Kababata ko si Sheila. Halos araw-araw magkasama kami. Madalas kaming mamasyal sa batis sa lugar namin. Doon kami nagpapalipas ng oras. Humihiga rin kami sa damuhan, tapos kinakantahan niya ako. Hilig ko siyang pakantahin kahit hindi ganoon kaganda ang boses niya. Gusto ko lang talaga siyang marinig na kumanta.
Isang umaga ay nagpasama si Sheila sa akin sa bayan. Sinadya niya pa talaga ako sa bahay. Natulala ako nang makita siyang suot ang isang simpleng palda at blouse. Ang ganda niya kasing tingnan. Nahiya naman ako sa suot kong butas-butas na pantalon at t-shirt kaya't ang sabi ko'y magbibihis ako. Huwag na raw sabi ni Sheila. Katwiran niya'y hindi naman daw kasi papansinin ng mga tao.
"Pinabibili kasi ako ni inang ng prutas at karne. May bisita raw kasi kaming taga-Maynila na dadating bukas," sabi ni Sheila.
Sinamahan ko na siya sa bayan.
"Ano bang prutas ang bibilhin ko?" tanong ni Sheila. Di siya makapili sa dami ng tinda, parang lahat gusto niyang bilhin. Naglakad siya papunta sa bilihan ng ponkan. Sinundan ko siya. "Bili kaya ako nito?" sabi niya sa akin.
"A sige," tugon ko naman. Nasa kaliwa ko si Sheila. Habang abala siya sa pamimili at sa paglalagay ng ponkan sa plastic, abala rin naman ako sa pagtitig sa kanya.
"Tulungan mo naman akong mamili," pakiusap niya sa malumanay na tinig.
Dumampot ako ng ponkan, sinuri iyon at nang matiyak na magandang uri ang nasabing prutas ay inilagay ko iyon sa plastic. Dumampot muli ako ng isa, tapos ay tumitig ako kay Sheila. Hindi ko maiwasang hangaan siya. Nang may damputin akong muli, may sinabi si Sheila,
"A, Julio, hindi ponkan ang kamay ko."
Doon ko nakitang kamay na pala ni Sheila ang nadampot ko. Hindi ko man gustong bitawan ang kanyang kanang kamay e ganun na nga ang ginawa ko.
awwww...
ReplyDeletemay kasunod ate? hehehe
wala nadine. bitin ba? :(
ReplyDelete