Sense of Danger
Natuwa ang instructor sa piyesang tinugtog ni Ellie.
“Napakaganda ng iyong tinugtog, Miss?” kinukuha nito ang kanyang pangalan.
“San Luis. Eliza San Luis po,” pinong sagot ni Ellie.
Lumabas na si Ellie sa Music Hall. Mangilan-ngilan na lang ang natira upang mag-audition. Dala ang kanyang gamit at ilang librong bitbit, napagpasyahan niya nang umuwi. Hindi niya alam na sa kanyang pag-uwi, isang panganib ang naghihintay.
Naglalakad na siya ngayon sa mahaba at maliwanag na daanang palabas ng Unibersidad. May mga nakahilerang puno sa gilid ng daanan na kung pagmamasdan mo ay parang isang kagubatan sa sobrang dami. Mga poste ng ilaw ang nagbibigay ng liwanag sa paligid. Ang mga poste ay may nakasisilaw na liwanag ngunit unti-unting nawala ang kinang ng mga bumbilya. Napahinto si Ellie. Maya-maya, isang liwanag na nagmumula sa sinindihang sigarilyo ang kanyang nakita.
Isang malamig na boses ang kanyang narinig. “Good evening, Miss Beautiful,” anito.
Unti-unting sumindi ang mga bumbilya ng poste sa paligid at sa kanyang harapan ay tatlong lalaki. Ang aaskad ng mga hitsura. Si Lex ang naninigarilyo, ang dalawang lalaking kasama nito ay miyembro rin ng bandang Backstabbers. Ang isa pang taga patay-sindi ng ilaw ay hindi na nagpakita. Hinithit ni Lex ang sigarilyo at ibinuga ang usok.
“Bakit naman mag-isa kang naglalakad dito? Wala ka bang kasama pauwi?” tanong niya.
Alam naman nating prangkang tao si Ellie at sinagot niya si Lex, “Wala. Hmm. Kung may nakikita ka namang kasama ko, congrats sayo, may third eye ka.”
Ngumisi si Lex, “Nagpapatawa ka rin, ano? Alam mo bang delikado ang gumala ng ganitong oras dito sa University? Marami kasing gago rito.”
“Gaya naman nino? Gaya mo?”
Tinapon ni Lex ang kanyang sigarilyo. “Ayos ka ring babae ka ha! Naaalala ko tuloy sa iyo yung aking best enemy.” Dahan-dahan siyang lumapit kay Ellie. “Nakita kita kanina, kasama mo si Benjo, kaanu-ano mo siya?”
“Kaklase ko,” sagot ni Ellie. Iyon lang naman kasi ang relasyon nilang dalawa ni Benjo.
“A talaga?” Umiling si Lex, “Hindi ako naniniwala.” Naglabas siya ng patalim na sadyang ikinagulat ni Ellie. “Siguro ay girlfriend ka ni Benjo.”
“H-Hindi,” umiling si Ellie.
“Alam mo bang may atraso ang pinsan niya sa akin?”
“A-Ano naman ang kinalaman ko dun?” may panginginig sa tinig ng dalaga.
“Ang sa akin lang ay gusto kong dispatsahin ang lahat ng mahal nila sa buhay!” Itinutok bigla ni Lex ang patalim sa mukha ni Ellie!
“Ahh! Tulong!!!” sigaw ni Ellie. Tumakbo siya palayo ngunit nahila ni Lex ang kanyang buhok. Nabitawan niya ang dala niyang mga libro. Nasa mga bisig na siya ni Lex, ang kanang braso nito ay nakalapat sa kanyang liig. Takot na takot siya sa hawak na patalim nito.
Umiiling-iling si Lex, “Sayang maganda ka pa naman kaso, hindi ko gusto ang tabas ng dila mo.”
Biglang namatay ang mga ilaw sa poste. Sinundan iyon ng isang malakas na kalabog. Maya-maya’y naramdaman ni Ellie na may humila sa kanya.
“Bilis!” boses ng isang lalaki.
Nakahawak si Lex sa kanyang ulo. Hinihimas-himas niya ito at para siyang nahihilo. “Ano… Anong nangyari?” tanong niya.
“Hindi namin alam,” sagot ng kanyang mga kasama. Ang tatlo ay walang makita sa dilim.
“Mga pulpol! Habulin ninyo!” utos ni Lex. Mahilo-hilo siya. Kumilos na ang dalawa niyang kasama.
Mabilis na tumakbo sina Ellie at ang taong humila sa kanya. Lumiko sila at nagtungo papasok sa maraming punong nasa paligid.
“Dito tayo!” humahangos ang lalaki.
Nagtago sila sa isang puno. Sa kanilang posisyon, napakalapit nila sa isa’t isa at halos naririnig na ni Ellie ang paghinga ng kanyang kasama. Sa ‘di kalayuan naman ay naririnig niya ang usapan ng mga humahabol sa kanila.
“Nasaan na?” tanong ni Lex.
“Nakatakas na. Wala na. Nakatakas na,” sabi ng isa.
“Mga bobo! Wala talaga kayong tulong sa akin!”
