***
Chapter 22
One Last Hug
Walang kapantay na kaligayahan ang dulot kay Rico ng pagkakasilang ng kambal. Dumampi na rin sa wakas sa kanyang balat ang sensitibong balat ng panganay sa kambal. Dahil sa sobrang kaba, tila nawala siya sa sarili, at hindi niya alam kung paano nga ba ito hahawakan hanggang sa ituro ni Mildred sa kanya ang tamang paghawak sa bata. Nagbigay si Rico ng ngiti sa pinsan, bagay na hindi inaasahan ni Mildred, o Millie na ngayon, at si Millie ay sandali pang nanatili para pagmasdan ang sanggol kapiling ng lalaking kanyang inibig.
Si Bernadette naman ay nakamasid sa kanila, natutuwa rin dahil nakikita niyang masaya si Rico at ang pinsan nitong si Millie. Lingid sa kanyang kaalaman na nagkaroon pala ng relasyon ang dalawa.
“Maiwan ko muna kayo. Babalik ako maya-maya,” paalam ni Millie sa mag-asawa. Narinig niya pa ang pagtawa ng mag-asawa nang isara niya ang pinto. Masayang-masaya ang mga ito sa mga bagong silang na sanggol.
Siya naman ay mabigat ang loob. Tumakbo siya palayo sa silid at pumunta sa isang sulok. Sumandal siya sa pader at doon ibinuhos ang lungkot niya. Sa loob ng ilang taon, nagkimkim siya ng galit kay Bernadette —sa babaeng ipinalit ni Rico sa kanya. Pero kahit kailan ay hindi sumama ang loob niya kay Rico. Kahit na anong pilit niyang magalit rito ay hindi niya magawa kahit na masakit pa ang naranasan niya noon. Ganoon talaga siguro ang pag-ibig. At nang inalala niya ang nakangiting mukha ng kanyang pinsan, sa isang iglap lang lumiwanag kaagad ang madilim niyang mundo. Ang lahat ng sakit at pait na dulot ng nakaraan ay unti-unting gumaan. Pakiramdam niya nga ay para silang isang pamilya kanina. Siya, si Rico at ang batang iyon —ang panganay sa kambal, isa silang masayang pamilya.
Pinahid niya ang mga luha niya nang napadaan si Andrew at nakita siya. Tinanong siya nito, nag-aalala, “O Millie, bakit umiiyak ka?”
“Masaya kasi ako. Ang cute ng kambal e!” sagot ni Millie.
Napawi ang pangamba ni Andrew. “A! Haha! Akala ko naman kung ano na. Oo, ang cute nga nila. Nasilip ko nga sila e! Magandang lalaki rin siguro ang mga iyon paglaki nila.”
Sumang-ayon si Millie, “Oo, kamukha siguro ni Rico paglaki.”
“Hmm?! Close kaagad kayo ng tatay ng kambal? Ni Rico?”
“Oo, pinsan ko siya.”
Nagulat si Andrew, “No way!”
Tumawa bahagya si Millie, “First cousins kami. Bakit, hindi ba kapani-paniwala?” Nauna na siya at iniwan si Andrew na nakanganga.
“Unbelievable...” bulong ni Andrew.
Nang matyempuhan ni Andrew si Rico noong hapong iyon nang bumaba ito sa hagdan sa second floor, nagmadali siyang lapitan ito.
“Uy Rico!” tawag niya sa kaibigan.
Huminto sandali si Rico. “O bakit?” tanong niya.
Siniko ni Andrew si Rico, “Ikaw ha, bakit hindi mo sinasabing pinsan mo pala si Millie Evans?”
“E hindi ko rin alam,” sagot ni Rico.
Naguluhan si Andrew, “Ha? ‘Di mo rin alam na pinsan mo siya? Ang labo naman, pare!”
“Hindi! Alam kong pinsan ko siya pero ‘di ko alam na Millie Evans na pala siya ngayon. Mildred Roces kasi ang pagkakakilala ko sa kanya. Five years ko na siyang ‘di nakikita at wala rin akong balita sa kanya,” paliwanag ni Rico.
“A ganun pala. E saang side mo naman siya pinsan?”
“Father’s side. Papa ko at mama niya magkapatid.”
Nagpatuloy na sila sa pagbaba ng hagdan at habang bumababa, panay pa rin ang kuwento ni Andrew tungkol kay Millie.
