***
The Concert
Nagising si Benjo isang umaga na may katabi nang concert ticket ng ‘The Scavengers’, ang sikat na rock band ng taon. Dali-dali siyang bumangon at bumaba. Nag-aalmusal na sina Reed at ang tita niya.
“Kuya Reed, sa iyo galing ito?” tanong niya, masayang-masaya.
“Halleer? Alangan namang kay Santa.”
“Wow! Buti nakakuha ka. Magkano?”
“Bayad na iyan.”
“Parang nagtatanong lang naman e!”
“Kumain ka na muna Benjo, mamaya na iyang ticket-ticket na iyan,” saway ng tita niya.
Naglalaro ng skateboard sina Chad at Duncan nang magpunta sina Reed at Benjo sa lugar nila. Ganoon din ang reaksyon nila, gaya ng kay Benjo, nang iabot ni Reed ang ticket.
“Benjo, maiiwan ka ba rito?” tanong ni Reed. “Pupunta ako kay Ivan, ibibigay ko ‘tong isa.”
“O sige, magpapakitang gilas muna ako. Yabang nitong dalawang ito, kala mo sila lang marunong mag-skateboard,” ang tinutukoy niya ay sina Duncan at Chad.
Pinuntahan na nga ni Reed si Ivan. Napakamot ito nang ibigay ni Reed ang ticket.
“Pre, wala na akong pera.”
“Sus, bayad na iyan. O ito pa,” inabot niya ang isa pang ticket.
“Bakit dalawa?” tanong ni Ivan.
“Lumapit ka sa’kin, pre,” utos ni Reed. At ibinulong niya, “Ibigay mo yung isa kay Ellie.”
Namula ang mukha ni Ivan, “Kay Ellie? Bakit?”
“Asus si ‘van kunwari pa. Kala mo ha! Nabasa ko kaya yung nilagay mong CRUSH dun sa autograph na pinasagutan ni Chad. Ang initials e S.L.E. stands for San Luis Eliza,” tamang hinala ni Reed.
“Ha? Hindi a!” tanggi ni Ivan.
“Palusot! Yung nilagay ko kaya S.L.N., San Luis Nerissa.”
Tumawa silang dalawa.
“Haha! Uy pre, ‘wag kang maingay ha?” pakiusap ni Ivan.
“‘Di nga, ‘van? Si Ellie talaga?”
Nahihiya pa si Ivan, “Ahehe! Oo!”
“Haha! Oo-oo ka pa riyan, yari ka kay Benjo!”
“Bakit, anong masama? Crush lang naman ha?”
May pasok na naman at natapos ang practice sa choir. Hinabol ni Ivan si Ellie nang makita niyang nakalalayo na ito.
“Ellie!” tawag niya.
Nilingon siya ni Ellie at nagtanong, “Bakit?”
Kinuha niya ang ticket na nasa loob ng kanyang bag at ibinigay kay Ellie. Binasa ni Ellie ang nakasulat, “The Scavengers, Live. Ano ito?”
“Imbitahin sana kitang manood ng concert.”
“Ay naku, ayaw ko ng ganito,” tanggi ni Ellie. Binabalik nga niya ang ticket kay Ivan.
“Dali na, minsan lang naman ito. Tingnan mo, sila yung Rock Band of the Year. Safe naman ang concert saka for sure mag e-enjoy tayo rito.”
Nagdadalawang-isip pa si Ellie pero pumayag na rin naman siya, “Hmm. Sige na nga.”
“Talaga? Aasahan ko iyan ha! Dadaanan na lang kita sa inyo. Thanks, Ellie.”
Samantala ay hawak pa rin ni Benjo ang ticket. “May extrang ticket pa kaya si Kuya Reed? Ano kaya kung imbitahin ko si Ellie?” tanong niya sa sarili ngunit naalala niya ang napag-usapan nila dati.
“Pero puwede ba kitang yayaing manood ng concert?”
“Ayoko. Delikado pag nagkaroon ng stampede.”
“Ay, ‘di nga pala papayag yun.”
Pumasok si Ellie sa classroom dala ang ticket ng The Scavengers.
“Meron ka rin niyan, Ellie?” gulat na tanong ni Benjo.
“A, oo.” Umupo ito. “Binigay ni Ivan.”
Sumimangot si Benjo, “Pupunta ka?”
“Syempre magpapaalam muna. Pag pinayagan, pupunta ako. Pag hindi, edi hindi.”
“E akala ko ba ayaw mo manood ng concert? ‘Di ba sabi mo sa akin dati?”
“Safe naman daw sabi ni Ivan.”
“Ivan! Puro na lang Ivan!” bulong ni Benjo.
“May sinasabi ka, Benjo?”
“Wala!”
Nasa cafeteria si Neri gayundin si Reed. Naghahanap ng tiyempo ang binata. Gusto niya kasing ibigay ang isa pang ticket kay Neri. Nang dumaan ang waiter ay kinalabit niya ito.
“A excuse me, brad. Pakibigay naman ‘to dun sa babaeng yun.” Tinuro niya si Neri, “Ayun o, yung may earphones. Pakisabi pinabibigay ni Reed pogi.”
Kinausap na ng waiter si Neri. Tumayo ito sa kinauupuan at papalapit na kay Reed. Tagaktak ang pawis ni Reed.
“Naku po! Ayan na siya!” ang nasa isip ng binata.
“Hoy, Reed pogi!” tawag ni Neri. Tumingin si Reed sa kanya. “O ito,” binigay niya ang P200, ang mismong halaga ng ticket.
Napatayo si Reed sa kinauupuan, “Pupunta ka?”
