No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (18)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



***
Kabanata 18

     Nakita ni Kuya Richie ang ginawa ko. “O, bakit mo tinapon yung papel?” tanong niya.

     “Hindi naman importante yung nakasulat dun,” sagot ko naman. Aakyat na sana ako sa hagdanan nang sabihin niya ang,
     “'Di importante? Puntahan mo na kasi,” ngingisi-ngisi pa. Binasa siguro niya kung ano yung nakasulat doon. 'Di lang iyon, pinilit niya rin akong puntahan si Carl.

     Napakamot ako ng batok dahil sa pangungulit niya. Pupuntahan ko ba siya o hindi? At nakapag-isip din ako. “Magbibihis lang ako, kuya.”

     Nagbihis ako at kinuha muli sa basurahan yung papel na inabot sa akin ni Kuya Richie. Sinabi ni kuya na siya na lang daw muna ang kikilos sa bahay habang wala ako. Umalis na ako. Sumakay ako ng jeep at nagpunta sa paaralan. Pumasok ako sa loob ng campus at tiningnan ko kung nasa tambayan ba si Carl. Nandoon nga siya. Nilapitan ko siya.

     “Denise, nandiyan ka na pala. Akala ko hindi mo ako sisiputin e,” sabi niya sa akin. Niyaya niya akong umupo sa tabi niya pero tumanggi ako. Sinabi kong tatayo na lang ako.
     “Hindi naman sana ako pupunta. Pinilit lang ako ni Kuya Richie,” sagot ko.

     Tumayo rin si Carl. Magkaharap na kami. Natutunaw ako sa mga titig niya kaya iniwas ko nang kaunti ang tingin ko. 

     “Hindi mo ba talaga akong kayang patawarin?” tanong niya sa akin.

     Ayaw ko na sanang palalain ang away namin. Gusto ko siyang patawarin, gusto ko! Pero hindi ko rin alam kung bakit ganoon na lang ang lumabas sa bibig ko.

     “Galit ako sa iyo!” sabi ko. “Galit ako kasi hindi ka tumupad sa napagkasunduan natin. Galit ako kasi hinalikan mo ako, hindi mo ako nirespeto. Wala ka talagang galang, Carl! Dapat ka ngang tawaging Mr. Walang Galang!” sinabi ko iyon sa harap niya.
     “Tawagin mo na kung anong gusto mong itawag sa akin. Pero itatanong ko sa iyo, nagkamali ba ako? May masama ba sa ginawa ko? Mali bang halikan ang taong mahal ko?”

     Napatingin ako sa mga mata niya. Ang mga mata niyang mapusok ay iba na ngayon. Ang mga mata niyang matapang ay nagpakita na ng kahinaan. Mahal niya nga ba talaga ako? Hindi ko alam kung maniniwala pa ako. Sinaksak ko na kasi sa isip kong si Dara lang ang mahal ni Carl.

     “Paano si Dara?” naitanong ko sa kanya.
     “Si Dara? Wala na siya. Kinalimutan ko na siya,” sagot niya.

     Nagulat ako. “Pero mahal mo siya, 'di ba? Sabi mo sa akin iyan dati! Niyakap mo ako at sinabi mong ‘Mahal kita’ pero ang binanggit mo ay pangalan ni Dara.”

     “Siguro nga, Denise. Siguro ay naging tanga ako noon. Natakot akong magmahal ng iba. Akala ko si Dara lang ang nandito. Hindi ko napansing unti-unti ko na siyang nakakalimutan dahil sa pagdating mo. Ang pagngiti mo, ang pagtawa mo, ang kakulitan mo, ang kasungitan mo, ang lahat sa iyo! Minahal ko iyon, Denise at dahil doon ay minahal kita.”

     Nahulog na. Nahulog na ng tuluyan ang puso ko. Tinimbang ko ang lahat. Masaya ako pag kasama ko si Marvin pero mas masaya pala ako pag kasama ko si Carl. Gusto ko si Marvin kasi gentleman siya pero mas gusto ko pa pala ang kakulitan ni Carl. Masaya ako nang nalaman kong gusto ako ni Marvin pero mas masaya pa pala ako ngayong nalaman kong mahal ako ni Carl. Pero bakit ganoon? Ang nangyayari ngayon ay mali. Ang lahat ng ito ay mali! Ang kaharap ko ay parang hindi si Carl kundi ibang tao.

     Tumingin muna ako sa paligid. Walang ibang tao. Wala akong ibang nagawa kundi ang yakapin siya. Niyakap niya rin ako. Nang mga sandaling iyon, iba talaga ang naramdaman ko. Nagtangka rin siyang halikan ako pero sinabi ko na lang ang,

     “Huwag. Tama na yung isang beses. Tama na yung isang beses na binastos ako ng kapatid mo.”

