***
Chapter 31
The Mystery in Their Death
Sa loob ng matagal na panahon ay nagkaharap-harap din sila. Si Bernadette, ang ipinalit; si Millie, ang iniwan; at si Rico, ang nang-iwan. Hawak ni Millie sa kamay ang supling nina Bernadette at Rico na noon ay sanggol pa lamang. Walang dudang kamukha nga ng bata si Benjo dahil kambal sila pero may ilang pagkakaiba rin. May biloy ito, maganda ang pangangatawan, may katangkaran din at makinis ang kutis na halatang inalagaang mabuti. Pareho namang magandang lalaki ang mga bata at nagmana sa kanilang ama.
Nagtitigan mata sa mata ang parehong ina. Nagliliyab sa galit ang mga mata ni Millie dahil sa pagkuha ni Bernadette sa lalaking iniibig niya samantalang ang kay Bernadette ay dahil sa pagkuha ni Millie sa anak niya.
“Mom, let’s go. I’m hungry,” sabi ni Hans sa kanyang ina.
Kapwa natauhan mga ina, ang kay Mildred ay nang marinig ang pagtawag ng anak at ang kay Bernadette ay nang marinig na tawaging “mom” ng kanyang sariling anak si Millie na dapat sana ay sa kanya itawag.
Walang nagawa si Rico kundi ang tumitig lang. Nabigla siya sa mga pangyayari. Nakita niya na si Reeve, ang kakambal ni Benjo. Lumaki itong maayos at ligtas at nakapagsasalita pa ng wikang Ingles.
“Ok Hans, let’s eat,” ang isinagot ni Millie sa anak. Taas-noo siyang naglakad hawak ang anak sa kanang kamay.
Nakatayo sa kaliwa niya si Bernadette at si Rico ay nasa kanan. Sa gitna siya ng mga ito naglakad at paglakad niya’y gumilid ang mag-asawa. Habang naglalakad, nasa mag-asawa ang mga mata niya. Kailangang natural ang lakad niya, ang kilos niya, para hindi makahalata si Hans. Makailang hakbang ay natigil siya nang hinawakan siya ni Bernadette upang pigilan.
“Sandali lang,” sabi ni Bernadette.
Nanlaki ang mga mata ni Millie. Nahila niya rin nang kaunti si Hans dahilan upang magtaka ang bata.
“Akin na ang anak ko!” pabulong na sabi ni Bernadette. Nagngingitngit siya sa galit.
Tiningnan ni Millie si Hans, tapos ay ang paligid. Maraming naglalakad.
“Akin na!” sabi ni Bernadette.
“Huwag dito,” sagot ni Millie.
“Ibigay mo siya sa’min,” sabi uli ni Bernadette.
Tinawag ni Millie ang anak, “Hans.” Nakatingin lang si Hans sa kanya. “Outside… in the car…” usal niya.
Nagtaka si Hans, “Mom?!”
“In the car, now!” sigaw ni Millie.
Kinabahan si Hans. May naaamoy siyang panganib. Nakahawak nang mahigpit ang babae sa mommy niya at ang lalaki ay kanina pa tingin nang tingin sa kanya. Mabilis siyang bumitiw kay Millie sunod ay tumakbo siya.
“Rico!” tawag ni Bernadette sa asawa nang makitang tumakbo si Hans. Hinabol ni Rico ang bata.
Nang makalingat si Bernadette, sinikmuraan siya ni Millie. Namilipit siya sa sakit at halos hindi makagalaw. Ito ang naging dahilan kung bakit nakatakas sa kanya si Millie. Mabilis na tumakbo si Millie para maabutan niya si Hans at para hindi makuha ni Rico.
Nasa ikatlong palapag sila ng mall at nakita ni Millie si Hans na bumababa sa escalator. Mabilis na bumababa si Hans dahil sa sobrang takot, na sinusundan naman ni Rico. Hinubad ni Millie ang high-heeled shoes niya at tumakbo para sundan ang dalawa. Wala siyang kamalay-malay na ‘di kalayuan na rin pala si Bernadette sa kanya.
“Excuse me, excuse me,” sabi niya pa sa mga tao habang bumababa rin nang nakapaa sa umaandar na escalator.
Nakarating na sila sa ikalawang palapag at bumaba uli gamit ang escalator. Lumingon si Hans. Nakikita niyang bumababa si Rico at nakasunod sa kanya pero napawi ang pangamba niya nang makitang malapit na kay Rico ang kanyang ina.
“Hans! Go! Go!” narinig niya sa kanyang ina. Tumakbo lang siya.
Nasa ground floor na sila. Tiles na ang naaapakan ni Hans. Lumingon siya at naroon pa rin ang lalaki. Nagpatuloy siya sa pagtakbo.
Sa wakas ay naabutan na rin ni Millie si Rico. Binangga niya ito, dahilan upang matumba si Rico. “Hans!” pagtawag niya sa anak.
Sandaling huminto si Hans. Nakita niyang natumba ang lalaki pero bumabangon na ito. Mabilis siyang hinawakan ni Millie sa kamay at magkasama silang tumakbo palabas.
Madilim na sa labas at kasalukuyang inilalagay ni Rich ang mga pinamili niya sa likod ng kotse nang may maramdaman siyang patak. Tumingin siya sa langit at nagsunod-sunod pa ang pagpatak ng ulan. “Naku naman!” angal niya at nagmadali siyang ilagay ang mga pinamili. Isinara niya na ang likod ng kotse. Pagkasara niya, nagulat siya nang makitang tumatakbo palapit ang inakala niyang pamangkin at inaanak niya, at pumasok ito sa katabing kotse sa kaliwa nila. Nagkamali pala siya ng akala nang makita niya si Millie. “Mildred!” sambit niya.
Nagulat si Millie nang marinig niyang may tumawag sa kanya at pagtingin niya ay si Rich pala. Nagmadali siyang pumasok sa kotse, pinaatras ito saka kumaripas ng andar. Pagkaalis ng kotse ay saka lang dumating sina Rico at Bernadette.
“Si Mildred!” sabi ni Rich sa mag-asawa.
“Alam namin,” sagot ni Bernadette. Pumasok siya kotse at umupo sa driver’s seat. May alam din siya sa pagmagmaneho.
“Kuya Rich, pasok na!” sigaw ni Rico nang makapasok na rin siya sa kotse at sa harap umupo.
Pumasok na rin si Rich. Sa likuran naman siya umupo. “Yung puting kotse!” sabi niya. Umandar na ang sasakyan. Hahabulin nila si Millie.
Malakas ang pagbuhos ng ulan at mabibigat ang bawat patak. Habang nasa sasakyan ay tinawagan ni Rich ang kanyang asawa. Kasalukuyang nagkakantahan ang magpinsang Reed at Benjo at nakikisali pa si Rita sa kantahan nang matanggap niya ang tawag.
“Nakita namin si Mildred sa mall! Kasama niya yung anak nina Rico at Bernadette!” pagbabalita ni Rich.
Nabigla si Rita at napalakas ang boses, “Ano?” Nagulat ang magpinsan.
“Bakit, tita?” tanong ni Benjo sa kanya.
“A e, wala,” sagot ni Rita. Pumunta siya sa kusina. Hindi naman siya puwede sa labas ng bahay dahil umuulan.
“Ano yun?” tanong ni Benjo sa pinsan.
“Ewan ko,” sagot ni Reed. “Hayaan mo na yun!” sabi niya pa at nagpatuloy na sila sa pagkanta.
Sa kusina, umupo si Rita. Hindi niya alam kung bakit sobra ang kaba niya nang tinawagan siya ng asawa habang ikinukuwento ang bawat galaw nila. Ang sinabi nito’y nagpapasikot-sikot sila kung saan-saan masundan lang si Millie dahil nililito sila nito. Hindi nagtagumpay si Millie sa paglito sa kanila dahil nasundan siya ni Bernadette na pursigido talagang mabawi ang anak niya. Hindi napuputol ang tawag dahil naka-line ang cell phone ni Rich at ilang sandali pa’y ibinalita nitong nakaabot sila sa highway dahil doon dumaan si Millie. Wala ring masyadong sasakyang bumibyahe kaya siguradong hindi sila mahihirapan sa paghabol kay Millie.
