***
Chapter 32
The Worst Birthday Gift
Sinadya ni Arthur ang bahay na kinaroroonan ng taong tumawag sa kanya. Narito siya sa labas sakay ng kotse.
Bumusina siya, “Peep! Peep! Peeeeep!”
At mula sa bahay ay lumabas si Rita. Nagawa pang sumilip nina Reed at Benjo sa pintuan pero pinaalis sila ni Rita. Pumasok si Rita sa loob ng kotse at pinahinto ni Arthur ang makina ng sasakyan.
“Dito na lang tayo. Baka marinig tayo ng mga bata,” sabi ni Rita.
“Ano bang problema?” tanong ni Arthur sa kaibigan.
“Kinakabahan kasi ako. Tumawag si Rich kanina. Ang sabi niya, hinahabol daw nila si Mildred! Nakita nila sa mall kasama yung anak nina Rico!” sagot ni Rita.
Nagulat si Arthur, “O? E ano nang balita?” Nag-aalala siya.
“Hindi ko nga alam e! Naputol yung tawag. Kinakabahan talaga ako. Nasa highway raw sila e! Alam mo namang mabibilis ang mga sasakyan dun,” pangamba ni Rita.
“Oo at pag ganitong umuulan, madulas ang kalsada. Ang lakas pa naman ng ulan kanina! Buti nga humina na ngayon e!” tugon ni Arthur.
“Sana naman walang masamang nangyari sa kanila,” panalangin ni Rita. “Hindi pa kasi ako tinatawagan ni Rich. Forty-five minutes ago yung huling tawag niya sa akin.”
“Sana nga,” sagot ni Arthur.
Mula sa bintana ng bahay ay sinisilip ng magpinsan ang kotseng nasa labas. Nagtataka sila sa kakaibang ikinilos ni Rita na kanina ay para bang hindi mapakali.
“Sino ba yung kausap ni tita?” tanong ni Benjo kay Reed.
“Ewan ko,” sagot ni Reed. Umalis na sila sa may bintana.
“Ang tagal namang dumating ni Tito Rich, nina mama at papa,” sabi ni Benjo, tila naiinip na. Dinukot niya ang pitaka niya sa kanyang bulsa at tiningnan ang litrato ng mga magulang.
Nakita din ni Reed ang litrato. “Wow! Cute nila ha!”
“Oo nga e!” tugon ni Benjo.
“Hmm. Halika ‘insan, buksan natin yung TV, nakaka-bore e!” yakag ni Reed.
Binuksan nila ang TV at napanood ang isang naumpisahan nang balita. Naabutan nila ang tagapagbalita na nagsasabi ng,
“Ang mga nasawi ay nakilala sa pamamagitan ng ID na natagpuan sa kanilang mga katawan at kinilalang sina Ricardo Salas…”
Nagulat si Reed nang marinig ang pangalan ng kanyang ama at ipinakita pa sa telebisyon ang ID. Tumakbo siya papunta sa pinto at tinawag ang kanyang ina.
“Ma! Ma! Si papa!” sigaw niya.
Samantalang si Benjo ay naiwan at natulala nang marinig ang pangalan ng kanyang mga magulang,
“…Rico Salas at Bernadette Salas, na siyang nagmamaneho ng kotse.”
Tarantang pumasok sina Rita at Arthur sa bahay kabuntot ng umiiyak na si Reed. Nakita nilang nakatulala si Benjo na ang mga mata ay nakatutok sa telebisyon at narinig na lang nila sa balita ang,
“Ang mga nasawi ay dead on the spot.”
Napayuko si Arthur. Nanlumo si Rita, napailing at niyakap si Reed. Napatulala lalo si Benjo nang masulyapan ang wasak na wasak na kotseng lulan ang kanyang magulang at tiyuhin. Wala ngang makaliligtas dito. Pakiramdam ni Benjo ay nawalan siya ng lakas. Nabitawan niya ang pitakang naglalaman ng litrato ng kanyang mga magulang.
“Sina Rich, Rico at Bernadette?” tanong ni Rita. Tumango ang kanyang pamangkin na nangangahulugang ang mga sinabi niyang pangalan ay pumanaw na nga. Bumuhos ang mga luha ni Rita. Niyakap niya ang kanyang pamangkin at yumakap din si Reed sa kanyang pinsan. Masakit mawalan ng asawa o ama pero mas masakit ang mawalan ng parehong magulang.
Kasalukuyan nang nasa mansyon si Millie. Napanood din niya ang balita at ‘di siya makapaniwala sa nangyari. Kani-kanina lang ay buhay pa ang tatlo pero ngayon ay wala nang buhay ang mga ito. Nang malagpasan sila kanina ng sasakyan nina Bernadette ay bumalik siya at umiba ng daan. Nasa silid na ngayon si Hans at nakatulog gawa ng naramdamang sobrang takot kanina. Mabuti para kay Millie na ‘di napanood ni Hans ang balita dahil ‘di ito magkakaroon ng ideya na patay na pala ang tunay niyang mga magulang.
Nagpakuha siya sa kasambahay ng red wine at pumuwesto sa paborito niyang lugar, sa terrace. Marahan niyang ininom ang red wine. Sunod ay nakita ang isang ngiti sa mga labi niya. Naalala niya ang hiniling niya sa balon,
“Hinihiling ko ang kamatayan ni Bernadette!”
Humalakhak siya. Sa wakas ay nawalan na siya ng kaagaw kay Rico pero ilang sandali'y umiyak siya. Mas matinding pagluluksa pala ang gagawin niya dahil pati si Rico ay nawala na rin. Napakalaki ng galit niya kay Bernadette dahil maski sa kabilang buhay ay magkasama pa rin sila ni Rico. Iniwan na naman siya ni Rico. Ang kaibahan nga lang, hindi na sila kailanman magkikita.
Paglipas ng ilang araw, lumipad patungong Estados Unidos si Millie kasama si Hans. Nagmamadali si Millie. Hindi niya na kayang magpaabot ng isang linggo sa Pilipinas mula nang mangyari ang aksidente. Iniwan niya ang anak na si Kyle kay Martha, ang mayordoma ng kanilang mansyon. Hindi niya naman kasi ito kailangan.
Ibinurol ang mag-asawang Rico at Bernadette sa bahay nila. Cremation naman ang nangyari kay Rich. Masakit para sa mga naiwan nila ang nangyari. Ang mga kamag-anak nilang nasa ibang bansa ay nagpunta sa burol hanggang sa libing. Naroon ang lahat maliban kay Millie, na ayon sa ilang kamag-anak ay ilang taon na nilang hindi nakikita. Sinabi nilang matagal na iyong nagbalik sa Pilipinas. Alam naman ni Rita kung bakit wala si Millie. Ito ang sinisi niya sa pagkamatay ng tatlo. Si Millie ang may gawa ng aksidente. Kung hindi sana niya kinuha si Reeve noon ay hindi siya hahabulin nina Bernadette ngayon. Maski nga si Arthur ay masama ang loob sa kanya.
Kung may labis na nasasaktan sa mga pangyayari, si Benjo iyon. Hindi man lang siya nakapag-celebrate ng birthday niya. Noong umaga bago pa maganap ang aksidente, nakasama niya pa ang mga magulang. Naging masaya pa sila, nagtatawanan at binigyan pa siya ng litratong sinabihan niyang “cheap” na birthday gift. Sobrang lungkot niya. Imbis na regalong naka-kahon ang matanggap niya, ang inuwi sa kanya ay mga magulang na nasa kabaong. Ni hindi man lang niya nasabihan ang mga magulang niya ng “I love you” o “Mahal ko kayo” bago pa sila pumanaw. Nang ilibing ang mga magulang niya, halos mapuno na ng luha at sipon ang panyong ipinahiram ni Reed sa kanya. Nilibing ang mga ito na magkasama, gaya ng pangako nila sa isa’t isa na hindi sila maghihiwalay.
Matapos ang lahat, pinili ni Benjo na manirahan kasama ni Rita at ng kanyang pinsan. Hindi niya matitiis na tumira sa bahay nila kung bawat paglingon niya ay nakikita niya ang mga magulang niya at ‘di nagtatagal ay nawawala ang imahe nila. Wala siyang dinalang gamit. Lahat ng naging gamit niya ay bago at ibinili sa kanya ni Rita. Ito na ang magiging bagong tahanan niya. Dito siya magsisimula uli. Kahit na ganoon ang nangyari, naging masaya na si Benjo dahil may nakakatabi na siya sa pagtulog —si Reed.
Sa testamento ng mag-asawa, may iniwan pala silang pera para kay Benjo. Sapat na ang pera para makapag-aral siya sa high school at kolehiyo. At ‘di lang ‘yan, may itinabi rin pala silang pera para kay Reeve. Gagamitin daw iyon sakaling bumalik siya. ‘Di pa rin nawawalan ng pag-asa ang mag-asawa na magbabalik pa ang kanilang panganay na anak. Ang bahay at lahat ng ari-ariang mayroon sila ay mapupunta sa magkapatid o ‘di kaya’y kay Benjo na lang sakaling ‘di na nga bumalik si Reeve. May kaunting tulong ding ibinibigay si Arthur pero ipinasabi niyang dapat ay maging sikreto ang pagtulong na ginagawa niya.
Lumipas pa ang ilang taon, nakabangon na si Benjo sa sakit na dulot ng pagkamatay ng kanyang mga magulang. Palagi pa rin niyang tinitingnan ang litrato nina Bernadette at Rico, ‘di lang kapag nalulungkot kundi kapag sobra ang nararamdamang kasayahan. Lumaki din siyang masigla at palangiti sa kabila ng nangyari. Nagkaroon siya ng maraming kaibigan at mga taga-hanga lalo na nung sumikat siya sa Unibersidad bilang drummer ng bandang Rascals. Yun nga lang, medyo lumayo na ang loob ni Reed sa kanya nang makilala nito si Ivan, ang naging gitarista ng kanilang banda. Umibig din siya sa unang pagkakataon sa naging kamag-aral na si Ellie at naranasang masaktan dahil ang pinili ng babaeng mahal niya ay ang kaibigang si Ivan. Kinaya niya ang lahat at sa huli ay naging masaya pa rin siya. At sa ‘di inaasahang pagkakataon, natapos ang kanyang mga munting pangarap dahil sa isang bala ng baril na tumama sa kanyang dibdib. ‘Di naman nasayang ang kanyang buhay dahil tinuring siyang bayani ng kanyang mga kaibigan.
***
No comments:
Post a Comment