***
Chapter 8
A Sweet Yes
Kagat-kagat ni Rico ang hawak na ballpen at mukhang seryosong-seryoso sa pagsagot sa maikling pagsusulit na makikitang nakasulat sa pisara. Nang matapos ang klase niya ay nakahinga na siya nang maluwag dahil pasado siya sa naturang pagsusulit.
Nang lumabas siya ng silid-aralan upang magtungo sa sunod na klase ay nakita niya si Mildred. Nilapitan siya nito.
“Hindi ka pala pumasok kahapon,” anito.
“Oo. May ginawa kasi akong mahalagang bagay,” sagot ni Rico.
“Sobrang halaga ba niyan kaya nagawa mong isakripisyo ang buong araw ng klase mo?” Hininaan ni Mildred nang kaunti ang kanyang boses. “Alam mo namang gusto kitang palaging makasama tapos um-absent ka pa.”
“Babawi na lang ako,” pangako ni Rico. “Sige na, Mildred, mauuna na ako. Magkita na lang tayo mamaya.” At may pahabol pang ibinulong, “I love you…” Tumakbo siya.
Sabay na kumain sina Mildred at Rico nang magtanghalian. Kumain sila sa lugar na iyon, malapit sa wishing well. Naglatag si Mildred ng sapin nang sa gayon ay hindi madumihan ang suot nila kapag umupo na sila. Bago umupo ay lumapit si Rico sa balon at naghulog ng barya samantalang si Mildred naman ay naupo na.
“Anong hiniling mo?” tanong ni Mildred. Tinabihan siya ni Rico at ibinulong sa kanyang tainga, “Na sana sagutin mo na ako.”
Natigilan si Mildred nang titigan siya ni Rico sa mata. Nakikita niyang seryoso ang binata sa kanya at natutunaw siya sa bawat tingin nito. Hindi niya maiwasang mahulog lalo ang loob sa binata. Mahal na mahal niya si Rico. Si Rico na kanyang pinsan…
“Oo,” ang lumabas sa bibig ni Mildred. “Sinasagot na kita, Rico.”
Nabigla si Rico sa narinig. “T-T-Talaga, Mildred?” Niyakap niya nang mahigpit ang pinsan. “Seryoso ka ba?”
“Seryoso,” tugon ni Mildred.
“Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya!”
Nakapikit lang si Mildred habang yakap siya ni Rico at ibinulong niya ang, “Masaya rin ako, Rico. Sobrang saya.”
Natapos ang araw. Mag-isang naglakad si Mildred pauwi. Hindi siya maihahatid ni Rico dahil marami itong dapat gawin. Hindi na rin niya ito inabala.
Makikita ang isang ngiti sa kanya habang naglalakad siya. Marahil ay masayang-masaya siya dahil magkasintahan na sila ni Rico —lihim na magkasintahan. Natupad na ang hiling niya at kuntento na siya.
Isang sigaw ang biglang narinig, “Mildred!” Si Arthur na naman. Huminto si Mildred sandali. Lumapit si Arthur sa kanya.
“Nag-iisa ka yata,” pansin nito. “Puwede ba akong sumabay sa iyo palabas?”
“Ikaw ang bahala,” sagot ni Mildred.
Naglakad na ang dalawa.
“Hmm. Ang ganda ng langit, no?” sabi ni Arthur. Hindi siya pinansin ni Mildred. Nagpatuloy siya, “Ang daming stars. Kita mo, ang ganda ng buwan. Pero mas maganda pa rin yung kasama ko!”
Tahimik lang na naglakad si Mildred na para bang walang kasama. Hindi niya kinakausap si Arthur, bagay na ikinainis nito. Maya-maya’y naging seryoso ang mukha at tono ng pananalita ni Arthur,
“Hindi ko alam kung bakit ka ganyan sa akin. Bakit ba hindi ka namamansin?”
Huminto si Mildred. “Bakit ka nagtataas ng boses?” tanong niya.
“E ikaw naman kasi! Kinakausap kita pero parang wala kang naririnig! Daig ko pa ang nakikipag-usap sa hangin e! Isa pa, bakit ganoon? Ang tagal ko nang nagyayaya sa iyo na makipag date sa akin pero wala kang ibang ginawa kundi ang tumanggi!
“I like you, Mildred! Sana naman kahit isang gabi lang. O kaya ngayong gabi. Wala naman akong nakikitang dahilan para tanggihan mo ako ngayon kasi, tingnan mo, mukhang pauwi ka na.”
“Hindi na ako puwedeng makipag-date sa iba kasi may boyfriend na ako,” ang pahayag na iyon ang tumapos sa lahat.
Ikinagulat iyon ni Arthur, “Boyfriend? Teka wala naman akong nababalitaang may nanliligaw sa iyo a! At wala rin akong nakikitang ibang lalaking kasama mo. Paano ka nagkaboyfriend?”
“Wala akong dapat na ipaliwanag sa iyo, Arthur,” sagot ni Mildred.
“O sige, ganito na lang, say that you don’t like me at titigilan na kita.”
“Bakit, sino ba kasing nagsabing gusto kita?”
Sumuko na rin si Arthur, “Ok, that’s it! I’ll go ahead. Sorry, simula bukas ‘di na kita kukulitin.” At tuluyan na siyang nagpaalam. Iyon na ang huling pangungulit niya kay Mildred.
Kinabukasan, alas tres ng hapon, sa kantina. Um-order ng mainit na tsokolate si Arthur, isa para sa kanya at isa para kay Rich. Umupo na sila sa puwesto nila nang maibigay na sa kanila ang inorder.
“Isang mainit na tsokolate sa isang mainit na panahon! Ano ang naisipan mo at nagyaya kang uminom ng hot chocolate?” tanong ni Rich kay Arthur habang naglalagay ng kaunting asukal. Hinalo niya iyon, hinipan, pagkatapos ay dahan-dahang ininom.
Nakatingin si Arthur sa malayo habang hinahalo ang kanya, mukhang pinaglalaruan lang.
“Hoy Arthur!” tawag ni Rich.
Huminto si Arthur sa paghalo. “Ha?” tanong niya, mukhang wala sa sarili.
Napailing si Rich, “Ano bang problema mo, bro?”
“Bad trip,” ang naibulong ni Arthur nang makita niyang pumasok si Mildred sa kantina kasama si Rico.
Sinundan ni Rich ang tingin ni Arthur at dito niya nalamang si Mildred pala ang sinasabihan ni Arthur ng “bad trip”.
“Bad trip ka sa pinsan ko?” tanong niya.
“Nakita ko siya kagabi. Mag-isa lang siya. Akala ko maaaya ko na siya sa dinner date pero hindi! Tumanggi na naman siya!”
Natawa si Rich, muntik pa ngang matapon ang iniinom na tsokolate, “Hindi ka na nasanay riyan.”
“Bro, sinabihan niya akong hindi niya ako gusto!” himutok ni Arthur.
“Alam ko,” sagot ni Rich. “Halata naman e! Dahil kung gusto ka niya, papayag kaagad siyang makipag-date sa iyo. Tanungin mo ang kahit na sinong babae ngayon dito sa canteen, sige subukan mo silang yayain. Tanga lang siguro ang tatanggi sa iyo.”
“So, ibig mong sabihin, tanga si Mildred?”
Hindi sumagot si Rich at patuloy lang na ininom ang tsokolate hanggang sa naubos niya na ito.
“May iba bang nanliligaw sa kanya?”
“Wala,” sagot kaagad ni Rich. “Dahil siguradong pagagalitan siya ni tita pag nalamang sumasama siya sa ibang lalaki.”
“Anong ibig mong sabihing ‘ibang lalaki’?” pagtataka ni Arthur.
“Ang ibig kong sabihin, lagot siya pag sumama siya sa iba. Pag sa’min ni Rico siya sumasama, hindi siya pinaghihigpitan ni tita. Puro babae kasi ang mga pinsan namin at sabihin na nating strict at conservative ang mga kamag-anak namin. Kami lang ni Rico ang lalaki, sa amin lang sila may tiwala.
“F.Y.I. bro, si Mildred ang pinakamaganda sa lahat ng pinsan namin, sa father’s side iyon. Kung ikukumpara mo naman sa mga pinsan namin sa mother’s side, talo pa rin sila. Kaya nga ingat na ingat si tita riyan. Ayaw niyang nilalapitan ng kahit na sinong lalaki. Honest naman itong si Mildred. Pag umaalis, sinasabi niya kung saan pupunta at kung sino ang kasama niya.
“Siyanga pala, lahat ng kamag-anak namin, nasa ibang bansa na. Pati nga si papa. Pag graduate ni Mildred, siguradong kukunin siya ng papa niya, nasa abroad din. Ayos na nga ang papeles niya.”
“At kayo?” tanong ni Arthur.
“Maiiwan kami rito. Wala kaming balak na umalis ng bansa. Dito kami mag-aasawa, magkakaanak, mamamatay.”
“Iniisip ninyo na kaagad ang future ninyo ha! Hmm. Baka naman kaya ayaw ni Mildred sa akin kasi nga istrikto yung mama niya? Saka sabi niya pa, may boyfriend na raw siya e!”
“Boyfriend?” Kinutuban si Rich. Tumingin muli siya sa puwesto ni Mildred, malapit sa pinto at nakita niyang kasama nito si Rico. Hindi niya iyon napansin kanina. Napailing siya, “Tsk tsk.”
Nang tanungin ni Arthur kung bakit, sumagot siya ng, “Wala.” Hindi niya na sinagot pa ang lahat ng katanungan ni Arthur tungkol kay Mildred.
“Tapos mo na bang inumin ang hot chocolate mo?” tanong niya kay Arthur.
“Hindi pa e, teka uubusin ko na.” Mabilis na inubos ni Arthur ang iniinom at tumayo silang dalawa ni Rich sa kinauupuan. Lalabas na sila sa kantina.
Nilapitan ni Rich ni Rico na kasalukuyang kumakain kasalo si Mildred. “Mag-usap tayo mamaya, pag uwi mo,” ang mensahe niya rito.
Takang-taka naman si Rico. Pagkalabas nina Rich at Arthur, hinawakan ni Mildred ang kamay ni Rico at nagtanong, “Bakit ka kakausapin ni Kuya Rich?”
Umiling si Rico, “Hindi ko alam. Malalaman ko na lang yun pag-uwi ko sa bahay.”
No comments:
Post a Comment