Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...
***
Kabanata 14
Ayaw kong idilat ang mga mata ko. Ayaw kong pagdilat ko ay makikita ko ang mukha ni Carl na malapit na malapit sa akin. Naririnig ko ang ingay sa paligid at narinig ko na lamang si Carl na nagsabi ng,
“Aray!”
Bakit niya kaya sinabi yun? Minulat ko ang mga mata ko at nakita ko si Carl na may hawak na nilamukos na papel.
“Sinong nagbato nito?” galit niyang itinanong.
Nagtawanan ang mga kaklase namin. “Pinagsasamantalahan mo na naman si Denise!” sabi nila.
Ibinato ni Carl yung papel sa kanila, “Paki ninyo? Bwisit kayo!”
Binato pala siya ng papel ng mga kaklase namin. Kung sino man ang nagbato sa kanya nun, salamat! Nasalba ako sa kapahamakan. Haha!
Tiningnan ako ni Carl at sinabing, “Sa ibang araw na nga lang natin ituloy.” Tumawa siya. Kinuha niya sa akin ang autograph book at nagsulat na siya roon. Talagang ipinagdiinan niyang magsulat doon sa last page. Wala na akong nagawa. Pag pinigilan ko pa siya, baka kung ano na naman ang gawin niya sa akin.
Pinasulat ko na rin ang iba kong kaibigan. Sinabihan ko nga si Marvin (si Carlo) na sinulatan na ng kapatid niya yung pahinang pina-save niya. Sabi naman niya ok lang daw yun. Nagsulat na lang siya sa ibang pahina.
Oras ng tanghalian. Naunang lumabas sina Angel, Carl at Arlene sa classroom. Sinabihan kami ni Gelo na huwag na raw namin silang sundan. Nagtaka nga kami ni Marvin. Kumain kami kahit na wala sila. 'Di pa kami natatapos nang biglang sumugod si Carl sa canteen at galit na galit.
“Denise Cruz!” isinisigaw niya ang pangalan ko sa canteen. Hinahanap niya ako. “Denise!”
Tumayo ako sa kinauupuan para makita ako ni Carl. Lumapit siya sa puwesto namin nang makita niya ako.
“Samahan mo ako,” utos niya sa akin. Naguguluhan ako. Anong nangyayari sa kanya? “Halika na!”
“O-oo,” sagot ko. Nakakatakot siya.
Susunod sana sa amin si Marvin pero sinabihan siya ni Carl, “Diyan ka lang!” Napabalik tuloy si Marvin sa puwesto niya. Hinila niya ako at lumabas kami sa canteen.
Dire-diretso siyang naglakad hawak ang kamay ko. “Saan kami pupunta?” ang tanong na nasa isip ko. Ilang saglit lang ay nasa harapan na kami nina Angel at Arlene. Umiiyak si Angel. Ano bang nangyayari? Naguguluhan na talaga ako.
“Ngayon Denise,” sabi sa akin ni Carl. “Pakisabi sa magaling mong kaibigang si Angel na hindi ako makikipagbati kay Arlene mamatay man ako!”
Nagulat ako. “C-Carl,” nasabi ko.
“Sige sabihin mo, Denise,” utos sa akin ni Carl. Sinunod ko ang sinabi ni Carl.
“Angel, sabi ni Carl hindi siya makikipagbati kay Arlene. Mamatay man siya,” sinabi ko kay Angel. Lalong umiyak si Angel.
“Pati ba naman sa harap ni Denise pinapahiya mo ako, Carl,” sabi ni Arlene. “Hindi ka na nahiya. Hindi ka na naawa kay Angel. Gusto lang naman niyang magkabati tayong dalawa.”
Umiling si Carl, “Hinding-hindi mangyayari yun, Arlene. Hindi yun mangyayari hangga’t 'di mo naibabalik ang buhay ni Dara!”
Hangga’t hindi naibabalik ang buhay ni Dara? Si Arlene ba ang may kasalanan kung bakit nawala si Dara?
“Umalis ka na, Denise,” sinabi sa akin ni Arlene.
“Bakit mo pinapaalis si Denise, ha?” tanong sa kanya ni Carl.
“Wala siyang kinalaman dito. Wala siyang karapatang marinig lahat ito,” sagot ni Arlene.
“Bakit, ayaw mo bang malaman ni Denise na ikaw ang pumatay kay Dara? Kayong dalawa ni Rhea?” Lalo akong nagulat sa sinabi ni Carl.
Hindi napigilan ni Arlene ang sarili niya at binigyan niya ng malakas na sampal si Carl. Kitang-kita sa mata niyang babagsak na ang mga luha niya ngunit pinipigilan niya itong tumulo. “Wala kang karapatang sabihin sa akin iyan,” sabi niya kay Carl. “Hindi kami ni Rhea ang pumatay kay Dara. Kasalanan ba naming nalunod siya?”
At sa isip ko’y unti-unti nang nabibigyan ng linaw ang mga pangyayari. Hindi kaya dahil galit na galit si Carl kay Arlene dahil siya ang sinisisi niya sa pagkawala ni Dara? Hindi kaya dahil nagalit si Angel sa dati niyang bestfriend na si Rhea dahil responsable rin ito sa pagkawala ni Dara?
Hinawakan ni Carl ang pisngi niya. “Ikaw pa lang ang unang taong sumampal sa akin,” sabi niya kay Arlene at sinabihan niya si Angel, “Kung pagbabatiin mo pa uli kaming dalawa, baka kalimutan ko nang kaibigan pala kita.” Umalis na kami sa harap nina Angel at Arlene. Hinila na naman niya ako palayo.
Pumunta kami ni Carl sa isang tahimik na parte ng aming paaralan. Maraming beses na siyang nagagalit pero ngayon ko lang siya nakitang nagkaganito. Hinimas ko ang likod niya.
“Carl, tama na,” sinabi ko sa kanya.
“Tsansing ka ha,” sabi naman niya sa akin. Kita mo ‘tong taong ‘to nakuha pang magbiro. Napatawa na lang ako.
“Sira ka talaga,” sabi ko.
Huminga siya nang malalim, “Ayokong makipagbati sa kanya… kay Arlene pero mapilit si Angel. Nagalit tuloy ako.”
“Yung sinabi mo kaninang si Arlene ang pumatay kay Dara, totoo ba yun?” tanong ko.
“Sabi nila aksidente ang nangyari pero sinabi lang nila yun. Ang tagal na nun pero 'di ko pa rin makalimutan. Hindi nalunod si Dara. Nilunod nila si Dara!” sagot ni Carl. “Hindi ko sila mapapatawad. Silang dalawa ni Rhea.”
Sa mga sinabi ni Carl nararamdaman kong sobra talaga ang pagmamahal niya kay Dara. Sobra… kaya alam kong wala na talaga akong lugar sa puso niya. Wala na akong magagawa kundi pigilan itong nararamdaman ko habang pasimula pa lang ito.
“Tama na, Carl,” sabi ko sa kanya. “Maaaring sa ngayon ay hindi mo pa sila mapapatawad pero siguradong sa pagdating ng panahon, magagawa mo rin silang patawarin.”
“Hindi na mangyayari yun,” sabi ni Carl.
“Hindi mangyayari? Mamaya kayo pa ni Arlene ang magkatuluyan diyan!” pabiro kong sinabi.
“Nang-aasar ka ba talaga, Denise?” nakakunot-noong tanong ni Carl.
“Sorry na po. Ikaw naman 'di ka mabiro.”
Sandali kaming nanahimik.
“A Denise,” tawag sa akin ni Carl. Napatingin ako sa kanya. Malapit na pala yung First Quarterly Exam natin. Galingan mo ha!”
Ngumiti ako. “Ikaw talaga. 'Di pa rin pala nawawala sa isip mo yun.”
“Syempre! Gusto kong matalo mo si Arlene. Gusto kong masabi rin niya sa sarili niyang may makakatalo sa kanya at ikaw yun.”
Pursigido naman ako sa pag-aaral. Sa katunayan nga lagi akong nagre-recite sa klase at matataas ang nakukuha ko sa quizzes kahit na madalas akong dinadaldal ni Carl. Sinasabi nga ng mga kaklase namin na ako raw ang mahigpit na makakalaban ni Arlene pagdating sa class standings.
Lumipas ang ilan pang mga araw. Lalo kong pinagbutihan ang pag-aaral ko. Isang linggo bago ang exam, nagbabad ako sa library. Pagkatapos namin mananghalian, diretso ako kaagad doon. Tahimik kasi roon; mas nakakapag-aral akong mabuti. Ayaw namang pumunta ni Carl doon kasi hindi raw siya makakapag-ingay kaya si Marvin na lang ang palaging kasama ko. Noong una, naninibago talaga akong tawaging ‘Marvin’ si Carlo pero nasanay na rin ako. Pati mga kaklase namin ay Marvin na rin ang itinatawag sa kanya.
“Denise, may itatanong sana ako sa iyo,” sabi sa akin ni Marvin noong nandoon kami sa library.
“Ano yun?” tanong ko.
“Nabasa mo na ba yung mga sinulat namin sa autograph mo?” tanong niya sa akin.
“Hindi pa e! Hindi pa kasi nakakabalik sa akin yung autograph. Na kay Nikki pa nga yun,” sagot ko naman.
“A ganoon ba? Sige, wala. Naitanong ko lang naman.”
Nang bumalik na kami sa classroom ni Marvin, sa labas pa lang ay dinig na ang ingay ng mga kaklase namin. Pag pasok namin, tumahimik naman silang lahat. Nakita ko ngang pinagkakaguluhan nila yung autograph book na ngayon ay hawak na ni Carl. Nagsibalikan ang mga kaklase namin sa upuan. Si Carl ay ganoon din. Nang umupo ako sa puwesto ko, inabot sa akin ni Carl yung autograph.
“Tapos na raw sulatan ni Nikki,” sabi niya sa akin. Kinuha ko ang autograph. “Kaya pala gustong-gusto mo palagi mag-stay sa library ha,” sabing muli ni Carl. Parang may laman ang sinabi niya.
“Huh?” pagtataka ko. “Alam mo namang pumupunta ako roon para makapag-aral ako ng mabuti, 'di ba?” Hininaan ko ng kaunti ang boses ko, “Akala ko ba gusto mong talunin ko si Arlene?”
“Nanliligaw ba sa iyo yung kapatid ko?” tanong niya.
Napatingin ako sa puwesto ni Marvin. “Si Marvin? Hindi.” Natawa pa ako, “Bakit naman niya gagawin yun?”
“Binasa mo na ba yang autograph? Hindi pa siguro ano? Pahiram nga niyan,” kinuha niya sa akin yung autograph, nilipat ang mga pahina at may ipinakita siya. “O ayan, tingnan mo!” utos niya.
Pahina ito na sinulatan ni Marvin. Ano naman kayang problema rito? Binasa ko ang mga sagot ni Marvin at nakita ko sa parte na may nakalagay na Who is your crush? ang…
“Denise Cruz,” bigkas ng bibig ko. Crush ni Marvin si Denise Cruz? Denise Cruz… Teka, ako yun ha! Napatingin ako kay Carl.
“O ano, nagulat ka?” tanong sa akin ni Carl.
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko nang mabasa ko iyon. Basta ang natatandaan ko, napangiti ako nang malaman ko sa pamamagitan ng autograph na crush pala ako ni Marvin. Napansin ni Carl ang pagngiti ko.
“Pahiram nga uli niyan!” sabi niya. Kinuha niya muli ang autograph, nilipat sa huling pahina at nagsulat siya roon. Siniko niya ako pagkatapos at ipinakita yung bahaging sinulatan niya.
Who is your crush? Denise Cruz
Natawa ako. Loko-loko talaga ito si Carl. “Burahin mo nga iyan,” utos ko sa kanya.
“Ayoko nga!” sabi niya.
“Kung ayaw mo, ako na lang ang magbubura,” sabi ko. Kumuha ako ng liquid eraser at itinapat ang brush sa parteng buburahin ko nang mapansin ng mata ko ang pangalang isinulat niya sa tabi ng Who is your first love?
Who is your first love? Dara Garcia
Parang may naramdaman akong kirot. Hindi ko na naituloy ang pagbura ng pangalan ko. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Ibinatok ko na lang sa kanya yung autograph book.
***
No comments:
Post a Comment