***
Chapter 23
Differences
Inistorbo ng isang tawag ang kasiyahan nina Rich, Rico at Arthur.
“Hello?” nakangiti pa si Rico nang sagutin niya ang tawag sa kanyang cell phone samantalang sina Rich at Arthur ay patuloy pa rin sa pag-uusap at pag-inom. Napatayo si Rico sa kinauupuan na tila gulat ang mukha. “Seryoso ka ba?” tanong niya sa kausap. Napatingin sina Rich at Arthur sa kanya. “O sige, sige, susunod kami riyan!” at ibinaba niya ang tawag.
Sandaling tumahimik si Rico at kumuha ng hangin upang makahinga.
“Anong problema, Rico?” tanong ni Rich.
“Tumawag si Ate Margarita. Nawawala ang isa sa kambal!” pagbabalita niya.
Nagulat sina Rich at Arthur. “Ano?” sabay nilang naitanong. Umalis na ang tatlo sa puwesto nila at dali-daling nagtungo sa ospital.
Nadatnan nila ang malulungkot na mukha ng mga nurse at doktor nang dumating sila sa ospital. Agad na umakyat si Rico sa hagdan na sinundan nina Rich at Arthur.
“Bakit ba kasi ang taas ng ospital na ito?” nagawa pang umangal ni Arthur.
Kumpol ng tao ang naroroon nang makalapit sila sa silid ni Bernadette. Nasa loob si Margarita karga ang umiiyak na si Reed na naging dahilan ng pagkagising ng pangalawa sa kambal. Tulog pa rin si Bernadette.
“Anong nangyari sa asawa ko?” tanong ni Rico kay Andrew na naroroon din sa loob at mukhang dismayado sa nangyari.
Ipinakita ni Andrew ang heringgilyang natagpuan sa silid, “Ito. May nag-inject sa kanya nito. Pampatulog.”
Sinubukang magpaliwanag ni Margarita, “Umalis kami ni Reed, lumabas kami ng ospital. Si Millie lang naman ang naiwan dito.”
“Nakita namin si Millie. Lumabas siya dala ang bata pero ‘di namin pinansin. Akala namin wala lang,” salaysay ng isang babaeng nurse.
Takang-taka naman si Arthur kung sino ba ang Millie na tinutukoy nila. At umabot siya sa isang konklusyon, “Walang ibang tao, pinatulog ang asawa mo, kinuha ang baby. Ninakaw ang anak mo, Rico!”
“Ninakaw ni Mildred!” bulalas ni Rich.
Ang lahat ay bumigat ang loob kay Millie. Doon nalaman ni Arthur na ang Millie palang tinutukoy nila ay si Mildred Roces. Wala siyang kaalam-alam na nagbalik na pala ito sa Pilipinas. Wala man lang nagsabi sa kanya.
Makalipas ang ilang araw, lumabas na si Bernadette sa ospital. Nalulungkot siya sa mga nangyari. Nang ilabas niya sa sinapupunan ang kanyang anak ay dalawa ito pero ngayon ay nag-iisa na lamang. At pag naiisip niya ang huling sinabi ni Millie sa kanya,
“Souvenir ko na lang si Reeve, puwede ba?”
ay hindi niya maiwasang hindi umiyak. Bakit ginawa ni Millie iyon? Hindi naman bagay si Reeve. Isa siyang walang kamalay-malay na sanggol, humihinga at may buhay. Ni hindi man lang niya iyon nayakap nang matagal. Pero naisip niyang kailangang magpatuloy ang buhay. Naririyan pa naman ang pangalawa sa kambal na pinangalanan nilang Benjamin Rico at tinawag na Benjo. Na sa hinaharap ay magiging isang batang masayahin at magkakaisip na wala man lang kinikilalang kapatid, na nakatakda na palang bawian ng buhay sa gulang na labing siyam.
Para kay Rico ay hindi rito nagtatapos ang lahat. Kailangan niyang makita si Millie. Kailangan niyang mabawi ang anak niya. Buti na lang at nakuha niya ang address ni Millie na nasa record ng ospital. Wala silang inaksayang oras at hinanap nila ni Rich ang bahay ni Millie. Nang mabasa ang address, kinutuban na si Rich at nang mapuntahan na nila ang bahay, tama nga ang kutob niya.
“Sinasabi ko na nga ba’t ito iyon,” wika niya.
Napasuntok na lang si Rico sa pader. Ito ang bahay na tinirhan nina Millie at ng nanay niya noon. Abandonado na ang bahay at wala nang nakatira. Limang taon na ring hindi natitirhan ang bahay na ito. Sa madaling salita, nagbigay si Millie ng maling address. Hindi na nila alam kung saan siya hahanapin.
Sa mga panahong ito, nakatira na si Millie sa mansyon. Ito ang bahay ng kanyang asawa rito sa Pilipinas. Silang dalawa lang ni Reeve ang tao sa mansyon. Hindi na siya tumuloy sa flight niya, at agarang pinauwi ang asawang si Robert Evans na isang Amerikano at minsan nang nanirahan sa Pilipinas. Sa una’y hindi niya nagustuhan ang ideya ni Millie na pagkuha sa bata pero nangyari pa rin ang dapat mangyari. Inerehistro ang bata sa pangalang Hans Evans, nilakad ang papeles, umalis ng bansa at sina Robert at Millie na ang kinilalang ama’t ina nito.
Dumaan pa ang ilang araw. Hindi pa rin mawaglit sa isip ni Rico ang nangyari. Isang gabing dumalaw si Rich sa kanila, nagkaroon sila ng masinsinang usapan sa sala.