Ang huling salitang narinig ni Rita mula sa asawa ay, “Tawagan mo si Arthur. Sabihin mong—” Naputol na ang tawag.
Nagtaka si Rich sa biglang pagkawala ng kanyang kausap sa kabilang linya. Pag tingin niya sa cell phone niya, walang signal tapos biglang namatay. Binuksan niya pero ayaw na bumukas kaya ibinulsa niya na lang.
Samantala, sa panig ni Millie, tanong nang tanong ang kanyang anak.
“Who are they, mom? Why are they chasing us?” takot na takot si Hans.
“They’re enemies, they’re bad people. They want to take you away from me!” sagot ni Millie.
“But why?”
“They kidnapped you before when you were a baby and demanded for money. I gave them the money but it’s just a trap. The police plotted a plan to capture them. Your father and I rescued you with the help of the police. They were sent to jail and now they’re back to get you but I won’t let that happen,” ang gawa-gawang kuwento ni Millie.
“They’re so mean!” takot na takot na sabi ni Hans. “Mom, drive faster!”
Hindi na puwedeng bilisan ni Millie ang pagpapatakbo dahil ramdam niyang madulas ang kalsada. Hanggang sa nakita niya sa rear view mirror ng kotse na bumibilis nang bumibilis ang andar ng kotseng sinasakyan nina Bernadette na nasa likuran nila! Kinabahan siya pero hanggang dito na lang ang ibibilis niya. Ilang sandali pa’y naabutan na siya ng mga ito. Nasa kaliwang tagiliran na nila ang kotse. Wala nang ligtas si Millie. Mahuhuli na siya!
“Mom! They’re gonna get us!” sigaw ni Hans. Tinakpan niya na lang ang kanyang mga mata.
Pero hindi, nalagpasan na sila ng kotse at nagpatuloy iyon sa pag-andar. Nakahinga na nang maluwag si Millie pero sa kabila noon ay nagtaka rin siya.
Sa loob ng kotseng sinasakyan nina Bernadette, nagkakagulo ang lahat.
“Bagalan mo ang andar, Bernadette! Nalagpasan na natin si Mildred!” sigaw ni Rich.
“Kuya Rich, alam ko!” sagot ni Bernadette.
“Apakan mo ang break!” sabi ni Rico sa asawa.
“Kanina pa ako nakaapak!” sagot ni Bernadette
Nagulat si Rico. Naroon nga ang paa ni Bernadette pero hindi pa rin tumitigil ang sasakyan.
Naramdaman nilang pabilis nang pabilis ang andar ng kotse at nadadagdagan nang nadadagdagan ang sukat sa speedometer kahit na pabawas nang pabawas ang sukat sa gas.
Natatakot na si Bernadette. “Rico, ano bang nangyayari?” tanong niya.
Hanggang sa hawakan ni Rico ang kamay ni Bernadette. Malamig ang kamay ni Rico. “Ma, ten-wheeler!” sigaw niya.
“Iliko mo!” utos ni Rich. “Mamamatay tayo nito!”
Iniliko ni Bernadette pakanan pero, “Hindi ko... Hindi ko maikot ang manibela!” nahihirapang sigaw niya.
At nang subukang ikutin ni Rico ang manibela, matigas ito at ayaw ngang gumalaw. “Ayaw nga, Kuya Rich!” sabi niya kay Rich.
Wala na silang takas. Sa mga oras na ito, alam nilang mamamatay na sila. Handa na ba nilang harapin ang kamatayan?
Sa huling sandali, niyakap ni Rico ang kanyang asawa. “Mahal na mahal kita, Bernadette. Hinding-hindi kita iiwan. Magsasama tayo hanggang sa huli,” bulong niya rito.
Tumulo ang mga luha ni Bernadette ngunit ang pagluha niya ay hindi nagtagal. Sobrang bilis ng andar ng kotse. Sumalpok sila sa ten-wheeler truck na bumibyahe rin ng ganoong oras. Pumailalim ang sasakyan nila dahil sa sobrang lakas ng impact. Ang sumunod ay kadiliman. Tumigil na sa pagtibok ang kanilang mga puso. Kasabay nito ay ang paghina ng ulan.
***
No comments:
Post a Comment