***
Farewell and Hello
Ilang araw na lamang ay Second Semester na kaya't ang mga araw na nalalabi ay sinusulit ng bawat isa para makapagpahinga at gumala.
Sinubukan ni Reed na suyuin uli si Neri. ‘Di naman siya nabigo sapagkat gaya nga ng sabi ni Neri, mahal niya pa rin si Reed. Nag-usap ang magkapatid tungkol dito.
“Alam mo ba, little sister... nililigawan ako uli ni Reed!” kinikilig na sabi ni Neri nang nag-usap sila ni Ellie sa kanyang silid. Patulog na sila nun.
“Talaga, big sister? Nakakatuwa naman!” halata ang pagkatuwa sa tono ni Ellie.
“E kayo ni Ivan, kumusta?”
“Kami ni Ivan? Bakit, ano bang meron sa amin ni Ivan?” pa-inosenteng tanong ni Ellie.
“Kunwari ka pa! E yung mga pagpunta-punta niya rito, nakakaduda na tapos ako pa ang tatanungin mo kung anong meron sa inyo?!” Natahimik si Ellie. “O bakit parang natahimik ka yata?” pansin ni Neri. “Uyy! Guilty siya!”
Ngumiti si Ellie, “Ate, magkaibigan lang po kami ni Ivan at saka mas priority ko ang pag-aaral ko. Mas mahalaga yun kaysa love life.”
Kaibigan, talaga lang ha? Pero natanong niya rin kay Neri ito: Paano mo ba malalaman pag in love ka na?
“Paano malalaman pag in love na?” ulit ni Neri. “Ewan!” tumawa siya. “Alam mo, mahirap kasing malaman kung in love ka na. Minsan, akala mo in love ka na sa isang tao tapos marerealize mong hindi pala. Minsan naman, sinasabi mong hindi mo siya mahal, yun pala mahal mo talaga siya. Ellie, ang pag-ibig basta-basta na lang dumarating iyan. Ang pag-ibig ay parang isang bulaklak: dahan-dahang umuusbong at bumubuka sa tamang pagkakataon.”
Ang mga salitang iyon ang tumatak sa isip ni Ellie dahilan upang magkaroon siya ng pagdududa sa nararamdaman niya kay Ivan.
Second Semester. Isang panibagong hamon para sa mga estudyante. Ang nakalulungkot nga lang ay mayroong ibang huminto na sa pag-aaral, may ilang nag-shift ng course at ang iba naman ay lumipat na ng paaralan.
Ang kaibigan ni Neri na si Marcus ay pumunta na sa States para doon na mag-aral. Labis na ikinalungkot ni Neri iyon. Wala na nga si Trish, pati ba naman si Marcus? Ang sabi pa ni Marcus ay hahanapin niya si Trish sa States, iyan ay kung naroon nga si Trish.
Sa klase naman nina Ellie, ang dating apatnapu ay nabawasan ng sampu. Iniisip niyang pang labing-isa na si Benjo. Anong oras na kasi ay wala pa rin ito. Tinetext niya, hindi naman nagre-reply.
Nag-abang siya sa labas ng kanilang silid-aralan at ayun si Benjo, natatanaw niya na! Tumakbo siya palapit dito at niyakap ang kaibigan.
“Namiss kita ha!” malugod niyang sinabi. Tuwang-tuwa naman si Benjo, nakascore na naman siya kay Ellie. Haha!
Mayroon ngang umalis pero mayroon din namang bumalik. Gaya na lamang ni Lex na matapos ang ilang buwang pagpapagaling dahil sa natamong sugat at baling buto mula sa “misteryosong” bumugbog sa kanya ay ayan, ang aga-aga humihithit na naman ng sigarilyo.
“Namiss ko ang eskwelahang ito,” aniya nang siya'y magbalik.
Hindi mawawala sa Unibersidad ang sari-saring ingay. Kani-kaniyang kuwentuhan, balitaan at bulung-bulungan.
“O talaga? Nandito na uli siya?”
“Hindi nga? Akala ko ba...”
“E ano bang nangyari? Bakit bigla siyang nawala?”
Heto si Ivan dala ang kanyang gitara. Pasipol-sipol pa nga siya at may dalang pulang rosas. Sinabi niya kasi kay Ellie na ito ang magiging tanda ng pormal na panliligaw niya.
Naglalakad siya nang may bigla na lamang tumakip sa kanyang mga mata. Si Trish lang ang gumagawa ng ganoon sa kanya pero imposible naman. Ni hindi nga nito magawang magparamdam.
“Reed, walang ganyanan,” sabi niya sa pag-aakalang si Reed yun, ginu-good time siya.
Kinapa niya ang kamay nito at may naramdaman siyang isang singsing. Tinanggal niya ang kamay nito mula sa pagkakatakip sa kanyang mga mata at nang humarap siya patungo rito, isang babae ang kanyang nakita.
Inisip niyang panaginip lang ito, pero hindi. Nakita uli niya ang mala anghel na mukha nito —ang mukhang madalas niyang makita sa kanyang mga panaginip noong bakasyon...
Narinig uli niya ang hikbi na matagal niya nang hindi naririnig at ang English accent na pamilyar sa kanya...
“Ivan,” tawag nito. “I missed you.”
Naramdaman uli niya ang init ng yakap na matagal niya nang hindi nararamdaman...
Hindi siya maaaring magkamali. Sa may pagkakulot nitong buhok, ang makinis na kutis, sleeveless na pang-itaas at mini skirt, sandals na mamahalin, bag na Louis Vuitton, imported na pabango, dangling earrings at suot na singsing, mula ulo hanggang paa ang babaeng ito ay walang iba kundi si...
“Trish,” sambit niya at nabitawan niya ang hawak na bulaklak, ang bulaklak na ibibigay niya sana kay Ellie.
***
No comments:
Post a Comment