“Bakit ginawa ni Mildred yun?” ang laging tanong ng isip ni Rico.
“Sabihin na nating dahil sa pagmamahal,” sagot ni Rich.
Naguluhan si Rico, “Pagmamahal? Anong ibig mong sabihin, kuya?”
“Mahal ka pa rin ni Mildred hanggang ngayon,” sagot ni Rich.
Nasurpresa si Rico, “Ano?”
“Hindi ka niya nakuha kaya anak mo na lang ang kinuha niya. Nanggaling din naman iyon sa iyo.”
“Kalokohan! Pagmamahal ba ang tawag dun? Paano mo naman nasabing mahal pa rin ako ni Mildred?”
“Sinabi niya sa akin noong nakausap ko siya sa ospital.”
Natahimik si Rico.
“E ikaw, ganoon din ba ang nararamdaman mo para sa kanya?” mapaghamong tanong ni Rich.
“May pamilya na ako, may asawa na siya! Matagal ko nang kinalimutan ang nararamdaman ko para sa kanya. Alam mo yan, Kuya Rich!” matigas na sabi ni Rico.
“Siguro nga. Maaaring makapagsisinungaling ka sa akin, kay Bernadette at sa ibang tao pero ‘di mo maloloko ang sarili mo, Rico.”
At natapos ang usapan ng magkapatid.
Gabing-gabi na rin pero hindi pa natutulog si Bernadette. Nasa malalim siyang pag-iisip. Nakahiwalay na rin ang mga binili nilang gamit noon para kay Reeve. Nakahanda na ang mga gamit bago pa isilang ang kambal. Nakalabas din ang isang kahon.
“Ano ang gagawin mo sa mga iyan, mama?” tanong ni Rico sa asawa.
Inisa-isa nang ilagay ni Bernadette ang mga gamit ng sanggol sa loob ng kahon. “Itatago. Wala na rin namang silbi ito. Wala na naman si Reeve rito.” At bumuhos na naman ang mga luha niya. Niyakap siya ni Rico.
“Tama na ang iyak, mama. Tama na,” pagpapatahan niya sa asawa.
“Sorry papa, ‘di ko sinasadyang marinig ang usapan ninyo ni Kuya Rich,” paghingi ng paumanhin ni Bernadette.
Nagulat si Rico, “Narinig mo?”
Tumango si Bernadette, “Oo.” Pero hindi siya nagalit bagkus ay nagpakumbaba, “Please, ‘wag mo akong iwan. Hindi tayo maghihiwalay. Ipangako mong diyan ka lang sa tabi ko.”
“Oo, ‘di kita iiwan,” tugon ni Rico. “Pangako iyan. Magkakasama tayo habang buhay at aalagaan nating mabuti si Benjo. Palalakihin natin siyang walang nalalaman sa nakaraan.” At humingi siya ng tawad kay Bernadette, “Sorry, mama. Sorry kung may inilihim ako sa iyo.”
At ang pangyayaring iyon ang nagpatibay lalo sa mag-asawa.
Tatlong taon makalipas ang insidente, isinilang ni Millie ang isang batang lalaki na pinangalanang Kyle. Anak niya ang bata sa kanyang asawang si Robert Evans. Matapos, pinili niyang manirahan muli sa Pilipinas samantalang si Robert ay naiwan sa Estados Unidos.
Lumaki ang kanyang mga anak na malayo ang loob sa isa’t isa. Si Hans ay lalaking-lalaki at nahilig sa basag-ulo gawa na rin ng pagtatanggol sa kanyang kapatid na si Kyle. Tampulan kasi ito ng tukso gawa ng kanyang pagiging kilos babae. Trinato ni Millie na espesyal si Hans samantalang pangkaraniwan lang ang pagtrato niya kay Kyle. Kinainggitan ni Kyle ang kanyang kuya dahil paborito ito ng kanyang ina. Kinamuhian niya ang asal nito na ‘di man lang nalalamang dahil na rin sa kanya kung bakit ganito ang kuya niya.
At kahit na sabihin mong maliit ang mundong ito, hindi pa rin iyon naging dahilan upang magkita ang kambal. Magkaiba pa rin ang mundong kanilang ginalawan. Lumaki sina Hans at Benjo na may parehong mukha at parehong walang alam sa nakaraan pero magkaiba ang kanilang mga kapalaran.
Namuhay si Hans sa isang malaking bahay, kasama sina Millie at Kyle pati na rin ang ibang katulong samantalang si Benjo ay namuhay sa isang simpleng bahay kasama ang tunay na magulang at sila ay nagtutulong-tulong. Nag-aral si Hans sa isang ekslusibong paaralan at pinagbawalan ni Millie na gumamit ng wikang Tagalog samantalang si Benjo ay nag-aral sa paaralang kanyang naibigan at hindi inalis sa kanya ang karapatang gamitin ang sariling wika. Lumaki si Hans kasama ang kapatid na si Kyle na may galit sa kanya samantalang si Benjo ay lumaking kasama ang pinsang si Reed na tuwang-tuwa sa kanya. Lumaking bugnutin si Hans at walang kaibigan dahil ipinagkait ito ni Millie samantalang si Benjo ay naging masaya sa piling ng mga kaibigan.
Hanggang sa pagsapit ng ika-labing apat na taong gulang ni Hans, naganap ang isang aksidente at ang aksidenteng ito ang nakapagpabago sa buhay ng lahat lalong-lalo na sa buhay ni Benjo, ni Reed at ni Margarita, ang pamilyang Salas.
***
No comments:
Post a Comment