No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (19)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



***
Kabanata 19

     Maaga akong nagising upang ihanda ang aking sarili sa isa na namang bagong pakikipagsapalaran sa eskwelahan. Pagtapak ko pa lamang sa baitang ng hagdanan ay naamoy ko na ang aroma ng nilulutong pagkain sa kusina. Nakapagtataka sapagkat wala namang ibang tagaluto sa bahay kundi ako. Nang makababa na ako ay nakita ko ang isang 'di inaasahang tao, ang papa ko. Siya ang nagluluto sa kusina. Nakauwi na pala siya ng bahay. Matagal-tagal na rin noong huli ko siyang nakita. 'Di kasi siya makauwi dahil nagtratrabaho siya sa malayong lugar. Saglit ko siyang tiningnan, na-miss ko kasi siya, at napansin niya ako.

     “Gising ka na pala, Denise,” ang sabi ni papa sa akin.
     “Kailan pa po kayo nakauwi?” tanong ko kay papa.

     Saglit siyang nag-isip. “Hmm. Kagabi, mga alas onse y medya,” sagot niya. “Naabutan ko sina Kuya Richie at Ate Diana mo na gising pa. Si Jobert naman tulog na. Sinilip nga rin kita sa kuwarto mo, baka kasi gising ka pa.” Natatawa pa niyang sinabi ang, “Naghihilik ka na e kaya hindi na kita ginising.” Napangiti ako. Talaga bang naghihilik ako?

     Tinulungan ko si papa na maghanda ng agahan. Hinanda ko ang hapag-kainan at matapos ay isa-isa nang nagising ang mga kapatid ko. Nang makumpleto kami, dumulog na kami sa hapag-kainan. Binigyan ako ng matalim na tingin ni Ate Diana nang iabot ko sa kanya ang platong may lamang kanin.

      “Diana, ‘yang tingin mo,” pagpuna ni papa kay Ate Diana. Inayos ni Ate Diana ang tingin niya at kumain na lamang. Hindi ko talaga alam kung bakit siya nagagalit sa akin. Hindi ko na lang siya pinansin. Ganyan naman siya palagi.

     Nang maihanda ko na ang sarili ko, lumabas na ako ng bahay. Bago tuluyang makaalis, inabutan ako ni papa ng malaking baon na siya namang kinainis ni Ate Diana.

     “Palibhasa kasi sipsip,” sabi niya sa akin, tapos ay umalis. Nauna na siyang maglakad.
     “Huwag mo nang pansinin ‘yang ate mo,” sabi ni papa.
     “Alam ko naman pong ganyan siya,” tugon ko at humayo na ako. 

     Sumakay na ako sa jeep at pagkakataon nga naman talaga, nakita kong laman din ng jeep si Carl. Mukhang nagulat pa siya nang makita ako. Nang umusog ang mga tao, hindi ko alam kung sinadya nga ba nila ang ginawa nila dahil napatabi ako kay Carl.

     Ang sama! Hindi ako makakilos nang maayos. Gusto ko sanang kumuha ng barya sa bulsa ko para magbayad kaso natatakot akong mapadikit ang braso ko sa braso niya. Hanggang sa may bumabang pasahero, umusog si Carl, at nakakuha ako ng barya sa bulsa. Ibinayad ko iyon. Hindi rin ako nakaligtas dahil si Carl ang nag-abot ng bayad ko at… nahawakan niya ang kamay ko.

     Nang makababa na ako, binilisan ko ang paglalakad ko para hindi ko siya makasabay. Nagtagumpay ako dahil pagtingin ko sa paligid ay wala na siya o baka hindi ko lang siya nakita. Sa dami ba naman ng mga nagsisiksikang estudyante. Luminga-linga ako para masigurong wala na siya. Wala na nga talaga siya. 

     “Teka Denise, ano bang ginagawa mo? Bakit mo ba hinahanap si Carl?” tanong ko sa sarili ko. Pagkatapos ay naramdaman kong may humila sa kanang kamay ko. “Aray!” napasigaw ako at pagtingin ko, si Carl pala.

     Tinaasan niya ako ng boses. “Gusto kitang makausap!” sabi niya.

     May humila naman sa kaliwang kamay ko. “Huwag kang sasama,” sabi ng isa pang boses. Si Marvin. 

     Ano ba itong nangyayari? Ang kambal nandito! At, ehemm… pinag-aagawan ako. Pakiramdam ko tuloy ang haba-haba ng buhok ko. Hindi rin maganda dahil pakiramdam ko rin ay nasa gitna ako ng dalawang nag-uumpugang bato.

