No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (26)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...





***
Kabanata 26

      Nang malaman ni Bb. Aragon ang nangyari, ikinalungkot niya iyon.

      “Ganoon ba, Denise?” Humingi siya ng paumanhin sa akin, “Sorry ha, pati ikaw napagsabihan pa ni Carl ng hindi maganda.”
      “Ok lang naman po iyon, Ms. Aragon,” sabi ko, at tinanong ko siya, “Pero paano po yun? Hindi ko na magagawa yung sinabi ninyong mag-tutor ako sa kanya.”
      “Ok lang,” sagot ni Bb. Aragon. “Kung puwede ko nga lang gawin iyon, na ako na lang ang mag-tutor sa kanya kaso maski ako na sarili niyang kapatid, hindi niya ako pinakikinggan!” may hinanakit na sabi ni Bb. Aragon.
      “Mas maganda po siguro kung hahayaan na lang natin si Carl sa gusto niyang mangyari,” mungkahi ko. “Matigas siya. Alam kong hindi siya makikinig.”

      At ganoon na nga ang nangyari. Kinalimutan na ni Bb. Aragon ang tungkol sa tutor at hinayaan na lang si Carl na gawin ang gusto niyang gawin. Kahit na ipinapakita niyang walang problema, alam kong sa loob niya ay nag-aalala siya sa mga maaaring mangyari kay Carl.

      “Huwag ninyo na lang pong isiping hindi siya makaka-graduate,” sabi ko kay Bb. Aragon. “Alam kong matalino si Carl kaya malalampasan niya iyan.”

      Ngumiti siya. Masaya ako sa tuwing nakikita kong ngumingiti si Bb. Aragon. Sa mga sumunod na araw ay naging mas masigasig siya sa pagtuturo. Alam kong ginagawa niya ang lahat para matuto ang mga estudyante niya para kapag dumating muli ang pagsusulit ay hindi kami bumagsak sa subject niya.

      Third quarterly exam. Lahat naman sa klase namin ay nakapasa sa pagsusulit ni Bb. Aragon. Sa katunayan ay matataas ang mga nakuha naming marka. Kahit na sa ibang section, ang mga mahihina sa English ay pasang-awa. Pero may bulung-bulungang sa batch namin, may kaisa-isang taong bumagsak. Ipinatawag ang batang iyon sa opisina kaharap si Bb. Aragon.

      “You talk to him, Ms. Aragon,” sabi ng Principal.

      Ayon sa pagkakakuwento ni Bb. Aragon sa akin, napaiyak na lang daw siya habang kausap ang batang bumagsak at sa huli ang naitanong na lang niya ay,

      “Ano ba talagang problema mo, Carl?”

      Sobra akong nalungkot para kay Bb. Aragon. Totoo nga sigurong malaki na ang ipinagbago ni Carl. May ilang nakapagsabi sa kabilang section na naninibago raw sila kay Carl kasi tahimik lang daw siya. Pag kinausap mo, hindi namamansin. Pag may group activity, hindi nakikiisa. Madalas nga rin daw siyang late. Madalas walang assignment. Madalas bokya sa quiz. Sabi nga nila, “Hindi ganyan ang Carl na kilala namin!” Dapat ko bang sisihin ang sarili ko sa nangyari kay Carl? Ako ba ang dahilan kung bakit siya nagkaganoon? Hindi ko alam. Hindi ko siya maintindihan. Hay! Bakit ba iisipin ko pa siya? Sabi nga niya sa akin, 'di ba, hindi niya ako kailangan? At teka, may Carl pa nga ba akong kilala?

      Sa mga lumipas na buwan ay naging abala ako. Naging aktibo ako lalo sa gawaing pampaaralan, gayundin si Arlene at maging si Marvin. Madalas kaming isinasabak sa contest sa loob at labas ng eskwelahan, at sa kabutihang palad ay nakapag-uuwi naman kami ng parangal. Sa loob ng bahay, walang kaalam-alam ang pamilya ko na lumalaban ako sa mga contest. Wala rin naman siguro akong mapapala kung sasabihin ko pa sa kanila. Isipin mo, madalas na wala si papa dahil sa trabaho. Si Kuya Richie ay ganoon din. Si Ate Diana naman, ano bang pakialam nun sa akin? At si Jobert? Ano bang alam ng batang iyon sa mga ganitong bagay? Siguro nga ang mga kaibigan ko lang ang natutuwa sa akin pag nakakakuha ako ng parangal.

      Masasabi kong malaki din ang pasasalamat ko kay Marvin kasi lagi siyang nasa tabi ko, sa kasiyahan man o sa kalungkutan. Aaminin kong sa barkada, sa ngayon, siya ang higit na pinagkakatiwalaan ko. Sa kanya ko sinasabi lahat ng sikreto ko, ang lahat ng nararamdaman ko. Sa kanya ako naging pinakamalapit dahil na rin espesyal siya para sa akin.

      “Bakit ba kasi hindi mo pa sagutin si Marvin? Bakit ba pinahihirapan mo pa yung tao?” minsang naitanong ni Angel sa akin.
      “Oo nga. Ang tagal na kaya niyang nanliligaw sa iyo,” sabi naman ni Gelo.

      Nginitian ko sila. “Napag-usapan na namin ang tungkol diyan, matagal na,” sabi ko.

      “O talaga?” si Gelo. “O kailan mo nga siya sasagutin?” pangungulit niya.
      “After eleven years,” sagot ko. Natawa sila pareho.

