Chapter 1
The Wishing Well
Ilang araw na ring binabagabag si Ellie ng kanyang mga panaginip. Mga panaginip na hindi rin niya maintindihan kung ano ang ibig ipahiwatig. Magdadalawang taon na nang pumanaw si Benjo, ang matalik niyang kaibigan. Pero sa kanyang mga panaginip, parang ito ay buhay at nasa paligid lamang.
“Benjo… Benjo…” kanyang nasambit at naramdaman niyang tumutulo ang kanyang mga luha; dumadaloy ito sa kanyang pisngi.
Nagising siya nang tumunog ang alarm clock na nasa tabi ng music box na ibinigay sa kanya ni Ivan. Dito niya nalamang oras na pala upang maghanda para sa pagpasok sa Unibersidad at sa taong ito, nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo sa kursong Bachelor in Secondary Education.
Bumaba na siya at nakitang nagluluto ng almusal si Neri, ang kanyang nakatatandang kapatid. Mas matanda ito ng apat na taon sa kanya.
“Good morning, little sister!” bati nito.
Little sister. Parang kailan lang nang siya’y labing anim na taong gulang pa lamang. Iyon ang unang pagpasok niya sa Unibersidad, maaga kasi siyang pinag-aral ng kanyang mga magulang. Kahit matalino siya, hindi naman siya na-accelerate.
Hindi na komportable pa si Ellie na marinig ang mga salitang iyon, ang “little sister”.
“Ate Neri, huwag mo na kaya akong tawaging little sister,” mungkahi ni Ellie.
Napahinto si Neri sa pagluluto. “Bakit naman?” tanong niya.
“A kasi, malaki na ako e! Parang ‘di na yata akmang matawag pa akong little sister,” sagot ng kapatid.
Bumalik rin si Neri sa pagluluto, “A basta! Kahit malaki ka na, kahit tumanda ka na at magkaanak kayo ni Ivan, tatawagin pa rin kitang little sister!”
Natawa si Ellie, “Haha! Magkaanak ni Ivan? Marami pa kaming bigas na sasaingin at kaning kakainin bago kami umabot sa ganyan!”
Naluto na ang almusal. Lahat ay dumulog sa mesa. Naghanda si Neri ng isang panalangin at pagkatapos ay nagkani-kaniyang subo na sila. Nang matapos kumain ay naghanda na sila ng sarili at sumakay sa kotse.
Dalawa ang sasakyan ng Pamilya San Luis. Ang isa ay gamit ng mag-asawang Arthur at Leda at ang isa naman ay gamit nina Neri at Ellie. Si Neri ang taga hatid-sundo ni Ellie ngunit minsan, kung mahuhuli gawa ng trabaho, si Ivan ang nagsusundo rito. Minsan din ay mag-isa si Ellie na umuuwi; malaki na naman siya, kaya niya na ang sarili niya.
Narating na ng magkapatid ang Unibersidad at bago bumaba ng kotse si Ellie ay hinalikan niya si Neri sa pisngi.
“I love you, big sister!” kanyang sinabi at bumaba na siya.
Naglakad siya sa mahabang daanang papasok sa Unibersidad. Wala pang masyadong estudyanteng pumapasok. Tumingin-tingin siya sa paligid. Nadadaanan na naman niya ang patag na sementong ito, nakikita ang mga poste at natatanaw ang mga punong pagkarami-rami. Nakita niya muli ang lugar na iyon, ang lugar kung saan sila nagtago ni Ivan noong pinagtangkaan ni Lex ang kanyang buhay.
Huminto muna siya at tinitigan sandali ang lugar na iyon. Matapos ay kumilos nang kusa ang kanyang mga paa na para bang hinihila siya papasok. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad at kusang huminto ang kanyang mga paa.
“Ito na iyon,” sabi niya sa sarili. Nakatayo siya sa harap ng isang puno. Ito na siguro ang punong kanilang pinagtaguan noon. Bagama’t ‘di siya sigurado, sinasabi ng isip at puso niyang ito na nga iyon.
Teka, bakit nga ba siya nandito? Tiningnan niya ang kanyang relo, mag a-alas siyete pa lang. Alas siyete y medya pa naman ang klase niya kaya naisip muna niyang manatili.
Pinagmasdan ni Ellie ang puno. Wala naman siyang nakikitang espesyal dito ngunit nang naglakad siya paikot sa puno, napansin niyang may nakaukit dito. Hinawakan niya ito at kanyang binasa.
Mildred and Rico
Iyon ang nakaukit sa puno. Pangkaraniwan na namang makakita ng ganoon. Sa mga parke ay marami niyan at hindi na nakapagtataka kung pati rito sa Unibersidad ay mayroon niyan. Sino kaya sina Mildred at Rico? Marahil ay magkasintahan at sa dinami-rami ba naman ng may pangalang Mildred at Rico sa mundo, hindi niya na inintindi ito. Umalis na rin naman si Ellie sa lugar na iyon makalipas ang ilang minuto.
Maingay na naman sa Unibersidad. Palibhasa’y umpisa ng klase, may freshmen na naman. Noon ay isa lang rin siyang freshman. Ito ang unang pagkakataong nagkaroon siya ng mga taong maituturing na kaibigan. Ito rin ang unang pangkakataong umibig siya at nasaktan.
Nang ituon niya ang kanyang paningin sa tambayan, ibang tao na ang kanyang nakita. Wala na roon ang bandang Rascals. Nagsipagtapos na kasi ang mga ito sa kursong kinuha nila maliban nga lang kay Benjo. Alam ninyo naman ang nangyari, ‘di ba? Ni hindi man lang nito natapos ang taon. Ang Backstabbers ay nagsipagtapos na rin. Maging si Neri na kanyang kapatid ay hindi niya na makakasama sa Unibersidad. Si Ellie na lang pala ang natira. Mag-isa niyang kahaharapin ang mga hamon sa loob ng Unibersidad.
Umupo siya sa dati nilang tambayan. Nang makaupo ay tumingin siya sa kanyang relo. Pakiramdam niya ay napakabagal ng oras. Limang minuto pa bago magsimula ang klase. Umusog siya nang kaunti nang may umupo sa kanyang kanang tabi. Kinuha niya ang kanyang cell phone mula sa kanyang bag nang tumunog ito. May text message siyang natanggap mula kay Iris, ang kapatid ng kanyang kasintahang si Ivan.
“Nasan k?” tanong nito.
“D2, nkaupo s tmbayan,” sagot niya. “Eh kw?” pahabol pa niya.
“Nkaupo s tbi m.”
Nang tumingin si Ellie sa kanyang kanan ay nakita niya si Iris. Bahagya siyang ngumiti. “Ikaw pala yung tumabi sa akin,” sabi niya.
“Hindi mo ako napansin?” tanong nito.
Hindi naman pala nag-iisa si Ellie dahil sa Unibersidad din pala nag-aaral si Iris at kumukuha ito ng kursong Nursing. Halata naman sa puting unipormeng suot niya at gaya ng kanyang kuya ay isa ring scholar sa Unibersidad. Nasa ikalawang taon na si Iris sa kolehiyo ngayong taon. Halos magkasing gulang nga lang sila ni Ellie at kung ‘di nga lang pinag-aral ng maaga si Ellie, malamang ay pareho silang nasa 2nd year.
Tumunog na ang bell na nangangahulugang umpisa na ng unang klase. Bago maghiwalay ay nakiusap si Iris kay Ellie.
“Ellie, mahihintay mo ba ako mamayang uwian? Mga alas sais, may pupuntahan kasi ako e! Gusto ko kasama ka.”
“O sige, wala naman akong gagawin mamaya. May oras naman ako para sa lahat ng bagay. Saan ka ba pupunta?”
“Basta, mamaya ko na lang sasabihin ha?”
Sumang-ayon si Ellie at naghiwalay na silang dalawa.
Habang nasa klase ay nag-iisip nang malalim si Ellie, “Mildred… Rico… Rico, Rico… Parang pamilyar…”
Lumipas ang ilang oras. Alas sais kinse na sa relo ni Ellie. Ang tagal niya nang naghihintay kay Iris. Napapaisip nga siya kung saan kaya sila pupunta.
Dumating na rin sa wakas si Iris. “Kanina ka pa ba? Pasensya na ha? Ang tagal kasi naming palabasin e!” paumanhin niya.
“Saan ba talaga tayo pupunta? Huhulaan ko, may date ka ano?”
“Ha? Anong date? Wala a!” tanggi nito. “Halika na, Ellie, alis na tayo.” Naglakad na sila palabas.
Nangniningning ang ilaw ng mga poste sa paligid. Ang mga dahon ng mga puno ay sumasabay sa galaw ng hangin. Nang tumingin si Ellie sa langit, naroon ang bilog na buwan. Huminto sila.
“Bakit tayo nandito?” tanong niya kay Iris. Nandito kasi sila sa lugar na pinuntahan niya kaninang umaga.
“Itatanong ko sa iyo, Ellie, may isang bagay ka bang matagal nang minimithi sa buhay mo?”
Nag-isip si Ellie, “Hmm. Meron syempre.”
“Gusto mo bang makuha iyon?”
“A. Oo naman!” sagot niya, tila naguguluhan. Ano kaya ang ibig sabihin ni Iris?
Hinawakan ni Iris ang kamay ni Ellie at naglakad sila papasok sa lugar na iyon. Napakaraming puno sa paligid na parang nasa isang kagubatan sila. Bawat paghakbang nila ay lumalagatok ang maliliit na sanga at tuyong dahon. Nalagpasan na nila ang puno kung saan nabasa ni Ellie ang mga pangalang Mildred at Rico. Patuloy sila sa paglalakad na parang walang katapusan ang daan na kanilang tinatahak. Nang huminto si Iris ay huminto na rin si Ellie. Ngayon lang siya nagawi sa lugar na ito. Kitang-kita na kahit madilim na sa paligid ay maliwanag pa rin sa parteng ito. Marahil ay gawa ng sinag ng buwan.
Nagsalita si Iris, “Ellie, kung may bagay kang hihilingin, isang bagay na gusto mong makamit, maglabas ka lang ng barya. Kahit magkano! Tutuparin ng wishing well ang mga kahilingan mo.”
Wishing well. Oo, isang wishing well nga. Sa hitsura nito, matagal na sigurong naitayo ang wishing well na ito rito. Naglakad sila palapit sa wishing well at nakita ni Ellie roon ang maraming barya, ang iba ay nilulumot na. Tiyak na may mga nagpupunta rin dito bukod kay Iris.
Naglabas si Ellie ng piso at nang ihulog niya ito, hindi isang hiling ang inusal niya kundi isang katanungan.
“Sino sina Mildred at Rico?”
Lumubog na ang piso. Nadagdagan na naman ng barya ang wishing well. Natutupad nga ba talaga ang bawat hiling mo? Ano kaya ang kasagutang hatid nito?
***
No comments:
Post a Comment