     “Bakit ba lagi kang umeeksena?” tanong ni Carl kay Marvin. “Bitiwan mo si Denise dahil kakausapin ko siya,” utos ni Carl.
     “Ikaw ang bumitiw kay Denise,” sabi ni Marvin.
     “Bitiwan mo siya kundi sasapakin kita!” pagbabanta ni Carl.
     “Gawin mo! Kala mo uurungan kita?” sagot naman nung isa.

     Hindi na ako komportable sa mga nangyayari. Sinubukan kong kumawala sa kanila pareho. “Kayong dalawa, bitiwan ninyo ako,” sabi ko sa kanila. Walang may gustong bumitiw. “Nasasaktan na ako, ano ba!” sigaw ko. Nagtinginan ang ibang dumadaang estudyante sa amin. 

     “Anong tinitingin-tingin ninyo riyan?” tanong ni Carl sa kanila. Natakot ang mga iyon at naglakad na lamang.

     Binitiwan na ako ng kambal at tinungo ko na ang silid-aralan namin. Ang dalawa ay nakabuntot sa akin. Umupo na ako at si Marvin ay ganoon din. Tinabihan niya na ako at hindi na nakalapit si Carl sa akin nang inakbayan ako bigla ni Marvin.

     Napatingin ako sa kanya. Marahil ay dahil sa pagkagulat at kaunting kilig. Nangungusap ang mga mata ko. “Anong ginagawa mo?” tanong ng isip ko.

     Nakangiti lang ang mukhang iyon sa akin at sabi ni Marvin, “Dito ka lang sa mga bisig ko. Ligtas ka rito.” Bagot na bagot naman si Carl at nagdabog pa nang marating ang puwesto niya.

     Sa tambayan. Nang magkaroon ng libreng oras, nagtungo si Carl doon kasama sina Angel at Gelo. Hindi mapakali si Carl na pinag-alala naman ng dalawa naming kaibigan.

     “Nakakainis! Arrgh! Nakakainis talaga!” paulit-ulit niyang sinasabi.
     “Carl, kumalma ka na, puwede ba?” pakiusap ni Gelo sa kanya.
     “Paano ako kakalma, Gelo? Paano?” tanong ni Carl. “Hindi ako makalapit kay Denise! Lagi na lang bumubuntot sa kanya yung bodyguard niya!” pagmamaktol niya. 
     “Nagseselos ka ba kay Marvin?” bigla namang naitanong ni Angel.

     Nagpintig ang tainga ni Carl at tumigil sa pagmamaktol. “Ano? Ako, nagseselos?” balik na tanong niya. Para bang hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Angel.

     “Yes, you’re jealous because nagiging close na sina Denise at Marvin, at overprotective na rin si Marvin kay Denise,” sagot ni Angel.

     Napailing si Carl. “Alam ninyo ha, gusto ko lang kasing kausapin si Denise. Gusto kong mag-sorry sa kanya, pero ano? Nandiyan palagi ‘yang bwisit na kapatid ko! Kulang na lang itali niya si Denise sa katawan niya e!”

     “Carl, umamin ka na kasi,” sabi ni Gelo.
     “Ano? Anong aaminin ko?” nagtatakang tanong ni Carl.
     “Na mahal mo si Denise,” sabi naman ni Angel.

     Napangisi si Carl, “Puwede ba, hindi ko siya mahal.”

     “E bakit mo siya hinalikan?” tanong ni Gelo.
     “Dahil gusto ko,” sagot kaagad ni Carl.
     “Ginusto mo siyang halikan kasi mahal mo siya,” singit naman ni Angel.

     Kinamot ni Carl ng dalawa niyang kamay ang ulo niya. “Bakit ba ang kulit ninyo?” sabi niyang puno ng pagkainis.

     “Sa ginagawa mo kasing pag-dedeny Carl, pinapahirapan mo lang ang sarili mo,” pagpapatuloy ni Angel. “Alam mo, sa tingin ko, mahal ka ni Denise.”

     Sa sinabing iyon ni Angel, nawala ang tinik sa dibdib ni Carl. Nawala lahat ng pagkainis niya at ang hinihiling ni Gelo na pagkalma niya ay natupad. Kung alam lang siguro talaga ni Carl kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya. Kahit ako nga mismo, hindi ko maunawaan kung bakit ganito ako sa kanya. Kahit na utusan ko man ang damdamin ko na pigilan ang nararamdaman ko, hindi ko kaya. Siguro kahit na nagagalit ako ngayon sa kanya dahil sa ginawa niyang paghalik sa akin, pag humingi siya ng tawad, patatawarin ko siya kaagad pero nagdadalawang-isip din ako dahil sa mga sinabi sa akin ni Marvin tungkol kay Carl.