      Nagtaka ako, “O bakit?”

      “Seryoso ka?” natatawang tanong ni Angel.

      Tumango ako, “Hmm-mmm.”

      Napakamot naman ng ulo si Gelo. “Baka matigang na ako pag ganoon katagal. Buti na lang 'di sumagi sa isip ko na ligawan ka.”

      Isang hapong umuwi ako ng bahay, napaisip na lang ako habang nakahiga sa kama ko.

      “Ilang buwan na lang. Malapit na naman ang JS Prom tapos ay Graduation. Ano kayang mangyayari pag umalis na kami sa lugar na ito? Sasabihin ko ba kay Marvin na lilipat na kami ng bahay pagkatapos ko grumaduate? Sasabihin ko rin ba sa kanya kung saan kami lilipat?”

      May ilang beses din akong nagtangkang sabihin kay Marvin o kahit na sino sa barkada ang tungkol sa paglipat namin pero pag kaharap ko na sila, pakiramdam ko ay umuurong ang dila ko. Natatakot akong magsalita. Natatakot akong malaman kung ano ang magiging reaksyon nila.

      Sa huli ay nakapagdesisyon din ako. Alam ko namang kung mapapalayo ako sa kanila, malulungkot lang sila, lalo na si Marvin. Wala naman kaming ibang paraan ng komunikasyon kasi unang-una, wala kaming telepono sa bahay at pangalawa, wala akong cell phone. Sa campus lang kami nagkikita-kita o 'di kaya’y pag nagpupunta sa mga bahay-bahay. Hindi ko na lang sasabihin sa kanila na aalis ako para hindi na rin sila mag-alala. Saka na lang nila malalaman iyon pag dumalaw na sila sa bahay at naabutang wala na kami. Ang tangi ko na lang na magagawa ay samantalahin ang mga nalalabing buwan na magkakasama kami. Hindi ko alam kung kailan pa kami uli magkikita-kita pag nakapagtapos na kami sa high school.

      Lumipas pa uli ang ilang buwan. Marami kaming natutunan. Maraming sinagutang quizzes, seatworks at assignments. Marami kaming pinagsaluhang school events. Nakaranas kami ng 'di mabilang na ngiti, tawanan, iyakan at pagod.

      Sa pagsapit ng huling JS Prom, marami ring pagbabago. Ang naging magkakasama sa table ay ako, si Marvin, si Angel, si Gelo, si Rhea at si Neo. Sa invitation naman ay napuno ang listahan ng mga kasayaw ko. May mga nasa ikatlong taon ang nagsayaw sa akin. Sa pagkakataong ito, si Marvin na ang naging escort ko —ang Prom Date ko! Siya rin ang first at last dance ko. Hindi ako umiyak noong gabing iyon, hindi gaya noong nakaraang taon. Walang nangyaring gulo. Naging matiwasay ang lahat. Pag sinuswerte ka nga rin naman, ako ang napiling Prom Queen at si Marvin ang Prom King. Sa madaling salita, naging masaya ang huling JS Prom ko.

      Madaling araw na natapos ang JS Prom. Hinatid ako ni Marvin sa bahay namin, gaya ng palagian niyang ginagawa.

      “Salamat ha,” sabi ko sa kanya.
      “Ha?” tanong niya, nagtaka yata.
      “Sabi ko salamat,” ulit ko.
      “Para saan?”
      “Para dito sa paghatid mo sa akin,” sagot ko naman.
      “Lagi ko namang ginagawa ito ha,” sabi naman niya. “Tapos ngayon ka lang nagpasalamat? Buti naman at nakaramdam ka.”
      “A ganoon?!”

      Tumawa siya, “Hahaha! Biro lang, ito naman. Wala naman yun, Denise. Part ito ng pagsasakripisyo ko. Gusto mo, after high school, pag nag-College na tayo pareho, susunduin pa rin kita, ihahatid pa rin kita. Hindi ako magsasawang gawin ito.”

      Nalungkot ako sa sinabi niyang iyon.

      “O bakit ganyan ang mukha mo?” tanong niya sa akin.
      “Wala. Ang drama mo kasi e, naiiyak ako,” sagot ko naman.

      Ginaya niya ang sinabi ko kanina, “A ganoon?!”

      Natawa ako at tinapik ang braso niya. “Ikaw talaga!” sabi ko. Pinauwi ko na siya. “O sige na, sige na, umuwi ka na. Mag-iingat ka ha?”

      Naglakad na nga si Marvin at ako naman ay papasok na sa bahay nang tawagin niya ako,

      “Denise!”

      Nilingon ko siya. “O?” tanong ko.

      “Congrats! Prom Queen, ha! First time. Haha!” natatawa niyang sinabi. Ay! Sira ulo. Mang-asar daw ba?
      “Haha! Yabang!” sabi ko naman. Sinenyasan ko siyang umuwi, “Sige na, uwi na!”

      Naglakad na muli siya. Ako naman ay papasok na uli sa loob ng bahay pero tinawag na naman niya ako.

      “Denise!”

      Tiningnan ko siya.

      “Mahal na mahal kita!” sabi niya. “Yun lang. Hehe!” Tumalikod na siya at naglakad palayo.

      Pagpasok ko sa kuwarto ay napangiti ako dahil sa sinabi ni Marvin, “Mahal na mahal kita!” Ang sarap pakinggan. Sana nga lang ay magkaroon ako ng tapang para tugunan ang sinabi niyang iyon. Sana... pagkalipas ng labing-isang taon ay matapang na ako.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly