***
Confession
Imbis na sa bahay ang diretso nila, sa ospital sila nauwi. Kitang-kita ang pag-aalala sa mukha ni Leda.
“The doctor said that she’s just stressed. There’s nothing to worry, ok?” pagpapagaang-loob ni Arthur. Tumango si Leda.
Nang makauwi na, inalalayan ni Ellie ang kanyang kapatid at kanya itong inihiga sa kama.
“Ok ka na?” tanong niya.
“Medyo,” sagot ni Neri.
“Lalabas muna ako. Ikukuha kita ng tubig, ate.” Akma nang lalabas si Ellie pero pinigilan siya ni Neri.
“Huwag na. Dito ka na lang, Ellie.” Nanatili na lang si Ellie sa kuwarto. “Little sister, tabi tayo,” paglalambing ni Neri.
Tumabi si Ellie sa kanya at kanya itong niyakap. Hinahaplos-haplos ni Neri ang buhok ng nakababatang kapatid.
“Ellie,” ang una niyang salita. “Alam mo ba… masaya ako kasi nagkaroon ako ng kapatid na kagaya mo… na mabait at matalino.”
“Ako rin naman e! Masaya ako kasi may ate akong nag-aalaga sa akin.”
“Sana Ellie… Hindi ka mawala sa akin…”
Nagtaka si Ellie, “Ha?”
“Sana… ‘wag kang mawala sa akin, little sister,” niyakap niya nang mahigpit si Ellie.
Mag-isang naglakad si Ellie papasok sa Unibersidad kinabukasan. Hindi pumasok si Neri dahil hindi pa maganda ang pakiramdam nito. Sa kanyang paglalakad, may nabangga siyang lalaki. Pag tingin niya, si Lex pala.
“Tingnan mo nga naman. Ikaw pala, Miss Beautiful,” sabi nito sa kanya. Pakiramdam siguro nito ay babatiin din niya ito. Hindi siya pinansin ni Ellie. Napikon si Lex, “Aba, ang sungit a!”
Patuloy na naglakad si Ellie. Hindi niya iniintindi ang lalaking baliw na ito.
“Hoy, Miss Beautiful! Ayaw mong mamansin ha!” mahigpit siyang hinawakan ni Lex sa braso.
“Ano ba?” iritang tanong ni Ellie.
May humawak bigla sa balikat ni Lex. “Bitawan mo siya,” sabi ni Ivan. Binitawan ni Lex si Ellie at siya’y umalis.
“Mokong na yun,” bulong ni Ivan. “Ayos ka lang?” tanong niya. Positibo ang sagot ni Ellie. “Kumusta na nga pala si Neri?” nahihiyang tanong ni Ivan.
“Hindi pa rin maganda ang pakiramdam niya. Sana maging maayos na siya,” panalangin ng dalaga.
Sa tahanan ng mga San Luis. Nakatingin si Neri sa bintana ng kanyang silid. Mataas na ang araw. Tumayo siya, humarap sa salamin at sinuklay ang kanyang buhok. Pansin niyang humaba na ito. Sumilip siya sa bintana at pinagmasdan ang lugar kung saan sila madalas maglagi nina Trish at Marcus. Dito rin sila naglalaro noong mga bata pa sila. Mas bata si Trish ng isang taon sa kanila.
Naalala niya, habang naglalaro silang tatlo, nakatingin lang si Ellie sa kanila. Kapag sinasali ni Marcus si Ellie, nagagalit si Trish. Pumasok si Aling Isabel sa kuwarto. Dala nito ang almusal na nakalagay sa tray.
“Ma’am Neri, ang almusal ninyo po.”
“Paki iwan na lang po riyan.”
Ilang minuto ang lumipas ay bumisita si Marcus sa bahay nila. Hindi pa naman oras ng klase niya kaya naisip niyang dumaan na muna.
“Are you ok now?” tanong niya kay Neri.
“I’m fine,” sagot ni Neri pero ang totoo niyan ay hindi talaga.
“Here Neri, flowers for you,” ibinigay ni Marcus ang bouquet ng bulaklak. Tinanggap naman ni Neri. Matapos ay umupo sila sa lugar na madalas nilang tambayan.
“Alam mo, Marcus, naaalala ko noong mga bata pa tayo… Tayong tatlo ni Trish, dito tayo naglalaro.”
“Oo nga e! Naghahabulan tayo tapos ikaw, nadapa ka pa nun. Si Trish pa nga ang gumamot sa iyo. Tapos sabi mo, bagay siyang maging nurse.”
“Oo at yun ang kinuha niyang course.”
Hinawakan ni Marcus ang kamay ni Neri, “Alam kong malungkot ka dahil wala na si Trish pero sana naman Neri, tandaan mong nandito pa rin naman ako.” Napatingin si Neri sa kanya dahil sa mga salitang iyon. Nagpatuloy si Marcus, “Alam kong malapit talaga kayo sa isa’t isa pero huwag kang mag-alala, hindi ko man kayang higitan ang lahat ng mga ginagawa ni Trish para sa iyo, asahan mong nandito lang ako sa tabi mo. Pag nadapa ka, gagamutin ko rin ang sugat mo. Lalagyan ko pa ng band aid.”
Ngumiti si Neri, “Corny mo, Marcus.”
Samantala, sa Unibersidad. Pinipisil ni Benjo ang sugat niya sa daliri nang siya ay mapansin ni Ellie.
“Anong ginagawa mo, Benjo?”
“A wala, wala!” itinago ni Benjo ang kanyang kamay.
“Anong wala e may nakita ako?” Pilit na kinuha ni Ellie ang kamay ni Benjo, “O may sugat ka! Napaano yan?”
“Nahiwa ng kutsilyo. Maliit lang naman ito.”
“Ang maliit na sugat pag ‘di ginamot, lumalala. Halika, punta tayo sa clinic,” yakag ni Ellie.
“Ay hindi Ellie, ‘wag na!” tanggi ni Benjo. Pero nakita niya na lamang ang sarili na hawak na sa kamay ni Ellie.
Nakasalubong nina Ellie at Benjo papuntang clinic sina Lex at ang dalawa pang miyembro ng Backstabbers na nagtangka kay Ellie noong isang gabi.
“Saan kayo pupunta, mga bubwit?” tanong ni Lex.
Patuloy sa paglalakad sina Ellie at Benjo. Tuwang-tuwa si Benjo dahil nakahawak si Ellie sa kamay niya.
“Hoy, kinakausap ko pa kayo ha!” sigaw ni Lex.
“Pupunta kami sa zoo at irereport naming nakatakas ka,” sagot ni Ellie.
“Aba loko ka ha!” gigil na sabi ni Lex.
“O Lex, tama na, ‘wag mo nang patulan,” awat ng mga kasama niya.
“May araw rin sa akin yang dalawang yan!”
Ayos na ang lahat. Nagamot na ang sugat ni Benjo. Nalagyan na rin ito ng kapirasong benda.
“Ellie, thanks ha?” pagpapasalamat niya.
“Bakit sa akin ka nagpapasalamat e hindi naman ako ang gumamot sa iyo?” natatawang tanong ni Ellie.
“Ay, oo nga. Hehe!”
Magkasamang lumabas sina Benjo at Ellie nang matapos ang kanilang klase. Tinitingnan ni Benjo si Ellie habang naglalakad sila. Maya-maya’y huminto siya. Patuloy lang si Ellie sa paglalakad hanggang sa napansin niyang hindi niya na pala kasabay si Benjo. Nang lumingon siya, nakita niyang nakatayo lang ito.
“Uy Benjo, halika na,” nakangiting tawag niya.
Hindi natinag ang binata. Seryoso ang mukha nito. “Ellie… Mahal kita…” ang mga salitang lumabas sa bibig ni Benjo.
Nawala ang ngiti sa mukha ni Ellie. Ang maaliwalas niyang mukha ay biglang dumilim. Tapos ay umiwas siya ng tingin.
“Uuwi na ako, bye,” paalam niya. Tumakbo siya.
Naiwang mag-isa si Benjo. Hindi niya alam na pinagmamasdan pala siya nina Ivan at Reed.
***
No comments:
Post a Comment