Music of Love
Ninais ni Ellie na mapag-isa sa kanyang kuwarto. Nakahiga lamang siya at patuloy na umiiyak. Walang patid sa pagtulo ang kanyang mga luha. Ni minsan ay hindi niya naisip na mangyayari ang bagay na ito.
Ginunita niya ang nakaraan: ang unang araw ng pagkikita nila ni Benjo; ang mga pangungulit nito; ang araw na kinuha nito ang number niya; ang araw na sinulatan siya; mga araw na tinetext siya; ang araw na binigyan siya ng friendship ring at higit sa lahat ay nang sabihin nito ang salitang “Mahal kita”.
Sana pala ay binigyan niya na ng pagkakataon si Benjo. Kung alam niya lang na papanaw ito. Sana pala’y napasaya niya ang kanyang matalik na kaibigan.
Sa hardin. Yakap ni Neri si Reed at siya naman ang nagpapatahan dito.
“Wala man lang akong nagawa para madugtungan ang buhay ni Benjo,” sisi ni Reed sa sarili. “May kasalanan pa nga ako sa kanya e! Nawala ko kasi yung singsing niya. Sino na ngayon ang katabi ko sa pagtulog? Ang kakulitan ko bago matulog? Wala na siya... Wala nang drummer ang banda.”
Nakuha pa siyang biruin ni Neri, “Edi ako na lang ang katabi at kakulitan mo. Ako na rin ang magiging drummer.”
Nahinto siya sa pag-iyak at nagtanong, “Talaga, Neri?”
Tumawa si Neri, “Haha! Biro lang! Ikaw talaga, Ricardo!” Umiyak na naman si Reed. “O Reed! Sorry na, tahan na mahal ko,” paumanhin ni Neri.
Naayos na ang labi ni Benjo at ibinurol ito sa bahay ng mga Salas. Ang daming nagsidatingan upang makiramay, pawang mga kabataan. May mga guro rin. Nandoon nga ang prof na minsa’y nakagalitan si Benjo. Ang lahat ay nag-iiyakan lalo na ang fans ni Benjo na may dala pang picture at autograph niya.
Hawak ni Reed ang drum stick na ginagamit ni Benjo. Suot naman ni Ellie ang kwintas na may ukit na "Benjo best for" habang siya ay nakayakap kay Ivan na maga rin ang mga mata kaiiyak. Yakap naman ni Chad ang skateboard na madalas hiramin ni Benjo. Si Duncan ay kanina pa nakatayo at pumapatak ang luha sa salamin ng pinaghihimlayan ni Benjo. Naroon din si Trish, naka-shades at patuloy sa pag iyak. Ang Backstabbers ay binigay na lamang sa Pamilya Salas ang perang napanalunan nila sa Battle of the Bands bilang abuloy.
Tatlong araw na ibinurol ang labi ni Benjo at pagkatapos ay dinala na ito sa huling hantungan. Binuksan ang kabaong. Ito na ang huling pamamaalam ng lahat. Hinawakan ng Rascals ang kamay ni Benjo, malamig na ito. Isinuot naman ni Ellie sa matalik na kaibigan ang kwintas na may ukit na "Ellie friends ever" at kanyang hinalikan ang mga labi ni Benjo. Hindi na ito rumesponde at kung nabubuhay lamang si Benjo, marahil ay nagtatatalon na siya sa tuwa. Ito ang bagay na matagal niya nang ninanais, ang mahalikan si Ellie at nang makamit niya ito ay huli na pala ang lahat. Hindi makapaniwala si Iris na wala na nga si Benjo. Ni hindi man lang niya nasabi ang kanyang nararamdaman para rito.
Sinara na ang kabaong. Lahat ay nag-iiyakan at nang ibaon na ito sa lupa ay bumaha ng luha sa paligid. Napakaraming tao, sila ang mga taong naging bahagi ng buhay ni Benjo —buhay na nagtagal lamang ng labing siyam na taon. Napakabata niya pa para mamatay ngunit walang pinipiling edad ang bala ng baril na tumapos sa kanyang mga munting pangarap at magandang buhay.
Paalam Benjo, paalam... At kasabay ng paglaglag ng mga puting rosas ay ang pagkanta ng Rascals at Backstabbers, isang kanta ng pamamaalam. Pakiramdam nga nila ay nawala lang si Benjo sandali, pumunta lamang sa malapit at babalik din.
Dalawang linggo ang lumipas. Nakararamdam pa rin ang ang bawat isa ng kirot sa kani-kanilang puso. Kung dati ay sobrang ingay sa Unibersidad, ngayon ay nabawasan iyon at kung dati ay hayag ang tsismisan, ngayon ay bulungan na lamang.
