***
Chapter 17
Hans Meets Benjo
Galit ang nangingibabaw kay Reed ngayon. Pakiramdam niya ay tumataas ang presyon ng dugo niya. Para siyang kumukulong takore na kaunting init pa ay sasabog na. Nakatayo siya, nakatitig kay Hans na napaupo sa lakas ng suntok niya. Nakatitig din si Hans sa kanya. Pinagmasdan niyang mabuti ang mukha ni Hans. Kamukhang-kamukha nga nito si Benjo pero may napansin siyang pagkakaiba ng dalawa: may biloy si Hans sa kanang pisngi. Tumalikod na siya at naglakad na pabalik sa entablado, siya namang bangon ni Hans. Dumura si Hans, may halong dugo ang dura niya. Namamaga rin ang parte ng mukha niyang sinuntok ni Reed.
“Hey! Don’t you throw your back on me!” sigaw ni Hans. Napatigil si Reed sa paglalakad at lumingon. Tahimik lang ang lahat. “We’re not yet through!” dagdag ni Hans.
“Gusto mo ng isa pa? O sige, pagbibigyan kita!” itinaas ni Reed ang manggas niya at naglakad uli siya papunta kay Hans.
Biglang humarang si Iris, “Kuya Reed, tama na, please!”
“Hindi, hindi!” Hinawi niya si Iris. “Ang angas nitong bugoy na ito e!” sabay duro kay Hans. Nagtanong siya kay Iris, “Sino ba ‘tong dinala mo rito?” Sunod ay kay Hans, “At ikaw, anong akala mo purkit nagpakita ka rito ng may ganyang mukhang e matutuwa kami? Magkano pagawa mo riyan?”
Naguluhan si Hans, “What are you talking about?!”
“Whoa! Naka program pa yata para gayahin si Trish!” Narinig ang nakatakas na tawa mula kina Chad, Duncan, Ivan at Neri. Kung matatandaan, si Trish ang ingleserang dating kasintahan ni Ivan na ugat ng kamatayan ni Benjo.
Kinatok ni Reed ang noo ni Hans, “Ano ka ba? Clone ka ba? Kopyang-kopya mo yung mukha ni Benjo e! O baka naman robot ka? Sino ba nag-program sa iyo? Siya ba?” Tinuro niya si Kyle.
“Hoy! Wala akong alam diyan!” depensa ni Kyle. “Hindi ko nga kayo ma-gets e! Anong mukha? Sinong Benjo?”
Nilapitan ni Ellie si Kyle at inabot ang isa sa mga litrato ni Benjo. Kung mapapansin, nagkalat ang mga litrato sa bawat sulok ng bahay. “Siya si Benjo,” sabi ni Ellie. “Pinsan siya ni Reed.”
“Ehemm! Kuya Reed!” pagtatama ni Reed. Gusto niya kasing tawagin siyang “kuya” ni Ellie dahil boyfriend siya ng ate ni Ellie.
“Ok, ulit. Pinsan siya ni Kuya Reed.”
Nagulat si Kyle, “Ito ba si Benjo? Wait! Kamukhang-kamukha siya ni Hans a!”
Ngayon, alam na ng lahat kung ano ang pangalan ng binatang kamukha ni Benjo.
Lumapit si Kyle kay Hans at ipinakita ang litrato, “Look, Hans! Kamukha mo!” Maski nga si Hans ay nagulat.
“Siya ang bestfriend ko. Kaibigan namin siya. Siya ang dating drummer ng Rascals. Namatay siya kasi nabaril siya,” dagdag ni Ellie.
At dito napagtanto ni Hans ang lahat. Si Benjo pala ang tinutukoy ng babaeng nakausap niya noon sa bar, ni Iris. Hindi pa sila nagtatagpo noon.
“Alam mo, lima sila sa grupo pero nagkaroon ng aksidente. Namatay yung drummer nila kaya yung dating lead guitarist nila ang pumalit na drummer at yung vocalist nila, humahawak na ng gitara. Hindi ko makakalimutan yun. Hindi ko mapapatawad yung taong pumatay sa drummer nila. Hindi siya masamang tao. Wala siyang ginawang masama pero… pero… binaril siya,” ang mga linya ni Iris noon.
At siguro kung hindi niya sinuot yung paborito niyang shades noong gabing iyon, mamumukhaan siya ni Iris at sasabihing siya si Benjo.
“You are right. He really looks like me,” namamanghang sabi ni Hans.
“No! Hindi mo siya kamukha, ok? Hindi si Benjo ang nanggaya ng mukha! Baligtad! Kamukha ka niya! At kaya ka niya kamukha kasi ginaya mo ang mukha niya!” galit si Reed.
Hindi nagpatalo si Hans. “You listen! I don’t know Benjo and I have this face,” tinuro niya ang mukha niya, “since I was a kid.” Tinuro niya naman ang namamagang parteng sinuntok ni Reed, “And I got this one today.” Nagpatuloy siya, “I didn’t copy anyone else’s face, got it? Go ask my brother!” tinuro niya si Kyle.
Nasamid si Reed, “Magkapatid kayo? Hindi kayo magkamukha a!”
“Marami na ngang nakapagsabi niyan,” sabi ni Kyle na nakapamewang pa. “Alam mo, Mr. Vocalist, mula nang lumabas ako sa mundo,” hinawakan niya si Hans sa panga, “itong nakakairitang mukha na ito na ang nasilayan ko.” Binitawan niya na si Hans. “Hindi ko alam kung bakit magkamukha sila ni Benjo at kung may tanong ka naman kung bakit ganyan ang mukha niya, better ask our mom and dad kasi ‘di ba, sila yung gumawa sa amin?”
Kumalma na si Reed. “Ok, I’m sorry,” paumanhin niya. “Nabigla lang kasi ako dahil kamukha niya si Benjo,” tila malungkot siya. “Sorry Hans. Sorry —” kinukuha niya ang pangalan ni Kyle.
“Kyle. Evans brothers,” sagot ni Kyle.
“Sorry Kyle.” Naglakad na siya papunta sa entablado. Umupo muna siya saglit tapos ibinigay na ni Neri sa kanya ang mikropono.
Binalot ng katahimikan ang buong bahay. Nagsama-sama sina Kyle, Iris, Ellie at Neri sa isang lugar. Ilang sandali pa ay nilapitan ni Ivan si Hans. “Marunong ka?” tanong niya rito, inalok niya ang drumsticks na ginagamit ni Benjo noon.
Tumango si Hans. Napangiti si Ivan. Ibinigay niya ang drumsticks kay Hans. Lumapit sila sa entablado.
“Marunong daw siya mag-drums,” sabi ni Ivan kina Reed, Chad at Duncan. Nagulat ang tatlo. Parang gusto pa ngang umiyak nina Chad at Duncan.
Pumuwesto na si Hans. Kinuha ni Ivan ang gitara. Tumugtog na rin sina Chad at Duncan. Sa wakas, tumayo na si Reed sa kinauupuan at nagsimula nang umawit. Ang lahat ay nakikinig sa kanila. Masaya ang lahat. At dahil sa pagdating ni Hans na kamukha ni Benjo, nakumpleto na uli ang bandang Rascals.
Sa mansyon ng mga Evans, araw na ng Lunes, ala una ng madaling araw. Sermon ang natanggap nina Hans at Kyle galing kay Millie nang makauwi na sila sa bahay. Nalungkot si Kyle dahil ginalit nila ang kanilang ina pero mukhang ‘di apektado si Hans. Pinakinggan ni Kyle ang bawat sinabi ni Millie samantalang nagtaingang-kawali naman si Hans. Sa huli, hindi rin naman sineryoso ng magkapatid ang mga sinabi ni Millie. Nagbigay rin ng pahabol na tanong si Millie.
“Do you know what time is it?” galit na tanong ni Millie sa mga anak. “You made me so damn worried!”
Tumingin si Hans sa relo niya, “It’s one o five in my watch.”
“Ay advanced ng one minute yung sa’yo. One o four pa lang sa’kin,” sabi ni Kyle kay Hans nang tingnan naman niya ang oras sa cell phone niya. Tila nang-aasar pa ang magkapatid.
Sinubukang habaan ni Millie ang pasensya niya. “Where have you been?” sunod na tanong niya.
“Mom, we’re tired, ok? Enough of the questions,” iritang sagot ni Hans. Niyaya niya na ang kapatid niya, “Let’s go, Kyle.” Humikab siya, “Time to sleep.” Umakyat na ang dalawa.
Wala nang nagawa si Millie kundi pagmasdan ang magkapatid habang umaakyat ng hagdan. Malalaki na ang mga anak niya at lalong lumalala ang pakikitungo ni Hans sa kanya.
“You know, I hate it every time mom does that,” sabi ni Hans kay Kyle bago pa pumasok ang kapatid sa silid nito.
“Hindi ka ba masayang nag-aalala siya sa iyo?” tanong ni Kyle.
“Happy? Of course not! She’s damn so overprotective and I hate it! Sometimes I wanna say to her, Mom, get your own life! Kyle, can you understand me?”
“Oo, naiintindihan kita. O sige, tama na. Baka marinig ka pa nun. Matulog ka na. Inaantok na rin ako e!” Inikot na ni Kyle ang door knob at binuksan ang pinto ng silid niya.
Napaisip bigla ni Hans, “I was just wondering why she’s so overprotective. Why is she like that? Why is mom so worried every time I leave the house? Is she hiding something from me? Or is she hiding me from something?”
“Ewan ko! Itulog mo na nga lang yan. Irita na ako sa iyo e! Inaantok na ako. O sige babye!” Ibinagsak ni Kyle ang pinto. Pumunta na rin si Hans sa silid niya at natulog na.
Kinaumagahan. Nakapasok pa rin si Kyle nang maaga sa Unibersidad at kahit puyat, buhay na buhay pa rin ang dugo niya. Kasama na naman niya si Iris at nakuha pang magtsismisan ng dalawa. Sinabihan ni Iris ang Rascals na pupunta si Hans ngayon sa Unibersidad. Tamang-tama, may balak daw gawin ang Rascals kay Hans. Hindi naman masama ang gagawin nila. Pinag-usapan din nila kung ano ang nangyari kagabi at humingi si Iris ng paumanhin sa gulong idinulot niya sa magkapatid. Sinabi ni Kyle na ayos lang daw iyon dahil sanay naman si Hans sa mga ganoong pangyayari.
Nang mag-uwian, nakaabang si Hans sa gate ng Unibersidad. Buti nga hindi siya naligaw. Nag-commute lang siya dahil siguradong malalaman ni Millie na umalis siya pag hindi nakitang nakaparada ang kotse nila. Ayos na ayos ang porma niya at sinuot din niya ang paboritong shades para na rin makaiwas sa mga taong makakakita sa kanya na nakakakilala kay Benjo. Nilapitan na siya nina Iris at Kyle nang mamataan siyang nakatayo at naghihintay. Imbis na sina Hans at Iris lang ang magkikita, hayan kasama pa pala si Kyle. Naglakad na sila sa mahabang daanang palabas ng Unibersidad. Nang marating na nila ang dulo, nakita ni Hans sina Ellie, Neri at ang apat na miyembro ng bandang Rascals. Nagtaka siya kung bakit nandito ang lahat.
“Ang tagal ninyo naman! Nainip kami ha!” angal ni Neri. Humingi ng paumanhin si Iris. Wala namang kaalam-alam si Hans sa mga nangyayari.
Nilapitan ni Reed si Hans at ginulo niya ang buhok nito sabay tanong, “Gusto mong sumali sa banda namin, bata?”
Hindi makapaniwala si Hans, “What? Me?”
“Sabihin mo lang kung oo o hindi.”
“Yes! Yes! I will join your band!” sabik na sabik si Hans.
Kinalikot ni Reed ang tainga niya, “Ano raw? Parang nabibingi ako a!”
Siniko ni Kyle ang kapatid, “Oo or hindi lang kasi! Pa-yes-yes pa, dumudugo ilong namin sa iyo e!”
“Oo!” sagot ni Hans. Nakapagtataka dahil dumeretso bigla ang dila niya.
“O ito,” ipinatong ni Reed sa dibdib ni Hans ang drumsticks. “Magic wand mo. Gamitin mo. Sa iyo na iyan.”
Tuwang-tuwa si Hans dahil kasali na siya sa bandang Rascals. Nagkaroon na rin siya ng mga bagong kaibigan, bagay na ipinagkait ni Millie sa kanya noong nasa Estados Unidos pa sila. Mukhang nakuha niya na rin ang tiwala ni Reed. Hmm. Hindi naman siguro magagalit si Reed kung gaganti siya sa suntok na ibinigay nito sa kanya.
Napa-aray si Reed nang suntukin siya sa mukha ni Hans. “Aray! Loko ‘to! Para saan yun?”
“I told you yesterday, were not yet through,” nakangising sagot ni Hans.
Hindi nga nagalit si Reed bagkus ay tumawa pa ito. “Haha! Sira ulo!”
Naglakad na magkaabay ang dalawa. Naglakad sila kasama ang lahat. Masaya si Reed dahil parang buhay na rin ang pinsan niyang si Benjo sa katauhan ni Hans.
***
No comments:
Post a Comment