“Natural.”
“A. E. ‘Wag mo nang bayaran!”
“Ayoko ng nililibre ako.”
“Susunduin kita. Puwede?”
“Bahala ka,” sagot nito at bumalik na sa kinauupuan.
“Yes!” sigaw ni Reed. Pasimpleng ngumiti si Neri.
Sa tahanan ng Pamilya San Luis. Naghahapunan sila nang magkasabay sina Ellie at Neri sa pagsabi ng tungkol sa concert.
“Ma, pa, puwede po ba akong manood ng concert?” tanong ni Ellie. “Pa, ma, manonood ako ng concert,” sabi naman ni Neri. Nagkatinginan silang dalawa.
“Concert? What concert?” tanong ni Arthur.
“The Scavengers,” sabay na naman sila.
“Same concert huh? Yeah sure, the both of you can go,” pagpayag ni Leda.
“Sinong nagbigay ng ticket sa iyo?” pag-uusisa ni Neri.
“Si Ivan,” sagot ni Ellie.
“Hindi ka pupunta.”
“Ha? Bakit?”
“Because I said so!”
“Neri, ano ka ba?” pakikialam ni Arthur. “‘Di ba napag-usapan na natin ito?”
“Pero papa, lalabas siya kasama si Ivan!”
Pumasok si Aling Isabel sa kusina nang marinig niya ang pangalan ng anak.
“Look what you just did! You’re making the people here so upset. Gustong manood ni Ellie ng concert and you cannot stop her!” galit na sabi ni Arthur.
“Fine!” tumayo si Neri at umakyat papunta sa kuwarto.
“Pagpasensyahan mo na ang ate mo. Kung bakit siya galit kay Ivan… Better ask her about that,” mahinahong sabi ni Arthur kay Ellie.
“Dahil ba kay Trish?” tanong ni Ellie nang pumasok siya sa silid ni Neri.
Tumango si Neri at umiyak na parang bata, “Alam mo na pala, little sister.”
“Napag-usapan kasi namin ni Ivan. Alam mo ate, ‘di naman niya kasalanan e! Nawala si Trish kasi inilayo siya ng mga magulang niya.”
“Dahil nga sa kanya yun!” pilit ni Neri.
“Nagkakaganyan ka kasi ‘di mo na nakakasama ang bestfriend mo and you’re missing her. Pero ang tanong: Bakit hindi ka man lang niya kinocontact? Wala siyang pagpaparamdam for how many months. Hindi ka dapat magkaganyan, ate, because you still have Marcus and you still have ME!
“Try to be friends with other people at kalimutan mo na iyang galit mo kay Ivan. Wala naman siyang ginawang masama. Minahal lang niya si Trish at ayaw ng mga magulang ni Trish sa kanya, so inilayo nila si Trish. Nakanino ang problema? Nasa kanila at hindi kay Ivan, ‘di ba? Kasi you know what ate, the more na magagalit ka kay Ivan, the more na malulungkot ka. Sana naaabsorb mo lahat ng mga sinasabi ko.”
Iyak nang iyak si Neri. Yumakap siya kay Ellie, “Sorry, Ellie… Sorry…”
Hinaplos ni Ellie ang buhok ng kanyang kapatid, “O sige, tama na ang iyak, ate. Hindi ka naman ganyan dati. ‘Wag ka nang magalit, ok?” Tumango si Neri at pinahid ang mga luha.
Araw na ng concert. Maaga pa pero bihis na ang magkapatid.
“What’s that?” tanong ni Neri na para bang nandidiri nang makita ang suot ng kapatid. “Little sister, concert po ang pupuntahan natin, hindi simba.”
Mahabang palda at long sleeves na naman kasi ang suot nito. Tumingin si Ellie kay Arthur na kasalukuyang umiinom ng tsaa.
“Better listen to the fashion guru, Ellie,” payo ni Arthur.
Hinila ni Neri ang kapatid, “Halika, little sister.” Umakyat sila sa kuwarto. Nilabas niya ang ilang damit. Kulay itim, yun daw kasi ang motif sabi niya. “O ayan, mamili ka riyan.”
“Ate, hindi naman ako nagsusuot ng ganito.”
“Pwes ngayon, magsuot ka na! Ngayong gabi lang naman. Moderno na ang panahon ngayon at ang istilo ng pananamit mo ay kapanahunan pa ng mga ninuno natin. Mamili ka riyan,” sabi niya habang sinasalansan ang mga damit.
Matapos ang isang oras at kalahating pag-aayos, ito na ang bagong Ellie. Natulala si Arthur. Napangiti naman sina Leda at ang nagwawalis na si Aling Isabel.
“Ang ganda niya, ano? Manang-mana sa ate,” sabi ni Neri na abot tainga ang ngiti.
Hiyang-hiya si Ellie sa suot niyang maong na shorts, black t-shirt at rubber shoes. ‘Di naman kasi siya nagsusuot ng ganito. Naka ponytail siya, may kaunting make-up at lip gloss. Pinatanggal ni Neri ang kanyang salamin. ‘Di naman kasi talaga malabo ang mga mata niya. Pinagsuot din siya ni Neri ng hikaw at singsing.
“Ok lang ba ang suot ko?” tanong ni Ellie.
“Ay naku, ‘nak! Ok na ok!” pagsang-ayon ni Arthur. “Thanks, fashion guru,” pagpapasalamat niya kay Neri.
“Welcome. Ok bye, aalis na kami,” paalam ni Neri.
Magkahawak kamay sina Neri at Ellie na lumabas ng bahay.
***
No comments:
Post a Comment