***
Chapter 27
Flowers and Chocolates
Nang mga sumunod na araw ay nagsimula nang makatanggap ng bulaklak at tsokolate si Iris. Minsa’y inaabot sa kanya pag pumapasok na siya sa Unibersidad. Minsa’y pag lunch time o ‘di kaya’y pag uwian. Hindi niya alam kung kanino iyon galing dahil hindi naman sinasabi sa kanya ng mga nag-aabot at sayang naman kung itatapon niya dahil mamahalin pareho ang mga bulaklak at tsokolate kaya inipon niya na lang. Anim na araw na sunod-sunod siyang nakatanggap ng bulaklak at tsokolate. Tinanong niya sina Reed at ang iba pa pero mali yata siya ng napagtanungan dahil hindi naman sila nakatulong, tinukso pa siya ng mga ito.
“Uuuyyy! Si Iris dalaga na talaga. May manliligaw na o!” panunukso ni Reed sa kanya. Wala namang ibang alam gawin sina Ivan, Chad at Duncan kundi ang magtawanan.
“Baka naman isa sa inyo ang nagpapadala nun at niloloko ninyo lang talaga ako?” pamimintang ni Iris sa apat na lalaki.
“Bakit kaya hindi mo tanungin si Hans?” mungkahi ni Duncan.
“Oo nga, baka siya yung nagpapadala nun kasi sa’ming lima siya lang naman yung may crush sa’yo, ‘di ba?” sabi ni Chad. “‘Di naman puwedeng si Ivan yun.”
“Hindi ako,” sagot ni Ivan.
“Kaya nga! Ano bang sinabi ko? Sabi ko nga, ‘di ba, hindi ikaw?” sabi ni Chad kay Ivan.
“Ahehe! Sensya na pre, defensive lang,” paumanhin ni Ivan.
Nagpatuloy si Chad, “Yun nga. Hindi siya kasi kuya mo siya at may gf na siya. Pati si Reed may sabit na.”
Sumingit si Duncan, “Magkapatid pa nga yung tinuhog nila e!” Nabatukan tuloy siya ni Reed.
“Gago ka talaga!” sabi nito.
Nagpatuloy muli si Chad, “At imposibleng kami ni Duncan ang magbigay nun kasi…”
“Kasi?” tanong ni Iris, naghihintay ng sunod nilang sasabihin.
“Hindi ka namin type!” sabay na sabi nina Chad at Duncan, matapos ay nagtawanan sila.
“So si Hans ang nagpapadala nun?” tanong ni Iris sa apat dahil yun na nga ang pinupunto nila.
Sabay-sabay na sumang-ayon at tumango ang apat na binata.
Nakumbinsi na rin si Iris. “Oo na, siya na lang ang tatanungin ko. At itigil ninyo na ‘yan,” ang pagtungo ang tinutukoy niya. “Para kayong yung asong gumagalaw-galaw ang ulo na nakadisplay sa kotse ni Hans.
Nang magkaroon si Iris ng pagkakataong tanungin si Hans, sumagot ito ng, “Uh-uh. Not me.” Nagselos pa nga ito dahil mukhang may nanliligaw na iba kay Iris, naunahan pa siya. Sinabi naman ni Iris na wala siyang manliligaw. Si Hans nga lang ang nabulag sa kanya. Natawa tuloy si Hans. Ayon pa kay Iris, si Hans lang ang mamahalin niya na sadyang ikinataba ng puso ng binata.
Nang sumapit na ang ika-pitong araw, inaasahan ni Iris na makakatanggap muli siya ng bulaklak. Tama nga siya roon dahil noong kumakain siya ng tanghalian kasama si Ellie ay may lumapit na naman sa kanya.
“Peace offering,” sabi ni Kyle sa kanya at humingi ito ng tawad. “Sorry kasi ‘di kita pinapansin.”
Ngumiti si Iris. “Upo ka na. Kain tayo, sis!”
At naging kasalo na nina Iris at Ellie si Kyle sa kanilang pananghalian. Masaya si Ellie dahil nagkabati na rin sa wakas ang magkaibigan. Napansin niya kasi noon pang hindi na madalas magkasama ang mga ito pero ngayon, naging maayos na ang dalawa.
“So ikaw pala yung nagpapadala ng flowers at chocolates sa akin,” sabi ni Iris kay Kyle noong pauwi na sila at naglalakad palabas ng Unibersidad.
“Ako nga,” sabi ni Kyle. Nahihiya kasi akong lumapit sa iyo kaya pinapaabot ko na lang sa iba. Sorry talaga, sis.”
“Wala na yun,” sabi ni Iris. “Ang importante bati na tayo. Pasensya ka na nga pala, kasi alam mo, iniisip kong si Hans ang nagbibigay nun.”
Nakaramdam ng kirot si Kyle at lalo siyang nagselos.
