MGA TAUHAN
Pangunahing Tauhan
Lena Madrid- Mabait, maganda, kaso mahiyain. Nasa ika-apat na taon sa mataas na paaralan, ang tangi niyang pangarap ay maging kaibigan at kaklase ang taong pinakagusto niya, si Ran.
Ryan Cristobal- Matalik na kaibigan ni Lena na naging kaklase niya mula unang pangkat sa Mababang Paaralan hanggang ikatlong taon sa Mataas na Paaralan. Kaligayahan niya ang nakikitang masaya si Lena sa piling ni Ran ngunit sa kabila nito ay nasasaktan din. Siya ay magaling maglaro ng basketball at kasapi sa Varsity Team ng paaralan.
Ran Arnaiz- Isang gwapo at matalinong tao. Ang pinakagusto at hinahangaan ni Lena dahil sa kanyang talento sa pagtugtog ng gitara. Mayroong isang lihim na pinagkatagu-tago. Malaki ang kanyang pasasalamat sa pagdating ni Lena sa kanyang buhay.
Timothy Santos- Mas kilala sa tawag na Tweety, siya ang kaibigang matalik nila Lena na kasapi sa ikatlong kasarian. Humahanga rin kay Ran ngunit nagkaroon rin ng sama ng loob dito.
Millie Deogracias- Kaibigan ni Ran na tanging sumusuporta sa kanya. Pilit niyang inilalagay si Ran sa tamang landas. Siya ang nagsiwalat ng lihim nito.
Iba pang tauhan
Lara- Ate ni Lena at kanyang kasundo sa lahat ng bagay.
Rey- Ama ni Lena na magaling rin sa basketball.
Nike, Mac, Kevin at Jay- Miyembro ng Varsity Team na kasama ni Ryan sa paglalaro. Lahat sila ay nagmula sa seksyon 1.
Mai at Jane- Magkaibigang walang ginawa kundi ang magpapansin.
Bb. Laxa- Guro ng Seksyon 1.
Coach Miguel- Coach ng Varsity Team.
Bakla #1, 2 at 3- Mga baklang kaibigan ni Tweety.
•Sa eskwelahan, unang araw ng klase- ang araw na pinakahihintay ng lahat ng mag-aaral sapagkat makikita na naman nila ang kanilang mga kaibigan, mga dating kamag-aral at ang mga taong gusto nila. Ito ang araw na nalaman ni Lena na kamag-aral niya si Ran.
•Sa Principal’s office- dito kumukuha sina Lena at iba pang mag-aaral ng kanilang seksyon at permit upang makapasok sa silid-aralan.
•Ang silid-aralan ng seksyon 1- dito inihatid ni Ryan si Lena matapos malamang seksyon 1 pala ito. Ito rin ang silid kung saan naganap ang unang pag-uusap nina Lena at Ran.
•Bahay ni Lena- kasama niyang nakatira rito ang kanyang ate at ama. Sa kabilang street ay ang bahay ni Ran.
•Bench- kung saan madalas mag-usap sina Lena at Ryan.
LENA: (Mag-aantanda muna ng krus, lalapit sa bulletin board. Ang mithiin ay tingnan ang seksyon sa listahan)
TWEETY: (Hahampasin si Lena gamit ang pamaypay) Uy, Lena!
LENA: Aray! (Lilingon at makikita si Tweety)
TWEETY: Anong ginagawa mo? Over na iyan ha! May pa dasal-dasal effect ka pa riyan!
LENA: Ito namang baklang ito, nanghahampas pa, o!
TWEETY: Excuse me? Anong tinawag mo sa akin? Bakla? F.Y.I, ako ay isang diyosa, isang babae! Kaya’t huwag na huwag mo akong tatawaging bakla, bruha ito!
LENA: Whatever! Babae na kung babae.
TWEETY: E, ano nga ang ginagawa mo? Bakit nagdadasal ka sa harap ng bulletin board? Kahit anong gawin mo, kahit mag ritwal ka riyan, ineng, at samba-sambahin mo iyan, hindi na tataas ang seksyon mo kung hindi mo naman pinag-igihan last year.
