ko alam.
LENA: Alam mo ba ako, ang sasabihin ko, gusto ko…
RYAN: Ang mama mo?!
LENA: Hindi. Dahil alam kong hindi mo kayang ibigay iyon. Hihilingin ko na sana… (Naluluha na) na sana… bumalik na ang matalik kong kaibigan sa akin. Namimiss ko na kasi siya. (Tutulo ang luha) Mahal na mahal ko ang kaibigan kong si Ryan. Ayaw kong iniiwasan niya ako. Ayaw kong hindi niya ako pinapansin kapag nanonood ako ng mga practice niya. Ayaw kong nagiging malamig siya sa akin. Hindi naman ako papansin pero ayaw kong hindi niya ako pinapansin. Ayaw kong—
RYAN: Tama na! (Yayakapin si Lena) Umiiyak ka… Ayaw kong… umiiyak ka. Tigil na…
LENA: (Iiyak) Ryan, gusto kong bumalik ka! Gusto kong may magbabantay sa akin. Gusto kong kasama ang matalik kong kaibigan! Hindi ba’t sinabi kong malulungkot ako kapag hindi na tayo naging magkaklase? Nararamdaman ko na iyon ngayon! Bumalik ka na…
RYAN: Bakit… bakit naman ako babalik?
LENA: (Bibitiw sa pagkakayakap ni Ryan) Hindi ka na babalik?
RYAN: Ano ba?! Bakit naman ako babalik? E… (Ngingiti) hindi naman ako umalis? Lumayo lang ako. Hindi ko magagawang iwan ka. Gusto ko lang na magkaroon kayo ng oras ni Ran at maging masaya ka habang nandyan pa siya. Gusto ko lang na maging maligaya ka. (Pupunasan ang mga luha ni Lena) Huwag ka nang umiyak, Lena. Huwag.
LENA: Bati na tayo, ha!
RYAN: Para naman tayong bata nito! Pero sige! Siya nga pala, ang hiling ko, sana ay manood ka ng laban namin, sa Enero, sa resume ng klase. Kapag hindi ka pumunta, hindi ako makakalaro ng maayos.
LENA: (Yayakapin si Ryan) Maraming salamat, Ryan. Maraming salamat…
ENERO NA, BAGONG TAON…
LENA: Ate, pupunta muna ako kina Ran. (Hihipan ang torotot, aalis)
(Mag riring ang telepono)
RYAN: (Sa kabilang linya) Hello? Pwede po kay Lena?
LARA: Sandali lang, parang narinig ko na ang boses mo rati. Teka… (Aalalahanin ang nakaraan) Tama! Ikaw yung nakausap ko rati! Ikaw siguro yung nagsabi kay Lena na hihintayin siya sa tapat.
RYAN: Opo. Ako nga po. Ako po si Ryan.
LARA: Ryan? Ay Ryan ikaw pala!
RYAN: Bibihira lang naman kasi akong tumawag dito. Kayo po ba ang ate ni Lena? Si Ate Lara?
LARA: Oo, ako nga. Teka, bakit ganoon? Sabi niya kasi si Ran daw ang tumawag.
RYAN: (Maaalala ang nakaraan) Kaya naman pala in-indian niya ako noong araw na iyon. Wala na kasi siya noong sinundo ko siya.
LARA: Sinasabi ko na nga ba't hindi si Ran yung tumawag! Bakit hindi ka man lang kumatok sa bahay namin?
RYAN: Huh? Nahihiya ako, e!
LARA: Ano ba ang kailangan mo sa kapatid ko? Umalis kasi siya, pumunta kina Ran.
RYAN: Ganoon po ba? Hmm… Gusto ko lang sanang bumati ng Happy New Year. Paki sabi na rin pong huwag niyang kakalimutan ang laban namin sa resume ng klase. Sabi pa ni Coach Miguel, dalawang tao lang ang pwede kong isama. Si Tweety ang isa at si Lena.
LARA: O sige, sasabihin ko sa kanya. Happy New Year, ha!
RYAN: Sige po, bye.
LARA: Bye! (Ibababa ang telepono)
RAN at LENA: (Dadating)
LARA: (Kay Lena) Uy, tumawag si Ryan. Ang sabi niya, huwag mo daw kalilimutan ang laban nila sa resume ng klase.
LENA: A, oo nga pala! Ran, gusto mong sumama?
RAN: Ako? O sige, bakit hindi?
LARA: Teka! Sabi niya kasi dalawang tao lang ang pwede niyang isama. Si Tweety at ikaw, Lena.
LENA: Huh? Paano si Ran?
RAN: O sige, huwag na lang. Ikwento mo na lang sa akin ang nangyari.
RESUME NG KLASE… Araw na ng laban…
LENA: (Lalabas ng bahay, makikita si Ran) Hi Ran!
RAN: (Mag-iisip) Kahit na sinabi kong ayos lang na hindi ako makasama, hindi pa rin pwede! Dapat ko talagang mapanood iyon! Kung gayon, ito na ang tamang pagkakataon! (Magkukunwaring nahihilo) Lena, nahihilo ako. Ahhh! Ang sakit ng ulo ko!
LENA: Huh? Teka, anong gagawin ko?
RAN: Sa bahay! Dalhin mo ako sa bahay!
***
TWEETY: Walang sumasagot sa bahay nila.
RAN: (Biglang dadating) Anong problema?
RYAN: Nakita mo ba si Lena o nakasabay mo ba siya?
RAN: Wala pa siya? Hindi ko siya kasabay kanina. Tinawagan ninyo ba?
RYAN: Wala raw kasing sumasagot sa bahay nila.
COACH MIGUEL: (Papasok sa eksena) Ryan, ano? Male late na tayo. Sino ba ang mga isasama mo?
RYAN: Si Tweety po at… (Mag-iisip) Kailangan dalawang tao. (Mapapatingin kay Ran) si… si Ran na lang po! (Iiling) Nasaan ka na ba Lena?
***
No comments:
Post a Comment