“Ibang klase talaga ‘yang pinsan mo! Kahit umiiyak siya, maganda pa rin siya.”
“Umiiyak? Bakit?”
“Tears of joy siguro. Nakukyutan daw siya sa kambal e! Hay! Lalo tuloy akong nagkaka crush sa kanya.”
“Sira ka talaga! Tigilan mo na nga si Mildred. Ikaw na rin nga ang nagsabing married na siya kaya maghanap ka na rin ng mapapangasawa mo at asikasuhin mo ang trabaho mo.”
“Hmp! O sige na nga. Saan ka na naman pupunta ngayon?”
“Uuwi na muna. May aasikasuhin lang,” sabi ni Rico bago pa sila maghiwalay ni Andrew. “Pakisabi sa pinsan ko bantayan niyang mabuti ang misis ko at ang kambal.”
“No prob!” tugon ni Andrew.
Kinagabihan, ang mag-asawang Rich at Margarita na ang nagbantay kay Bernadette. Dala nila ang anak na si Reed. Wala kasing mapag-iwanan sa bata. Gulat na mukha ang isinalubong ni Rich kay Mildred nang pumasok ito ng silid.
“Good evening po, Kuya Rich,” pagbati ni Mildred sa kanyang pinsan.
“Kuya Rich?” takang tanong ni Margarita.
“Pinsan siya nina Rico at Kuya Rich,” nakangiting sagot ni Bernadette.
Nabigyang kasagutan na rin ang tanong ni Margarita. “A oo, I remember! ‘Di ba sa University ka rin nag-aral? Oo, Mildred Roces, ‘di ba?”
“Evans na ako ngayon,” sagot ni Millie at ipinakita niya ang suot na wedding ring.
“American pala ang napangasawa mo. May anak na rin ba kayo?” pag-uusisa ni Margarita.
“Wala pa.” Tiningnan ni Millie ang kambal. “Pero malapit na,” pilya niyang sagot.
“Kami ni Rich meron na.” At ipinakita niya ang anak, “Ito si Reed. Ricardo, Jr. Mag wa-one year old na siya,” pagbibida ni Margarita.
“Asawa po pala kayo ni Kuya Rich,” sabi ni Millie sa kanya.
Naputol ang usapan ng dalawa nang humingi ng paumanhin si Rich. “Kakausapin ko muna ang pinsan ko,” sabi niya. “Halika, Mildred,” hinila niya si Millie palabas.
Nag-usap sila sa lugar na walang tao.
“Kailan ka pa bumalik?” tanong ni Rich.
“Mag-iisang buwan na rin siguro ako rito. Hindi na rin naman ako magtatagal. Last day ko na bukas. Wala na ako rito sa 24. Babalik na ako sa U.S. sa 25.”
“Bakit bumalik ka? Dahil ba kay Rico?”
Hindi kaagad nakasagot si Millie hanggang sa maalala niyang may alam nga pala si Rich sa naging relasyon nila ni Rico.
“Mahal ko pa rin siya hanggang ngayon,” ang isinagot ng bibig ni Millie. “Saka may nakapagsabing manganganak na si Bernadette,” dagdag niya.
“Tatay na siya ngayon. Wala ka nang habol at matagal ka na niyang kinalimutan!”
Kalungkutan ang naramdaman ni Millie. Akala niya’y lumipas na ang nararamdaman niya para kay Rico pero naririto pa rin pala. Kahit na lumipas pa ang ilang taon, si Rico pa rin ang iniibig niya.
“Alam ko, Kuya Rich. Gusto ko lang naman siyang makita… Gusto ko lang makita si Rico… Kahit sa huling pagkakataon…”
Kinaumagahan, ika-dalawampu’t tatlo ng Mayo. Ito na ang huling araw ni Millie sa ospital. Kung napaaga lang sana ang panganganak ni Bernadette, napaaga rin siguro ang pagkikita nila ni Rico. Kung nagkaroon lang siguro siya ng lakas ng loob na puntahan ang pinsan niya noong tumapak siya ng Pilipinas edi sana nakausap niya na ito nang mas maaga. Pero pinangunahan siya ng takot kaya minabuti niyang magtrabaho panandalian sa ospital na alam niyang pinagtatrabahuhan ni Rico. Nasabi kasi sa kanya ng isang kamag-anak. ‘Di niya alam nag-file pala ng leave si Rico dalawang araw bago pa siya dumating sa ospital. Sayang ang pagkakataon pero naghintay siya at ‘di naman siya nabigo dahil nakita niya na ang pinsan niya. At ito na nga ang huling pagkakataong makikita niya si Rico.