     Nagulat siya at napabitiw sa akin. “Denise?!” nagtataka niyang itinanong.

     Ngumiti ako. “Nagulat ka ba, Marvin?” tanong ko.

     “Akala ko hindi mo mahahalata,” sabi niya.

     Sinasabi ko na nga ba. Kahit magkamukha sila at yung iba ay nalilito pa rin sa kanila, kilala ko na sila pareho. Kaya pala naramdaman kong hindi si Carl ang nasa harap ko. Kaya pala ganoon na lang niya kadali nasabi ang mga saloobin niya. Kilala ko si Carl. Hindi siya yung tipo na kayang magsabi ng nararamdaman at alam ko, wala siyang ibang mahal kundi si Dara. Hindi na ako dapat umasa.

     Sa rooftop. Nagpahangin ako kasama si Marvin. Tahimik lang ako. Nanatili kami roon hanggang hapon at pinagmasdan namin pareho ang langit. Sinuot niya na yung salamin niya sa mata.

     “Sulat-kamay pa lang halata na,” sabi ko kay Marvin. Ipinakita ko sa kanya yung papel.
     “Sorry,” sabi niya. “Yung sinabi mo kaninang niyakap ka ni Kuya Carl... Nayakap ka na pala niya. May nararamdaman ka ba para sa kanya?” 
     “Bakit mo ginawa yun?” naitanong ko bilang pag-iwas sa tanong niya.
     “Ang totoo kasi niyan, nakipagbati sa akin si Kuya Carl at sinabi niyang hindi niya kayang magsorry sa iyo nang harapan kaya nakiusap siya sa akin na magpanggap,” sagot niya.
     “Yung mga sinabi mo ba kanina galing sa kanya yun?”
     “Ang sinabi niya sa akin, Denise, ay bahala na akong sabihin kung ano ang gusto kong sabihin. Mag-imbento ako at ibinilin niyang kapag binanggit mo raw si Dara e sabihin ko raw na hindi niya na mahal si Dara at ikaw na ang mahal niya. Paniwalain ko raw na ikaw na ang mahal niya para raw mabilis na kayong magkabati.”

     Nasaktan ako sa narinig ko. Ang sama sama ni Carl! Tumayo na ako at nagyayang umuwi.

     “Teka Denise, galit ka ba sa akin?” tanong sa akin ni Marvin.
     “Hindi Marvin,” sagot ko. “Kay Carl ako galit. Galit ako sa kanya kasi duwag siya. Tingnan mo, inutusan ka pa niyang magpanggap. Hindi na siya nahiya. At paniniwalain pa niya akong mahal niya ako? Sinungaling talaga siya.”
     “Sorry ha, Denise. Napilitan lang kasi talaga akong sabihin lahat ng iyon. Sana hindi ka galit sa akin.”
     “Huwag kang mag-alala, Marvin, hindi ako galit.”

     Nang nasa labas na kami ng campus, tinanong ako ni Marvin.

     “Denise, kung hindi mo mamasamain, gusto ko sanang malaman kung pumapayag ka nang ligawan kita.”

     Noong una ay ayaw ko talaga pero ngayon, matapos ang lahat, hindi na ako tumanggi sa gusto niyang mangyari.

     “Gawin mo Marvin, hindi kita pipigilan.” Tuwang-tuwa naman siya sa naging desisyon ko. 
     “Salamat. ‘Wag kang mag-alala, aalagaan kita,” pangako niya.

     Pinara na ni Marvin yung sasakyan naming jeep. Inalalayan niya akong sumakay at siya rin ang nagbayad ng pamasahe ko. Bumaba na kami nang mapadaan na yung jeep sa lugar na binababaan ko. Hinatid niya ako hanggang sa kanto ng bahay namin.

     “Ayaw mo bang tumuloy sa bahay namin?” tanong ko kay Marvin.
     “Hindi na. Sa ibang araw na lang siguro. Saka mo na lang ako ipakilala sa mga kapatid mo pag sinagot mo na ako.”
     “Hay naku! Ikaw talaga. Sige, ingat ka sa pag-uwi.”
     “‘Wag mo akong alalahanin, hindi ako mapapaano.”

     Naghiwalay na kami at nagdire-diretso ako papunta sa bahay. Agad akong tumulong sa gawaing bahay para naman hindi ako mapagalitan. Samantala, binaybay na ni Marvin ang daan at pauwi na rin siya. Nang sumakay na siya ng jeep ay napangiti na lang siya. 

     “Ang lahat ay umaayon sa plano,” isip niya.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly