No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (11)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



***
Kabanata 11

     “Anong ginagawa ninyo rito?” iyon na lang ang naitanong ko nang makita ko sila. Sukbit nila pareho ang bag nila. May dala pang plastic si Mr. Walang Galang.

     Binigyan ako ni Carl ng masamang tingin. “May gana ka pang magtanong ng ganyan!” sigaw niya sa akin. “Papasukin mo na kaya muna kami!” Aba, ayos makautos ha!

     Pinapasok ko sila, isinara ko na ang pinto at agad kumuha ng basahan. Inapakan nila ang basahan at doon sila nagpatulo. Ibinaba nina Carl at Carlo ang mga gamit nila, hinubad ang medyas at mga sapatos at ano ito? Anong ginagawa ni Carl? Hinuhubad niya na yung polo niya!

     “Hoy, anong ginagawa mo?” natataranta kong tanong sa kanya. Magkakaroon pa yata ng live show rito sa bahay!
     “Naghuhubad, bakit?” sagot ni Carl.
     “'Di ka ba nahihiya sa akin? 'Di mo ba naisip na babae ako?”

     Tumawa siya nang malakas, “Hahahaha! Babae ka pala! Ano namang masama e naka-sando naman ako?”

     “Kahit na! E ba’t ka naghuhubad dito? Sa harap ko pa.”
     “Edi tumalikod ka! Problema ba yun?” Ipinagpatuloy niya ang ginagawa niya. Hay! Si Carl talaga!

     Hindi na talaga napigilan si Carl sa ginagawa niya. Pati si Carlo e sinabihan niya pang maghubad ng polo. Tumalikod na lang ako at nagpaalam sa kanila na kukuha ng tuwalya. Umakyat ako sa taas.

     “Grabe, ba’t ba nagpunta rito yung dalawang yun?” tanong ko sa sarili habang kumukuha ng dalawang tuwalya sa tukador, sa kuwarto ni papa.

     Sinilip ko muna si Jobert sa kuwarto niya. Tulog pa rin siya. Bumaba na muna ako at inasikaso ang aking mga bwisita este bisita pala! Inabot ko ang tuwalya sa kanilang dalawa. Nakayuko ako nang iabot ko yung tuwalya. Ayokong makakita ng mahalay na tanawin no! Itinapis ni Carlo ang tuwalya sa katawan niya. Nang ibalot naman ni Carl ang tuwalya sa dibdib niya ay nakatingin na rin ako ng diretso sa kanila.

     “Grabe, biglang bumuhos yung ulan,” sabi ni Carl. “Denise, pasampay naman nitong damit namin.” Aba, nang-utos na naman si loko. Dinaig pa niya si Ate Diana ha! Hindi na ako nakatanggi nang magsabi siya ng magic word, “Please…” Unang beses kong narinig na sinabi niya iyon. 

     Iniwan ko muna sila, pumunta ako sa banyo at isinampay ko ang mga polo nila roon. Mukha namang kahit isampay ko ito ay hindi rin ito matutuyo. Nang bumalik ako, nakita kong may hawak na apat na tangkay ng pulang rosas si Carl. Saan naman kaya nanggaling yun?

     Ibinigay sa akin ni Carl ang mga rosas na labis na ipinagtaka ko. “Anong gagawin ko rito?” tanong ko.

     “Kainin mo kung gusto mo,” sagot niya. Napakunot-noo ako sa sagot niya. “Ba’t ka ba absent kanina?” itinanong niya sa akin.
     “A,” ang salitang unang lumabas sa bibig ko. “Paano ninyo nalaman ang bahay ko?” tanong ko sa kanila.
     “Hiningi ko kay Sir yung address mo. Saka kabisado ko na kung saan ka bumababa e! 'Di ko lang alam kung saan yung exact place ng bahay ninyo,” sagot ni Carl. “May sakit ka ba kaya hindi ka nakapasok kanina?” sunod na itinanong niya.

     Kaya ba sila nandito kasi nag-aalala sila dahil hindi ako pumasok? Nakatataba naman ng puso. Pinagmasdan ko ang mga bulaklak na ibinigay ni Carl.