LENA: Hindi naman ako naghahangad ng mataas na seksyon. Nananalangin ako na kahit ngayon lang, as in ngayon lang talaga!
TWEETY: (Bubulong) May ganun?!
LENA: Nananalangin ako na sana maging… (Animo’y kumukutitap ang mata) kaklase ko naman si Ran ngayong taon. (Magbubuntong-hininga) Hay…
TWEETY: Si Ran? (Tatawa) Bwahahahaha! Haler?! Hindi mo mari reach yun, no! Ang utak ng taong iyon ay to the highest-level na. Imposibleng maging magkaklase kayo nun.
LENA: Bakit naman imposible?
TWEETY: Parang ganito kasi iyan, kunwari nalaman mong baog ka. Kahit magsasasayaw ka pa sa Obando at magtata tumbling o magtutu tuwad doon, kung alam mong imposible nang magkaanak, it’s no use.
LENA: Anong koneksyon?
TWEETY: (Tatapikin ang noo) Ay, ang hina pumik-up! Natanggal na ba yung antenna mo? Ibig sabihin, kung alam mong imposible mo nang maging kaklase si Ran, huwag ka nang mangarap!
LENA: Libre naman ang mangarap, a!
TWEETY: Sinabi ko bang hindi?
LENA: (Magtatampo) Pangit ba ako?
TWEETY: Pangit? Hindi, a! Mas pangit pa nga ako sa iyo, no!
LENA: E, ganun ba talaga iyon ka imposible?
TWEETY: Oo mare, ganoon talaga. Kaya nga ako, ito, gaya mo, wala na ring pag-asa kay Ran. Kung gusto mo, magtiis ka na lang kay Ryan. Alam mo, bagay na bagay kayo! Kayong dalawa ay maituturing na ‘Perfect Match’!
LENA: Baliw! Kaibigan natin iyon. Huwag mo nga kaming aasarin!
TWEETY: (Bubulong) Hmmp! If I know, may pagtingin ka rin doon sa lalaking iyon! Tinatago mo lang.
LENA: Anong binubulong-bulong mo riyan?
TWEETY: Wala! Sige na, huwag mo nang pagkatitigan iyang bulletin board. Pero, malay mo, maging kaklase mo nga si Ran ngayon. And maybe, that’s what you call destiny.
NAGLALAKAD SILA…
RYAN: (Susulpot bigla, aakbay kay Lena) Hi Lena!
LENA: Hi ka riyan! (Tatanggalin ang kamay ni Ryan)
RYAN: Sungit naman nito! Long time no see, a!
LENA: Miss mo na ako niyan?
RYAN: Aba naman… Syempre!
LENA: Teka, saan ka ba nanggaling? Bigla ka na lang sumusulpot diyan na parang kabute! Nagbasketball ka na naman, ano?
RYAN: Tama! At kasama ko si Nike.
LENA: Ang aga-aga pa, e! Tingnan mo, pinagpapawisan ka na, o!
RYAN: Ayos lang, wala namang aamoy sa akin, e! Isa pa, gusto kong mag-practice ng maaga para sa Championship. Pahiram ng bag! [Hahablutin ang bag ni Lena, (LENA: Uy!) kakalkalin, makikita ang baon ni Lena] Ayos! Painom ng tubig! (Iinumin ang tubig) Aaah! Ang dami mo namang pagkain dito! Binili mo ito para sa akin? Ang bait mo talaga!
LENA: Lagi mo namang sinasabing mabait ako pag may pagkain ako.
RYAN: (Bubuksan ang isang balot ng sitsirya, kakainin) Hindi, a! Sinasabihan rin naman kitang mabait ka kapag binibigyan mo ako ng papel, pinapahiram ng ballpen, pinapakopya ng assignment, nililibre ng pamasahe at kapag nagchee-cheer ka sa mga laban ko. O di ba? (Ubos na ang sitsirya, lalapit kay Tweety at lalambingin) Timothy…
TWEETY: He! Huwag mo nga akong matawag-tawag na Timothy. Tweety ang pangalan ko. Tweety! Tweety!! Tweety!!!
RYAN: Oo na, ang dami mo pang sinasabi! Ikaw na ang bahala rito. (Sisenyasan si Tweety na umalis para ma-solo si Lena)
TWEETY: O sige na, ako na ang magtatapon nito. Pasalamat ka mabait ako. (Aalis)
RYAN: Lena, kunin na natin yung permit sa Principal’s office. Alam mo naman, di ba? Kailangan natin yun para makapasok sa classroom at saka dun din nakalagay yung magiging seksyon natin.
LENA: E teka, paano si Tweety?
RYAN: (Hihilain si Lena) Pabayaan mo na yun! Kaya niya na sarili niya!
NAGLALAKAD SILA…
RYAN: Lena, ano ang mararamdaman mo kung maging classmate mo si Ran?
LENA: Syempre, magiging masaya ako.
RYAN: Bakit?
LENA: Paano ba naman kasi, ang tagal-tagal ko nang humahanga sa kanya at nangangarap na sana naman, maging magkaibigan kami. Kaya, kung magiging magkaklase kami, sobrang saya ko na.
RYAN: Paano naman kung hindi na tayo magkaklase, ano ang mararamdaman mo?
LENA: Malulungkot ako.
RYAN: Bakit?
LENA: Syempre, gusto ko, kaklase ko pa rin yung bestfriend ko.
RYAN: (Ituturo ang sarili) Ako ba yung BESTFRIEND na tinutukoy mo?
LENA: Sino pa nga ba? Saka, seatmates tayong tatlo ni Tweety nang ilang taon, maninibago ako kapag hindi na tayo ang magkakaklase at magkakatabi.
SA PRINCIPAL’S OFFICE…
RYAN at LENA: (Sasandal sa pader sa labas ng office)
TWEETY: (Naitapon na ang kalat, pupunta na rin sa Principal's office, makikita sina Lena at Ryan) Aba! Ayun sina Lena! (Pipila na rin sa likuran ni Lena)
RAN: (Biglang dadating, sisingit sa pwestong pipilahan ni Tweety)
TWEETY: (Kakalabitin ang taong sumingit) Hoy! Ayos ka ha!
RAN: (Lilingon)
TWEETY: (Mahihiya kapag nakita si Ran) Ay! Sorry!
RAN: (Yuyuko)
TWEETY: (Mag-iisip, kikiligin) OMG si Ran pala to! (Tatawagin si Lena, pabulong lamang) Lena! Lena!
LENA: (Titingin sa likuran kung saan naririnig ang boses ni Tweety, makikita si Tweety na nakapila ngunit ang unang makikita ay si Ran!)
RAN: (Nakayuko, tutungo, magkakatinginan sila ni Lena)
LENA: (Sobrang hiya, iiwas ng tingin)
RYAN: (Magtataka) Asan na kaya si Tweety? Ang tagal namang magtapon ng kalat nun.
TWEETY: (Kakaway)
RYAN: (Makikita si Tweety, magugulat din kapag nakita si Ran) O! (Tatapikin ang likod ni Lena) I’m very very happy for you!
LENA: Sana naging ganito na lang tuwing umpisa ng klase dati pa…
PAGKARAAN NG ILANG MINUTO…
RYAN, LENA at TWEETY: (Bubuo ng isang bilog)
RAN: (Nakatayo lang sa labas ng office, mukhang may hinihintay)
RYAN: (Kakausapin ang mga kasama) Pagbilang ko ng tatlo, sabay-sabay nating buksan itong sobreng ito. Tapos, banggitin natin yung seksyon natin. Isa! … Dalawa!! … Tatlo!!!
RYAN, LENA at TWEETY: (Bubuksan ang sobre)
RYAN at TWEETY: Two! (LENA: One.)
RYAN: (Magugulat) One ka?
MILLIE: (Papasok sa eksena, lalapitan si Ran, magtatanong) Ran, anong seksyon mo?
RAN: Gaya ng dati, one pa rin.
RYAN, LENA AT TWEETY: (Mapapatingin kay Ran)
RAN at MILLIE: (Aalis)
LENA: One ako? Ibig sabihin… classmate ko si Ran!
TWEETY: Mare, mukhang wish come true na ito! (Maglululundag kasama si Lena)
RYAN: (Madidismaya, magyayaya) Hatid na natin ito!
SILID-ARALAN NG SEKSYON 1…
MAI: (Makikita sina Ryan at ang iba pa na nakatayo sa pintuan, sisikuhin ang katabi) Jane, di ba, si Ryan iyon? Yung magaling mag-basketball? Seksyon one ba siya?
JANE: Hindi, Mai! Sabi ni Ran kanina, seksyon two raw siya.
MAI: E, sino yung kasama niyang babae?
JANE: Sino sa dalawa?
MAI: Yung tunay na babae, sira!
JANE: Lena Madrid, bestfriend ni Ryan.
MAI: Sino naman yung nag-aanyong babae?
JANE: Timothy Santos. Tweety kapag gabi.
MAI at JANE: (Magtatawanan)
***
RYAN: (Makikita ang guro, babatiin) Good morning, Ms. Laxa. (Aayusin ang kwelyo ni Lena) Magpapakabait ka riyan, ha! Kailangan wala kang kaaway para wala silang masabi sa iyo.
LENA: (Hindi nakikinig sa sinasabi ni Ryan, may hinahanap kasi)
RYAN: (Mapapansin si Lena) Uy, nakikinig ka ba? Ba’t nakangiti ka riyan? Siguro, masaya ka dahil naging kaklase mo siya, no? Sigurado ka bang mapapansin ka niya?
TWEETY: (Papaluin si Ryan) Ano ka ba!
RYAN: Sige, aalis na kami!
TWEETY: Ba-bye!
RYAN at TWEETY: (Iiwan si Lena)
***
LENA: (Papasok sa silid-aralan, ibibigay ang permit sa guro, uupo)
RAN: (Tatayo sa kinauupuan, magtatanong kay Lena) Pwede bang… tabi na lang tayo?
LENA: (Mahihiya) A… pwede… syempre…
RAN: (Tatabihan si Lena) Ikaw si Lena Madrid, di ba?
LENA: (Magugulat) Kilala mo ako?
RAN: Lagi kitang nakikita sa mga laban ng team ni Ryan. Magka anu-ano ba kayo?
LENA: Magkaklase kami mula grade one. Matalik kaming magkaibigan.
RAN: Matagal na pala, no? Ang swerte mo naman! Alam mo ba ako, kaunti lang ang kaibigan ko.
LENA: Ayos lang iyan, marami ka namang taga-hanga! Sa klase namin noong nakaraang taon, ang daming nagkakagusto sa iyo! (Mag-iisip) At isa na ako roon. Hehehe…
RAN: Hindi ko naman kailangan ng taga-hanga. Ang kailangan ko, kaibigan. Ang taga-hanga, humahanga sila sa iyo dahil sa mga positibong ugali mo, kapag negatibo aayawan ka. Samantalang ang kaibigan, natutuwa sa positibo at tinatanggap ang negatibo.
LENA: Sabagay!
RAN: Alam mo, mukha kang mabait. Gusto ko ang taong kagaya mo.
LENA: (Abot tainga ang ngiti) Talaga? Kung gusto mo, pwede tayong… maging magkaibigan! Kung… gusto mo lang naman. Pero, kung ayaw mo…
RAN: Syempre, gusto ko! (Makikipagkamay) Tinatanggap ko ang pakikipagkaibigan mo. Sana, tanggapin mo rin ang pakikipagkaibigan ko. Ako nga pala si Ran Arnaiz.
No comments:
Post a Comment