Naparusahan na ang may sala. Nakulong si Harold Lim at sana nga’y mabulok na siya sa bilangguan. Binigyan ang mga Salas ng dalawang milyong piso ng mga pulis bilang price money sapagkat si Harold ay wanted pala sa China sa salang pagpatay rin. Dalawang milyong piso ang naging katumbas ng buhay ni Benjo, nakapanghihinayang. Inabutan din sila ng mga Lim ng pera ngunit hindi nila iyon tinanggap.
Lumipas pa ang isang buwan. Buwan ng Marso, nagtapos sina Neri at Reed. Tuwang-tuwa ang lahat at naghilom na rin ang sugat na dala ng nakaraan. Nagkuhaan ng litrato. Pinilit nilang maging masaya kahit wala si Benjo. Ang isa pang magandang balita ay nanguna na naman si Ellie sa lahat ng first year. Kung ipagpapatuloy niya ito, balang araw ay makakakuha siya ng mataas na parangal, bagay na iaalay niya sa matalik na kaibigan.
Wala nang pasok sa Unibersidad maliban nga lang sa mga kumukuha ng Summer Class at nakatanggap sila ng balitang lilipad na si Trish papuntang States. Nagmadali ang lahat at sumugod sa airport.
Kabababa lang ni Trish sa kotse. Napaluha nga siya nang makita sina Neri, Ellie, Reed, Ivan, Chad at Duncan na nandoon at inaabangan siya.
“I’m sorry, guys. I know it’s my fault,” paumanhin ni Trish. Sinisisi niya pa rin ang sarili sa pagkamatay ni Benjo.
“Huwag mo nang sisihin ang sarili mo,” ani Reed. “Nakalipas na yun at ‘di na maibabalik. Magpasalamat na lang tayo at nandito pa rin tayo, humihinga! Mas gugustuhin na rin ni Benjo na siya ang masaktan kaysa tayo ang mapahamak.”
Niyakap sila ni Trish isa-isa, simula kay Neri na matalik na kaibigan at kababata niya, “Neri, I’m so sorry. Sorry for making you worry and for causing you too much pain.”
Sumunod ay si Ellie na aaminin niyang ginawa niyang miserable ang buhay nito, “Ellie, please forgive me for what I have done. Please take good care of Ivan for me.”
Humingi siya ng paumanhin kay Reed na isa siguro sa mga taong nagagalit sa kanya dahil sa hindi magandang pag-uugali niya, “Reed, I’m so sorry. Ikaw na rin ang bahala kay Ivan. Thanks for the times that I have spent with you kahit na alam kong galit ka sa akin.”
Sabay niyang niyakap sina Chad at Duncan. Hindi siya gaanong malapit sa mga ito pero nagbigay rin siya ng habilin, “Chad, Duncan, take good care always. Alagaan ninyo ang banda ha?”
At ang panghuli, ang kanyang dating kasintahan. Na ayon kay Ellie ay hindi niya nagawang pahalagahan. Na sa kabila ng lahat ng mga nagawa nito para sa kanya ay nakuha niya pang pagtaksilan, “Ivan, take good care of little Ellie. Love her and respect her. Huwag na huwag mo siyang sasaktan and always remember that I love you.”
Dadampi na sana ang labi niya kay Ivan kung ‘di nga lang umubo si Ellie.
“Ehemm! Ehemm!”
“Oh sorry, Ellie. Nadala lang ako ng emosyon ko. Hehe!”
Pumasok na siya sa airport, “Bye, guys! I’ll miss you a lot! Say hi to Benjo for me ha? Take care!”
“Bye, Trish!” paalam nilang lahat. Sa kabila ng nangyari sa kanilang lahat, nalulungkot din sila kahit papaano. Kung ‘di siguro dahil kay Trish, hindi nila mararanasan ang aksyon ng buhay. Siya kasi ang pasimuno ng lahat ng kaguluhan dito.
“Wala na siya...” mahinang pagkakasabi ni Ivan, tila malungkot.
“At least ngayon may idea na tayo kung saan siya nagpunta,” sabi naman ni Ellie at nagtawanan silang lahat. Oo nga naman. Hindi tulad ng dati na takang-taka ang lahat kung saan na napunta si Trish.
Sunod silang nagtungo sa libingan ni Benjo. Ang sementeryong para bang isang paraiso ay binisita nila. Nakita ni Ellie ang lapida. Kung dati ang nakalagay rito ay Rico Salas at Bernadette Salas ngayon ay kasama na rin ang pangalan ni Benjo.
“Benjamin Rico Salas,” banggit ni Ellie. “Iyan ang pangalang sinabi niya sa akin noong nagkakilala kami.”
May inilagay na litrato si Reed, “‘Insan, iyan nga pala yung kuha namin noong graduation. Sayang nga at wala ka riyan, ikaw na lang ang kulang e! Siyanga pala, nagkabalikan na kami ni Neri nitong nakaraang linggo lang. Sabi mo, ‘di ba, balitaan kita?”
