Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...
Kabanata 1
***
Kabanata 21
Hindi kami naging malapit ni Arlene sa isa’t isa pero heto, narito ako sa bahay nila ngayon. Nakalabas na siya ng ospital. Hinihintay ko siyang pumunta rito sa may sala sapagkat iyon ang bilin ng mama niya, na maghintay ako. Maganda ang mama ni Arlene. Kung pagmamasdan mo, mapagkakamalan mong ang mama ni Arlene ay si Arlene. Dalawa lang silang nakatira sa malaking bahay na ito. May ilang kaklase namin ang nakapagsabing sumakabilang-buhay ang papa ni Arlene noong bata pa lamang siya. Ang mama niya na ang nagtaguyod sa kanya mula noon kaya 'di maikakailang malapit na malapit sila sa isa’t isa. Pareho pala kami ni Arlene na wala na ang isang magulang.
Ipinagtimpla pa ako ng mama ni Arlene ng juice na malugod ko namang tinanggap kasabay ang pagpapasalamat. Ilang sandali pa’y nagpakita na si Arlene at umupo sa sofa. Iniwan kami ng mama niya para makapag-usap.
“Napadalaw ka,” bungad niya sa akin.
“Ano kasi e... gusto lang sana kitang kumustahin,” sabi ko.
“Ok lang ako,” sabi naman niya. 'Di ako naniniwala dahil halata namang matamlay siya.
“Nabalitaan ko kasi yung nangyari sa iyo. Muntik ka na raw masagasaan ng kotse at sinagip ka ni Carl,” pagbubukas ko ng usapan.
Umiwas siya ng tingin at nabaling ang mga mata sa may bintana. Nakita ko rin doon ang liwanag na nagmumula sa araw.
“May iniisip lang kasi ako nang mga sandaling iyon,” mahina niyang sinabi.
“Puwede bang malaman?” tanong ko. Tumingin siya sa akin. Nakita ko ang matinding kalungkutan sa mga mata niya.
“Si D-D-Dara,” nanginginig niyang sinabi.
“Si Dara na naman?” isip ko. “Si Dara?” tanong ko sa kanya.
“Dapat pa ba akong magkuwento sa iyo?” tanong niya sa akin.
“A ikaw, nasa sa iyo iyan,” sagot ko naman.
“O sige, tutal nandito ka na naman, sasabihin ko sa iyo pero ipangako mo sa aking hinding-hindi mo sasabihin sa iba,” sabi ni Arlene. Mukhang napaka importante talaga ng sasabihin niya.
Nagsimula na siyang magkuwento sa akin.
“Mula nang mamatay si Dara dahil sa pagkakalunod, hindi na siya nawala sa isip ko. Gabi-gabi, lagi siyang nasa mga panaginip ko. Siguro noong mga bata pa kami, inisip kong sana wala na lang siya para wala na akong karibal sa lahat ng bagay.
“Alam mo, Denise, sa tuwing ipinipikit ko ang mga mata ko, sa tuwing nakakatulog ako, lagi siyang lumilitaw sa mga panaginip ko. Sumisigaw siya, humihingi ng tulong. Natatakot ako. Kaya nga gabi-gabi ang ginagawa ko na lang ay mag-aral, magbasa ng mga libro para hindi ako antukin. Daig ko pa ang may insomnia. Minsan ayokong matulog dahil alam kong makikita ko na naman siya. Paulit-ulit na panaginip. Dumadaing siya, humihingi ng tulong.
“Sa loob ng ilang taon, ganoon ako. Lagi akong puyat sa pag-aaral na naging dahilan kung ba’t nanguna ako sa klase. Wala akong ibang ginawa kundi iyon lang. Hindi ko ginusto iyon dahil napapagod na ako. Hanggang sa isang araw nagbago ang lahat. Noong gabi bago magpasukan, nakatulog ako at alam mo ba,” natawa siya nang bahagya, “kinabukasan tinanghali na ako ng gising pero nakapagtataka dahil hindi ako nanaginip ng tungkol kay Dara noong gabing iyon. Akala ko roon natapos ang lahat pero hindi pala dahil pagpasok ko ng eskwelahan, nakita ko ang isang buhay na Dara.”
Naguluhan ako sa sinabi niya. “Anong ibig mong sabihin?” kunot-noo kong naitanong.
Tinuro niya ako. “Ikaw,” sinabi niyang may matigas na tinig. “Ikaw ang buhay na Dara na tinutukoy ko. Kahawig mo kasi siya. Kung hindi mo alam, may mga pagkakataong pinagmamasdan ko ang mga kilos mo. Parehong-pareho kayo ni Dara. Noon, si Dara ang nangunguna sa klase namin. Tingnan mo ngayon, ikaw na ang nangunguna sa klase. Noon, si Dara ang napapansin ng lahat. Ngayon, ikaw na. Noon, si Dara lang ang nakikita ng mga mata ni Carl. Ngayon, ikaw na. Noon, si Dara ang bida; ngayon, ikaw na. Noon kay Dara ako naiinis at ngayon? Kanino pa ba edi sa iyo! Naiinis ako kasi lagi akong pangalawa, laging anino sa likod ni Dara. Nagagalit ako kay Dara at sa iyo!”
Halata sa tono ng boses ni Arlene ang matinding galit. Nakakatakot! At may itinanong siya sa akin, “Bakit ba kasi hindi ka na lang din mawala?” Nadismaya ako.
“Iyan ba ang gusto mong mangyari?” tanong ko sa kanya. “Ang mawala ako?”
“Oo! Mawala ka na! Mamatay ka na rin, parang si Dara!” Tinakpan niya ng dalawa niyang kamay ang kanyang mukha at nagsimulang umiyak.
“Ang hirap kasi sa iyo, Arlene, hindi mo hinaharap ang mga bagay. Ang hirap sa iyo hindi ka naghahanap ng solusyon. Kaya ka naman nagiging anino lang kasi iyon ang kagustuhan mo. Hindi ka lumalaban. Kaya ka patuloy na nananaginip ng tungkol kay Dara dahil isipin mo, kahit sa panaginip na iyon hindi mo siya matulungan. Huwag kang maging makasarili, Arlene,” sabi ko sa kanya.
Lalong humikbi si Arlene dahil sa mga sinabi ko. “Umalis ka na,” utos niya sa akin. “Hindi kita kailangan! Alis!”
Tumayo ako sa kinauupuan at lumabas nang tuluyan sa bahay nila. Napailing na lang ako dahil sa inasal niya. Pumasok na rin si Arlene nang sumunod na linggo pero halatang matamlay pa rin siya. Nagbago rin naman ang timpla niya nang mga sumunod na araw. Napansin kong kinakausap niya na ang iba naming kaklase, maliban nga lang sa katabi niyang si Carl, at nakikipagtawanan na rin siya kay Rhea.
Nang mga sumunod na buwan ay naging mas matindi ang kompetisyon sa pagitan namin ni Arlene. Mukhang nabuhayan uli siya ng dugo at naging aktibo sa mga gawaing pampaaralan. Magkagayunman ay hindi nabago ang sitwasyon sa loob ng klase sapagkat ako pa rin ang nanguna, tatlong sunod-sunod na quarters na samantalang siya pa rin ang pangalawa. Pasok pa rin ang kambal sa Top Ten, maging si Angel at ang ikinatuwa ng lahat ay pati si Gelo pumasok na rin. Isang munting salu-salo ang iminungkahi ni Angel na sinang-ayunan naman ng lahat. 'Di naglaon ay nagkaroon nga kami ng kainan sa isang fast food. Sosyal!
Kumakain kami nang may itinanong si Gelo, “Malapit na ang JS Prom natin, 'di ba?”
“Oo, e ano naman ngayon?” sagot ni Carl.
“Hindi ba kayo excited?” muling tanong ni Gelo.
“Excited!” si Angel naman ang sumagot. “Nag-iisip na nga ako kung anong gown ang isusuot ko.”
“E ikaw Denise, hindi ka pa ba nag-iisip kung ano ang isusuot mo para sa JS?” tanong sa akin ni Gelo.
“Hindi pa e. Hindi ko pa alam,” sagot ko.
“Kahit ano naman sigurong isuot ni Denise bagay yun sa kanya,” nakangiting sabi ni Marvin. Napangiti na rin tuloy ako.
“Bagay naman talaga sa kanya kahit na anong damit. Ikaw lang naman ang hindi bagay sa kanya e!” sabad ni Carl.
“Carl!” saway ko.
“Bakit? Totoo naman, 'di ba?” tanong ni Carl.
Binulungan ko na lang si Marvin ng, “Huwag mo na lang pansinin.”
“Pinapansin ko ba? Siya lang naman itong nagpapapansin,” sabi niya sa akin. Hay! Ang magkapatid talagang ito! Pinapasakit ang ulo ko!
Gaya ng nakagawian, inihatid na naman ako ni Marvin sa bahay. “Pasok ka,” alok ko.
“Hindi na,” pagtanggi niya.
“Sige, ingat,” sabi ko. Papasok na sana ako sa bahay pero tinawag niya ako.
“A, Denise.” Nilingon ko siya. “A, puwede bang ikaw ang first dance ko sa prom?”
“Sige ba,” pagpayag ko.
Abot tainga naman yung ngiti niya at sabi niya, “Thanks ha! Sige, pasok ka na.” Natawa tuloy ako.
Isang linggo bago ang JS Prom, ibinigay sa amin ang isang invitation. Doon nakasulat ang petsa kung kailan at kung saan gaganapin ang JS Prom. Sa likod naman ay may dalawang hanay. Sa unang hanay ay nakasulat ang mga kanta at katapat noon ay mga blangko. Ang sabi ng mga kaklase namin, doon daw sa mga blangkong iyon namin ilalagay kung sino ang magiging kapareha namin sa sayaw sa tugtuging nakasulat. Isa pa palang kailangan ng mga babae ay escort.
Namroblema tuloy ako sapagkat pareho akong niyaya ng kambal. Hindi ko alam kung sino ang pipiliin ko dahil pareho naman silang pupuwedeng maging escort ko. Pareho silang mahalaga sa akin dahil pareho ko silang kaibigan at pareho ko silang mahal. (Ay ano raw?) Inasar pa ako ni Angel,
“Ayiieee! Ang haba ng buhok mo, girl!”
Pag si Marvin ang pinili ko, siguradong magagalit si Carl. Nakakatakot pa naman pag nagalit yun. Pag si Carl naman ang pinili ko, siguradong magtatampo si Marvin. Nakakaawa naman pag nagtampo yun. Hay Denise! Bahala na nga! Wala ka pa ngang damit na isusuot may gana ka pang mamili ng escort.
Pag uwi ko ay ipinakita ko ang invitation kay papa. “JS Prom ha,” sabi niya. “May isusuot ka na?” tanong niya pa.
“Wala pa nga po e,” sagot ko naman.
“May naitatabing gown yata si Ate Diana mo. Ginamit niya nung nag-JS siya.”
“Hindi bagay sa kanya iyon, papa,” sabi ni Ate Diana.
“E kaysa naman bumili pa tayo ng bago. Dalawa pa yung gown mo riyan, 'di ba? Ginamit mo noong third year at fourth year ka. Isang beses mo lang naman iyon nasuot, ipahiram mo na kay Denise,” pakiusap ni papa kay Ate Diana.
“Siya! Siya! Oo na!” pagpayag ni ate na tila napilitan lamang. “Ikaw na ang kumuha sa taas. Buksan mo yung aparador ko, may dalawang kahon doon. Mamili ka kung ano ang gagamitin mo,” utos niya.
Sinunod ko ang utos ni ate at nakita ko nga sa damitan niya ang dalawang kahon. Kinuha ko ang mga iyon. Pumunta ako sa kuwarto ko at binuksan ang mga kahon. Pambihira! Parehong maganda ang gown at mukhang bago pa. Hindi ko tuloy alam kung ano ang pipiliin ko. Sinukat ko muna ang kulay asul na gown at tumingin sa salamin. Napakaganda ng pagkakatahi at kasyang-kasya sa akin. Biglang bumukas ang pinto ng kuwarto ko at pumasok si Ate Diana. Tiningnan niya ako. Nagulat ako nang bigla niyang inayos ang pagkakasuot ko ng damit.
“Kasya naman pala,” sabi niya. “Ayan na ba ang isusuot mo?”
“A hindi ko alam e,” sagot ko.
“Sukatin mo yung isa pero sa tingin ko mas maganda nga iyang kulay blue.”
“Ito na lang ba?” tanong ko kay ate.
“Iyan na lang,” sagot niya. “Sinong escort mo?” tanong niya.
“Hindi ko nga rin alam e!” sagot kong muli.
“E ano bang alam mo?” parang nairita pa siya. “Hubarin mo na iyan. Next week mo pa naman gagamitin. Ako na ang maglalaba niyan baka masira mo pa.”
Hinubad ko na ang damit at ibinigay iyon kay ate. Ibinalik niya iyon sa kahon at kinuha na rin niya ang isa pang kahon. Lumabas na siya ng kuwarto. Hay! Kahit kailan talaga ang sungit-sungit niya.
Nakumpleto na rin ang likurang bahagi ng invitation kung saan doon nakalagay ang mga magiging kasayaw ko sa araw ng JS Prom. First dance ko si Marvin; yung iba mga kaklase ko; yung iba naman e mga nag-imbita sa akin na taga ibang section. Nainggit pa nga sa akin si Angel kasi niyaya ako ng heartthrob ng pumapangalawang section, si Neo Villar. Hindi ko naman siya gaanong kilala. Si Carl naman ang last dance ko.
Yung tungkol naman sa escort, wala akong pinili sa kambal. Para hindi na sumakit yung ulo ko, si Gelo na lang ang pinili kong maging escort. Si Marvin ay napunta kay Angel at si Carl? Hindi ko alam kung sino ang kapareha niya. Hindi niya rin nasabi sa barkada kung sino. Ang balita ko nga ay kasama siya sa mga sasayaw sa kutilyon at noong dumating na ang araw ng JS Prom, naroon nga siya sa grupo ng mga sasayaw sa kutilyon. Nakakatawa nga kasi naka-gwantes pa siya. Ang gwapo pa man din niya sa suot niya. Nagulat ako nang tingnan ko kung sino ang kapareha niya sa pagsayaw. Nang magsimula na ang tugtog, naghawak ang kanilang mga kamay... ang mga kamay nila ni Arlene.
***
No comments:
Post a Comment