     Sandaling natahimik si Carl. Nagbuntong-hininga siya at sumuko na rin. “Hay! Oo na!” sabi niya kina Angel at Gelo.

     “Oo na?” tanong ng dalawa.
     “Panalo na kayo! Tama kayo, mahal ko nga talaga si Denise. Hindi ko lang kasi masabi dahil nahihiya ako, ok? At hindi ko rin matanggap sa sarili ko na mahal ko siya. Hay ewan ko! Oo, nagseselos ako kay Marvin. Naiinggit ako sa kanya kasi kaya niyang sabihin kay Denise ang nararamdaman niya, kasi nasabi niyang crush niya si Denise! E ako? Wala! Duwag!” pag-amin ni Carl. Kinantyawan tuloy siya nina Angel at Gelo.
     “Kung nandito lang sana si Denise. Kung narinig niya ang lahat ng ito, siguradong patatawarin ka na nun,” sabi ni Angel.

     Inakbayan ni Gelo si Carl, “Hindi naman sa nagiging bias ako pero alam mo Carl, sa inyong dalawa ni Marvin, sa tingin ko talaga mas bagay si Denise sa iyo e!”

     “Ano bang gagawin ko?” nalilito na si Carl.
     “Edi umamin ka kay Denise na mahal mo nga talaga siya,” mungkahi ni Gelo.
     “Ganoon na yun? Akala mo ba madali yun?” sarkastikong tanong ni Carl.
     “Sa tingin ko,” sagot naman ni Gelo, halatang hindi pinag-isipan.
     “O sige ganito, makinig kayo Angel, Gelo,” sabi ni Carl sa dalawa. “Sasabihin ko kay Denise na mahal ko siya pero sa isang kondisyon.”
     “Ano naman yung kondisyon?” tanong ni Gelo.
     “Pumayag muna kayo,” sabi ni Carl.
     “Ok, fine! Fine pumapayag na kami,” sagot ni Angel. Nagkaroon na nga sila ng kasunduan.
     “O ayan ha, malinaw na usapan ito,” sabing muli ni Carl. “Pumayag si Angel at ikaw Gelo ano, pumapayag ka ba?” tanong niya.
     “Oo na, payag na ako,” sagot ni Gelo.

     Sinabi na nga ni Carl ang kasunduan. “Sige, sasabihin ko kay Denise na mahal ko siya iyan ay kung sasabihin mo, Gelo, kay Arlene na crush mo siya!”

     Hindi makapaniwala si Gelo, “Ano???” Tumawa nang malakas si Angel, “Hahahahaha! Ok lang, hindi naman ako involved diyan.”

     Natawa si Carl, “Anong hindi involved? Kasama ka rito. Ikaw naman, makikipagbati ka kay Rhea.”

     “Eeeew! No way!” pagtanggi ni Angel.
     “Carl, ano ka ba naman, iba na lang!” pangungulit ni Gelo.
     “Hindi! Pumayag kayo sa kondisyon e! At tumanggi na rin kayo. O ayan, edi malinaw na ang usapan ha? Dahil ayaw ninyo, ayaw ko rin. Hindi ko mahal si Denise, ok?” At isinigaw niya pa, “Hindi ko siya mahal! Hindi ko mahal si Denise!!!”

     Pagkasabi ni Carl nun, nagulat sina Angel at Gelo dahil…

     “O bakit ganyan ang mga mukha ninyo?” tanong ni Carl sa dalawa.
     “Sa likod mo Carl,” sabi ni Gelo. 

…naroon ako. Tinuro ako ni Gelo. Lumingon si Carl at nakita ako. “Denise!” nagulat rin siya. 

     Narinig ko ang mga sinabi niya. “Hindi ko siya mahal! Hindi ko mahal si Denise!!!” Malakas at malinaw. Ang sakit pala. Pumunta pa naman ako roon para kausapin siya. Iniwan ko nga si Marvin, nagsinungaling ako at sinabi kong may pupuntahan ako, na may gagawin akong mahalaga, pero hindi ko sinabing pupuntahan ko si Carl. 

     “Gusto sana kitang kausapin, Carl,” nasabi ko na lamang.
     “Denise, narinig mo ba yung —”
     “Ok lang. Wala naman sa akin yun e,” sagot ko. Nakita ko ang pag-aalala sa mukha ni Carl, maging sa mukha nina Angel at Gelo. Tumalikod na ako at sinabi ko sa kanya, “Kung gusto mo rin akong makausap sundan mo na lang ako.” Naglakad na ako palayo.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly