Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...
***
Kabanata 6
Isang panibagong araw. Sa isang parte ng aming paaralan, malapit sa gate, ay ang teritoryo ng barkada ni Mr. Walang Galang. Makikitang nag-uusap sina Angel at Angelo sa tambayan nila.
Nabigyan ng linaw si Angel nang may sabihin si Angelo sa kanya. “Kaya pala! Kaya pala siya nagpara kahapon,” sabi ni Angel. “Ibang klase rin naman pala itong si Carl ano, Gelo? Iiwan tayo tapos yun pala ang dahilan. Ang layo na kaya ng binabaan niya.”
“Oo nga e. Wala na ring pera yun. Kaya siguro sabi ni Carlo, hingal na hingal si Carl nung dumating,” sabi naman ni Angelo. “Ay, ewan ko nga ba nga riyan kay Carl! Ngayon ko lang uli siya nakitang ganyan. Naloloko na naman yata sa babae. Nakita ko na yung ganoong eksena. Noong huling beses ay noong kasama pa natin si Dar—”
Bago pa mabanggit ni Angelo nang buo ang salitang gusto niyang sabihin, pinatigil na siya ni Angel. “Huwag mo nang ituloy, Gelo.” Biglang nakitaan ng kalungkutan ang mga mata ni Angel at sinabi niya, “Tigilan na nga natin itong usapang ito. Baka dumating pa sila at mahuli tayong pinag-uusapan sila.”
Teka, ano yung Dar—? O dapat bang ang itanong ko e sino si Dar—?
Maya-maya’y dumating si Arlene, nakasimangot at malungkot. Nang batiin siya ni Angel, hindi siya sumagot at umupo na lamang.
“O, bakit malungkot ka na naman diyan?” tanong ni Angelo. “Kasi kayo e, lagi kayong nag-aaway ni Carl.”
“Bakit? Ako ba ang nangunguna?” pagsusungit ni Arlene.
Hindi nakaimik si Angelo. Si Carl naman ang sunod na dumating. Pasipol-sipol at mukhang masaya pa.
“O, ayan na pala si Carl e!” sabi ni Angelo.
Nagkatinginan sina Arlene at Carl. Napatigil si Carl sa pagsipol nang magtama ang kanilang mga mata. Tumunog bigla ang bell. Nagulat si Carl at nabaling ang tingin niya sa mga nagsisidaanang estudyante. Kasama ako sa mga naglalakad na estudyante at nang makita niya ako, tinawag niya ako sa pangalan ko.
“Denise!”
Nakita kong tumatakbo papalapit si Carl sa akin. Napahinto ako.
“Si Mr. Walang Galang? Teka, bakit niya ako tinawag?” tanong ko sa sarili.
“Puwede ba akong sumabay sa iyo?” tanong ni Carl nang makalapit na siya sa akin.
Hindi na ako nakatanggi dahil hinila niya na ako. Medyo mahigpit ang pagkakahawak niya sa akin. Grabe! Ang bigat ng kamay ha!
“Aray! Teka, close ba tayo?” iritang tanong ko. Nasasaktan na rin kasi ako sa paghawak niya.
“Marami ka pang sinasabi! Tara na!” Sabay na nga kaming naglakad.
Nagkatinginan sina Angelo at Angel. Si Arlene naman ay tumayo na sa kinauupuan. Sumunod ang dalawa sa kanya.
Pagpasok namin ng classroom, nandoon na si Carlo.
“O bro! Ano iyan?” gulat na tanong ni Carl. Maski nga ako ay nagulat. Napangisi si Carl. “Cute naman ng eyeglasses mo! Dapat kulay pink,” pang-iinis niya sabay tawa. “Ba’t ka nakasalamin, bro? Hindi bagay sa iyo. Tingnan mo, hindi na tayo magkamukha.” Tinabihan niya ang kapatid niya. “Malabo pala ang mata mo. Ngayon ko lang nalaman.” Nginitian na lang siya ni Carlo.
Ayos lang naman ang hitsura ni Carlo. Bagay naman sa kanya yung salamin niya sa mata. Nagkaroon tuloy ng pagkakakilanlan ang kambal dahil sa salaming iyon. Pero nakapanghihinayang dahil hindi ko na makikita ang mistersyoso niyang mga mata. Nakalulungkot isipin.
Pumunta na kami ni Carl sa puwesto namin at nagdatingan na ang iba naming kaklase. Sina Arlene, Angelo at Angel ay magkakasamang dumating. Uupo na sana ako nang makita kong may babaeng lumapit kay Carlo.
“Hi Carlo! Bakit ka naman naka-eyeglasses? Pero ‘di bale, cute ka pa rin naman e!” sabi ng babaeng kaklase rin namin syempre. May brace ang kanyang mga ngipin. Sa tingin ko, siya yung tipo ng babaeng pumapatol sa kung sinu-sinong lalaki.
Nakatingin lang ako sa babaeng iyon habang patuloy niyang kinakausap si Carlo.
“Hoy Denise!” tawag ng katabi ko sa akin. “Umupo ka na nga! Kanina ka pa nakatayo riyan!”
“Kanina pa ba? Sorry, ‘di ko namalayan,” paumanhin ko kay Mr. Walang Galang. Hay naku, pakialamero talaga ‘tong lalaking ‘to. Dahan-dahan akong umupo habang nakatingin pa rin sa babae.
“Kasi naman, bakit mo ba tinititigan iyang si Rhea?” ang tanong sa akin ni Carl.
“Si Rhea? A wala, tinitingnan ko lang yung brace niya,” sagot ko.
Si Rhea yung nagsabing ‘qualified na ako’ noong mga oras na nagpapakilala si Carlo.
“I’m Marvin Carlo R. Aragon. Hobby ko ang magbasa ng adventure books at mangarap. Gusto ko rin yung mga mababait at simpleng tao.”
“Talaga? Edi qualified na pala ako.”
“Wala namang katitig-titig diyan! E ang pangit kaya niyan! Ano ba iyan?!” sabi ni Carl.
Napakunot-noo ako, “Grabe ka naman makapanlait.”
“Ako nanlalait?” tanong ni Carl. “Alam mo kasi, Denise, prangka akong tao. Hindi ako marunong magsinungaling e! Ganito talaga ako.”
“Oo na,” tangi ko na lang nasabi sa kanya.
Tinapik niya ako, “Uy Denise, galit ka ba sa akin?” Hindi ko na nasagot ang tanong niya nang dumating si Bb. Aragon.
“Class, huwag kayong mabibigla, may mahalaga akong sasabihin sa inyo,” bungad nito.
Nag-react ang buong klase, “What?”
“Sabi nang huwag mabibigla e! Ang tigas ng ulo ninyo a!”
Oras na ng recess. Humiwalay na muna ako kina Carl. Sinabi ni Carl sa akin na kung kailangan ko sila, malapit sa gate ko sila makikita. Doon daw ang ‘teritoryo’ nila.
“Bakit naman ganoon? Ayos na ngang si Ma’am Cecilia yung maging adviser natin tapos papalitan pa,” pagtatampo ni Angelo. “Ano raw pangalan nung bagong teacher natin?”
“Ewan ko. San Jose lang yung narinig ko,” sagot ni Carl. Nang mapansing parang may nawawala, tinanong niya bigla si Angel, “Teka Angel, nasaan na ba si Carlo?”
Noong panahong iyon, mag-isang bumibili si Carlo ng pagkain sa canteen. Magbabayad na siya nang makita siya ni Rhea at nilapitan siya.
“Thank goodness, Carlo! Buti na lang at nandito ka para samahan ako,” sabi ni Rhea sa kanya. Kumapit siya sa braso ni Carlo.
“A e…” ang unang lumabas sa bibig ni Carlo. “A wala ka bang kasama?”
“Wala e. Lagi naman akong mag-isa pag kumakain. Samahan mo muna ako kahit sandali lang. Ok lang ba?” pakiusap ni Rhea. 'Di na nagawang tumanggi ni Carlo.
“Nakakahiya ka namang tanggihan. O sige na nga,” pagpayag niya.
“Thanks, Carlo,” pagpapasalamat ni Rhea sabay kurot sa pisngi ni Carlo at nakakapit pa rin siya sa braso nito.
Uminit ang dugo ni Angel nang makita niya ang eksena at nagulat na lang si Rhea nang hilain ni Angel si Carlo palayo sa kanya.
“So anong ibig sabihin niyan?” tanong ni Rhea kay Angel.
“Nilalayo ko lang siya sa bad influence,” sabi ni Angel.
“Pakialamera ka talaga, Angel!” galit na sinabi ni Rhea kay Angel.
“Teka, huwag naman kayong mag-away,” awat ni Carlo.
Tumingin si Rhea kay Carlo at sinabi sa kanya, “Hindi ako ang nanguna. Siya ang humila sa iyo at sinabihan pa akong bad influence.” Sunod, kay Angel naman siya nabaling. “Palalagpasin kita ngayon, Angel, pero sa susunod na makialam ka pa, alam mo na kung anong mangyayari sa iyo.”
“Hindi ako natatakot,” matapang na sagot ni Angel.
Umalis na si Rhea.
“Bwisit talaga yung girl na iyon. Nakakairita! Sarap tirisin na parang kuto!” panggigigil ni Angel.
“Puso mo, Angel,” pagpapakalma ni Carlo habang hinahagod ang likod ng kaibigan.
“Bakit ka kasi sumasama dun? Sa klase natin, yun na ang pinakauna mong layuan.”
“Ano bang problema?” tanong ni Carlo. Bakit nga ba dapat layuan si Rhea?
“Basta, isa siyang bad influence,” sagot ni Angel. Kumalma na rin siya. “Mabuti pa, samahan mo na lang ako at may hahanapin pa tayo,” pag-anyaya ni Angel kay Carlo. Hinatak niya ang kaibigan.
***
No comments:
Post a Comment