Naglagay naman si Chad ng isang maliit na laruang skateboard. Nag-alay sina Neri at Duncan ng bulaklak sa puntod. Si Ivan na lang ang hindi pa nagsasalita sa grupo kaya naman napagpasyahan nina Reed at ng iba pa na iwanan muna siya. Nakiusap naman siya kay Ellie na samahan siya.
Kinausap na ni Ivan ang puntod, “Alam mo Benjo, nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng isang kaibigang katulad mo. Salamat nga pala sa pagliligtas mo sa amin ni Ellie. Kung hindi dahil sa ginawa mo, isa sa amin ang nandiyan sa lugar mo. Huwag kang mag-alala, aalagaan ko siya gaya ng sinabi mo at mamahalin ko siya higit pa sa buhay ko. Ako na rin ang bahala kina Reed, Chad at Duncan. Hinding-hindi ko sila pababayaan.”
Humiling rin si Ellie, “Sana ay masaya ka na kung saan ka man naroroon ngayon, bestfriend,” at umalis silang dalawa ni Ivan na magkahawak ang kamay.
Ang litratong inilagay ni Reed ay gumalaw nang kaunti. Marahil ay ginalaw ng hangin o ‘di kaya naman ay ginalaw ni Benjo, tiningnan niya ang litrato at maaaring naiinggit siya o ‘di kaya naman ay masayang makitang nakangiti ang mga kaibigan niya.
Lumipas pa ang ilang buwan hanggang sa umabot ng taon. May mga pagbabagong naganap sa buhay ng bawat isa. Si Mang Daniel ay tumigil na sa pagmamaneho sapagkat binigyan siya ni Arthur ng puhunan para sa isang maliit na negosyo. Nag-aral naman si Neri magmaneho at nang matuto, siya na ang taga hatid-sundo ni Ellie. Si Aling Isabel naman ay nagsilbi ng walang bayad sa Pamilya San Luis gayun na rin si Iris. Nakilala mabuti ni Ellie ang pamilya ni Ivan at tuwang-tuwa siya sa mga kapatid nito. Inayos ni Ivan ang banda, siya na ngayon ang drummer at si Reed ay humahawak na ng gitara. Kakumpetensya pa rin nila ang Backstabbers maging sa pagtugtog sa maliliit na bar.
Isang araw ay nakatanggap si Neri ng e-mail galing kay Trish.
“May bagong boyfriend na raw si Trish, little sister,” kanyang ibinalita kay Ellie habang siya ay nakaharap sa computer at binabasa ang e-mail ni Trish.
“Sino?” tanong ni Ellie.
“Ha? Si Marcus!” gulat na pagkakasabi ni Neri. Si Marcus kung natatandaan ninyo, ay isa rin sa kaibigan nila. Nagkatinginan sila ni Ellie at nagtawanan.
Isang magandang araw ng Sabado ay niyaya ni Ivan si Ellie na mamasyal. Nagpunta sila sa parke na madalas puntahan nina Ellie at Benjo noon. Umupo sila sa damuhan.
“Ellie ingat lang, baka madumihan ang suot mo,” paalala ni Ivan.
Napangiti si Ellie. Ito rin kasi ang mismong sinabi ni Benjo sa kanya noon. Noong nabubuhay pa ito... Napansin niyang dala ni Ivan ang gitara at may isang bagay siyang naalala.
“A Ivan, puwede bang mag-request? Maaari mo bang kantahin yung kantang dinedicate ninyo sa akin noong Battle of the Bands? Hindi ko kasi napakinggan ng buo yun, hinila kasi ako ni Trish palabas noon...”
Sinimulan na ni Ivan ang pagtipa sa kanyang gitara at inawit ang kantang si Benjo mismo ang sumulat.
Nag-iisa, Naglalakad
Walang pagod na tinatahak
Ang daan
Patungo sa musika ng buhay
Nag-aabang, naghihintay
Ng isang pagkakataon
Na sana ay
Mayakap ka’t mahalikan
Isang pagkakataon...
(Chorus I)
Nakita ko ang larawan mo
Nakasabit sa dingding ng kuwarto ko
Bigla ko na lamang nagunita
Mga alaala na kay saya
Ang iyong tingin, ang iyong ngiti
Binabalot, pinaliligaya
Ang malungkot kong puso
Ang malungkot kong puso...
Nakatigil, nakatunganga sa kawalan
Naghihintay, naghihintay sa iyong pagdating
At ikaw ay ngingiti, hahawakan aking kamay
Magkasundo ang ating puso, o
(Chorus II)
Kay tagal na hinintay
Na mahawakan ko
Ang iyong mukha, ang iyong buhok
Mahagkan kita’t
Madama ang yakap mo
Aking giliw ipangako mo
Ako lang ang iibigin mo
Halika na, samahan ako
'Wag na 'wag matatakot
Pagkat ika'y
Hindi nag-iisa
Maglalakbay tayo
Patungo sa daan
Ng musika ng buhay
At ating aawitin
Ang himig ng pag-ibig
Pag-ibig nating dalawa!
(Repeat Chorus I)
Halika na, maglalakbay tayo
Patungo sa daan
Ng musika ng buhay
Pintig ng ating puso
Atin nang pakinggan
Tara na’t awitin
Ang himig ng pag-ibig
Pag-ibig na walang hanggan!
(Repeat Chorus II)
O ipangako mo
Na ako lang ang iibigin mo...
Natuwa si Ellie at pumalakpak. “Ang ganda,” puri niya. “Anong pamagat?”
“Music of Love,” sagot ni Ivan.
“Music of Love? Ginawa ninyo iyan Benjo para sa akin?”
“Oo. Siya ang sumulat at ako ang nagbigay ng tono. Ang sabi niya pa ay ikaw ang inspirasyon niya.”
Kitang-kita ang kasayahan sa mukha ni Ellie. Kung hindi sana siya hinila ni Trish noon ay napakinggan niya na ang awiting ito. Kung hindi sana sa ginawa ni Harold noon ay buhay pa rin si Benjo.
Tinitigan siya ni Ivan at inistorbo siya sa kanyang pag-iisip, “Pero alam mo Ellie, mas maganda pa rin itong ipapakita ko sa iyo.”
“Talaga ha? Ano naman iyan?” tanong ni Ellie.
Nilabas ni Ivan ang isang litrato na sadyang ikinagulat ni Ellie. Hinablot niya ito, “Aaaah! Saan mo nakuha ito?!” Ito ang litrato nila ni Ivan nang nagkaroon sila ng kissing scene sa Christmas Play. Si Reed ang kumuha at napagkatuwaan niyang iparecopy ng isang daang kopya. Haha!
Pinunit ni Ellie ang litrato.
“Hala! Bakit mo pinunit? Ang ganda-ganda ng kuha natin doon e!” panghihinayang ni Ivan.
Tumawa si Ellie, “Haha!” at dinilaan si Ivan, “Beh! Wala na!”
Gumanti si Ivan at inilabas ang ilan pang kopya ng litrato, “Kala mo lang yun!” Hinabol siya ni Ellie nang siya’y tumakbo at patuloy itong inasar.
Pilit na inagaw ni Ellie ang mga litrato, “Akin na iyan! Akin na iyan!”
“Kiss muna!” sabay turo ni Ivan sa kanyang labi, halikan daw ni Ellie.
“Kiss mo mukha mo!” pang-aasar ng dalaga.
Tumawa sila nang tumawa hanggang sa napagod na sila. Sandaling nagtitigan ang dalawa, mata sa mata.
“Mahal kita, Ellie,” sambit ni Ivan.
“Mahal din kita, Ivan,” sabi naman ni Ellie.
Nagdampi na naman ang kanilang mga labi, isang halik na napakatamis at habang ginagawa iyon ay inihagis ni Ivan ang mga litrato. Nagkalat ito sa paligid at may isang binatang nakasuot ng puti ang dumampot ng isa sa mga litrato. Ngumiti ang binata, bakas sa mukha ang kagalakan.
“Benjo, halika ka na, tapos na ang oras ng pananatili natin dito,” yakag ni Bernadette. Si Rico naman ay hinihintay ang kanyang mag-ina.
“Opo, mama, nariyan na.” Sumama na si Benjo sa kanila at silang tatlo ay naglakad patungo sa liwanag.
Naghiwalay na ang labi ng dalawa, ngumiti silang pareho. Biglang bumuhos ang ulan at nagmadali si Ivan na kunin ang kanyang gitara. Si Ellie naman ay hindi magkanda ugaga sa pagpupulot ng mga litrato. Sumilong sila, basang-basa ng ulan ngunit masaya. Ang dalawang pusong nagmamahalan ay magkasama nang muli at hindi na paghihiwalayin ng sinuman... kailanman...
Tumigil din naman ang ulan at lumitaw ang isang bahaghari. Inakbayan ni Ivan si Ellie at tinanong,
“Iuuwi na ba kita sa inyo?”
“Huwag na muna, mamasyal muna tayo kahit na nabasa tayo ng ulan.”
Muli nilang tiningnan ang bahaghari at habang pinagmamasdan iyon ay gumawa sila ng isang pangako. Ipinangako nila sa isa’t isa na magkasama silang maglalakad patungo sa daan ng musika ng buhay at sabay nilang aawitin ang himig ng pag-ibig, isang pag-ibig na walang hanggan.
Kung nagkatuluyan sila, kayo na lang ang bahalang humusga.
No comments:
Post a Comment