Kumatok siya nang marating niya na ang silid ni Bernadette. Gising na si Bernadette at nasa tabi niya ang pangalawa sa kambal.
“Favoritism ba iyan?” pabirong tanong ni Millie nang makitang isa lang sa kambal ang katabi ni Bernadette at ang isa ay naiwan sa higaan nito.
“Kay Rico kasing alaga yung isa,” katwiran ni Bernadette.
“Mabuti na naman siguro ang pakiramdam mo, ano?” tanong ni Millie.
“Mabuti-buti na rin,” sagot ni Bernadette.
“Hindi pa pala kita nabati. Congratulations for being a new mom.” Nagpasalamat si Bernadette. Pero sa loob-loob ni Millie ay nagagalit siya dahil kung hindi dumating si Bernadette sa buhay ni Rico, siya pa rin ang iniibig ng pinsan niya.
Pumasok si Rico sa silid at si Millie naman ay nagpasyang lumabas. Pagkalabas ni Millie ay lumabas din si Rico. Dire-diretsong naglakad si Millie.
“Mi—” tatawagin sana ni Rico ang pinsan pero natigilan siya. Nahihiya siya sa pinsan niya. Ang totoo ay kahapon niya pa ito gustong kausapin pero sa tuwing gusto niyang magsalita ay umuurong ang dila niya. Ilang hakbang na rin ang layo ni Millie. Kinapalan niya na lang ang mukha niya at sa wakas ay nabigkas niya na rin ang pangalang gusto niyang bigkasin. “Mildred!”
Napahinto si Mildred nang marinig niya ang boses ni Rico, nang tawagin nito ang pangalan niya. At nang lumingon siya, nakita niyang papalapit na ito sa kanya hanggang sa nasa harap niya na nga ito. Kapwa bumilis ang tibok ng kanilang mga puso pero hindi nagpakita si Rico ng kahit na anong kaba. Hindi niya nga alam kung ano ang ginagawa niya, basta kumilos na lang kusa ang mga bisig niya at niyakap niya si Millie. Hindi inaasahan ni Millie na yayakapin siya ni Rico at nang marinig niya muli ang tibok ng puso nito, pakiramdam niya’y gusto niyang umiyak.
“Salamat,” unang salita ni Rico. “Salamat dahil—” Salamat dahil nakita uli kita. Masaya ako. Yun talaga ang gusto niyang sabihin pero nasabi niya ang, “Salamat dahil inaalagaan mo ang mag-iina ko. Masaya ako.”
Hindi maipaliwanag ni Millie ang sayang nararamdaman. Gusto niyang sabihin kay Rico na mahal niya pa rin siya hanggang ngayon pero wala na rin sigurong magagawa ang mga salitang iyon.
“Mahal… mahal…” Nag-alinlangan siya. “Mahal… mahalin mo sila, Rico,” ang nasabi niya at kumalas siya sa pagkakayakap ni Rico… sa huling yakap ni Rico.
Lumipas ang ilang oras, alas otso na ng gabi. Ilang oras na lang rin ang ilalagi ni Millie sa ospital. Tila lumilipad ang isip niya. ‘Di niya nga rin alam kung ano ang naisipan niya at nagdala pa siya ng heringgilya na may gamot na pampatulog.
Papunta na siya sa silid ni Bernadette nang makita niyang lumabas sina Rico at Rich at may isa pang kasama, si Arthur. Mukhang may pupuntahan sila at nag-iingay pa nang umalis. ‘Di nga nila napansing papalapit pala si Millie. Pumasok na si Millie sa silid. Ang tao sa loob ay si Bernadette, ang kambal, si Margarita at si Reed. Mahimbing na natutulog ang kambal. Buti nga at hindi nagising sa ingay ng tatlong lalaking lumabas.
“Nakita kong lumabas sina Kuya Rich at Rico. Si Arthur San Luis ba yung kasama nila?” tanong ni Millie.
Si Margarita ang sumagot, “Oo, si Arthur nga. Matagal na rin silang ‘di nagkikita-kita. Buti na lang at nahagilap ni Rich. Kaya yun! Nagyaya, mag-iinuman daw para i-celebrate ang pagiging tatay ni Rico. Libre raw ni Arthur. Grabe! Mayaman na nga si loko, nagpapayaman pa. May anak na rin pala siya, isa, kasing edad ni Reed.”
Tila nainggit si Millie. Sina Rich at Margarita may isang anak na. Si Arthur, may isa na ring anak. Sina Rico at Bernadette naman, dalawa kaagad. Napag-iwanan na pala siya. Siya na lang ang walang anak sa kanila.
Bigla-bigla namang umiyak si Reed at hindi ito mapatahan ni Margarita.
“Naku! Naku! Baka magising ang kambal!” pangamba ng ina. “Tahan na baby, tahan na,” pagpapatahan niya kay Reed pero umiyak pa ito lalo. “Lalabas muna kami,” paalam niya kina Bernadette at Millie. Hindi lang sila lumabas ng silid, bumaba rin sila at umalis ng ospital para maglakad-lakad at lumanghap ng sariwang hangin dahil mukhang hindi komportable at nainip si Reed sa loob.
Sina Bernadette, Millie at ang kambal na lang ang naiwan sa loob. Tulog pa rin ang kambal. Tahimik sa loob ng silid hanggang sa may naalala si Millie.
“Kailangan mo nga pala ito sabi ng doktor para mapabilis ang recovery mo,” pagsisinungaling niya at itinurok niya ang pampatulog.
Maya-maya’y nagising ang panganay sa kambal. Kinarga iyon ni Millie.
“Naiinggit ako sa inyo. Gusto ko na ring magkaanak,” sabi niya kay Bernadette. “Reeve ang pangalan ng baby na ito, ‘di ba?” tanong niya. Tumango si Bernadette. “Pag ako nagkaanak, ang ipapangalan ko ay…” Sandali siyang nag-isip. “…Hans.” Nginitian niya ang sanggol. “Aalis na pala ako. Babalik na ako sa U.S.,” pamamaalam niya.
Nalungkot si Bernadette. “Kailan ang alis mo?” tanong niya.
“Sa 25. Bukas wala na ako rito. Last day ko na ngayon,” sagot ni Millie. Nakuha niya pang magbiro, “Souvenir ko na lang si Reeve, puwede ba?”
Ngumiti si Bernadette. Pagkatapos ay bigla niya na lang naramdamang nahihilo siya at bumibigat ang mga mata niya. Hanggang sa tuluyan na siyang mapapikit at ang huling nakita niya ay ang imahe ni Millie karga ang anak niya. Patuloy niyang naririnig ang mga huling sinabi ni Millie.
Souvenir…
ko si Reeve…
souvenir…
si Reeve…
puwede ba?
Nakatulog na siya.
Matapos nito, nagmadaling lumabas si Millie dala ang walang kamalay-malay na sanggol. Sa sobrang pagmamadali ay ‘di niya na naisara ang pinto. Walang tao sa paligid, tamang-tama. Kabisado niya rin ang pasikot-sikot ng ospital. Alam niya ang mga lugar na ‘di gaanong dinadaanan ng tao at doon siya dumaan. Nakalabas siya ng ospital na hindi man lang pinaghihinalaan ng tao. May ilang nurse na nakakita sa kanyang dala niya ang bata pero ‘di siya inintindi ng mga ito dahil kumalat na sa ospital na pinsan niya pala si Rico at nasa pangangalaga niya ang kambal. Hindi rin naman siya kahina-hinala. Sumakay siya sa kotseng pag-aari niya at kumaripas ng andar.
Nang makabalik na si Margarita, nagtaka siya dahil nakabukas ang pinto. Nakita niyang natutulog si Bernadette at laking gulat niya nang makitang wala na ang isa sa kambal! Ginising niya si Bernadette pero ‘di ito nagising. Sinubukan niyang humingi ng tulong sa iba pang nurse na nakasalubong niya dahil hindi niya nakita si Millie sa paligid. Nawala na rin pala ang nakaparadang kotse nito nang tingnan nila. Ang nurse na nangangalaga sa kambal ay hindi na nila makita sa kahit na saang sulok ng ospital.
***
No comments:
Post a Comment