     “Actually Denise, binili ni Kuya Carl iyan. Ibibigay niya raw iyan sa may sakit. Kaya apat ang mga bulaklak kasi ang ibig sabihin e ‘I care for you’ at saka ‘I am so worried’,” sabi ni Carlo sa akin. Napansin siguro niyang nakatingin ako sa mga bulaklak.

     Nakita kong siniko ni Carl ang kambal niya. “Ang daldal mo!” bulong niya rito.

     Ibibigay sa may sakit? Teka, wala naman akong sakit ha! Samakatuwid, hindi pala para sa akin ito.

     “A ganoon ba?” sabi ko na lang. Sayang naman ‘tong mga bulaklak, 'di pala mapupunta sa akin. Mapupunta pala kay Jobert. Hahaha!
     “Ano, Denise? Ba’t ka absent?” iritang tanong ni Carl. Nainis na siguro kasi hindi ko pa sinasagot yung tanong niya.
     “A hindi naman kasi ako nagkasakit. Sa katunayan kasi—” naputol ang pagsasalita ko nang may tumawag sa akin.
     “Ate Denise,” si Jobert. Napatingin ako sa kanya. “Nagugutom na ako,” sabi ng kapatid ko. 

     Tinawag ko muna si Jobert at ipinakilala sa mga kaklase ko at sinabi ko na rin ang totoong dahilan ng pagliban ko sa klase.

     “Sa katunayan kasi, kaya ako um-absent dahil nagkasakit si Jobert. Wala naman kasing ibang mag-aalaga sa kanya kundi ako.”

     Pagkasabi ko nun, ibinigay ko ang mga bulaklak kay Jobert. Nagtaka nga yung kapatid ko. “Bigay ni Carl iyan,” sabi ko. “Para raw sa may sakit,” dagdag ko. Natawa na lang ako nang makita ko ang reaksyon ng mukha ni Mr. Walang Galang.

     Iniwan ko muna sila at pumunta sa kusina. Marami rin naman itong niluto ko. Sapat na rin ito para makakain din ang kambal. Inayos ko rin ang hapag-kainan. Tinawag ko na sila pagkatapos. Ayaw pa ngang tumayo ni Carl nang tawagin ko sila para kumain. Nahihiya siguro. May hiya pa pala siya?!

     Sabay-sabay kaming kumain. Nakatutuwa kasi mukhang nagustuhan nila yung luto kong Adobo. Kadalasan kasi pag wala si papa, ako ang tagaluto rito sa bahay. Ayaw kasing magluto ng mga kapatid ko kaya sa murang edad ay natuto na rin ako.

     Matapos kumain ay hinugasan ko ang mga pinagkainan namin. Nagprisinta pa nga si Carlo na tutulungan niya ako. Sinabi kong ako na lang ang gagawa dahil mga bisita ko sila. Si Carl naman ay wala nang pakialam matapos niyang makakain. Binuksan niya pa yung TV namin at nanood sila ni Jobert. Nakipaglaro rin ang kambal sa kapatid ko.

     Nang tumila na ang ulan, panahon na para magpaalam sila. Inayos na nila ang mga sarili nila. Sinuot nila ang polo nilang basa pa rin, medyas at sapatos. Pinaakyat ko na si Jobert sa kuwarto niya. Kailangan niya pang magpahinga. Hinatid ko na sina Mr. Walang Galang at Carlo sa labas ng bahay. Madilim na rin kasi.

     “Salamat nga pala sa pagbisita ninyo ha,” pagpapasalamat ko sa kanila. “At salamat sa mga bulaklak, nagustuhan talaga ni Jobert,” natatawa kong sinabi.

     Siniko ni Carl ang kapatid niya. Marahil ay para nga talaga sa akin yung mga bulaklak. Binili siguro ni Carl sa pag-aakalang may sakit ako.

     “Sa uulitin, Denise,” sabi ni Carl. Aba! Mukhang may balak pa silang pumunta uli rito! “At sa sunod na pagpunta namin dito, magluto ka uli ng Adobo. Masarap e!” Napangiti ako sa sinabi niya. Bukod siguro kina papa at Jobert, siya ang kauna-unahang taong pumuri sa luto ko.

     Umalis na ang kambal. Kinawayan ko sila at habang papalayo sila, narinig kong sinabi ni Carl ang, “Sana sa susunod magkasakit ka na talaga para sa iyo na mapunta yung rose!” Haha! Si Carl talaga. Pumasok na ako sa loob ng bahay.

     Araw ng Lunes. Pumasok na ako sa paaralan at nagbigay na rin ng excuse letter. Napansin ko ngang ngiti nang ngiti yung katabi ko.

     “Ba’t ba kanina ka pa ngiti nang ngiti?” tanong ko kay Carl.
     “Na-miss kasi kita e!” sagot niya. Dinilaan ko siya.

     Nang mag-recess na, nagpaalam siya sa barkada na aalis muna siya. Sumang-ayon naman kami. Ang nakakainis e bigla niya akong hinila at sinabing samahan ko siya. Akala ko ba siya lang ang aalis? Napilitan tuloy akong sumama.

     Nasa school grounds kami nang huminto siya at sinabing may ibibigay siya sa akin. Nakita kong nakasara yung kanang palad niya. Mukhang alam ko na ito ha! Doon siguro nakatago yung ibibigay niya. Napapangiti pa nga ako e! Haha! Excited na ako.

     “Pikit ka muna,” sabi ni Carl. Pumikit naman ako. 

     Kinuha niya ang kanang kamay ko at inilagay roon ang sinasabi niyang ibibigay niya. Nang buksan ko ang mga mata ko, natakot ako sa nakita ko.

     “I-i-ipis!!!” malakas na pagkakasigaw ko. Napahinto yung ibang estudyanteng naglalakad nang marinig ako. Doon ko napagtantong pekeng ipis pala yung ibinigay niya sa akin. Saan niya kaya nabili ito?
     “Hahahaha! Hahahahaha!” tawa nang tawa si Carl.

     Sira ulo talaga! Pinagtripan ako! Itinapon ko yung pekeng ipis sa mukha niya. Asar nga e, ginaya niya pa yung pagsigaw ko kanina.

     “I-i-ipis!!!” panggagaya niya sa akin. 'Di naman bagay sa kanya! Nagtawanan tuloy yung mga estudyanteng nakasaksi sa panti-trip ni Carl. Nakakahiya!
     “Nakakaasar ka talaga!” naiinis na sabi ko sa kanya.
     “Tagal na!” tugon naman niya. Tumakbo siya. Hinabol ko naman siya.
     “Pag naabutan kita, sasabunutan kita!” sabi ko. Tawa lang naman siya nang tawa.

     Tumakbo si Carl papunta sa garden. Naapak-apakan niya na nga yung mga halaman doon. “Hindi mo ako maaabutan, Denise!” Pero sadyang napakabilis ng karma. Napatid siya sa nakausling ugat ng puno at natumba. 

     “Aray naman,” sabi niya nang natumba siya. Lumapit ako sa kanya. Napayuko siya. Akala niya siguro ay sasabunutan ko siya.
     “Carl, ok ka lang?” tanong ko, nag-aalala. Hindi ko alam kung bakit ako ganoon. Sa kabila ng mga masasamang ginawa niya sa akin, 'di ko pa rin nagagawang magalit sa kanya.

     Tumango siya at tumingin sa akin. Nakatayo ako, nakaupo naman siya. “A, ok lang,” sagot niya. Ibinigay ko ang kamay ko. Humawak siya sa akin. Hinatak ko siya para makatayo na siya.

     Nang makatayo na siya, nagulat ako nang bigla niya akong niyakap. Nagtayuan ang mga balahibo ko. Bukod kina papa at Jobert, wala pang ibang lalaking nakakayakap sa akin. Siya pa lang. Hindi ko nagawang kumalas sa kanya. Bumilis ang tibok ng puso ko nang sambitin niya ang mga salitang, “Mahal kita.” Nagbibiro na naman ba siya? Pinagti-tripan na naman ba niya ako? Carl, ano ba? Huwag ka namang ganyan! 

     Pero nagkamali ako. Ang mga salitang iyon ay hindi para sa akin. Ang pangalang idinugtong niya sa salitang sinambit niya ay hindi ang pangalan ko kundi ang pangalan ni Dara. 

     “Hindi ako si Dara,” sabi ko sa kanya. Kumalas na ako sa pagkakayakap niya.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly