No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (24)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



Kabanata 1
***
Kabanata 24



      Humingi ako ng permiso kay Marvin para makausap si Carl. Baka kasi kung ano na naman ang mangyari sakaling makita niya kaming nag-uusap ni Carl nang 'di niya alam.

      “Bakit ba makikipag-usap ka pa sa kanya?” tanong niya sa akin sa tonong naiirita. “Matapos ng ginawa niya? Matapos ka niyang paiyakin? Tapos paniniwalain ka na naman niya ng kung anu-ano. Tapos sasaktan ka na naman niya! Ayaw na kitang makitang umiiyak.”

      Inilapat ko ang kanang hintuturo ko sa mga labi niya. “Sshh. Tama na. ‘Wag mo nang problemahin si Carl, ok? May lilinawin lang akong ilang bagay,” sabi ko.

      “O sige,” pagpayag ni Marvin. “Basta kapag may ginawa na naman siya sa iyo, sabihin mo lang sa akin.”

      Nang araw ding iyon ay nag-usap kami ni Carl doon sa lugar na madalas naming puntahan, sa garden. Nakahanda na sa isip ko ang mga sasabihin ko.

      “Carl, sorry,” paghingi ko ng paumanhin.
      “Para saan?” tanong niya.
      “Kasi nag-away kayo ni Marvin nang dahil sa akin,” sagot ko.
      “Sus! Wala yun!” sabi naman niya. “Siya kasi e! Ang hilig niyang pumapel.” Natigilan siya sandali tapos ay nagtanong, “Kayo na ba ng kapatid ko?”
      “Ha? Hindi a!” tanggi ko. Mabilis ang naging sagot ko.
      “Yun naman pala e! Kala mo naman kung maka-eksena siya e boyfriend mo na siya,” naiinis niyang sinabi.

      Napatingin ako sa ibaba.

      “Denise,” pagtawag niya sa akin. Tumingin ako sa kanya. “Gusto ko lang sanang ipaliwanag yung tungkol dun sa Prom. Yung nakita mo sa amin ni Arlene.”
      “Ayoko nang pag-usapan pa iyon, Carl. Tapos na iyon,” sabi ko.
      “E bakit? Iiyak-iyak ka tapos ngayong sasabihin ko sa iyo kung bakit ganoon yung nangyari, ayaw mo namang makinig!” galit na siya.

      Naging mahinahon lang ako. “Carl, gusto ko sanang humingi sa iyo ng pabor, ng tatlong bagay,” sabi ko sa kanya.

      “Pabor?” tanong niya. “O-o-o sige! Kahit ano! Gagawin ko, peksman! Para naman makabawi ako sa nagawa ko sa iyo kasi napaiyak na naman kita!”
      “Gusto ko sana magkabati na kayo ni Arlene,” una kong sinabi.

      Natawa si Carl, “Haha! Ok ka lang?”

      “Seryoso ako,” sabi ko.
      “Baliw ka ba? Bakit ko gagawin yun?” tanong niya.
      “Sabi mo sa’kin, 'di ba? Kahit ano ay gagawin mo.”
      “Oo lahat, pero ‘wag naman yung ganoon,” sabi niya.
      “Pangalawa, gusto ko kung may mamahalin ka man, si Arlene na lang, huwag na ako,” ang sunod kong pabor.

      Natawa na naman siya, “Haha! Baliw ka nga talaga!”

      Nagpatuloy ako, “Pangatlo, gusto kong layuan mo na ako.”

      “Ano?” 'di siya makapaniwala.
      “Gusto kong layuan mo na ako,” ulit ko. “Huwag ka nang makipag-usap sa akin. Huwag mo na akong pansinin. Huwag mo na akong tingnan, hawakan, huwag na lahat!”
      “Bakit mo ba ginagawa ito sa akin?”

      Inulit kong muli ang sinabi ko kanina (na sinabi niya rin), “Sabi mo sa’kin, 'di ba? Kahit ano ay gagawin mo.”

      “Ano ito, blackmail, Denise?”
      “Nangako kang gagawin mo lahat makabawi ka lang sa akin. Sana tuparin mo,” huli kong pakiusap sa kanya tapos ay umalis na ako, tinalikuran ko na siya, pero natigilan ako nang sabihin niya ang,
      “Sana tandaan mong bukod kay Dara, ikaw lang ang babaeng minahal ko ng ganito, ikaw lang, at wala akong ibang mamahalin kundi ikaw lang.”

      Tumuloy na ako sa paglalakad ko. Iyon na siguro ang huling pag-uusap namin ni Carl —ang huling pagpapansinan, huling paalam, tapos ay wala na.

      Natapos ang taon. Nang magkuhanan ng card ay maganda ang naging bunga ng pagsisikap ko sa pag-aaral dahil ako ang nanguna, ako pa rin. Alam ng lahat na si Arlene pa rin ang Top Two. Ganoon pa rin naman ang standings, pasok pa rin ang kambal sa Top Ten, maging sina Angel at Gelo. Proud ako sa barkada ko. Laking tuwa ko pa nang pasalamatan ako ni Arlene. Paano kasi’y nagkabati na sila ni Carl na ikinatuwa naman ng lahat. Sa wakas ay nawala na rin ang malaking siwang sa pagitan ng mga upuan nina Arlene at Carl.

      “Thank you, Denise,” pagpapasalamat niya sa akin. “Tama ka, hindi pa nga huli ang lahat sa amin ni Carl.” Nakita ko ang napakagandang ngiti sa mukha ni Arlene. Tinanong niya pa ako kung ano ba ang ginawa ko kung bakit nagkaganoon si Carl.

      Sabi ko na lang, “Ginawa ko lang kung ano ang dapat. Sabi mo sa akin, 'di ba, may mga bagay rito sa mundo na kailangan nating isakripisyo?”

      “A basta, Denise, thank you ha,” sabi niyang muli. “Siyanga pala, gusto mo bang sumama sa amin? Gusto kasing mamasyal ni Carl sa mall e nakakailang naman yata kung kaming dalawa lang, 'di ba?”

      Tumanggi ako, “Sige na, kayo na lang, o kaya isama ninyo na lang sina Angel at Gelo, pati si Marvin. Kailangan ko na kasing umuwi e! Marami pa akong gawaing-bahay na dapat asikasuhin baka pagalitan ako ng ate ko.”

      Nasabihan pa akong “KJ” nina Angel at Gelo noong sinabi kong hindi ako sasama. Pinilit nila ako pero wala ring nangyari. Isa pa, ayaw ko na ring makasama si Carl at nararamdaman kong malaki ang galit niya sa akin dahil sa ginawa ko, dahil sa tatlong pabor na hiningi ko. Alam ko namang masaya silang lahat dahil kumpleto na sila, dahil nagkabati na sina Arlene at Carl, at dahil nakipag-ayos na si Carl kay Marvin. Yung tunay na pakikipag-ayos.

      Noong bakasyon ay sinabi sa amin ni papa na isang taon na lang ang ilalagi namin sa lugar na tinitirhan namin. Sadyang nagulat sina Kuya Richie at Ate Diana roon.

      “Kalilipat nga lang natin dito, lilipat na naman tayo?” angal ni Kuya Richie.
      “Oo nga papa, for the last time naman puwede ba mapirmi na tayo ng tirahan?” sabi naman ni Ate Diana.

      Naging matigas si papa, “Huwag na kayong umangal. Pag nakatapos si Denise ng high school, aalis na tayo.”

      Aalis na naman kami? Kung saan kami lilipat ng bahay, hindi ko alam. Pero mabuti na ring sinabi ni papa kaagad nang maaga na hindi rin pala kami magtatagal dito. Sa isang banda ng isip ko, hindi rin ako mapalagay dahil alam ko pag umalis kami rito, hindi ko na kailanman makakausap ni isa sa barkada, kahit na si Marvin man lang.

      Minsan ay dumalaw si Marvin sa bahay. Pinatuloy ko siya. Buti nga at pumasok na rin siya. Madalas kasi ang lagi niyang sinasabi ay “Sige lang.” O kaya ay “Saka mo na lang ako papasukin pag sinagot mo na ako.” Buti nga rin at hindi naging masungit si Ate Diana. Nakakapanibago. Siya pa ang naghanda ng merienda para sa amin. Nang magpaalam akong lalabas ako ng bahay ay pinayagan niya rin ako. Nag-iba yata ang ihip ng hangin.

      Pumunta kami ni Marvin sa malapit na palaruan sa lugar namin, at sa mga upuan doon ay nanatili kami. Magkatabi kami sa bench. Maraming tao, may mga batang naglalaro. May iilan ding magkasintahan ang naroon at naglalambingan.

