Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...
***
Kabanata 2
Sampung taon na ang nakalilipas mula noong nagtapos ako. Isang taon bago noon nang makilala ko siya. Dalampu’t anim na taong gulang na ako at hanggang ngayon, sariwa pa sa aking isipan ang mga matatamis at mapapait na alaalang buhat ng taong ito na pinagkaabalahan ko at pinagbuhusan ko ng buong atensyon.
Unang araw ng klase noon, labing-isang taon na ang nakalilipas. Isa akong bagong estudyante sa paaralan ko noong third year at fourth year high school. Takot akong humarap sa mga tao, pero dahil sa kanya, natuto akong makibagay.
“Magandang umaga sa inyong lahat,” bati ng aming gurong si Bb. Aragon.
Cecilia ang pangalan niya. Mabait siya at malambing, palabiro at talagang nakatutuwa. Bumati rin naman ang mga estudyante. Pati ako —syempre! Naging paborito ko siyang guro, e ano naman sa inyo?
“Ngayon ay ang unang araw ng klase natin. Maaari ko bang malaman kung may new students dito?” tanong niya.
Nang pinagmasdan ko ang guro namin, naalala ko bigla ang namayapa kong ina. Pareho kasi sila ng pangalan. Maya-maya, isang boses ng batang lalaki ang narinig ko.
“Meron! Lagi naman, hindi ba?”
Nainis ako. Hindi sa kanya, kundi sa paraan ng pagsabi niya. Kasi para bang walang paggalang.
“O sige, tumayo na nga ang mga bagong estudyante. Namimilosopo na naman kasi yung isang tao rito,” inis na pagkakasabi ni Bb. Aragon.
Tumayo ako. Teka, bakit ako lang? Nakakahiya! Ako lang pala ang bagong estudyante! Tinawag ako ni Bb. Aragon at pinagsalita sa harapan. Pinaliwanagan niya ako at ang sabi niya, “Ipakilala mo ang sarili mo at magsabi ka rin ng mga paborito mo or expectations mo.” Nailang nga ako kasi nagbubulungan halos lahat noong naglakad ako papunta sa harapan. Ano bang problema nila?
Napansin kong may bumulong dun sa lalaking walang galang, “Kahawig siya ni Dar—” At siniko niya iyon.
Hindi ko na sila pinansin. Ngumiti ako sa guro ko. Gayundin naman siya sa akin. Huminga ako nang malalim at nagsimulang magsalita.
“Unang-una gusto ko kayong batiin lahat ng isang magandang umaga. Isa akong new student at ang pangalan ko ay…”
Ang pangalan ko nga pala ay Denise Cruz. Anak ako ng mag-asawang Cecilia at Robert Dennis Cruz. Sa pamilya, apat kaming magkakapatid: si Kuya Richard o Richie na isa nang College graduate, Ate Diana na second year College, ako at ang bunso naming si John Robert o Jobert na nasa grade six. Ako ang pangatlo sa amin at ako ang kadalasang inaapi. Ewan ko ba kung bakit pero parang napakabigat ng dugo nila sa akin. Wala naman akong ginagawang masama. Pakiramdam ko nga hindi nila ako kapatid. Ginagawa ko naman ang lahat para sa kanila. Nag-aaral akong mabuti. Ako pa nga ang top one ng klase!
Nang matapos na akong magsalita nang mga oras na iyon, nagulat ako dahil bigla silang nagpalakpakan at ang lalaking sinasabi ko kanina na walang paggalang kung magsalita ay nakatingin sa akin. Nahiya naman ako at tumingin na lang sa ibaba. Mukha nga akong ewan kasi naka-steady lang ako sa harap. Pero nagkamali pala ako ng akalang ako ang pinapalakpakan nila. May nagkantyawan kasi.
“Ayos! Nandito na si Carlo!” sabi ng isa, yung sumiko kanina sa lalaking walang galang.
“Late nga lang,” singit naman nung lalaki.
