Valley of Tears
Ibinalita ni Benjo kay Reed ang nakita niya sa mall nang siya ay makauwi ng bahay.
“Kuya Reed, nakita ko sina Trish at Harold Lim sa mall. Sinampal nga ni Harold Lim si Trish e!”
Hindi naman interesado si Reed sa balita at nagwika na lamang ng, “Bagay lang sa kanya yun. Kundi ba naman siya sira ulo e dalawa ang boyfriend niya. Sino ba naman ang ‘di magagalit sa kanya?”
Kinabukasan, araw ng Linggo, nagkaroon ng ensayo ang grupo at nanood ang magkapatid na Neri at Ellie. Aliw na aliw si Neri, walang kasing husay talaga ang Rascals. Simula’t sapul ay sumusuporta na siya rito kahit pa magkagalit sila ni Reed noon.
“Talunin ninyo uli ang Backstabbers!” sigaw niya; hindi niya lang alam kung narinig siya ng grupo dahil malakas ang musikang tinutugtog ng mga ito.
Si Ellie, bagama’t ‘di makarelate sa musikang kanilang tinutugtog ay pinilit pa ring makinig at ipakita ang kanyang kagalakan. Ngayon nga lang niya nakitang ganito kasaya ang grupo at naniniwala siyang mahihigitan ng Rascals ang ibang banda.
Todo bigay naman sa pagtugtog ng drums si Benjo at habang tumatama ang kanyang drum stick sa tambol ay nasilip niyang pinagmamasdan ni Ellie si Ivan. Masaya na rin siya para sa dalawa at naalala niya bigla ang sinabi ni Reed sa kanya,
“Wala ka nang magagawa kung nagmamahalan silang dalawa ni ‘van. ‘Wag ka nang umepal!”
Tumingin siya kay Reed na kasalukuyang kumakanta ng Welcome to the Black Parade (My Chemical Romance) at kanyang sinabi sa sarili,
“Huwag kang mag-alala, Kuya Reed. Hindi na talaga ako eepal sa kanilang dalawa. Hindi na kailanman...”
Samantalang sila’y nagsasaya, may isa namang nagmumukmok sa kanyang silid, walang iba kundi si Trish. Nasa kama siya’t nakahiga, kanyang pinagmamasdan ang singsing na bigay ni Ivan. Hindi niya ito nagagawang suotin pag magkasama sila ni Harold. Sising-sisi siya ngayon. Nakipaghiwalay na si Ivan sa kanya at dahil litong-lito ang kanyang isip ay nakipaghiwalay naman siya kay Harold kahapon.
“Harold, there’s something I wanted you to know,” bungad niya nang magpunta sa stall ng mall na pag-aari nga nina Harold. Ang produktong binebenta nito ay mga damit pambabae at ang mga damit ni Trish ay doon galing. Ibinibigay ni Harold ang lahat ng kanyang maibigan.
“What is it? Sasabihin mo bang nakapagdesisyon ka na at gusto mo na akong pakasalan?” tanong ni Harold sa pag-aakalang yun nga ang ibabalita ni Trish.
“No, it’s not that.”
“What is it then?”
“Gusto kong malaman mong kahit kailan ay hindi ako magpapakasal sa iyo!”
“B-but why?” gulat na tanong ni Harold.
“Why?! You’re asking me why? Because I don’t love you, I don’t care about you, that’s why!”
Umiling si Harold, “No, please don’t say that. Trish, I love you!”
“Hindi kita mahal! Ang mahal ko lang naman sa iyo ay ang pera mo, yun ang totoo! May boyfriend na ako and his name his Ivan.”
Ikinagulat iyon ni Harold, “May boyfriend ka na?”
“Oo at two years na rin kami! Nakipaghiwalay siya sa akin kasi nalaman niya yung tungkol sa atin! It’s because of you! It’s your fault!”
Sinampal siya ni Harold, “Kasalanan ko pa ha? E ako nga itong pinagmukha mong tanga! Niloko mo ako! How dare you!”
Umalis si Trish, tumakbong umiiyak at ito ang eksenang nakita ni Benjo kahapon. Isang eksenang parang shooting sa pelikula.
Niyakap ni Trish ang kanyang unan at kinausap ang sarili na parang nasisiraan na ng bait, “You will pay for this, Ellie. Ikaw, si Harold, lahat kayo! Magbabayad kayo sa ginawa ninyong kasalanan sa akin!”
Kung tutuusin, siya naman ang may kasalanan ng lahat. Siya na isang gold digger at cheater, nararapat lang sa kanya ang mga bagay na pinagdadaanan niya ngayon. Pumasok na rin naman siya kinabukasan, mugto ang mga mata at kinausap niya si Ivan sa labas ng Unibersidad.
“Ivan, please give me another chance. Hindi ko naman mahal si Harold e!” pagmamakaawa niya.
“At hindi mo rin ako mahal dahil kung mahal mo nga ako, hindi mo gagawin ito. Nanggagamit ka ng mga tao. Anong akala mo sa aming mga lalaki, laruan?”
“Gusto ko lang naman siya kasi kaya niyang ibigay ang luho ko!”
“A ganun? Pwes pasensya ka na kasi hindi ko kayang ibigay ang mga luho mo dahil mahirap lang kami. Mas mabuti pang doon ka na lang kay Harold!”
Umiwas si Ivan; hinawakan siya ni Trish sa braso. Kitang-kita sa mukha ng dalaga ang napakalaking pagsisisi.
“Nakipagbreak na ako sa kanya!” sabi nito, nagsimula na namang umiyak. “Ivan, ikaw ang mahal ko.”
Ayaw na siyang paniwalaan ni Ivan. Mahal ba ang tawag sa ginawang panloloko ni Trish sa kanya? Naging tapat naman siya nang aminin niyang si Ellie na ang tinitibok ng puso niya. Umiling ang binata,
“Hindi Trish, wala kang ibang mahal kundi ang sarili mo. Yung mga panahong nawala ka, saan ka talaga nagpunta nun? Hindi mo ba alam na nag-aalala ang lahat sa iyo lalo na ako? Halos hindi na ako makatulog kaiisip kung nasaan ka na. Halos hindi na ako makakain kasi iniisip kita, kung kumusta ka na, kung nakakain ka na ba, kung natutulog ka ba nang mahimbing. Mahal kita, Trish, pero noon yun. Ngayon, kinasusuklaman kita. Manloloko ka!”
Iniwan niya si Trish na iyak nang iyak. Mula sa nakaparadang kotse sa tapat ay bumaba si Harold. Nagulat na lamang si Trish nang lapitan siya nito at abutan ng isang panyo.
“Why are you here?” tanong ni Trish.
“Siya ba yung sinasabi mong boyfriend mo? Siya ba si Ivan?” pag-uusisa ni Harold.
“It’s none of your business!”
“Parang natatandaan ko siya. ‘Di ba siya yung sinasabi mong ‘Just a stupid fan na humihingi ng autograph’?” Pinasok ni Harold sa kanyang bulsa ang panyong hindi tinanggap ni Trish at nagbanta, “One of these days, makikita mo ang pangalan niya sa dyaryo, sa Obituary Section, abangan mo ha? At sa susunod naman ay ang pangalan mo, kaso sayang, hindi mo na makikita yun. Huwag kang mag-alala, ihahabol ko na lang sa libing mo at pag napagod ka na sa kahihiga sa kabaong mo, try mong basahin yun ha?”
Napako ang tingin ni Harold sa tarpaulin na nakasabit kung saan inaanyayahan ang lahat para manood ng Battle of the Bands. Pagkatapos ay umalis siyang may iniwang pangamba sa dibdib ni Trish.
Sa Music Hall. Tunog ng piano. Nasa Piano Room si Ellie at siya’y tumutugtog nang pumasok si Benjo.
“Hi bestfriend!” bati nito.
Nginitian niya si Benjo, umupo ito sa kanyang tabi at siya naman ay nagpatuloy sa pagtugtog habang sinasabi ang, “Salamat Benjo, salamat sa lahat ng bagay na naitulong mo. Salamat sa pagkakaibigang inalok mo sa akin.” Tumigil siya sa pagtugtog.
Natuwa si Benjo sa sinabi ni Ellie ngunit sa tingin niya ay hindi siya karapat-dapat sa pagpapasalamat na ito.
“Ako nga ang dapat na magpasalamat sa iyo e! Dahil ikaw ang nagbigay ng kulay sa mundo ko, ikaw ang nagbigay ng saya sa puso ko,” sabi niya at kanyang niyakap si Ellie. “Dapat pala noon ay nakuntento na ako sa pagiging magkaibigan natin. Dapat ay hindi na ako naghangad ng higit pa roon edi sana hindi ka nasasaktan ng labis.” Bumitiw siya sa pagkakayap at hinimas-himas ang buhok ng matalik na kaibigan. “Ipangako mong mamahalin mo si Ivan at hindi mo siya lolokohin, huwag mong gagayahin ang ginawa ni Trish ha?”
Naluha si Ellie nang kaunti, “Bestfriend, huwag ka ngang ganyan! Pinapaiyak mo naman ako e!”
Pinahid ni Benjo ang luha ng matalik na kaibigan, “Huwag mo akong iiyakan sapagkat ang isang tulad ko ay hindi dapat iyakan.” Inabot niya ang isang sulat kay Ellie, “Basahin mo ha? Tapos ibigay mo sa akin ang reply mo sa araw ng Battle of the Bands.”
Hindi alam ni Ellie kung bakit ganoon na lamang ang mga ikinilos ni Benjo. Nakapagtataka sapagkat parang ang lungkot-lungkot nito. Ano naman kaya ang laman ng sulat? Isa ba itong liham pangkaibigan? Liham ng pag-ibig? O isang liham ng pagpapaalam?
***
No comments:
Post a Comment