Nagpatuloy si Iris, “Pero nung tinanong ko naman siya kahapon, sabi niya hindi raw siya. Yun pala sa’yo galing yun. Masaya talaga ako kasi nagkabati na tayo.”
Narating na nila ang kalsada at nag-abang sila ng masasakyan. Habang nag-aabang, tinanong ni Kyle si Iris,
“‘Di ba sabi mo sa’kin dati wala kang gusto sa kapatid ko?”
“A, oo,” sagot ni Iris.
“At kaya mo gustong mapalapit sa kanya kasi kamukha niya si Benjo at si Benjo ang gusto mo, ‘di ba?”
“Tama ka, pero… pero nung nakasama ko siya nang madalas nakilala ko siyang mabuti at narealize kong ibang-iba talaga siya kay Benjo. May mga katangian siyang hindi ko nakita kay Benjo at nagustuhan ko naman yun.”
“So ngayon gusto mo na si Hans?”
“Ang totoo niyan…” Bago pa maituloy ni Iris ang sinasabi niya ay dumating na ang jeep na sasakyan niya. Pinara iyon ni Kyle para sa kanya.
“Sige na, ituloy mo muna bago ka sumakay ng jeep,” sabi ni Kyle.
Itinuloy na nga ni Iris ang gusto niyang sabihin, “Mahal ko na siya. Mahal ko ang kapatid mo…” Tapos ay sumakay na siya sa jeep at naiwan si Kyle na mag-isa.
“Mahal niya si Hans…” bulong ni Kyle. Tuluyan na nga sigurong mawawala ang kaibigan niya sa kanya at ito ay ‘di niya papayagang mangyari.
Sa mansyon ng mga Evans. Galit na galit si Hans dahil sa nangyari. Paano kasi’y kinuha ni Millie ang kanyang pitakang naglalaman ng pera, credit cards at ATM cards. Naroon din ang susi ng kotse. Ang tangi niyang pagkakamali ay naiwan niya ang kanyang pitaka sa loob ng kuwarto at ‘di niya na-lock ang pinto ng kuwarto niya kaninang umagang nagpunta siya sa hardin. Hindi naman mangyayari yun kung hindi nagsumbong si Kyle. Pumasok kasi siya sa kuwarto ni Hans kagabi habang wala pa ito na sigurado niyang kasama nina Reed, tumakas na naman kasi si Hans, at nakita niya ang ilang resibong galing sa flower shop at pinamiling tsokolate. Sinamantala ni Kyle ang pagkakataon para sabihin kay Iris na siya ang nagbibigay ng bulaklak at tsokolate dahil napag-alaman niyang may nagbibigay kay Iris ng mga iyon sa Unibersidad at ‘di alam ni Iris kung kanino galing.
Ang masama pa, putol na rin ang linya ng telepono nila at ang tanging gumaganang telepono ay ang wireless telephone sa silid ni Millie pero naka-lock ang silid. Kanina pa nga rin nandoon si Millie. Hindi na siya lumabas kanina pang umaga nang kunin niya ang pitaka ni Hans. Katok nang katok si Hans, ayaw namang buksan.
Wala tuloy siyang ka-pera-pera ngayon at wala ring load ang cell phone niya para tawagan ang flower shop at magpadala ng bulaklak. Hindi na rin niya masusuhulan ang mga estudyanteng inuutusan niya para iabot ang mga bulaklak at tsokolate kay Iris. Hindi naman siya nakikilala ng mga ito dahil suot niya lagi ang shades niya pag pumupunta sa Unibersidad. Hindi rin naman siya maka-utang sa mga kasambahay dahil hindi pa ibinibigay ang suweldo nila. Inis na inis tuloy siya kay Millie. Nahimasmasan na lang siya nang tawagan siya ni Iris. Agad niyang sinagot ang tawag at narinig ang boses ng dalaga sa kabilang linya.
“Hans! Kilala ko na kung sino yung nagbibigay ng flowers at chocolates,” sabi ni Iris.
“Really? So you’ve figured out that it was m—” 'Me' sana ang huling salitang sasabihin niya kung ‘di nga lang nagsalita si Iris.
“Si Kyle!” masayang pagbabalita ni Iris.
“What? Kyle? No, it was—”
“Oo, siya nga! Peace offering daw niya yun. Kasi alam mo, nagkatampuhan kami pero ngayon—”
Naputol na ang tawag dahil empty batt na pala ang cell phone ni Hans at nang hanapin niya na ang charger e hindi niya na makita kung nasaan. Kinuha rin siguro ni Millie. Uminit tuloy lalo ang ulo niya. Lumabas siya sa kuwarto at eksakto namang kararating lang ni Kyle galing sa Unibersidad. Papasok na ito sa sariling silid.
“Why did you tell Iris that you’re the one who’s sending her the flowers and the chocolates?” galit na tanong ni Hans.
“E bakit hindi mo sinabi sa kanyang ikaw yung nagbibigay?” balik na tanong ni Kyle.
“That’s to surprise her and to know if she really loves me!” sagot ni Hans.
“At ano, sinabi ba niyang mahal ka niya?”
“Yeah, she told me that she loves me,” kalmadong sagot ni Hans.
Umiling si Kyle at tumawa, “Haha! Alam mo ba kung bakit ka niya mahal? Remember Benjo, yung sinasabi nilang kamukha mo? Yun talaga ang gusto niya, yun ang talagang mahal niya! At kaya ka lang naman niya gusto kasi kamukha mo yun.”
“Liar!” paratang ni Hans sa kapatid.
“That’s reality, Hans! Si Iris mismo ang nagsabi sa akin nun. At kaya lang naman nakipagkaibigan sa’yo si Mr. Vocalist e dahil kay Benjo, dahil kamukha mo ang pinsan niya! Ginawa ka nilang drummer kasi si Benjo ang dating drummer nila.”
“You’re just jealous of me!” sigaw ni Hans at pumasok na siya sa kuwarto. Ibinagsak pa nga niya ang pinto. Pumasok na rin si Kyle sa silid niya.
Sa kabilang banda, gustong paniwalaan ni Hans ang mga sinasabi ni Kyle. Siguro nga ay totoong kaya siya kinaibigan ng lahat dahil kamukha niya si Benjo at si Benjo ay mahalaga para sa lahat. Bakit ba hindi niya yun naisip noon? Hindi niya na lang namalayang pumapatak na pala ang mga luha niya.
Samantala, naging palaisipan para kay Iris kung bakit biglang ibinaba ni Hans ang tawag at nang muli niya itong tawagan e cannot be reached na. Mukhang pinatay ang cell phone.
Maya-maya’y tinawag siya ni Mang Daniel, ang kanyang ama, para magbantay sandali sa tindahan dahil pupunta ito sandali sa kapit-bahay. Nang lumabas na si Mang Daniel, may isang lalaking lumapit sa tindahan at nagtanong kay Iris,
“Dito po ba nakatira si Iris Alvarez?”
“Ako po yun. Bakit po?” tanong ni Iris.
“May special delivery kasi para sa iyo,” sabi ng lalaki.
Lumabas si Iris para malaman kung ano ang special delivery sa kanya. May ipinakitang papel ang lalaki na pinapirmahan kay Iris.
“Paki pirmahan na lang dito,” sabi ng lalaki. Pinirmahan naman ni Iris ang papel.
Nagulat na lamang si Iris nang magbigay ang lalaki ng limang kahon ng expired na tsokolate at bulaklak ng patay, matapos ay umalis na ito. Biglang tumunog ang cell phone ni Iris. May unknown number na tumatawag. Nang sagutin ito ni Iris, boses ni Millie ang narinig niya.
“Hi Iris! Nalaman kong pinadadalhan ka ni Hans ng flowers and chocolates kaya iyan, meron din ako para sa iyo. Nagustuhan mo ba ang regalo ko?”
“Mrs. Evans...” si Iris.
“Oo, ako nga. Akala mo siguro tapos na tayo. Bueno, dun ka nagkakamali. Nag-hire ako ng detective para imbistigahan ka. Gusto ko lang naman makaalam ng kaunting background sa family mo and I’m so disappointed with the report. Tsk tsk.
“Six children kayo sa family. Unemployed ang father mo and your mother works as a maid. Meron kayong maliit na sari-sari store na for sure ay puro utang naman. What a shame! Wala naman pala kayong maipagmamalaking kayamanan.
“Ano naman ang mapapala ni Hans sa iyo? O baka naman kaya ka dumidikit sa anak ko para yumaman ka. Ang kapal naman ng mukha mo, Iris! You know what, Hans doesn’t need you. He has me who could give him all the wealth in the world! I’m so disappointed. So kung ako sa iyo, lalayuan ko na siya dahil pag sumama siya sa iyo, itatakwil ko siya bilang anak ko. Huh! I can’t imagine my son living a miserable life with you.”
Hindi na matiis ni Iris ang mga pang-aalipusta ni Millie kaya ibinaba niya na ang tawag. Nang bumalik na si Mang Daniel, nagulat siya sa nakita.
“Ba’t may bulaklak ng patay rito? Iris, ano ‘to?”
“Basura,” sagot ni Iris. Itinabi niya ang mga pinadala ni Millie at iniwasang makipag-usap kahit na kanino sa bahay.
Bago matulog, nag-isip siya ng mga bagay-bagay. Nagsinungaling si Kyle sa kanya. Sinabi nitong siya ang nagpadala ng mga bulaklak at tsokolate pero hindi pala. Ibinaba na lang bigla ni Hans ang tawag at ‘di na siya ma-contact. Inalipusta ni Millie ang pamilya niya, ang pagkatao niya. Matapos nito ay nagdesisyon na siya. Ayaw niya nang magkaroon ng kaugnayan sa mga Evans. Ipinikit niya na ang kanyang mga mata.
***
No comments:
Post a Comment