***
Chapter 34
Set Me Free
Alas kuwatro ng hapon ng araw ding iyon, kumatok si Millie sa pinto ng kuwarto ni Hans para amuin ang anak pero hindi siya nito pinagbuksan. Makailang katok ay wala pa rin kaya itinigil niya na ang pagkatok ngunit bago umalis ay tinadyakan niya ang pinto sabay sigaw ng,
“Bwisit!”
Tama nga ang hinala ni Hans na hindi siya tunay na anak ni Millie. Sinabi ni Rita sa kanya na siya ang nawawalang anak nina Rico at Bernadette. Nakita niya na noon ang puntod ng mga magulang ni Benjo, ipinakita ni Iris. Namatay sila pitong taon na ang nakalilipas sa petsa mismo ng kanyang kaarawan. Inalala niya ang nakaraan. Natatandaan niyang may humabol sa kanila noon, isang babae at lalaki. Tama! Sila yun, ang tunay niyang mga magulang! Kaya pala pamilyar ang mukha ng mga ito nang makita niya ang litrato nilang nakalagay sa scrapbook na ipinakita rin noon ni Iris. Sinabi ni Rita na kinuha siya ni Millie noong kapapanganak pa lang sa kanya. Kaya pala wala siyang alaala ng kanyang mga magulang o ni Benjo. Kung gayon, nagsinungaling si Millie sa kanya. Hindi kidnapper ang mga yun. Si Millie pa nga yata ang kidnapper e! Kaya pala magkamukha sila ni Benjo, kambal pala sila. Kaya naman pala hindi niya kamukha ang nakalakhang amang si Robert o ang kinilalang inang si Mildred, hindi pala sila ang tunay niyang mga magulang at hindi niya rin kapatid si Kyle.
Unti-unti niya nang napagtatanto ang mga bagay-bagay. Natatakot siguro si Millie na kaibiganin siya ng iba dahil sa nasabi nitong sa kanya lang siya. Natatakot din si Millie na palabasin siya ng bahay dahil baka may makakita sa kanyang kakilala ng mag-asawa o ni Benjo at sabihin sa kanya kung ano ang totoo. Nangyari na nga ito ngayon.
Alas singko y medya ng hapon, nagtatampisaw si Millie sa swimming pool. Nagagalit siya sa mundo. Nasa kanya na si Hans pero mukhang babawiin pa yata dahil sa biglang pagsulpot ni Rita. Talo na naman ba siya? Naistorbo siya nang lapitan siya ng tatlo nilang kasambahay at hardinero.
“Ma’am Millie,” tawag ng isang kasambahay.
Mukhang alam niya na kung ano ang pakay ng mga ito. “Ano? Gusto ninyo nang umalis?” tanong ni Millie sa kanila.
“O-opo,” nahihiyang sagot ng kasambahay.
Tumigil si Millie sa pagtatampisaw at hinarap ang mga nagrerebeldeng katulong. “Hindi ba sapat ang suweldo ninyo? Kulang pa ba yung six thousand every month? O dahil ba pinaalis ko ang tatanga-tangang si Martha kaya aalis na rin kayo?”
Hindi sila umimik. Nagpatuloy si Millie, “O sige, umalis kayo at ‘wag na ‘wag na kayong tatapak dito sa mansyon! Kung hinihintay ninyo naman ang sweldo ninyo, sandali lang at kukunin ko. Tapos lumayas na kayo ha!”
Umalis si Millie at nang magbalik ay may dalang katakut-takot na halaga ng pera. “O ito! Gusto ninyo ng pera, ‘di ba?” Hinagis niya ang pera sa swimming pool. “O ayan! Kunin ninyo! Mga mukhang pera naman kayo e!”
Pagsapit ng alas siyete, naabutan ni Kyle na tahimik na tahimik ang mansyon. Nilapag niya ang mga gamit niya at nilibot ang bahay. Wala si Martha, ang mga katulong nila, maski ang hardinero. Nakita niya na lang na naghahain si Millie ng pagkain sa hapag-kainan.
“Nasaan na sila?” tanong ni Kyle sa ina.
“Sino? Yung mga tatanga-tangang katulong? Ayun! Pinalayas ko na,” sagot ni Millie.
“Ha? Bakit mo pinaalis?”
“E paano, papasok nang papasok ng kung sinu-sino rito. Muntik na tayong manakawan!”
“Si Martha wala na rin?”
“Pinaalis ko na silang lahat! Mga bobo e!”
Napaisip tuloy si Kyle, “Pinaalis niya? Edi wala nang bantay ang bahay. Hay naku! Lalo kaming mananakawan nito.”
Natapos nang ihain ni Millie ang mga pagkain. Inutusan niya si Kyle, “Tawagin mo na yung kuya mo, sabihin mo kakain na.” Sinunod ng anak ang utos niya.
Umakyat si Kyle sa kuwarto at kinatok ang pinto ng silid ni Hans. “Hans! Kakain na raw!” sabi niya sa kapatid.
Binuksan ni Hans ang pinto at nakita ni Kyle na nakaimpake ang ilang gamit ng kapatid.
Nagulat siya, “O pati ikaw go-gora na rin?”
“I’m leaving! This place is hell!” sagot ni Hans.
“Teka! Ano bang nangyayari? Bakit nagsialisan na ang lahat?”
Isinukbit ni Hans ang isang backpack. “If you want, you can come with me. Mom —I mean your mom, is crazy!” Lumabas siya ng silid. Sinundan siya ni Kyle hanggang sa pagbaba sa hagdan.
“Teka Hans! ‘Wag ka namang umalis!” pigil ni Kyle.
Sinalubong sila ni Millie at hinarang. Napahinto sina Hans at Kyle.
“Where exactly are you going?” galit na tanong ni Millie nang makitang may dala-dalang gamit si Hans.
Hindi inintindi ni Hans ang galit ni Millie. Hindi siya nagsalita at dinaanan lang niya ito.
“Hans! Hans!” pagtawag ni Millie. Hinabol niya ang anak. Sumunod din si Kyle.
Nang nasa main door na, huminto si Hans at hinarap niya ang kanyang itinuturing na ina.
“Why did you have to do that?” ang unang tanong na lumabas sa bibig niya. “You’ve lied to me for twenty-one years. The woman said that you killed my parents, my real parents!”
Hindi maunawaan ni Kyle kung ano ang mga pinagsasasabi ni Hans. Anong real parents? Ibig sabihin ba nito hindi niya kapatid si Hans?
“I didn’t kill them! It was an accident!” depensa ni Millie. Wala nang dahilan para magsinungaling pa siya.
Gustong maliwanagan ni Hans kaya nagtanong siya ng ilang bagay kay Millie, “It happened seven years ago, right? The woman and the man who chased us… they are my real parents, right? And they chased us because they want to get me, right?”
Natahimik si Millie. Unti-unti’y dumaloy ang luha sa kanyang pisngi. “You are right,” sagot niya.
“And they died that night, right?”
“It was an accident, Hans,” sabi ni Millie.
“Why did you have to take me away from them, anyway?” huling tanong ni Hans.
“I did that because of love,” sagot ni Millie. “I fell in love with your father Rico. It was a forbidden love. You see, we are first cousins but we loved each other and we didn’t care. Then one day, he left. That Bernadette stole him from me! I ended up being miserable for all of my life. After all, I still can’t forget him. I still love him. He’s my first love… And I love you because I love him,” pag-amin ni Millie.
“If you’re saying that you really love my father then set me free,” hiling ni Hans. “I hate to say this but, honestly, your love is killing me. I don’t really belong to you. You have Kyle. He’s your only son so your time must be on him only.”
Yumuko si Millie. Ramdam niya ang kalungkutan. Parang may malamig na hanging bumalot sa kanyang katawan at tumagos ito sa kanyang kaloob-looban. Talo na siya. Wala na siyang magagawa. Masakit tanggapin pero kailangan.
“Then go ahead,” pagpayag ni Millie. “You are right, Hans. You don’t really belong to me. Go! Now you are free.”
At noong gabing iyon, hinayaang umalis ni Millie si Hans. Hindi nalimutang magpasalamat ni Hans sa kanya. Siya ang nagpalaki sa kanya. Siya ang nag-aruga. Pero hindi habang buhay na mananatili si Hans sa puder niya. Hindi siya magiging masaya sa bahay na ito. Tiningnan ni Millie si Hans habang nakatalikod ito at papaalis sa bahay na tinirhan niya ng ilang taon. Dahil sa pagsiwalat ng katotohanan ay nawala na si Hans sa kanya. Kahapon lang ay nandito siya at ngayon ay wala na.
Lumabas si Hans sa tarangkahan ng kanilang bahay, naglalakad dala ang isang backpack at pakiramdam ni Millie ay dala-dala nito ang puso niya. Ilang sandali pa’y naglaho na si Hans sa paningin niya. Isinara niya na ang pinto. Pinasunod niya si Kyle sa kanya at pinagsaluhan nila ang pagkaing inihanda niya. Isang malamig na hapunan. Napakatahimik ng bahay. Dalawa na lang sila ni Kyle sa mansyon. Matapos ang dalawampu’t isang taon, umalis na ito. Kagaya lang din siya ni Rico na nang-iwan.
Si Hans naman ay malugod na tinanggap sa bago niyang tahanan, sa bahay ng pinsang si Reed at tiyahing si Rita. Nagulat nga sila nang kumatok ito sa pinto ng kanilang bahay. Hindi na matatakot si Hans na kumatok sa pinto ng bahay na ito o magpakita sa ibang tao. Sana nga balang araw ay matanggap siya ng lahat. Hindi bilang si Benjo kundi bilang siya, bilang si Hans o si Reeve na kakambal ni Benjo.
Masayang ibinalita ni Reed sa mga kaibigan na nabawi na nila si Hans pero hindi pa siguro ito ang panahon para magsaya. Nag-aalangan si Rita, bakit ganoon na lang kabilis isuko ni Millie si Hans? Hindi niya alam kung ano ang nasa isip ni Millie pero nasisiguro niyang mayroon itong binabalak.
***
No comments:
Post a Comment