No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Sunday, April 22, 2012

Alumni: High School Memories (17)

Paunawa: Hindi ko lubos na kilala ang mga mukhang inyong nakikita. Nakuha ko lang iyan sa isang social networking site. Kung may nakakakilala man sa kanila, pakihayag na lang ang lubusan kong paghingi ng paumanhin dahil sa pagkuha ng mga litrato nila...... Para sa kalokohan kong istorya...



***
Kabanata 17

     Tumakbo akong umiiyak papunta sa tambayan namin.

     “Ang daya! Ang daya ni Carl,” nasa isip ko. Bakit siya ganoon? Ginawa ko naman ang gusto niya. Sinikap kong mag-aral nang mabuti para hindi matupad yung pangalawang kondisyon niya sa kasunduan.

“Tatalunin mo siya o hahalikan kita?”

     Pero anong ginawa niya? Hinalikan niya pa rin ako. Hindi niya na ako nirespeto. Ang sama niya! Hindi siya tumupad sa napag-usapan.

     Nang makarating na ako sa tambayan namin ay agad akong nagpaalam kina Angel at Gelo. “Mauuna na ako,” sabi ko sa kanila. Takang-taka yung dalawa.

     “Bakit Denise?” tanong ni Angel.
     “O bakit ka umiiyak?” tanong naman ni Gelo. Napansin pala niya. Hindi na ako nagpaliwanag at dali-dali akong lumabas ng campus. 

     Nagmadali akong sumakay ng jeep ngunit nang pasakay na ako ay may humila ng kamay ko. Napalingon ako at nakita ko ang mukhang iyon… nakita ko si Carl. Biruin mong naabutan niya pala ako.

     “Bumaba ka riyan!” utos niyang pagalit.
     “Ayoko!” pagmamatigas ko at pinilit ko talagang sumakay ng jeep. 

     Ngunit wala akong nagawa. Habang pinipilit kong sumakay ay lalong bumibigat ang kamay niya at patuloy niya akong hinihila pababa. At nagtagumpay siya. Nahila niya ako pababa. Humarurot yung jeep, nagbuga pa nga ng maitim na usok. Ilang sandali pa’y nakita ko na lang ang sarili ko na nasa mga bisig ni Carl. Nasa likuran ko siya at nakayakap siya sa akin. Patuloy sa pagtulo ang mga luha ko at ibinulong niya sa aking tainga ang salitang, “Sorry.”

     May naalala akong sinabi niya sa akin dati, “‘Wag kang mag-alala, sa susunod hindi na kita yayakapin!” Pero ngayon heto, yakap-yakap niya ako. Gaya noong una, hindi ko nagawang kumalas sa mga bisig niya. Nandito kami sa labas ng campus, sa kalsada at sa harap ng barkada. Nakita ko si Marvin. Nakita ko ang malungkot niyang mukha. Noong mga oras na iyon, pakiramdam ko ay hinang-hina na ako at bigla na lang dumilim ang paligid.

     “Denise!” sigaw nilang lahat. 

     Pagmulat ko ng mga mata ko ay nasa kuwarto na ako, sa aking sariling silid. Ano kayang nangyari? Bakit napunta na lang ako rito bigla? Pagtingin ko sa orasan ay alas onse na (ng gabi). Lumabas ako sa kuwarto at bumaba. Kumuha ako sa ref ng maiinom na tubig tapos ay pumasok ako sa banyo.

     Tumingin ako sa salamin. Tinitigan ko ang sarili kong mukha hanggang sa napatingin ako sa mga labi ko at naalala ko ang ginawa ni Carl sa akin. Kumuha ako ng sabon. Kinuskos ko ng sabon ang bibig ko. Hinilamusan ko ang mukha ko. Nagsipilyo rin ako. Matatanggal pa kaya ang bisa ng halik na iyon? Napatakip ako sa mukha ko. Si Carl… siya ang first kiss ko. Bumalik na lang ako uli sa kuwarto at natulog. Sana pag gising ko bukas ay maging maayos na ako.

     Kinabukasan, sinabi sa akin ni Kuya Richie ang nangyari. Hinimatay raw ako at dinala ako sa bahay ng tatlong lalaki at isang babae. Paniguradong sina Angel iyon. Sabi pa nga ni Kuya Richie ay buhat-buhat ako ng lalaking gwapo, maputi at matangkad. Kilala ko na kung sino ang inilarawan niya. 

     Naghanda na ako ng sarili at pumasok na ako sa paaralan. Nadatnan ko sina Angel at Gelo roon sa tambayan namin. Umupo ako at kinausap nila ako.

     “Denise, ok ka na ba?” tanong sa akin ni Angel.
     “Ok na ako,” sagot ko. 
     “Nalaman na namin ang nangyari. Kaya ka naman pala umiyak e!” sabi ni Gelo.
     “Naiinis ako kay Carl. Nakakahiya kasi e,” sabi ko.
     “Ano bang nakakahiya roon? Bakit, may nakakita ba sa inyo?” tanong ni Gelo.
     “Wala. Wala siguro. Kami lang ang tao sa roof top,” sagot ko.
     “Kaya naman pala ang tagal ninyo. May ginagawa na pala kayong milagro ni Carl,” natatawang sabi ni Gelo. Siniko siya ni Angel.
     “Denise, it’s part of growing up,” sabi sa akin ni Angel. “Mahal ka lang ni Carl kaya niya ginawa yun.” 

     Nagpintig ang tainga ko. “Mahal?” tanong ko. “Hindi mahal yun. Pambabastos yung ginawa niya sa akin at isa pa, wala naman siyang ibang mahal kundi si Dara.”

     Nagulat sina Angel at Gelo, “May alam ka tungkol kay Dara?” 

     “Matagal ko nang alam ang tungkol kay Dara,” sagot ko. Nalungkot ako, gayundin silang dalawa.
     “Edi lumabas din ang totoo,” sabi ni Gelo.
     “Anong totoo?” tanong ko naman.
     “Na nagseselos ka kay Dara,” sagot niya.
     “Hindi ako nagseselos sa kanya. Sinasabi ko lang naman ang totoo na si Dara lang ang mahal ni Carl. Siya lang, kahit wala na siya. Naiintindihan ninyo? Siya lang!” sabi ko at sinabi ko rin kay Angel ang, “Kaya Angel huwag mong sasabihing mahal ako ni Carl kasi hindi yun totoo.” Umalis ako sa tambayan. Iniwan ko na sila.

     Pumunta na ako sa silid-aralan namin. Wala pang tao pero sa paglipas ng ilang minuto ay isa-isang nagdatingan ang mga kaklase ko. Pumasok si Carl sa classroom. Nakita kong may band aid ang mukha niya. Sunod ay dumating si Marvin at tinabihan niya ako.

     “Huwag kang mag-alala, pinaghiganti na kita,” sabi niya sa akin. “Nakikita mo yung band aid sa mukha ni Kuya Carl? Sinuntok ko yun.”
     “Bakit mo ginawa yun?” tanong ko.
     “Binastos ka niya, 'di ba? Hinalikan ka niya. Hindi ako papayag na ganunin ka niya.”
     “E ikaw, sinaktan ka ba niya?” 
     “Sinuntok niya rin ako pero ok lang.”

     Nakita ko ngang may sugat siya malapit sa labi. Hinawakan ko iyon.

     “'Di naman gaanong masakit. Huwag kang mag-alala, ayos lang ako,” sabi niya at nginitian niya ako.
     “Sa susunod ‘wag mo nang gagawin yun. Ayokong pati ikaw ay masaktan ng dahil sa akin,” sabi ko sa kanya.
     “Ok lang sa akin kahit na masaktan ako basta maipagtanggol lang kita, Denise,” sagot naman ni Marvin. “Hindi ko hahayaang bastusin ka ng kahit na sinong lalaki. Kahit na kapatid ko pa siya, papatulan ko talaga siya.” Nilingon niya si Carl at sinabi, “Lokong yun, inunahan pa ako.”

     Napangiti na lang ako, “Sira ka talaga!” 

     Dahil sa mga sinabi ni Marvin, gumaan ang pakiramdam ko. Masaya ako dahil may isang gaya niyang handang magtanggol sa akin at kaya akong irespeto.

     Sabado. Kuhaan ng report card namin. Buti at napakiusapan ko si Kuya Richie na kunin ang card ko. Ibinigay niya sa akin kaagad ang card nang makarating na siya sa bahay.

     “Top one ka pala ha, Denise. Bakit hindi mo sinasabi? Congrats,” sabi ni Kuya Richie.
     “Thank you,” pagpapasalamat ko.
     “A siyanga pala, may nagpapabigay nito,” inabot ni Kuya Richie ang isang kapirasong papel.
     “Sino?” tanong ko nang tanggapin ko ang papel.
     “Lalaking gwapo, maputi at matangkad,” paglalarawan ni Kuya Richie. Alam ko na kung sino.

     Nang buksan ko ang kapiraso ng papel, nakita kong nakalagay roon ang,

     Magkita tayo sa campus, please lang. Hihintayin kita.

     -Carl

     “Bahala ka. Hindi ako pupunta!” isip ko. Nilamukos ko yung papel at itinapon iyon sa basurahan.

***

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly