My Hero
Tumakbo sila palayo —palayo sa ingay ng tugtugan sa loob ng Unibersidad.
“Number... Number ni Trish ito...” sambit ni Ivan. Halata ang pag-aalala niya sa dating kasintahan ngunit nangingibabaw pa rin ang pag-aalala niya kay Ellie.
“Sagutin mo!” utos ni Reed. Maski siya ay natetensyon.
Sinagot ni Ivan ang tawag, “Hello?” at narinig niya ang boses ng isang lalaki sa kabilang linya.
“Hi there! You’re Ivan? Trish’s ex boyfriend?” si Harold Lim. Tumawa ito, “Hahaha! Hawak ko si Trish at may isa pa nga siyang kasama, magandang babae rin. Gusto mo silang iligtas?”
“Huwag mo silang sasaktan!” may galit sa tinig ni Ivan.
“Woah! Nakakatakot ka ha! Kung gusto mo pang makitang buhay ang dalawang babaeng ito, pumunta ka rito sa lumang bodega sa likod ng Yin Yang Chinese Restaurant. I’ll be waiting for you at huwag na huwag kang magkakamaling magsumbong sa mga pulis kung ayaw mong may mangyaring masama sa kanila.”
Naputol na ang linya. Ibinulsa na ni Ivan ang cell phone niya.
“Anong sinabi, Ivan? Nasaan si Ellie? Nasaan ang bestfriend ko?” tanong ni Benjo, natetensyon din.
“Sa lumang bodega sa likod ng Yin Yang Chinese Restaurant, naroon sina Ellie at Trish.”
“Tumawag tayo ng mga pulis!” mungkahi ni Neri. Pilit siyang pinapatahan ni Reed.
“Huwag Neri,” salungat ni Ivan. “Maaaring saktan niya sina Ellie at Trish! Ang bilin niya’y huwag magsumbong sa mga pulis.”
Seryoso si Ivan. Bakas sa kanyang mukha ang takot at pangamba. Ngayon lang siya nakaranas ng ganitong bagay, para bang eksena sa pelikula ngunit sino ang una niyang ililigtas? Si Ellie ba o si Trish?
“Aalis na ako,” pagpapaalam niya.
“Teka, sira na ba ang ulo mo?” tanong ni Lex. “Ako nga muntik nang mamatay sa ginawa nila tapos ikaw, mag-isa kang lalakad at pupunta roon? Anong tingin mo sa sarili mo, superhero?”
“Wala akong pakialam kung anuman ang mangyari sa akin. Ayaw kong madamay pa kayo rito. Kahit mapatay man ako o anuman, ang mahalaga’y makita ko si Ellie at gagawin ko ang makakaya ko mailigtas lang siya kahit buhay ko ang maging kabayaran nito!”
“Isama mo ako!” pakiusap ni Benjo.
“Benjo, hindi puwede! Baka mapaano ka,” pagtutol ni Ivan.
“Bahala na si Batman! Patay na kung patay, wala akong pakialam at gaya mo, gusto kong iligtas si Ellie!”
“Ivan, isama mo rin ako. Hindi kami yung tipong iiwan at pababayaan ka na lang sa laban,” sabi ni Reed. Kahit tutol si Ivan ay napilitan tuloy siyang isama ang magpinsan. Hinati ni Reed ang grupo, “Lex sumama ka sa amin nina ‘van at Benjo. Chad at Duncan, maiwan kayo rito. Bantayan ninyo si Neri.”
“Reed, sasama ako!” pagpupumilit ni Neri.
“Hindi Neri, dito ka lang. Ililigtas namin ang kapatid mo, huwag kang mag-alala. Tumawag kayo ng pulis pag nararamdaman ninyong may nangyayari nang hindi maganda.”
“Pero paano namin malalaman yun?” tanong ni Chad, imposible naman sigurong malaman nila iyon.
“Basta, malalaman ninyo yun. Maniwala kayo sa instinct,” biruin mong si Reed ay may nalalaman pang pa instinct-instinct.
Niyaya na ni Reed sina Ivan, Benjo at Lex, “Tayo na, mga pre!” at sinabihan niya si Ivan, “Huwag kang mag-alala, ‘van. Kami ang magiging back-up mo sakaling naiipit ka na.”
Sa lumang bodega. Nakagapos ang mga kamay nina Ellie at Trish sa isang bakal na tubong nakakabit sa pader.
“This is all my fault. All my fault...” usal ni Trish. “Ang walang hiyang Harold na yun! Bakit ba pinagkatiwalaan ko pa siya?”
“Huwag mo nang sisihin ang sarili mo, Trish, dahil wala rin namang magagawa iyan. Mas mabuti pa ay mag-isip na lang tayo ng paraan kung paano tayo makakatakas dito.”
“And how can we do that kung nakatali ang mga kamay natin?”
“Basta isipin nating makakaalis tayo sa lugar na ito,” pilit na kumakawala si Ellie sa pinagkakatalian niya.
Dumating si Harold. “Huwag kayong mag-alala, tinawagan ko na ang hero ninyo. Thanks to your cell phone, Trish.” Tumingin siya sa kanyang relo, “Maybe any minute ay dumating na siya at pagkatapos...” Nilabas niya ang kanyang baril at itinutok kay Trish, “Bang!”
“Aaah!” sigaw ni Trish sa pag-aakalang babarilin siya ni Harold.
Tumawa ito nang pagkalakas-lakas, “Hahahahaha! I want you to witness the death of your ex boyfriend, Trish, at pagkatapos, ikaw naman ang isusunod ko.”
“You’re a demon, Harold!” sigaw ni Trish. “Kung may dapat mamatay rito, ikaw yun!”
“In case I die, I’ll bring you with me. Alam mo namang gusto kitang palaging kasama.” Umalis si Harold na tumatawa, parang isang baliw.
Alalang-alala naman si Ellie, “Ivan, nasaan ka na ba?”
Sa labas. Narito na ang apat: sina Ivan, Benjo, Reed at Lex. Sina Reed at Lex ay may dalang tubo at ilang pamalo samantalang tanging kamao lang ang sandata nina Ivan at Benjo. Pumasok na sila sa lumang bodega. Madilim dito. Nagulat na lamang sila nang biglang sumindi ang isang bumbilya at sa kanilang harapan ay ang apat na lalaki, mukhang walang mga sandata ngunit nang hubarin ng mga lalaking iyon ang damit pang-itaas nila ay tumambad ang mga bruskong katawan ng mga ito. Ano naman kaya ang panama ng mga binata e ang katawan nila ay patpatin lamang? Si Reed nga lang yata ang may abs sa kanilang apat.
“Buti na lamang at nanonood ako lagi ng laban ni Manny Pacquiao, ginagaya ko ang ilang moves niya,” nakuha pang magbiro ni Benjo.
Nagpatunog ng buto sa kamay ang isa sa mga lalaking tinagurian ni Lex na “tuta ni Harold” at nagsimula na ang bakbakan. Salamat sa tubo, pamalo at moves ni Manny Pacquiao, napatumba nila ang apat na lalaki. ‘Di nagtagal ay nahanap na ng apat ang kinaroroonan nina Ellie at Trish.
Kinausap ni Ivan ang tatlo. “Walang nagbabantay. Dito na lang muna kayo,” sabi niya. “Magtago kayo. Ako muna ang susugod baka kasi kung sabay-sabay tayo, may biglang lumitaw na kung sino man at manganib ang buhay nating apat. Lalo tayong mawawalan ng pagkakataon upang iligtas sina Ellie at Trish. Hintayin ninyo ang signal ko.”
Pumayag naman ang tatlo sa gustong mangyari ni Ivan. Humiwalay na ito at ang tatlo ay nagtago. Kakaunting liwanag lang ang makikita sa paligid.
“Ellie!” pabulong na sigaw ni Ivan.
Kitang-kita ang kasabikan sa mukha ni Ellie nang lapitan siya ni Ivan upang kalagan ngunit habang kinakalagan siya ay dumating si Harold.
“Hi there, Ivan!” sabi nito, nagawa pang bumati. Biglang sumindi ang mga ilaw at lumiwanag ang buong paligid.
Napatigil si Ivan sa kanyang ginagawang pagkalag kay Ellie at siya’y lumayo nang may nakitang baril na nakasuksok sa tagiliran ni Harold.
“Bakit naman inuna mo pa siya,” sabay kiling ng ulo kay Ellie, “kaysa kay Trish?”
“Wala ka nang paki dun! Hayop ka!” pagngingitngit ni Ivan. Inapakan niya ang paa ni Harold sabay suntok sa mukha nito na ginantihan din ni Harold ng suntok.
Nagsuntukan silang dalawa. Walang magawa sina Ellie at Trish at patuloy lamang sa pagsigaw. Ang tatlong kasama naman ni Ivan ay hindi makakilos. Hindi pa kasi nito binibigay ang hudyat. Naglaban sina Ivan at Harold hanggang sa ibinigay na nga ni Ivan ang buo niyang lakas at inilapat sa huling beses ang kanyang kamao sa mukha ni Harold na nakapagpatumba rito.
Ibinigay na ni Ivan ang hudyat at tinawag ang mga kasama niya, “Benjo, Reed, Lex!” Dali-daling lumapit ang tatlo at tinulungan si Ivan na kalagan ang dalawang babaeng bihag. Matapos ay sinabihan ni Ivan sina Reed at Lex, “Reed, Lex, kayo na ang maglabas kay Trish. Madali kayo!”
Nasa mabuting kamay na sina Ellie at Trish na talaga namang ikinatuwa ng dalawang dalaga.
“Sinaktan ka ba niya?” tanong ni Benjo kay Ellie.
“Hindi, wala siyang ginawang masama sa akin maliban nga lang sa pagkuha ng cell phone ko,” sagot ni Ellie. Maluwag na ang kanyang pakiramdam.
“Tayo na!” yakag ni Ivan at nang aalis na sila ay narinig na lamang ni Benjo na may bagay na pumilantik.
Napahinto siya samantalang sina Ivan at Ellie ay naglalakad na, gayundin sina Reed, Lex at Trish na ilang pulgada lang ang layo sa kanila. Nang lumingon siya ay nakita niyang bumalik na ang ulirat ni Harold. ‘Di lang yun, nakatutok ang baril sa direksyon nina Ivan at Ellie!
“You’re going to die, Ivan!” bulong ni Harold.
Hindi alam ni Benjo ang kanyang gagawin. “Ivan!” sigaw niya. Napalingon sina Ellie at Ivan. Napahinto naman sina Reed, Lex at Trish nang marinig nila ang sigaw ni Benjo. Kinalabit na ni Harold ang gatilyo. Bang! At sa isang putok na ito ay may mga bagay na maaaring magbago, taong maaaring mawala. Ano ang mangyayari kay Ivan? Ito na ba ang kanyang magiging katapusan?
***
No comments:
Post a Comment