Niyakap si Ellie ng kanyang kasama at naramdaman niya ang init ng katawan nito. Bumilis ang tibok ng puso ni Ellie. Nang wala nang ingay, lumabas na sila sa kanilang pinagtataguan. Maliwanag na uli sa paligid. Nang matiyak na wala na ang grupo ni Lex, malugod na ibinalita ng kasama ni Ellie ang,
“Wala na sila, ligtas ka na.”
At nang tumingin ang kasama ni Ellie sa kanya, nagulat siya, “Ikaw?!” Magkahawak pa sila ng kamay nun ha! “Bitawan mo nga ako!” utos ni Ellie.
Binitawan agad ni Ivan ang kamay niya. “Alam mo kahit kailan, napakasungit mo talaga!”
“Wala kang paki! Uuwi na ako!” sabi ni Ellie at uuwi na nga talaga siya. Pinigilan siya ni Ivan, hinawakan siya nito sa kamay, malapit sa kanyang pulso.
“Mag-isa ka lang? Kaya ka napapahamak e! Alam mo namang maraming loko rito tapos babae ka pa, hindi ka ba natatakot?”
Unti-unting pumatak ang mga luha ni Ellie. Nataranta si Ivan, “O miss, teka, hala! Umiiyak na!”
Sa malapit na restaurant sila nagpalipas ng oras.
“Wala bang masakit sa iyo? Wala ka bang sugat?” tanong ni Ellie kay Ivan.
“Walang na-damage sa akin maliban sa gitara ko. Pinukpok ko kasi sa ulo ng walang hiyang Lex na yun. Ikaw, ok ka lang ba?”
“Ayos lang naman ako. Kaso ang mga libro ko…”
“Ano ka ba naman, miss! Mamamatay ka na nga lang, libro pa rin ang nasa isip mo!”
“At sino namang nagsabing mamamatay ako?” pagalit na tanong ni Ellie, tumulo na naman ang mga luha niya.
“Oops! Sorry…” paumanhin ni Ivan.
‘Di nagtagal, lumabas na sila sa restaurant. Siguro naman ay ligtas na silang pareho sa lugar na ito. Si Ivan ang unang nagsalita, “O paano, gabi na, umuwi ka na baka hinahanap ka na sa inyo at ako naman, siguradong hinahanap na ako ng mga kapatid ko.”
“Salamat nga pala sa pagtulong mo sa akin. Kung ‘di ka siguro dumating…”
“O huwag ka nang umiyak, miss, ha?”
Tumango si Ellie, “Oo.” Kumuha siya ng pera sa kanyang pitaka, “Ito nga pala. Bayad ko sa nasirang gitara mo.”
Tumanggi si Ivan, “Huwag na. Basta umuwi ka lang ng ligtas ngayong gabi, sapat nang kabayaran yun.”
“Umuwi ka lang nang ligtas ngayong gabi, sapat nang kabayaran yun.” Naantig talaga si Ellie sa sinabing iyon ni Ivan. Napangiti siya.
“A ako nga pala si Ivan,” pagpapakilala ni Ivan. “At ikaw?”
“Ellie,” sagot ni Ellie. Nag-shake hands ang dalawa.
“Sige na, ingat ka,” sabi ni Ivan.
Naghiwalay na sila at naglakad. Si Ellie sa kanan, si Ivan sa kaliwa. Pero huminto si Ellie.
“Ivan,” tawag niya. Nahihiya pa nga siyang banggitin ang pangalan ni Ivan. Huminto si Ivan. “Paano mo nga pala—” Hindi pa tapos si Ellie sa kanyang tanong ay sumagot na si Ivan.
“Narinig kitang tumugtog ng piano kanina. Nag-audition rin kasi ako sa choir. Yung tinugtog mo kasi, yun din ang madalas tugtugin ng isang taong napakahalaga sa akin. Pero wala na siya,” malungkot ang tinig niya. “Sinundan kita mula noong lumabas ka ng Music Hall. Nakita ko ang ginawa ni Lex sa iyo kaya nga yung nagpapatay-sindi ng ilaw, hinanap ko at binanatan ko siya. Hehe! Ayun…”
“Salamat uli sa pagliligtas mo sa akin,” pagpapasalamat ni Ellie.
“Wala yun,” naglakad na si Ivan.
“A Ivan,” tawag uli ni Ellie. “Ang bilis mo palang tumakbo, ano? Kanina nga e muntik na akong madapa nung hinila mo ako,” hiyang-hiya siya at namumula ang kanyang mukha. Naglakad na siya palayo hanggang sa hindi na siya nakita ni Ivan.
Naalala bigla ni Ivan ang araw na nabunggo niya si Ellie.
“Sungit naman nun,” bulong ni Ivan. “Pasalamat siya, cute siya, sana makita ko uli siya. Hehe!”
At nakapulot nga siya ng Red Cross I.D.
“Red Cross. Eliza San Luis.”
Natupad naman ang hiling niya dahil simula noon, madalas na silang magkasalubong ni Ellie.
“Sino kaya siya?” iyon ang tanong na minsa’y sumagi sa isip ni Ivan at ngayong nagkakilala na sila, wala na siguro siyang mahihiling pa.
***
No comments:
Post a Comment