Tumingin ako sa pintuan at nakita ko ang taong kinakantyawan nila. Pero sandali! Bakit? Ano ba? Teka? Kambal ba sila? Nagulat ako kasi magkamukha sila nung lalaking walang galang! Mayroon pa siyang nameplate, ha! Binasa ko ang pangalan niya. ‘Marvin Carlo Aragon’ yun ang nakalagay.
“I’m sorry, ma’am. I’m late,” sabi nito.
Nang sabihin niya ang mga salitang iyon, hindi ko namalayang nakatingin lang ako sa lalaking bagong dating at para bang nag-iimagine. Naistorbo ako nang tawagin ako ni Bb. Aragon para umupo na. Sandali, ano ba ang common sa mga Aragon na ito? Magkakapatid ba sila? Pero naku, huwag ko na ngang intindihin ito!
“Ms. Cruz…” tawag niya sa akin. “Upo ka na, sige.”
Sumang-ayon ako sa kanya at umupo na. Sa totoo lang, naiilang ako sa klase ko ngayon. Bago lang kasi ako at wala akong katabi rito sa puwesto ko. Natatakot din ako kasi baka patabihin nila sa akin yung tinatawag nilang ‘Carlo’. Bueno, tinanong ni Bb. Aragon si Carlo.
“Why are you late, Mr. Aragon?”
Nagkamot iyon ng ulo. “Sorry ma’am,” ang tangi nitong naisagot.
“Ok, take your seat,” paanyaya ng guro namin.
Naghanap-hanap ako ng mga bakanteng upuan sa paligid. Baka kasi mayroon pa at isa pa, iniiwasan kong makatabi siya. Pinili niyang umupo roon sa tabi ng upuan ng lalaking walang galang. Buti nga at hindi ko siya nakatabi! Sandali, mag-isip kaya ako ng bansag sa lalaking walang galang na yun? A, alam ko na! Mula ngayon hanggang sa katapusan ng klase, tatawagin ko siyang ‘Mr. Walang Galang’! Bagay naman sa kanya ang tawag na iyon, hindi ba?
Maya-maya, pinagawa kami ni Bb. Aragon ng seatwork kung ano raw yung ginawa namin noong bakasyon at habang nagsusulat kami, mayroon siyang sinabi.
“Sa mga hindi pa nakakaalam at sa mga nalilito, gusto ko lang sanang ipaalam sa inyo na ako,” tinuro niya yung si Mr. Walang Galang at si Carlo, “at yung dalawang lalaki doon sa likuran ay magkakapatid at kambal sila.”
Sa pagkakasabi niyang ito, nagulat ako. Kambal pala talaga ang dalawang iyon at kaya pala sila magkakapareho ng apelyido. Natapos ko nang gawin ang seatwork at ipinasa na rin ito. Kasabay ng pagpasa nito ay ang pagtunog ng bell para sa recess at sinabihan kami ni Bb. Aragon, “Hanggang alas dose ng tanghali lang pala tayo rito.”
Nagsaya ang mga estudyante. Hindi pa kasi regular class.
Nagpatuloy ang guro namin, “Mamaya pag akyat ninyo, ia-arrange ko ang mga upuan at mga makakatabi ninyo. At huwag ninyong sabihing magagaling na kayo at matagal na kayong magkakakilala. Kanina, hindi kayo nagpakilala so pag-akyat ninyo, kailangan ninyo ring magpakilala isa-isa. Kahit ayaw ninyo, nakakatamad o kung ano pang angal ninyo, wala na kayong takas. Sige, puwede na kayong lumabas. Goodbye class.”
Umiiling-iling ang ibang estudyante. Maski ako, aaminin kong ang pinaka ayaw ko tuwing umpisa ng klase ay ang magpakilala ng sarili. Gaya na lamang nung kanina.
Bumaba na ako at bumili ng pagkain sa canteen. Naghanap ako ng mauupuan. Nakahanap ako ng akala kong bakante pero may nakaupo pala. Isa siya sa kambal kong kaklase kaso hindi ko alam kung si Mr. Walang Galang o si Carlo ba ito. Wala kasing pagkakaiba sa kanila. Hmm… siguro naman magkaiba sila ng ugali.
