***
Chapter 16
The Reunion
Sa kasalukuyang panahon.
Natapos na rin ang pakikipag eyeball ni Iris kasama si Ellie. Noong una’y hindi naging maganda ang mga pangyayari dahil hinimatay siya pero nang nagkamalay na siya, natuloy pa rin ang kasiyahan. Humingi siya ng paumanhin sa lahat. Ang dinahilan niya’y gawa siguro ng pagod kaya siya biglang bumagsak. Hindi iyon pinaniwalaan ni Ellie.
Hinayaan nina Ellie at Kyle na magkausap ang dalawa, sina Iris at Hans, at naghanap sila ng lugar para makapag-usap din. Napag-usapan nila ang tungkol sa wishing well at sa nalamang impormasyon ni Ellie kay Kyle, napatunayan niyang totoo pala talaga ang kapangyarihan nito.
“Kailan kayo uli magkikita ni Hans?” tanong ni Ellie kay Iris nang sumakay na sila sa jeep.
“Sabi niya magkita raw kami uli sa Lunes, after class,” sagot ni Iris. “Alam mo, nung kausap ko siya, ‘di nga ako makatingin ng diretso sa kanya kasi kamukhang-kamukha niya talaga si Benjo e!”
“Makikipagkita ka pa?”
“Hindi ko nga alam e! Pero pag nakipagkita ako, sumama ka uli ha?” Pinagdikit ni Iris ang mga palad niya, “Please, Ellie.”
“Bakit ba hindi kita mahindian?” nakangiting tanong ni Ellie.
Isinama ni Ellie si Iris sa bahay nila. Sinabi niyang may ipapakita siya. Nang makauwi siya, wala pa ang ama niyang si Arthur, ang ina niyang si Leda at ang nakatatandang kapatid na si Neri. Ang tanging tao sa bahay ay ang kasambahay na si Aling Isabel.
Kung matatandaan, naninilbihan si Aling Isabel bilang kasambahay at ang asawang si Mang Daniel bilang driver sa Pamilya San Luis. Tumigil na si Mang Daniel sa pagmamaneho dahil binigyan siya ni Arthur ng puhunan para sa maliit na negosyo. Nagtayo sila ng tindahan. Si Aling Isabel naman ay nagsilbi ng walang bayad sa pamilya. Kasa-kasama niya pa noon si Iris pero sinabi ng mag-asawang San Luis na mas mabuti kung tututukan na lang ni Iris ang pag-aaral niya. Sumang-ayon naman si Aling Isabel. Sina Mang Daniel at Aling Isabel ang mga magulang nina Ivan at Iris. Anim lahat ang magkakapatid na Alvarez.
Nagmano si Iris sa kanyang ina. Nagtanong naman si Ellie,
“Kayo lang po ba ang nandito, Aling Isabel?”
“A, hindi, anak,” sagot ni Aling Isabel. Mula nang maging kasintahan ng panganay niya (ni Ivan) si Ellie, anak na rin ang itinawag niya rito.
Isang ingay ang biglang narinig —tinatambol ang pinto. Mukhang alam na nina Ellie at Iris kung sino iyon.
“Hindi naman siya masyadong maingay no?” sarkastikong pagkakasabi ni Ellie. Umakyat siya ng hagdan. Sinundan siya ni Iris.
Maya-maya’y may tumawag sa kanya, si Ivan,
“Ellie!”
“Bababa uli kami. May mahalaga lang na pag-uusapan,” sagot ni Ellie. Nanatili na lang si Ivan sa ibaba.
Pumasok na ang dalawa sa silid. Binuksan ni Ellie ang ilaw. Ni-lock nila ang pinto para walang istorbo. Umupo si Iris sa kama ni Ellie. May hinalungkat si Ellie sa drawer ng study table niya at nang makita, ipinakita niya ito kay Iris. Tiningnan ni Iris ang litrato.
“Nakita ko siya sa bahay nila. Tanda mo pa ba nung nasa swimming pool tayo? ‘Di ba nandoon din siya? Nung nakita ko siya, akala ko namamalik-mata lang ako. Pero nung umalis kayo ni Kyle, nung tiningnan ko yung photo album sa visitor’s area, nang makita ko yang picture na yan, nagulat talaga ako,” paliwanag ni Ellie.
“Hindi ko kasi siya nakita nung araw na yun. Bakit hindi mo kaagad sinabi?” tanong ni Iris.
“Baka kasi hindi mo ako paniwalaan,” sagot ni Ellie.
“Kaya pala nung pag-uwi natin umiyak ka at sinabi mong namimiss mo si Benjo,” pagtatanto ni Iris.
“Iyang kasama niya diyan sa picture, iyan ang mommy nila. Siguradong ‘di mo pa rin siya nakikita sa personal. Ang sabi ni Kyle, Mildred ang pangalan ng mommy nila pero ayaw na nitong matawag na Mildred kaya tinatawag na nila siya sa pangalang Millie. Siya ang nagsabi kay Kyle ng tungkol sa wishing well, tama ba?” paglilinaw ni Ellie.
“Totoo ang wishing well, Ellie,” biglang sinabi ni Iris.
Naniniwala si Ellie. Alam niyang totoo ang kapangyarihan nito. Paano’y nasagot na rin ang katanungan niya pero hindi pa lahat. Aalamin niya kung sino ba talaga si Rico.
Nagpatuloy si Iris, “Natatandaan mo ba yung unang beses na isinama kita sa wishing well? Matagal na rin kaming nagpupunta ni Kyle doon. Alam mo ba kung ano ang laging hinihiling ko?” Tinanong ni Ellie kung ano. Sinagot ni Iris ang tanong, “Na sana bumalik si Benjo.” Bahagya siyang tumawa, “Nakakatawa ano? Alam kong patay na si Benjo pero yun pa rin ang hinihiling ko sa inaraw-araw na nagpupunta kami ni Kyle sa wishing well. Puwede namang hilingin kong yumaman kami pero yun pa rin, si Benjo pa rin. Patay na siya pero mas gusto kong nandiyan siya. Mas masaya siguro kung buhay siya. At ayan, bumalik na nga si Benjo.” Pumatak ang mga luha ni Iris sa litratong hawak niya. “Nalulungkot ako. Bakit kung sino pa yung mga taong mababait, sila pa yung kinukuha? Bakit hindi na lang yung masasama?”
Tinabihan ni Ellie si Iris at niyakap niya ito. “Gusto mo ba si Benjo, ha Iris?”
Hindi nag-alinlangan si Iris na sagutin ang tanong ni Ellie. “Matagal na. Pero duwag ako! Hindi ko man lang nasabi sa kanya yun nung nabubuhay pa siya. Hindi rin naman kasi niya ako napapansin e!”
Isang katok sa pinto. Pinahid ni Iris ang mga luha niya.
“Sino yan?” siya namang tanong ni Ellie.
“Ako,” sagot ni Ivan. “Matagal pa ba kayo riyan?”
Inayos na ni Iris ang sarili niya. Itinago naman ni Ellie ang litrato. Lumabas na sila sa kuwarto at bumaba kasama si Ivan. Nasa ibaba na rin pala si Neri kasama si Reed.
“Hi little sister! Hi Iris!” bati ni Neri nang makita sina Ellie at Iris. Binati din sila ni Reed.
“Hi!” tugon ni Ellie. “Hello!” naman ang kay Iris.
“Hey Ellie, Iris,” tawag ni Reed. “Punta kayo bukas sa bahay ha? Mga 6 pm or before 6 pm!” paanyaya niya.
“Bakit, anong meron?” tanong ni Ellie.
“Hmm. Wala namang special occasion,” sagot ni Reed. “Gusto lang naming mag party. Tutal, wala naman kayong pasok ‘di ba? Tapos Linggo naman. Libre naman itong si Ivan,” tinuro niya si Ivan, “pati na rin sina Duncan at Chad. Tapos aalis din si mama bukas. Ewan ko nga lang kung saan siya pupunta kaya solo natin ang bahay!”
“Ok, maganda iyan,” sabi ni Ellie. “Sasama ako.”
“Alright!” masigla si Reed. “E ikaw, Iris?”
“Puwedeng magsama?” tanong ni Iris.
“Puwedeng-puwede!” lalong ginanahan si Reed. “Sino naman ang isasama mo? Chicks ba ha?” Siniko siya ni Neri. “Uy! Selos ang mahal ko! Joke lang e!” sabi niya sa kasintahan.
“Joke mo mukha mo!” pagtatampo ni Neri.
Humingi ng tawad si Reed, “Uy! Sorry na!”
“Classmate ko ang isasama ko,” sagot ni Iris, si Kyle ang tinutukoy niya panigurado. Hindi niya ininda ang eksenang ginagawa nina Reed at Neri. “At saka… si Benjo.”
Itinigil nina Reed at Neri ang tampuhan nila. Napatingin ang lahat kay Iris. Tahimik ang lahat hanggang sa nagbuntong-hininga si Reed.
“Hay… Ano ka ba? Hindi naman nawawala si Benjo sa mga lakad ng barkada e!” Pinisil niya ang kaliwang pisngi ni Iris. “Kasama naman talaga siya e! Nakadisplay nga sa bawat sulok ng bahay ang picture niya.”
Ngumiti si Iris. Alam ni Ellie na hindi si Benjo na kaibigan nila ang tinutukoy nito kundi si Hans. Ano kaya ang mangyayari bukas pag nakita ng iba pa si Hans? Matutuwa kaya sila?
Noong gabi iyon, tinext ni Iris si Kyle at inimbita niya ang kaibigan para sumama bukas ng gabi. Tuwang-tuwa si Kyle at sinabi niyang willing na willing siyang sumama. Lingid sa kanyang kaalaman, inimbita rin pala ni Iris ang kuya niya. Dapat nga e sa Lunes pa uli sila magkikita. Hindi naman pinalampas ni Hans ang pagkakataon.
Kinabukasan, mga alas singko ng hapon, parehong nakabihis ang magkapatid na Kyle at Hans. Nagtitinginan ang dalawa at tinitingnan din nila ang oras. Susunduin kasi sila ni Iris ng alas singko. Nang sinabihan sila ni Martha na dumating na si Iris at naghihintay sa visitor’s area, pasimple pang nag-unahan ang dalawa e sabay naman silang nakarating doon.
“Hi!” bati ni Iris sa dalawa. “O ano? Tara na!” yakag niya.
“Teka sis, kasama si Hans?” iritang tanong ni Kyle. Dinilaan siya ni Hans.
Nginitian ni Iris si Kyle. “Ayaw mo?”
Nag back out si Kyle, “Hindi na lang ako sasama!”
Hinawakan ni Iris ang kanang kamay ni Kyle. “Ang arte ha!” Hinawakan niya naman ang kaliwang kamay ni Hans. Hinila niya ang dalawa. “Tara na!”
Sumakay na ang tatlo sa kotse. Labing limang minuto bago mag alas sais nang makarating sila sa lugar ni Reed. Nang bumaba sila sa kotse, narinig ng lahat ang boses ni Reed. Kumakanta ito sa mikropono. Natigilan si Hans. Para kasing narinig niya na ang boses na iyon.
Tinawag niya si Iris, “Hey Iris, I’ve heard that voice before! He sounded like the Rascals’ vocalist.”
“You know the Rascals?” hindi makapaniwala si Iris.
“Yeah! I saw them perform in a bar near here,” sagot ni Hans. Hindi naman maka-relate si Kyle sa usapan ng dalawa.
“Really? Uhmm. Nasa loob sila, yung Rascals! Actually, they’re my brother’s friends and they’re my friends as well. Yung brother ko yung drummer ng band.”
Nagulat si Hans sa sinabi ni Iris at naalala niya bigla yung babaeng nakausap niya noon sa bar.
“I knew it. No wonder she looks familiar,” isip ni Hans.
“Pasok na tayo!” yakag ni Iris.
Bumukas ang pinto bago pa ikutin ni Iris ang door knob at mula sa bahay ay lumabas si Ivan.
“H-H-Hi kuya!” bati ni Iris na tila nagulat sa biglang paglabas ni Ivan.
Hindi sumagot si Ivan. Marahil ay nagulat siya nang makita ang kasama ni Iris. Lumingon siya at sinenyasan si Reed na itigil ang pagkanta niya. Tumigil din sina Chad at Duncan sa pagtugtog. Nakatayo ang tatlo sa maliit na entabladong inilatag nila. Makikitang nasa harap ng entablado ang isa sa mga litrato ni Benjo. Naroroon din sa loob ng bahay sina Neri at Ellie na pawang nagtaka nang patigilin ni Ivan ang musika.
“May bisita tayo,” sinabi ni Ivan sa lahat. Umatras siya at nagbigay-daan sa mga bisita.
Unang pumasok si Iris na sinundan ni Kyle. Nakakapit pa si Kyle kay Iris. Huling pumasok si Hans. Laking gulat ng lahat nang pumasok siya. Napanganga si Duncan. Si Chad naman ay ‘di malaman kung ano ang ikikilos. Nanginig bigla ang mga kamay ni Reed. Tinawag niya si Neri at ipinahawak sa kasintahan ang mikropono. Si Ellie lang ang tanging walang reaksyon sa kanila. Nakamasid lamang siya.
Bumaba si Reed sa entablado. “Duncan! Bibig mo!” puna niya. Isinara ni Duncan ang bibig niya.
Naglakad na si Reed papunta sa mga bagong dating. Binati niya sina Iris at Kyle. Nakipagkamay pa nga siya kay Kyle. Habang nakikipagkamay, tiningnan niya sa gilid ng mata niya si Hans. Matapos, nilapitan niya ito.
“Good evening, pare,” bati niya rito. Inalok niya ang kamay niya. “Reed, pare,” pagpapakilala niya.
Nakipagkamay si Hans sa kanya. Nang sasabihin niya na ang kanyang pangalan, naramdaman niyang humihigpit ang hawak ni Reed sa kamay niya. Hindi naman siya makabitiw. Nang bumitiw na si Reed, nagulat siya dahil biglang hinablot ni Reed ang damit niya.
“Hey! What are you —”
“Sino ka?” nanginginig si Reed sa galit. “Sino ka!!!” sigaw ni Reed.
Umawat si Iris. Pilit niyang tinanggal ang kamay ni Reed na nakakapit sa damit ni Hans, “Kuya Reed! Bitiw!”
Bumitiw si Reed ngunit naging mabilis ang mga pangyayari at inambahan niya ng suntok si Hans. Napaupo si Hans sa lakas ng suntok niya. Nanggigigil si Reed. Galit na galit siya habang nakatingin sa binatang isinama ni Iris. Hindi niya ito mapapatawad sa panggagaya sa mukha ng namayapa niyang pinsang si Benjo.
***
No comments:
Post a Comment