      “Ang sweet nila no?” sabi ni Marvin sabay nguso sa magkasintahang nakita niya. Tiningnan ko naman iyon.
      “Oo nga,” tugon ko.
      “Kailan kaya tayo magiging ganyan?” tanong niya. Napatawa lang ako. “Sana mabilis lumipas ang panahon. Sana twelve years na.” Napabuntong-hininga siya.

      Sa totoo lang, nalungkot din ako sa sinabi niyang iyon. “Makapaghihintay ka ba talaga ng ganoon katagal?” tanong ko.

      “Oo!” sagot niya. “Wala ka bang bilib sa akin? Maghihintay ako kasi alam kong tutuparin mo yung pangako mong after twelve years e sasagutin mo ako.” Tahimik lang ako. Inakbayan ako ni Marvin. “Alam mo, Denise, ikaw ang first love ko,” sabi niya sa akin. Nakatutuwa namang isipin. Tapos ay tinanong niya ako, “Denise, after twelve years ba, sasagutin mo talaga ako?”
      “A,” nasabi ko. Walang ibang lumabas sa bibig ko kundi iyon lang. Napaisip din ako. Sasagutin ko nga ba siya matapos ang labing-dalawang taon? Bakit ganoon? Hindi ko pa rin alam! Hindi ko masabi kung oo ba o hindi.
      “Sige, kahit huwag ka na magsalita,” sabi niya. “Ayoko namang guluhin ang isip mo. Basta, kahit anong mangyari, maghihintay ako sa iyo. Hindi ako titingin sa ibang babae! Basta, sa iyo lang talaga.”

      Basta, kahit anong mangyari, maghihintay ako sa iyo. Hindi ako titingin sa ibang babae! Basta, sa iyo lang talaga. Hindi ko akalaing makapagbibitiw siya ng ganoong pangako. Ibang klase talaga ang lalaking ito.

      Natapos ang bakasyon. Naging maayos ang lahat sa amin ni Marvin. Kasundo ko pa rin naman ang lahat sa barkada, maliban nga lang kay Carl na talagang hindi ko na kinausap. Napakabilis ng panahon. Unang araw na ng pasukan, nasa ika-apat na taon na kami sa high school. Napunta ako sa pinakamataas na section. Kaklase ko pa rin ang mga dati kong kaklase. Maski sina Marvin, Angel, Gelo at Arlene ay naroon. May bagong mukha, si Neo Villar, yung heartthrob. Nginitian niya ako nang makita niya ako sa loob ng classroom. Natatawa nga ako dahil kahit na sinong ngitian niyang kaklase naming babae ay namumula. Kagwapuhan nga naman kasi siya.

      Umayos ng upo ang lahat nang dumating ang adviser namin. Natuwa ang lahat nang makitang si Bb. Cecilia Aragon pala, ang ate ng kambal, ang hahawak sa klase namin. Dapat kasi siya ang adviser naming noong third year pero pinalitan siya ni G. Anthony San Jose. May bulung-bulungan nga ring nagkakamabutihan ang dalawang guro naming iyon.

      Nagtawag ng mga pangalan at inayos kaagad ang upuan ng pa-alphabetical 'di gaya noon na kahit saan ka umupo o kaya ay by height. Bago na ang classroom namin, bago ang mga upuan, bagong gupit ang iba naming kaklase, ang iba ay may bagong uniform. Mayroon din kaming bagong kaklase. Maraming nagbago sa loob ng classroom at may isa akong napansin. Dalawa kaming Cruz ang narito, si Arlene at ako. Sa pagkakaalam ko ay dalawa rin dapat ang Aragon sa klase ngunit nawawala ang isa.

      Nang maglabasan para sa recess ay tinanong ko si Angel, “Nasaan si Carl?”

      “Uhmm. Hindi ko nga alam e! Baka absent,” sagot ni Angel.
      “Nasa ibang section na si Kuya Carl,” sabad ni Marvin na nasa likuran pala namin.
      “Saang section? Nasa section two?” tanong ko.
      “Oo,” sagot ni Marvin.
      “What? Section two?” nagulat din si Angel.
      “Bakit nandoon siya? 'Di ba dapat nandito siya?” tanong kong muli.

      Lumapit sa amin si Gelo. “Nagpalipat. Ayaw na raw niya sa cream,” sabi naman niya.

      Nagtampo si Angel, “Loko-loko talaga iyang si Carl!”

      Mukhang alam ko na kung ang tunay na dahilan ng pagpapalipat ni Carl ng section. Ayaw niya na sa cream dahil nandito ako. Ayaw niya na sa cream kasi ayaw niya na sa akin.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly