***
First Kiss, First Heartbreak
Kumpleto ang barkada. Nariyan sina Chad, Duncan, Reed, Benjo at Ivan. Ayaw nga sanang sumama nina Chad at Duncan, ang sabi’y mauuna na lang sila pero napakiusapan ni Reed na sumabay na lang sa kanila. May dala pa ngang bulaklak si Reed —white rose. Iyon kasi ang paboritong bulaklak ni Neri at iyon din ang madalas niyang ibigay noong magkasintahan pa sila.
Kabang-kaba siya. Hanggang ngayon ay ‘di pa rin siya makapaniwalang sa hinaba-haba ng panahong wala silang pansinan, dalawang taon kung susumahin, ay kinausap na siya ni Neri.
Panay naman ang tingin ni Benjo kay Ivan. Nag-iisip siya kung paano kaya nito napapayag na sumama sa concert si Ellie.
Maya-maya'y ayan na, nakikita ni Reed na papalapit na si Neri. Bumilis tuloy ang tibok ng puso niya. Kung kanina ay ‘dugdug dugdug’ ngayon ay ‘dugdugdugdugdug’. Haha!
“Hi, guys,” bati ni Neri nang makita ang grupo. “Aba, mukhang kumpleto na naman kayo ha!” sabi niya. Napansin niya si Ivan, “Hi, Ivan!” Nakangiti pa siya nang batiin niya ito. Nagulat naman si Ivan. Sina Chad, Duncan at Benjo ay nagkatinginan.
“Neri,” tawag ni Reed at ibinigay niya ang bulaklak. Tinanggap iyon ni Neri nang buong puso.
Nandito na si Neri pero si Ellie, nasaan?
“Little sister, puwede bang ‘wag kang magtago sa likuran ko? Magpakita ka sa kanila,” ang sabi ni Neri sa kapatid. Nagtatago pala sa likuran niya si Ellie.
“Ate, ayoko,” pagmamatigas ni Ellie.
“Lumabas ka na!” hinila niya ang kapatid at ang grupo ay nagulat sa ayos nito.
Madalas kasi nilang makitang naka palda si Ellie, naka long sleeves o ‘di kaya'y three-fourths, ngunit ngayon ay iba. Sina Chad at Duncan, ang unang tiningnan ay ang hita niya. Ang kinis! Pareho namang natulala sina Ivan at Benjo.
“Bestfriend, ang ganda mo,” puri ni Benjo, nakanganga pa nga.
“Maganda talaga siya dahil mana siya sa akin, no!” pagmamalaki ni Neri. “O ano? Tititigan ninyo na lang ba si Ellie? Baka may gustong mag-drive ng kotse, tara na!”
Si Duncan ang nagmaneho. Sina Ivan at Benjo, sa harap pinasakay ni Reed. Para nga naman walang away. Sina Ellie, Chad, Reed at Neri ang nasa likuran. Panay nga ang pakikipag tsikahan ni Chad kay Ellie at pasimpleng ginigitgit si Reed para mapalapit ito kay Neri.
Naiinggit nga si Benjo kay Chad at pansin niyang panay ang tingin ni Ivan sa rear view mirror ng kotse. Para na rin siguro makita si Ellie.
“Ang daya…” iyan ang pumasok sa isip ni Benjo.
Nakarating na sila sa lugar at nag-unahan pa sina Ivan at Benjo para pagbuksan ng pinto si Ellie. Si Benjo ang nauna pero kay Ivan naman ito sumama. Napakamot tuloy siya ng ulo.
Nag-uumpisa na ang concert nang sila’y dumating. Napakaraming tao. Halos lahat talaga ay nakaitim, mga certified rakista. Lahat may kani-kaniyang ginagawa. May nagsasayawan, nagtatawanan, nagkakantahan, nag i-slam-an. ‘Di naman nagpahuli ang grupo, nakisabay rin sila. Wiling-wili si Benjo. Si Neri nga, akalain mong fan din pala ng The Scavengers.
Hindi ito ang kapaligiran na kinasanayan ni Ellie pero sinubukan niyang makibagay. Matapos ang ilang kanta, kinalabit niya si Ivan at sinenyasang lumabas. Medyo nakalalayo na sila nang mapansin sila ni Benjo. Sumunod ito sa kanila.
Sariwang hangin ang nalanghap ni Ellie pag labas nila.
“Ok ka lang, Ellie?” tanong ni Ivan.
“Ok lang,” sagot niya at tumawa siya. “Haha! Sobrang ingay sa loob. Pero masaya kasi maraming tao ang kumakanta, enjoy na enjoy sila!”
“Upo tayo,” yakag ni Ivan.
Umupo sila sa batong upuan, magkalayo nang kaunti. Si Ivan sa kaliwa at si Ellie naman sa kanan. Malamig ang simoy ng hangin. Pansin ni Ivan na giniginaw si Ellie kaya ipinatong niya ang kanyang jacket. Namula ang dalaga at nagpasalamat.
“Mukhang nagkabati na sina Reed at Neri ha,” ang paksang binuksan ni Ivan para naman may mapag-usapan.
“Ha? Magkagalit ba sila?” pagtataka ni Ellie.
“Hmm. Parang ganun na nga. Teka, ‘wag mong sabihing hindi mo alam?”
“Ang ano?” pag-uusisa ni Ellie. Wala talaga siyang ideya.
“‘Di ba? Sila dati tapos nag-break sila?” ang walang patumpik na sabi ni Ivan.
“Hindi nga?” nasurpresa si Ellie. “Wala naman siyang sinasabi sa amin. Ang sabi niya pa, huwag daw akong maglilihim pero siya pala ‘tong naglilihim,” may kaunting tampo siyang naramdaman.
Maaliwalas ang langit. Napakarikit ng mga bituin at ang ilaw sa paligid ay para bang kumikislap sa malayo. Tumingin sila pareho sa kalangitan.
“Ang ganda…” ang narinig na salita ni Ellie mula kay Ivan.
“Oo, ang ganda ng mga bituin,” tugon niya.
“Hindi. Ikaw ang maganda, Ellie…”
Napatingin siya kay Ivan at nakita niya ang nakangiting mukha ng binata.
“Mukhang sa buong buhay ni Neri, ngayon lang siya hindi nagalit sa akin. Dahil ba sa iyo kung bakit ganoon?” tanong nito.
Hindi nakapagsalita si Ellie. Nakatingin lang siya kay Ivan. Dahan-dahang lumalapit ang kamay ni Ivan sa kanyang kamay na nakapatong sa kanilang inuupuan at nahawakan na nga nito ang kamay ng dalaga.
“Ivan…” sambit ni Ellie.
“Sshh.” Lumapit si Ivan sa kanya, “Alam mo, ngayon lang ako nakaramdam ng kakaibang kasiyahan… nang makilala kita…”
Hinawakan niya ang baba ni Ellie at inilapit ang kanyang mukha. Pinikit ng dalaga ang kanyang mga mata at kasabay ng paglitaw ng napakagandang fireworks ay ang pagdampi ng kanilang mga labi. Napakagandang tanawin. Dalawang pusong nagmamahalan… At kung nakapagsasalita nga lang ang kanilang mga puso, malamang ay nasabi na nito ang nararamdaman ng bawat isa.
“Mahal kita, Ellie…”
“Mahal din kita, Ivan…”
Saksi ang langit, mga bituin, mga ilaw sa paligid, ang kanilang inuupuan at higit sa lahat, si Benjo. Halos madurog ang kanyang puso at ang galit na nararamdaman niya ay higit pa sa sumabog na paputok. Ang babaeng mahal niya… Wala na… Wala na…
Tumakbo siya. Malayung-malayo at nang siya’y madapa, tumulo ang kanyang mga luha.
“Bakit? Bakit si Ivan pa?” ang tanong na sumagi sa kanyang isip.
Sinuntok niya ang patag na sementong kanyang kinauupuan. Tumigil din siya, pansin niyang mukha lang siyang tanga sa ginagawa niya at isa pa, dumugo na kasi ang kamay niya.
“Shit, ang sakit,” sabi niya sa sarili.
Tumayo siya at bumalik na parang walang nangyari.
***
No comments:
Post a Comment