Nilapitan ko siya at tinanong, “May nakaupo ba rito?”
Pero ano ba iyan, ang engot ko! Tinanong ko pa kung may nakaupo e wala namang ibang tao. Hindi siya sumagot at may napansin ako. WALA SIYANG NAMEPLATE!!!
“Naku, mali yata ako ng napagtanungang tao,” isip ko. “Si Mr. Walang Galang ito. Si Carlo kanina ay may nameplate at ang isang ito ay wala! Lagot na! Baka bastusin ako nito.”
Inisip kong umalis na lang pero sa wakas, sinagot niya ang tanong ko.
“O sige, rito ka na. Wala namang ibang nakaupo,” sabi niya.
Nang umupo ako, tinanong ko siya, “A… uhmm… ikaw ba si… si… si Carlo?”
Ngumiti siya sa akin at na-gets ko ang kanyang sinabi. Hay salamat… Si Carlo nga ito. Inalok ko siya ng pagkain pero tinanggihan lang niya. Pinilit ko siya kaso talagang ayaw niya. Naglabas siya ng isang pocketbook sa kanyang pulang bag at nagbasa na lamang. Mukhang adventure book ang binabasa niya. Maya-maya habang kumakain ako at pinagmamasdan siya, may umagaw ng pagkain ko at pag tingin ko, si Mr. Walang Galang!
Halos malito-lito na ako sa kakatitig sa dalawang ito. Identical twins sila at halos magkaparehas ng boses. Ang buhok nila ay ganoon din. Pero mas napansin ko ang magagandang mata ni Carlo. Parang kasing misteryoso kung tingnan samantalang ang kay Mr. Walang Galang, mapusok at yung tipo bang matapang. Nakita ni Carlo ang pagkuha ng kanyang kapatid sa pagkain ko at pinagsabihan niya ito, “Ibalik mo iyan kung ayaw mo ng away!”
Pero tinanong siya ni Mr. Walang Galang, “Ano ka, batas?”
Sinagot siya ni Carlo, “Ang mga bagay na hindi sa iyo ay huwag mong kukunin o pakikialaman.”
May pagka hero din itong si Carlo, ano? Hindi na nakapalag si Mr. Walang Galang sa kapatid niya. Sumuko na rin siya, “Ok!” Ibinalik niya sa akin ang junk food na kinakain ko pero plastic na lang at wala nang laman! Nagpaalam pa nga siya, “O sige, miss, aalis na ako ha! Bye!”
“Ay naku! Ang kapal ng mukha!” isip ko.
Nanatili akong nakatahimik sa kinauupuan ko. Umiral na naman ang pagkamahiyain ko at nakatingin lang ako kay Carlo habang nagbabasa siya. Malapit siya kung magbasa ng libro. Nearsighted ba siya? Tumunog na ang bell na nangangahulugang tapos na ang recess. Ipinasok niya na yung libro sa bag niya. Nauna akong umakyat at habang nasa hagdan ako, nililingon ko siya. Nasa likuran ko siya noon kasabay ang iba pang nagsisiksikang estudyante. Ang masama nito, nagkamali ako ng hakbang at talagang matutumba na ako nang may mga bisig na biglang sumalo sa akin. Napatingin ako sa taong sumalo sa akin.
Lalaki ang sumalo sa akin. Namula ang mukha ko. “Si Carlo…” isip ko.
Ngunit sinabihan ako ng lalaki, “Sa susunod kasi, mag-iingat ka at huwag kang aanga-anga!”
Hay naku! Ano ba iyan! Akala ko si Carlo pero si Mr. Walang Galang pala. Alangan namang sungitan ko siya, e ‘di ba, niligtas niya na nga ako? Kaya kahit hindi maganda sa pandinig ang sinabi niya, pinasalamatan ko pa rin siya. Mabait din pala siya kahit kaunti, pero talagang walang galang. SUPER!!!
***
Tgal nman po ng next kabanata... :)
ReplyDeleteay sorry po. sige po ipopost na po. :D
Delete